Mini Metro Review

Mini Metro – May mga bagay talaga sa mundo na talagang mapapansin mo lang kapag sinimulan mo na silang titigan, hindi ba? Halimbawa na lang kung nasa isang station ka o terminal at naghihintay ng masasakyan, hindi mo maiwasang titigan ang daan o kaya ang mga subway. Habang pinagmamasdan mo ang mga ito ay biglang sasagi sa isip mo ang mga tanong na, “paano kaya ginagawa ng mga engineer ang mga ‘yan? Mahirap kaya? Maiiwasan na ba ang traffic kung sakaling sa iba ito nakakonekta?” Kung gusto mong malaman ang sagot sa mga ito, may nag-eexist na ganitong klaseng laro kung saan ilan sa mga ito ang maaaring masagot.

Kung bago lamang sa iyong pandinig ang tungkol dito, ito ay ang larong Mini Metro. Ito ay isang uri ng minimalist-strategy simulation game na ginawa ng developer na Dinosaur Polo Club at talaga namang hahasain nito ang organizational skills mo. Limitado lang din ang mga resources mo rito kaya isang malaking pagsubok ito sa iyo lalo na’t sa iyong mga kamay nakasalalay ang pag-usad ng siyudad.

Simple lamang ang mechanics ng laro dahil kailangan mo lang namang mag-disenyo ng isang subway map o lumikha ng isang subway network para sa isang maunlad na siyudad. Trabaho mong magbukas ng bagong station, magbigay daan sa mga ito na mapasama sa route at pagdugtung-dugtungin ang bawat istasyon sa isa’t isa upang makarating ang bawat pasahero sa kani-kanilang destinasyon. Gaya ng nasa tunay na buhay, sikaping hindi magkamali habang ginagawa ito dahil marami ang pwedeng maapektuhan dito.

Mini Metro

Mini Metro

Features ng Mini Metro

Random development of the city – Ang larong ito ay maituturing na unique dahil ang development sa bawat city ay hindi mo inaasahan bagkus, ito ay biglaan. Ito rin ang dahilan kung bakit lahat ng game ay hindi magkakaparehas.

Real-world cities – Mayroong mahigit dalawang dosenang totoong siyudad sa buong mundo ang nilagay ng developer para pagpilian ng mga manlalaro dito sa Mini Metro kung saan talagang mahahasa ang iyong planning at organizational skills.

Game mode – Ang larong ito ay mayroong tatlong game mode na pwedeng pagpilian ng mga nais maglaro nito. Ang mga laro rito ay magkakaiba depende sa haba at level ng difficulty. Mayroon itong normal mode para sa mga mabilis lamang na matapos na laro, Endless kung nais mong ma-relax at Extreme naman para sa mga kakaiba at nakakapiga ng utak na mga challenge.

Daily quest – Hindi ka mabuburyong sa larong ito dahil araw-araw itong may mga challenge na pwede mong laruin.

Colorblind and night mode – Sinikap ng laro na maging isang “friendly-user” sa pamamagitan ng paglalagay nito ng colorblind at night mode upang hindi rin gaanong masakit sa mata ang game habang nilalaro mo ito.

Shapes – Minimal lamang ang graphics ng laro at mapapansin mo iyon oras na simulan mo na ito. Hindi na nila ginawang kumplikado ang laro gaya ng gawin na lamang na shapes ang bawat city maging ang mga tao rito. Naka-depende sa hugis ng tao kung saang station mo sila dapat dalhin. 

Saan pwedeng i-download?

I-click lamang ang mga link sa ibaba para i-download ang laro depende sa ginagamit na device:

  • Download Mini Metro on PC https://www.bluestacks.com/apps/simulation/mini-metro-on-pc.html
  • Download Mini Metro on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=nz.co.codepoint.minimetro
Mini Metro

Mini Metro

Tips at Tricks kung nais laruin ang Mini Metro

Narito ang mga Tips at tricks na binibigay ng Laro Reviews kung nais mong laruin ang strategy game na Mini Metro:

Bilang panimula ng laro, isang mainam na paraan ang dito ka na rin nagsisimulang maging madiskarte at kritikal. Kung titingnan kasi, malaki ang magiging epekto ng mga unang ginawa mo sa magiging takbo ng laro. Isipin mo na agad nang mabuti kung saan mo dapat ilagay ang mga rails at saan mo kailangang ikonekta ang mga station. Palaging timbangin kung tama ba ang bawat move na ginagawa mo upang wala kang pagsisihan sa huli o ang pinakamalala ay mauwi ito sa game over.

Maaari mo ring gamitin bilang guide ang bawat passenger na naghihintay sa iba’t ibang station. Sa ganitong paraan ay malalaman mo kung alin ang dapat bigyan ng agarang atensyon. I-prioritize ang mga station na dinadagsa ng tao, maglagay agad dito ng rails o kaya sasakyan upang makarating na sa mga destinasyon ang mga tao dahil sa oras na mapuno ito nang tuluyan, malaki ang tyansa na ma-game over ka sa laro. Isang tip na rin upang maiwasan ang pagka-overcrowded ng lugar, limitahin mo na agad ang railways na idudugtong sa station, kung ilan lamang ang rails, at ilan lamang din ang magiging tao rito.

Magplano. Huwag mong kaliligtaan ang pagpaplano dahil malaki ang advantage mo sa laro kapag lagi mong ginagawa ito. Tuwing Linggo, palaging nagbibigay ang laro ng reward na magagamit mo para i-upgrade ang iyong subway map. Ugaliing obserbahan ang mga kulang sa iyong map upang kung sakaling dumating ang reward, alam mo kung saan ito dapat ilagay.

Pros at Cons ng Laro

Sa larong Mini Metro, may parte kung saan hinahayaan ka nitong makita ang buhay pagdating sa transportasyon. Dito mo na lang madidiskubre ang mga iyon kung wala ka talagang kahit katiting na ideya kung paano umiikot ang mundo rito. Hinahayaan ka ng larong ito na silipin ang tunay na nangyayaring problema sa labas at kung paano mo iyon bibigyan ng solusyon kung sakaling ikaw ang nasa posisyon para ayusin iyon. 

Related Posts:

Dungeon Maker Review

Lucid Dream Adventure 3 Review

Mini Metro

Mini Metro

Maraming adbentahe ito sa paraang tinuturuan ka nitong maging organisado sa mga ginagawa mo, mag-isip nang kritikal, maging ang iyong organizational skill ay mahahasa rin. Ito ang tipo ng laro na lagi kang iiwanan ng tanong tulad ng kung ano ba dapat ang mas matimbang sa ganitong klaseng sitwasyon. Kahit ang pagpaplano ay nahahasa rito dahil kahit hindi pa man dumarating ang problema, kailangan mo na agad iyong pag-isipang gawan ng solusyon. Kailangang laging mabilis ang proseso dahil gaya ng mga tao sa totoong buhay, mabilis uminit ang ulo nila kapag matagal na naghihintay lalo na kung usapang commute ito.

Kung mayroon mang kahinaan ang laro, marahil ay ito yung klase ng larong walang katapusan at sinasabing pataasan na lamang ng score ang nagsisisilbing ending nito. Isa pa, magandang ideya na bago pa lamang magsimula ang player sa laro ay mayroon na agad silang nakikitang tutorial na para bang nirerequire mo ang bawat manlalaro na mag-take muna nito bago magpatuloy. Dahil kung titingnan ang larong ito ay mukhang madali. Ngunit kung babaybayin mo ito, masasabi mong mahalaga talaga ang tutorial session pagdating dito.

Konklusyon

Sa larong ito, patawarin mo sana ang Laro Reviews kung sinabi namin sa iyong nakaka-relax ang gameplay nito dahil sa totoo lang gaya ng ibang mga laro, lilinlangin ka nito sa nakakakalmang soundtrack at minimal na itsura ngunit nakakapiga naman ng utak kung sakaling magtuluy-tuloy ka na sa paglalaro. Gayunpaman, nakaka-relax ang larong ito sa parte kung saan sapat itong i-divert ang atensyon mo kung sakaling nasa gitna ka ng nakakairitang sitwasyon. Sabihin na nating ang mga struggle sa pagko-commute ang isa sa mga iyan. Kaya kung gusto mong ma-relax, subukan na ang larong ito at i-download na!

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...