Scribblenauts Remix Review

Naranasan mo na bang managinip ng kakaiba na tila hindi maipaliwanag? Maaaring ang panaginip mo ay lumalangoy sa karagatang puno ng tsokolate o ikaw ay nakasakay sa likod ng isang unicorn at binabaybay ang mundo. O ‘di naman kaya, ikaw ay lumulutang sa kalakawakan habang nanonood ng karera ng mga unggoy. Ganito ang esensya ng Scribblenauts Remix na kung saan ang isang manlalaro ay may kakaibang abilidad na pangalanan ang kahit anong bagay na kanyang maisip upang mapagtagumpayan ang bawat puzzle kada lebel. Ito ay isang 2D puzzle adventure app na nagpapatunay na imahinasyon ang iyong limitasyon. Subalit tandaan na hindi maaaring ilagay ang mga tiyak na pangalan na may trademark o anumang malalaswang bagay o salita. 

Ang Scribblenauts Remix ay hango mula sa nauna nitong mga bersyon, ang Scribblenauts at Super Scribblenauts na eksklusibong inilabas sa Nintendo DS. Ngunit naisip ng 5th Cell, ang developer, na mas magiging kasiya-siya ito at papatok kung ilalabas din sa mga mobile device. Lalawak diumano ang maaabot nilang audience at mas tatangkilikin ang laro. 

Scribblenauts Remix

Scribblenauts Remix

Features ng Scribblenauts Remix 

Isa sa mga feature ng Scribblenauts Remix ay ang 50 lebel na maaaring laruin. 40 mula rito ay itinuturing na “fan-fave” na galing sa nauna nitong mga bersyon, at ang 10 ay mga bagong stage. Malaki ang pagkakatulad ng gameplay ng Scribblenauts Remix sa Super Scribblenauts kasama na ang Adjectives na kung saan maaaring maglagay ng mga pang-uri sa mga salita upang mas maging detalyado ang pagkakagawa mula sa notepad. Halimbawa na lamang ay kung gusto mong gumawa ng halimaw ngunit gusto mong kulay pula ito, i-type lamang sa iyong notepad ang katagang “red monster” at lalabas ito batay sa iyong ninanais. 

Dagdag pang feature ng Scribblenauts Remix ay ang pagkakaroon nito ng Avatar. Bagamat limitado, may tatlong avatar na makukuhang kasama sa package ng laro: sina Maxwell, God, at Lifeguard. Samantalang kinakailangang gumawa ng account sa Scribblenauts upang makuha ang avatar na si Lily. Maaaring bilhin ang ibang mga avatar sa halagang $0.99 kada theme pack o $2.99 para sa kabuuang theme pack. 

Kung ikaw ay nabitin sa mga stage, maaaring bilhin ang feature na World Pass para sa karagdagang 40 levels. Bukod pa rito, kapag binili mo ito ay patuloy na madaragdagan ang mga stage depende sa pag-update ng app. Kung nabili mo na ang World Pass sa mga nakaraang serye ng Scribblenauts, hindi na kinakailangang bilhin pa itong muli.  

Saan pwedeng i-download ang Scribblenauts Remix?

  • Download Scribblenauts Remix on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.wb.goog.scribbleremix&hl=en_US&gl=US
  • Download Scribblenauts Remix on iOS https://apps.apple.com/us/app/scribblenauts-remix/id444844790
Scribblenauts Remix

Scribblenauts Remix

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Scribblenauts Remix

Ang pinakalayunin ng laro ay matulungan si Maxwell upang makuha ang Starites, ang iyong gantimpala na hugis bituin. Walang eksaktong pamamaraan kung paano matatapos ang bawat stage. Kumbaga, imahinasyon at bokabularyo mo lamang talaga ang magiging limitasyon sa paglalaro mo ng Scribblenauts Remix. Halimbawa sa kauna-unahan nitong stage, matatagpuan ang Starites sa itaas ng isang puno. Ang iyong misyon ay kunin ito. Maraming posibilidad upang magawa ito. Una, maaaring ilagay sa notepad ang axe upang putulin ang matayog na puno at nang makuha ang Starites. Maaari din namang ladder, sa halip na axe, ang iyong ilagay upang makaakyat si Maxwell at maabot ang Starites. Kung pagaganahin ang iyong pagiging malikhain ay maaaring i-type ang pegasus. Sumakay sa likod nito at lumipad tungo sa ibabaw ng puno. Tunay ngang imahinasyon mo ang limitasyon!

Kapag ikaw ay na-stuck sa isang level, huwag mag-alala sapagkat may opsyon naman na manghingi ng tulong sa pamamagitan ng Hint button. Mula rito, bibigyan ka ng mga clue na makakatulong upang iyong malutas ang kasalukuyang stage.

Mayroong limang area sa Scribblenauts Remix na may 10 puzzle kada area. Saklaw nito ang mga madadaling stage sa unang bahagi ng laro, tungo sa mga level na kinakailangang gamitan ng ibayong pag-iisip. 

Walang maling diskarte sa paglalaro ng Scribblenauts Remix. Nakasalalay sa iyo kung paano mo ito nais laruin. Gusto mo bang maging praktikal at gawin ang mga tipikal na solusyon? O gusto mong maging malikhain at mag-isip ng iba’t ibang pamamaraan upang matapos ang mga level? Kapag sigurado ka sa nais mo, mas magiging kasiya-siya ang laro. 

Pros at Cons ng Scribblenauts Remix

Para sa mga bagong manlalaro, tiyak na malilibang at magiging kagalak-galak ang karanasan sa paglalaro ng Scribblenauts Remix. Mula sa karaniwan at tipikal na sagot hanggang sa ‘di pangkaraniwang uri ng solusyon sa mga puzzle. Tunay na pipigain nito ang iyong utak upang matapos ang bawat level. Nakatutuwa rin na malawak ang mga bagay na maaaring i-type sa notepad. Kung ninanais ang isang elepanteng may suot na boxing gloves, hanggang sa magical potions na iyong naiisip, maisasabuhay nito anuman ang iyong naisin. 

Related Posts:

Mini Metro Review

Dungeon Maker Review

Scribblenauts Remix

Scribblenauts Remix

Sa kabilang banda, ang negatibong aspeto ng laro ay, bagamat kakaiba ang larong ito, hindi na bago ang content para sa mga lumang manlalaro. Ito ay repackaged version, samakatuwid kung nalaro mo na ang mga nakaraang bersyon ay hindi na bago ang nilalaman ng Scribblenauts Remix. Bukod pa rito, matapos magbayad ng paunang presyo na $0.99, kinakailangan pang magbayad muli upang ma-unlock ang World Pass feature ng laro. Kung susuriing mabuti, hindi naman gaanong kamahalan ang presyo ng laro. Ngunit kung kinakailangang magbayad pang muli upang magamit ang ibang karagdagang feature ng laro, ay ibang usapan na ito. 

May isyu rin sa kontrol ng Scribblenauts Remix. Dahil sa mobile devices ito nilalaro, may “smart taps” na tumutukoy kung tatalon, lalakad, lalangoy, o kakapit sa isang bagay ang nilalarong avatar. Samakatuwid, may iba’t ibang galaw na maaaring pagpilian. Ngunit may mga pagkakataon na hindi ito nagtutugma sa iyong nais na ipagawa. Halimbawa na lang sa aking naranasan sa isang stage ay naglagay ako ng shovel sa notepad at nais ko sanang ipahawak ito sa aking avatar na si Maxwell upang simulang maghukay sa kaliwang banda ng screen, nang biglang sa may bandang kanan siya naghukay. Bilang resulta ay nahirapan akong ilipat si Maxwell dahil sa awang na nagawa na sa paghuhukay. Maraming pagkakataon na naranasan ko iyon sa laro. 

Konklusyon

Sa kabuuan, mula sa Laro Reviews, kung ikaw ay tagahanga na ng buong serye ng Scribblenauts, maaaring magustuhan mo ang Scribblenauts Remix. Iba pa rin ang kaginhawaang dulot kung malaro ito sa mobile devices at madala kung saan-saan. Subalit sa kabila nito, wala ng bago at iisa na lamang ang nilalaman kumpara sa mga nakaraang bersyon. Kung naghahanap ka ng panibagong content, hindi ito para sa iyo. Bukod pa rito, kinakailangang magbayad muli upang tuluyang matamasa ang kabuuang karanasan ng Scribblenauts. Mainam kung tataasan na lamang nang bahagya ang paunang bayad at gawin itong isahang bayad. Mula rito, hindi na magiging abala sa mga bagong manlalaro ang paulit-ulit na pagbili ng theme packs at World Pass. Maganda rin na magdagdag ng panibagong content para sa mga dati nang manlalaro. Kaya kung handa ka nang palawigin ang iyong imahinasyon sa pagtuklas ng mga puzzle, i-download na ang Scribblenauts Remix! 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...