Dalgona Candy Review

Pasukin ang Exciting na Mundo ng Squid Game sa Pamamagitan ng Paglalaro ng Dalgona Candy

Isa ka rin ba sa mga tagahanga ng sikat na South Korean drama na Squid Game? Gusto mo rin bang maranasan kung paano maging isang manlalaro nito? Ang Squid Game ay patuloy pang humahakot ng milyun-milyong tagahanga sa buong mundo. Hindi mo talaga kasi gugustuhing malaktawan ni isa man sa mga nakaka-excite na episode nito. Ang palabas ay tungkol sa mga simple ngunit mapanghamong kompetisyon. Isa sa mga naging dahilan kung bakit naging  instant hit ito ay dahil naging tampok dito ang mga tradisyunal na larong pambata sa South Korea. Hindi naman nalalayo ang mga larong ito sa mga kinalakihan na natin. Sa Squid Game, hindi lang ito larong pambata – nakasalalay din dito kung ang isang manlalaro ba ay mabubuhay o mamamatay. Ang paglalaro ng Dalgona Candy ang pangalawang hamon sa naturang palabas. Maaaring bago at kakaiba para sa atin ang konsepto ng ganitong laro. Ito ay gumagamit ng kending gawa mula sa tinunaw na asukal at baking soda. Ang literal na ibig sabihin ng salitang “dalgona” ay matamis. 

Kung gusto mong subukan ang pagkasabik sa hatid na hamon ng Dalgona Candy game, hindi mo na kailangan pang magpakahirap sa paggawa ng kendi. Sa pamamagitan lamang ng bagong laro na inilabas ng Synthify, mararanasan mo kung gaano kahirap at nakakakaba ang pag-ukit ng hugis sa dalgona candy gamit lamang ang iyong mobile gadget. At ang pinakamaganda pa nito ay maaari kang maglaro kahit saan at kahit kailan! Pwedeng-pwede ito sa halos lahat ng klase ng device. Kung ikaw ay gumagamit ng iPhone o iPad, maaari mo itong hanapin at i-download nang libre sa AppStore. Kung Android device naman ang gamit mo, hanapin lamang ito sa Play Store. Para hindi ka na mahirapan, maaari rin namang i-click mo na lang ang mga sumusunod na link:

  • Download Dalgona Candy on iOS https://apps.apple.com/us/app/id1588293396
  • Download Dalgona Candy on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.synthify.dalgonacandy

Kung sakali namang gusto mong maglaro gamit ang iyong computer o laptop, hanapin lamang sa iyong browser ang mga gaming platforms tulad ng Kevin games, Zazgames, Mix free games, at iba pa. Wala talagang kahirap-hirap dahil hindi mo na kailangan pang gumawa ng account para makapaglaro. 

Dalgona Candy

Dalgona Candy

Paano Maglaro ng Dalgona Candy

Katulad ng nabanggit, ang Dalgona Candy game ay maaaring i-download sa App Store o sa Play Store. Subalit, para sa mga gumagamit ng mga Apple devices, siguraduhin lamang na ang gagamitin ay nasa iOS 11, pataas. Hindi na rin kinakailangan pang magparehistro o gumawa ng account.

Katulad ng larong pambata ng South Korea, kinakailangan lamang na maiukit ng wasto ang hugis na nasa gitna ng kendi. Ang larong ito ay may linear na gameplay at ang bawat levels ay may iba’t ibang mga hugis at hamon. Mayroong simple at madaling mga hugis kagaya ng bilog at tatsulok. Ang mga mahihirap na mga hugis naman ay ang paru-paro at payong. Sa orihinal na kwento ng Squid Game, mayroong apat na hugis lamang. Ngunit sa laro, sampung iba’t ibang mga hugis ang ginamit. Isang hugis ang dapat matapos sa bawat level ng laro. Hayaan ninyong bigyan ko kayo ng ideya tungkol sa tamang pagkakasunud-sunod ng mga hugis sa laro. Ang unang hugis na talagang susubok sa iyong abilidad ay ang bituin. Ang pangalawa ay ang parisukat, sunod ay ang tatsulok at pang-apat ang bilog. Pagtuntong ng ikalimang level, kailangan mong maiukit ang hugis ng palaso, pang-anim ang bulaklak, pampito ang oso, pangwalo ang  paru-paro, at pangsiyam ang puso. Ang pinakamahirap na hamon ay ang ika-sampu – ang  payong. Ito rin ang itinuturing na pinakamahirap na hugis sa Squid Game. 

Tandaan na kailangang mapagalaw ang karayom ayon sa hugis na nasa gitna. Ibayong pag-iingat at matinding pagkontrol sa bawat galaw ng mga daliri ang sikreto para malampasan ang hamon. Huwag kalimutan na magpokus sa laro, gamitin ang matinding konsentrasyon upang maiwasang masira ang dalgona candy. Kapag kasi nangyari ito, mawawalan ka na ng tsansa na matapos ang laro at kailangan mong mag-umpisang muli. Ngunit, hindi mo kailangang mangamba at mag-alala dahil pwede mo itong laruin nang paulit-ulit hangga’t gusto mo. Hindi katulad ng sa Squid Game, ito ay walang time limit. 

Related Posts:

Stacky Dash Review

Subway Surfers Review

Dalgona Candy

Dalgona Candy

Reviews ng Laro

Isa sa mga magandang katangian ng laro ang pagiging offline game nito. Maaari itong malaro ng walang internet connection. Kapag ang Dalgona Candy app ay nai-download at na-install na, pwedeng-pwede kang maglaro at mag-enjoy anumang oras. Dahil ito ay isang uri ng simulation game, ang pokus ng mga gumawa nito ay kung paano magagawang mas makatotohanan ang karanasan ng bawat manlalaro. Ang mga graphics nito ay simple lamang ngunit pasok sa banga. Nakopya talaga nito ang tunay na kulay at itsura ng Dalgona candy at maging ang tamang laki ng karayom na ginamit sa laro. Ang gameplay naman nito ay malinaw at kahit sino ay kayang-kaya itong intindihin, kahit pa ang mga hindi nakapanood ng Squid Game. 

Base sa mga impormasyon sa  Play Store, ang larong ito ay may 3.2 average star rating na galing sa 367 reviews. Masasabi na ito ay isang mabuting palatandaan matapos itong maipalabas noong Oktubre 1, 2021 lamang. Sa loob ng mahigit isang buwan ay mayroon na itong 100,000 downloads. Nagpapakita lamang ito kung gaano karami ang gustong masubukan ang larong ito. Sa kabilang banda, mas mababa ang rating nito sa App Store, mayroon lamang itong 2.9 average star rating batay sa 36 reviews. 

Sa kabuuan, mayroon itong tatlong pangunahing mga isyu. Una ay ang madalas na pagkakaroon ng mga glitches at mga lag. Bukod sa nakakaistorbo ang mga ito sa paglalaro, ito ay nagiging dahilan din upang magkamali at matalo. Ang pangalawa ay tungkol sa mahirap na game control. Napakahirap kontrolin ng galaw ng karayom kahit nasa Level 1 pa lang. Ito ang kadalasang dahilan kung bakit karamihan sa mga manlalaro ay nakakasira ng dalgona candy. Ang unang inilabas na bersyon ay may bayad at karamihan sa mga manlalaro ay nagreklamo. Kaya naman sa kasalukuyang bersyon, ito ay naging libre na. Subalit, ito naman ang naging dahilan kung bakit naglipana ang mga ads sa kalagitnaan ng paglalaro. Kinakailangan pang maghintay muna ng ilang segundo bago makapagpatuloy muli. Ang pangatlong isyu ay tungkol sa nakakainis na vibrations nito. Ito ang nagsisilbing sound effects habang umuukit ang karayom sa kendi, subalit ito din ang kadalasang dahilan ng pagla-lag ng laro. Medyo nakakainis lang na kailangan talagang i-restart muna ang laro bago pa makumpleto ang isang level. Ang lahat ng mga ito ay nagdadala ng paulit-ulit na pagkabigo sa mga hamon at sa katagalan ay nakakawala ng ganang maglaro. 

Dalgona Candy

Dalgona Candy

Konklusyon

Medyo nakakapanghinayang na may mga bagay talagang hindi kayang punan ng larong ito. Isa siguro sa mga dahilan ay dahil bago pa lamang ito at hindi talaga maiiwasan ang mga problema. Napakalaki sana ng potensyal nitong mas pumatok dahil nasa tugatog pa ng kasikatan ang Squid Game. Hindi natin maipagkakaila na marami pa rin ang gustong subukan ang mapaghamong Dalgona Candy game. Marami pang maaaring maging pagbabago sa larong ito at kung mabibigyan lamang ng solusyon ang mga isyu, mas lalo pa itong makikilala at hahatak ng mas maraming manlalaro. 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...