Inbento Review

Naging bahagi ang Tetris ng ating pagkabata. Inaayos natin ang mga bloke upang magkasya ang mga ito sa iba pang konektadong mga bloke. Pinatalas nito ang ating mga isip sa paglutas ng mga puzzle habang pinipili ang perpektong hugis na maaaring makabuo sa bawat gap. Ito ay lubos na kasiya-siya tuwing nakukumpleto ang bawat level at inihahambing ang ating mga high score. Ang pag-iimpake ng mga bento dish sa isang bento box ay parang isang puzzle game kung saan kailangan mong tiyaking akmang-akma ang lahat tulad ng mga nakaayos na bloke sa Tetris. Ang larong, Inbento, ng Afterburn at 7Levels, ay susubok sa iyong spatial na kakayahan habang inaayos mo ang bawat bloke ng pagkain upang magkasya sa bento box.

Kahit isa itong kaswal na larong puzzle, ang Inbento ay may kwento at makikita mo sila sa mga cutscene. Wala itong anumang diyalogo, ngunit mauunawaan mo ang kwento sa pamamagitan ng papel na ginupit na may parallax na epekto. Ang mga eksena ay nagpapakita ng kwento ng isang inang pusa na naghahanda ng pagkain para sa kanyang anak, at habang lumalaki ang kuting ay mas nagiging komplikado ang mga sangkap para sa bento box. Sa laro, kailangan mong maghanda ng Japanese Box Lunch kung saan kailangan mong ayusin ang pagkain na may parehong pattern ng larawan sa kanang bahagi ng screen. May pagkakatulad ito sa larong Tetris dahil kailangan mong baguhin ang pagkakaayos ng bahagi ng pagkain at isalansan ito sa lunch box tulad ng mga piraso ng jigsaw puzzle.

Inbento

Inbento

Features ng inbento 

Ang Inbento ay mayroong mahigit 120 palaisipan na hahamon sa iyong utak. Tulad ng iba pang laro, ang unang antas ay ang pinakamadali dahil ito ang magsisilbi mong tutorial. Ang mga puzzle ay magiging mas mahirap at kung minsan ay imposibleng malutas sa isang subok lamang. Sa ibaba ng screen, meron kang mga sangkap na nakaayos sa isang pagkakasunud-sunod na kahawig ng mga bloke mula sa Tetris. Maaari mo itong paikutin sa pamamagitan ng pag-click o pag-tap sa pagkain bago ilagay sa bento box.

Ang bawat yugto ay may iba’t ibang sangkap na nakalagay sa tray na kailangan mong ayusin sa paraang magiging katulad ng nasa larawang nakadikit sa notebook. May mga puzzle na limitado ang mga galaw at matatapos ang laro kapag nagamit mo na ang lahat. Maaari mong ilipat ang mga ito hangga’t gusto mo, habang nasa tray sila. Maaari mo ring i-undo ang paglipat o i-restart ang puzzle.

Sa pagdaloy ng kwento, makikita mong nagiging mas mahirap ang paghahanda ng bento box. Magiging mahirap din ang laro habang lumalaki ang bento box. Makakatagpo ka ng isang galaw na magpapapalipat-lipat sa lugar ng pagkain sa loob ng kahon at tutulungan ka nito sa iyong laro.

Inbento

Inbento

Saan maaring i-download ang inbento?

Maaaring gamitin ang sumusunod:

  • Download inbento on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.Afterburn.Inbento
  • Download inbento on iOS https://apps.apple.com/ph/app/inbento/id1468115950
  • Download inbento on PC https://store.steampowered.com/app/1567440/inbento/

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Therapeutic ang larong ito kaya dapat ay nagsasaya ka tuwing nilalagay mo ang mga pagkain habang akmang-akma ito sa bento box. Ang iyong pinakamalaking pagkakamali ay ang pagmamaliit sa larong ito. Ngunit sa sandaling makarating ka sa bandang ika-walong level at higit pa, matutukso kang manood ng walkthrough upang makahanap ng sagot. Dahil dito, mawawala ang kasiyahan sa paglalaro ng mga puzzle game, kaya huminga ka nang malalim dahil sa tulong ng Laro Reviews ay matutulungan kang makaalis sa level at magpatuloy sa laro.

Okay lang sumuko. Maaari mong laktawan ang mga recipe at lutasin ang mga ito sa susunod na pagkakataon kung sa tingin mo ay hindi mo ito matatapos. Bukod dito, kakailanganin mo lamang kumpletuhin ang pitong recipe para magpatuloy sa isa pang level.

Trial at Error. May undo button ang larong ito, kaya gamitin ito kapag kinakailangan. Ang pagbabalik sa iyong move ay nakatutulong upang pag-aralan ang iyong mga pagkakamali at malutas ang puzzle sa isa pang paraan.

Related Posts:

Wall of Insanity Review

Moncage Review

Balik sa simula. Madaling matutunan na maaari mong isalansan ang mga sangkap at bibilangin lamang nito ang pagkain sa ibabaw. Samakatuwid, maaari mong alisin ang mga hindi kailangang piraso sa pamamagitan ng pagtatakip sa kanila.

Lahat ay may halaga. Siguraduhing gamitin ang lahat ng mga moves o mga sangkap sa tray dahil sila ang clues kung paano mo lulutasin ang puzzle. Kung may isang natira sa iyong tray ay nangangahulugan na may nakaligtaan kang move na gamitin.

Inbento

Inbento

Pros at Cons ng inbento 

Ang Inbento ay may tatlo sa mga paborito kong bagay sa mundo: pusa, pagkain, at mga larong puzzle. Mula pagkabata ay naglalaro na ako ng Tetris, kaya naging nostalgic ang pag-ikot ng mga sangkap sa tray. Mayroon itong bagong twist dahil kailangan mong ilagay ang pagkain sa halip na mga bloke. Mayroon itong cute na istilo ng sining at kaibig-ibig na mga pusa, gayundin ang nagpapakalmang musika nito. Kaya kong kunin ang aking earphone, humiga at makinig sa soundtrack nang hindi man lang ito nilalaro. Nakakataba ng puso pero mapanglaw ang kwento. Makikita mo ang pakikibaka ng magulang dahil nagiging mapili ang kanyang mga anak, kaya mas magiging komplikado ang paghahanda ng bento box. Nagustuhan ko kung paano nagsimula ang kwento sa puting inang pusa na naghahanda ng pagkain para sa kanyang anak. Nang lumaki na ang kuting, siya naman ang naghahanda ng pagkain para sa kanyang ina.

Walang gaanong bagay sa laro ang nangangailangan ng pagpapabuti, ngunit mayroon pa rin itong kapintasan. Sa maganda at simpleng disenyo nito, hindi ka magugulat kung ang larong ito ay makakaakit ng mga mas batang manlalaro. Hindi ito inappropriate para sa mga bata, ngunit ang palaisipan sa bandang huling yugto ay sapat na komplikado para sa mga matatanda. Samakatuwid, maaari silang mabigo kung hindi sila makaalis sa isang level.

Konklusyon

Sinong mag-aakalang ang pag-aayos ng pagkain sa isang bento box ay maaaring maging ganito ka-relaxing? Sa simpleng gameplay sa mga unang yugto, maiisip mong sisiw lang ang larong ito. Oo, ngunit sa mga naunang yugto lamang. Sa sandaling maabot mo ang mga susunod na level, makalilimutan mong ito ay isang nakaka-relax na laro dahil natigil ka sa pagpapalit ng mga sangkap maging katulad lang ito ng nasa guide. Gayunpaman, ang pakikibaka sa palaisipan ay bahagi ng laro. Magiging boring at monotonous ito kung pare-pareho lang ang lahat. Iyon ang dahilan kung bakit nagiging kasiya-siya ang laro tuwing nalulutas mo ang isang mahirap na yugto at tuwing nalalagay mo ang sangkap sa tamang lugar. 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...