The Game of Life 2 Review

Ang The Game of Life 2 ay isang board game na binuo noong 1860. Ang larong ito ay isang simulation sa mga maaaring mangyari sa buhay ng isang tao kapag ito ay 18 anyos na. Sa larong ito, kailangan mong dumaan sa kolehiyo, pagtatrabaho, pag-aasawa, pagkakaroon ng anak, at pagreretiro. Hindi gaya ng Monopoly, nakasentro ang The Game of Life sa buhay ng isang indibidwal at hindi sa pagiging isang milyonaryong negosyante. 

Binubuo ng dalawa hanggang anim na manlalaro ang The Game of Life pero may mga bersyon nito na pwedeng makapaglaro ang sampung tao. At gaya sa totoong buhay, magkakaroon ka ng sweldo, buwis, bayarin, at mga ari-arian sa The Game of Life. At dahil sikat ang larong ito, may modernong bersyon na nito na malalaro mo sa iyong mobile phone, PC, at Nintendo Switch. 

Ang layunin mo sa The Game of Life ay ang maging pinakamayaman sa inyong mga manlalaro pagdating ng retirement. Hindi gaya sa Monopoly, hindi lang pera ang basehan ng yaman mo sa The Game of Life, kailangan mo ring magkaroon ng “happiness” at “knowledge” upang mas madagdagan ang iyong puntos at manalo. 

The Game of Life 2

The Game of Life 2

Features ng The Game of Life 2 

Sa The Game of Life 2, maaari mong i-customize ang iyong pegs (avatar) ayon sa gusto mo. May mga damit kang maaaring mabili at ma-unlock. Hindi lang mga peg ang maaari mong piliin, may mga sasakyan ka ring maaaring mapasayo. At hindi gaya sa orihinal na The Game of Life video game, may ibang mga karera kang pwedeng pasukin. 

Ang ilan sa mga karerang ito ay pagiging vlogger, game designer, atleta, at dog groomer na sumasalamin sa modernong mundo. At gaya ng sinabi kanina, hindi lang pagkakaroon ng maraming pera ang paraan upang manalo. At kumpara sa naunang laro, maaari kang mag-ampon ng alaga at maglaro makalipas ang retirement. 

May game modes din ang The Game of Life 2 para sa lahat. Ang una dito ay ang Single Player mode kung saan makikipaglaro ka ng The Game of Life sa mga AI. Samantala, maaari kang maglaro ng online multiplayer kung gusto mong makipaglaro sa mga totoong tao sa ibang bahagi ng mundo. Walang chat feature para sa game mode na ito. 

Kung may mga kaibigan ka namang gustong makasamang maglaro, maaari kayong maglaro sa private multiplayer mode. At kung wala kayong internet at isang phone lang ang gamit, sa Pass and Play kayo pumunta. Ang kailangan niyo lang gawin ay ipasa ang mobile phone o Switch kapag kalaro mo na ang titira. 

May collectibles ka ring maaaring makuha sa The Game of Life 2. Ang collectibles na ito ay may kaakibat na rewards. Pagdating naman sa mga board na pwedeng laruan, may ilang mapa bukod sa claissic map na alam ng karamihan. 

Saan Maaaring I-download ang The Game of Life 2?

Gamitin ang sumusunod na links para mai-download ang laro:

  • Download on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.marmalade.gol2&hl=en&gl=US
  • Download on iOS https://apps.apple.com/us/app/the-game-of-life-2/id1512751689
  • Download on PC https://store.steampowered.com/app/1455630/THE_GAME_OF_LIFE_2/
  • Download on Nintendo Switch https://www.nintendo.com/games/detail/the-game-of-life-2-switch/
The Game of Life 2

The Game of Life 2

Tips at Tricks para sa The Game of Life 2 

Isa sa mga crucial na desisyon sa The Game of Life ang pagpili kung mag-aaral ka ba ng kolehiyo o magtatrabaho na agad. Mas mataas ang magiging sahod mo sa mga trabaho kung nakapagtapos ka ng pag-aaral sa The Game of Life 2 kaya mas nirerekomenda ko na magtapos ka ng pag-aaral hindi lang para sa pera. Magkakaroon ka rin ng knowledge point sa larong ito pag nakapagtapos ka ng kolehiyo. 

May mga pagpipilian ka na mahirap talaga. Halimbawa, maaari kang manatiling single o magpakasal. Kapag nanatili kang single, plus point iyon para sa iyong knowledge pero kapag nagpakasal ka, plus point iyon para sa happiness. Tuwing magdedesisyon ka, alamin mo kung anong puntos ang kulang pa sa buhay mo. Sa ganitong paraan, maging mayaman, masaya, at matalino ang iyong peg matapos ang laro. 

Pagdating naman sa trabaho, pinakamagandang piliin ang pagdodoktor dahil ito ang may pinakamalaking sahod sa laro. Samantala, sumunod dito ang pagiging abogado. Ang sahod na matatanggap mo sa The Game of Life 2 ang maaari mong ipambili ng appliances at ari-arian. Kapag may mga materyal kang pag-aari tataas ang wealth points mo sa laro. Sa paglalaro, tandaan na pera, wealth, happiness, at knowledge ang pamantayan ng pagkapanalo. 

Syempre, ang pinakamahalagang game tip na maaari kong ibigay para sa larong ito ay magpakasaya kayo ng mga kalaro mo. Casual game kaya hindi mo kailangan makipag tagisan ng galing sa kanila. 

The Game of Life 2

The Game of Life 2

Pros at Cons

Isa sa mga paborito kong genre ng mga laro ang pagkakaroon ng open world at maraming opsyon sa pamimili ng pwedeng gawin. Sa mga aspetong ito, nakuha ng The Game of Life ang atensyon ng mga gaya kong mahilig sa ganitong uri ng casual games. Pagdating sa graphics, simple lang ang The Game of Life 2 pero talagang pupukawin nito ang atensyon mo. 

Mas magandang laruin kung sa iba’t ibang mapa kayo maglalaro ng iyong mga kaibigan. Halimbawa, kapag fantasy theme ang mapa, maaari kang magkaroon ng lungga ng dragon bilang bahay at wizardry bilang trabaho. Nakakatuwa ito dahil sobrang malikhain ng bawat mapang nasa laro. 

May ilang game reviews na nagsasabing walang bago at parehas lang ang gagawin mo kada laro, ang mag-spin, magdesisyon, at magkaroon ng mga puntos. Oo, pero hindi ba ganito naman talaga ang board games? Kung tutuusin nga may mga bagong twists ang The Game of Life 2 para sa mga manlalaro nito na hindi mo mahahanap sa aktwal na board game nito. 

Noong una, naisip ko na sobrang sayang na walang chat feature sa multiplayer mode pero kalaunan, naisip kong tama lang ito. Ang larong ito ay pampamilya kaya walang dahilan na mag-send ka ng chats dito, lalo na’t mga bata ang ilan sa manlalaro nito. May mga larong hindi kailangan ng chat system at isa ang The Game of Life 2 dito. 

Konklusyon 

Kung gusto mo ng isang pampamilyang laro, dapat niyong laruin ng pamilya o barkada mo ang The Game of Life 2. Masasabing maganda ang pagsasalamin ng The Game of Life 2 sa mga scenario ng totoong buhay kaya naman isa itong magandang laro para sa mga bata. Nasasaiyo na kung ang uunahin mo sa buhay mo dito ang happiness, wealth, o knowledge. 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...