Arrow Fest Review

Ano ang Arrow Fest?

Ang Arrow Fest ay isang libreng mobile game tungkol sa pagkontrol ng mga arrow habang tumatawid ang mga ito sa isang obstacle course. Ang larong ito ay ginawa ng Rollic Games at nailabas ang pinakabagong update nito noong Hulyo 28, 2021. Kailangan mong pumili sa pagitan ng pula at asul na mga gate upang dumami ang iyong hawak na mga arrow na magagamit sa pakikipagbakbakan sa hukbo ng kaaway na haharang sa iyong daraanan. Ang layunin ng laro ay malampasan ang lahat ng levels sa pamamagitan ng pangangalap ng sapat na mga arrow upang patayin ang mga higante sa dulo ng obstacle course. Syempre, ang pag-iipon ng mga arrow nang higit pa sa kailangan ay magbibigay sa iyo ng mas maraming pera sa dulo ng bawat level. Ang Arrow Fest ay maaaring mai-download dito:

  • Download Arrow Fest on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.nanotribe.games.arrowfest&hl=en&gl=US
  • Download Arrow Fest on iOS https://apps.apple.com/us/app/arrow-fest/id1569353501

Mga tips at tricks sa paglalaro ng Arrow Fest

Ang paglalaro ng Arrow Fest ay maaaring simple para sa ilan ngunit may mga bagay na dapat munang malaman upang makakuha ng mas malaking pera sa laro. Narito ang pinakamahusay na mga tips at tricks para sa Arrow Fest:

  • Paramihin ang iyong mga arrow

Mayroong dalawang uri ng gate sa larong ito: ang red gate at blue gate. Pagdaan mo sa mga pulang gate ay mababawasan ang mga hawak mong arrow habang dadami naman ang mga ito pagdating mo ng asul na gate. Samakatuwid, ang pagpunta sa mga asul na gate at pag-iwas sa mga pulang gate ang susi upang maparami ang mga arrow.

Gayunpaman, may mga pagkakataon din kung saan pipili ka sa pagitan ng dalawang asul na gate o dalawang pulang gate. Sa sitwasyong ito, kailangan mong ilabas ang iyong husay sa matematika. Ang bawat gate ay may katambal na mathematical equation. Syempre, kailangan mong piliin ang mga gate na magbibigay sa iyo ng mas maraming mga arrow. Halimbawa, kapag nakaharap sa dalawang pulang gate na nagpapakita ng division at subtraction, dapat mong piliin ang gate na may mas kaunting bawas sa mga arrow. Gamit ang nasabing halimbawa, kung sa kasalukuyan ay mayroon kang anim na arrow at ang mga gate sa iyong harapan ay nagpapakita ng ‘divided by 2’ at ‘minus 4’, dapat mong piliin ang ‘divided by 2’ na gate dahil mag-iiwan ito sa iyo ng tatlong arrow sa halip na dalawa kapag dumaan ka sa kabilang gate. Paganahin rin ang pagiging wais pagdating sa mga asul na gate. Dapat na piliin at pasukin lamang ang mga gate na may pakinabang at mas maraming arrow ang makukuha o matitira.

Arrow Fest

Arrow Fest

  • Ingatan ang iyong mga arrow

Dapat mong panatilihin ang iyong mga arrow hangga’t maaari hanggang sa mapatay mo ang higante sa dulo ng obstacle course upang makakuha ng mas maraming pera. Maaari mong mapanatili ang mga arrow sa pamamagitan ng pag-iwas sa maliliit na kaaway hangga’t maaari. Ang pagpatay sa kanila ay nakakasabik ngunit mawawalan ka ng ilang mga arrow at mababawasan ka ng pera sa paggawa nito. Darating din ang panahon na hindi mo maiiwasang makabangga sila ngunit subukan mo hangga’t maaari na iwasan ang mga ito.

  • Ikalat ang iyong mga arrow

Minsan ang hakbang na ito ay maaaring hindi mainam na gawin. Ngunit kung kailangan mong pumatay ng mas maraming higante, kailangan mong ikalat ang mga arrow ng sapat mula kaliwa pakanan. Ang pagkalat ng mga ito nang labis ay magpapanipis ng mga arrow at maaaring hindi maging sapat ang mga ito para mapatay ang kalabang higante. Sa kabilang banda, maaaring makaligtaan ang mga kaaway sa mga gilid kapag pinangkat ang mga arrow ng masyadong dikit-dikit. Kaya dapat mong ikalat ang iyong mga arrow ng maayos.

  • Subukan sa gilid ng obstacle course

Mayroon ding mga level kung saan makakakita ka ang tatlong gate sa obstacle course at pulang gate ang nakalagay sa gitna. Kapag nangyari iyon, dapat kang pumunta sa gilid upang maiwasan ang pulang gate. Ang pagpili kung pupunta ka sa kaliwa o kanan ay depende sa kung aling gate ang magbibigay sa iyo ng mas maraming arrow.

Mabilis na pagsusuri sa larong Arrow Fest

May mga kalamangan at kahinaan para sa larong Arrow Fest. Isa sa mga kalamangan ay ang natatanging gameplay nito. Ang simpleng gameplay nito ay nakasalalay sa pagkontrol sa pamamagitan ng pag-swipe ng mga arrow sa obstacle course hanggang sa mapatay nito ang mga higante. Ito ay maganda para sa mga manlalaro na naghahanap ng mga simpleng laro. Hindi ito tulad ng Temple Run at Subway Surf kung saan napakaraming bagay na nangyayari sa obstacle course. Ang isa pang magandang bagay tungkol sa laro ay ang mga math equation sa mga gate kung saan kailangan mong magpasya ng mabilis kung saan ka dadaan. Ito ay isang mahusay na praktikal na ehersisyo para sa mga bata na nagsisimula pa lang mag-aral ng matematika. Ngunit bukod sa dalawang salik na iyon, wala nang gaanong kalamangan tungkol sa laro. Ang kalidad ng graphics nito ay mas mababa sa average kumpara sa ibang laro. Ang mga developer ay maaari pang maglagay ng maraming pagpapabuti sa larong ito. Hindi ito inirerekomenda sa mga manlalarong naghahanap ng visuals na makakalaglag-panga o may makapigil-hiningang obstacles.

Arrow Fest

Arrow Fest

Ang larong ito ay plain at paulit-ulit. Masyadong madali ang mga obstacle para sa mga beteranong manlalaro na naghahanap ng mga bagong laro. Bukod sa mga maliliit na kalaban at sa mga pulang gate na iyong iniiwasan, wala nang gaanong maiaalok na obstacle ang larong ito. Maaari mo ring iwanan ang mga arrow nang walang ginagawa at maaari pa ring manalo sa laro. Gayundin, mayroon lamang walong klase ng mga level na random na inilalabas sa buong laro. Samakatuwid, ang pag-abot sa Level 500 ay hindi isang malaking karangalan sapagkat paulit-ulit lamang ang walong level. 

Hindi tulad ng iba pang mga itinatampok na laro, ang Arrow Fest ay walang gabay o mga tagubilin tungkol sa gameplay sa pasimula ng laro. Ito ay isang malaking kahinaan para sa mga laro na sinusubukan pa ring makuha ang approval ng mga manlalaro nila. Ito ay maaaring makalito para sa mga players dahil hindi malinaw kung ano ang tunay na layunin ng game at kung paano ito laruin. 

Maaari ring tingnan ng mga developer ang mga kahihinatnan kapag natalo sa isang level. Sa kasalukuyan, walang mangyayari sa iyo o sa pera mo kapag natalo ka sa laro kaya walang punto ang pagpupursigi ng mga maglalaro nito. Bukod dito, nakalimutan ng mga developer maglagay ng mga nakakaengganyong musika at cool na sound effects sa laro. Ito ay isang malaking kapabayaan mula sa mga developer. Dapat nilang isaalang-alang na maraming mga manlalaro ang mas nakatuon sa paglalaro kapag may magandang background tunes. Higit sa lahat, maiinis ka rin sa mga ads na patuloy na lumalabas.

Arrow Fest

Arrow Fest

Konklusyon

Sa kabila ng maraming salik na kinulang sa Arrow Fest, isa pa rin itong magandang laro para sa mga bata na nagsisimulang mag-aral ng matematika. Ito ay angkop din para sa kanila dahil madali lang ang gameplay nito. Sila ay posibleng makakuha ng malaking gantimpala sa paglalaro at walang mabigat na parusa o kapalit ang kanilang pagkatalo. Ngunit para sa mga dalubhasa at beterano na mga manlalaro, ang larong ito ay tiyak na hindi nila magugustuhan. Maaari nilang gawin ang mga unang level para lang masubukan nila ang kakaibang gameplay nito. Gayunpaman, marami pa rin ang umaasang na may mga pagpapabuti pa ring magaganap para sa laro.

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...