Machinarium Review

Kung napanood mo na ang mga palabas na cartoon tulad ng WALL-E at Meet the Robinsons, malamang pamilyar ka na sa robots. Hindi lang sa pelikula makikita ang robots, kung hindi pati na rin sa video games gaya ng Machinarium. 

Ang Machinarium ay isang point-and-click na puzzle adventure game na nilikha ng independent game developing studio na nagngangalang Amanita Design. Ito rin ang gumawa ng mga larong Samorost series, Botanicula, at CHUCHEL. Marami ring parangal ang napanalunan ng Machinarium tulad ng Best Indie Game sa taong 2009 mula sa Gamasutra at VGChartz.com, Excellence in Visual Art Award sa IGF 2009, at Best Soundtrack sa taong 2009 na galing sa PC Gamer. 

Sa paglalaro nito, kailangan ng manlalaro na gampanan ang papel ng isang robot na si Josef na napadpad sa tambakan ng mga itinapong gamit. Ang layunin ng laro ay makabalik si Josef sa lungsod ng Machinarium upang sagipin ang kanyang kasintahang si Berta, isa ring robot, na kinidnap ng mga masasamang loob mula sa Black Cap Brotherhood gang. 

Machinarium - Laro Reviews

Machinarium – Laro Reviews

Features ng Machinarium 

Soundtrack and Graphics – Detalyado ang pagkaka disenyo sa bawat karakter at mga lugar na matatagpuan sa laro. Kapansin-pansin din ang magandang kombinasyon at contrast ng mga kulay. Sinamahan pa ng iba-ibang tunog na tumutukoy sa mga bagay na makikita sa bawat level, tulad ng paghuni ng ibon, pag kalansing ng lata, at iba pa. May background music ding maririnig na angkop sa atmospera ng lugar habang naglalaro. 

Point-and-click Interface – Hindi komplikado ang mechanics ng laro dahil sa pamamagitan ng pagpindot ay maigagalaw mo na ang iyong karakter. Dahil dito, mas malawak ang saklaw ng edad na maaaring maglaro nito sapagkat hindi ito mahirap intindihin. 

Walkthrough Book – Ang librong ito ay naglalaman ng mga larawang nagsisilbing clues tungkol sa dapat gawin para malagpasan ang bawat level. Gayunpaman, kailangan mo munang maglaro ng isang mini game bago mabuksan ang feature na ito. 

Multiple Language Available – May option ang manlalaro na pumili ng wikang nais gamitin sa paglalaro. Mayroong 15 wikang available upang iyong pagpilian. Kabilang dito ay English, Chinese, Deutsch, French, Italian, Japanese, Korean, Polish, Portuguese, at iba pa.

Offline Mode – Maaari mong laruin ang Machinarium kahit na walang access sa internet o mobile data. Hindi limitado ang manlalaro sa signal ng lugar o internet connection para malaro ito. 

Machinarium - Laro Reviews

Machinarium – Laro Reviews

Saan pwedeng i-download ang Machinarium?

Gamit ang iyong smartphone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users, at ilagay sa search bar ang Machinarium. Kinakailangang magbayad muna ng halagang $4.99 dahil isa itong premium game. Pagkatapos ay hintayin itong ma-download at kumpletuhin ang sign-in details para makapaglaro.

Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro:

  • Download Machinarium on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=air.net.machinarium.Machinarium.GP&hl=en_US&gl=PH
  • Download Machinarium on iOS https://apps.apple.com/us/app/machinarium/id459189186
  • Download Machinarium on PC https://www.bluestacks.com/apps/adventure/machinarium-on-pc.html

Kung sa PC mo napiling maglaro ng Machinarium, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang website. Sa Bluestacks ay ginanagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos ma-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at tricks sa paglalaro

Tingnan at intindihin nang maigi ang mga ipinapakita ng mga karakter sapagkat makakatulong ito para malaman kung paano mo malalampasan ang bawal level. Dahil walang diyalogo ang mga karakter, kailangan maunawaan ang konteksto ng mga imahen na ipinapakita sa kanilang speech bubble. Gamit ang point-and-click interface, hanapin ang mga posibleng kagamitan na iyong magagamit para masolusyunan ang problemang kinakaharap ng iyong karakter. Kung ikaw ay naglalaro gamit ang PC, ipinapayo kong hanapin ang hotspots sa screen. Magagawa ito kapag itinapat ang mouse pointer sa bawat bahagi ng lugar at mapapansing mag iiba ang cursor. Nangangahulugang posible ang interaksyon sa partikular na bagay na iyon. Sa kabilang banda, kung ang gamit sa paglalaro ay mobile phone, maging masipag na isa-isahin ang pag-click sa bawat bagay na sa tingin mo ay pwedeng magamit ng iyong karakter. 

Kung dumating sa punto na ikaw ay nahihirapang tapusin ang level, maaari mong gamitin ang walkthrough book na matatagpuan sa kanang itaas ng screen. Bago ito mabuksan, kailangan munang maglaro ng isang mini game. Sa paglalaro nito, mahalagang tamaan ang mga gagambang nakasabit at iwasan ang bricks upang makuha ang susing matatagpuan sa dulo ng laro. Matapos buksan ang libro, makikita ang step-by-step na mga larawang gagabay sa iyong karakter. Ito ay magsisilbing mga clue para magkaroon ng ideya kung ano ang iyong susunod na magiging hakbang. Huwag mag-alala kung malilimutan agad ang nilalaman ng libro dahil pwedeng balik-balikan ang pagbabasa.

Related Posts:

My City: NewYork Trip Review

Papa’s Pancakeria To Go! Review

Machinarium - Laro Reviews

Machinarium – Laro Reviews

Pros at Cons ng Machinarium

Kahanga-hanga ang visual style ng laro, partikular na sa detalyadong pagguhit ng bawat bagay na makikita rito. Nakakadagdag sa kabuuang dating ng laro ang kombinasyon ng kada kulay at intensity nito. Hindi maikakaila ang kahusayan sa pagdisenyo dahil mapapansin ang masinop na paggawa sa shading. Pati na ang tila naglalahong itsura ng mga tanawin, indikasyon na nasa kalayuan ito. Bukod sa hindi pangkaraniwang graphics, kapuri-puri din ang mga ginamit na background music dahil umaakma ito sa kabuuang atmospera na mayroon kada level. Dagdag kagandahan din sa laro ang mga tunog na maririnig mo kapag nakipag-interact ang karakter sa kanyang paligid. 

Pagdating naman sa gameplay, hindi man komplikado ang mechanics ng laro ay naroon pa rin ang pagiging challenging nito. Bahagyang napapalawig nito ang kaisipan ng mga manlalaro sa pamamagitan ng pagkakaroon ng matalas na pagsusuri sa estratehiya at pag-ugnayin ang bawat clue na iyong natuklasan. Kaya mas lalong nakahuhumaling ang paglalaro nito dahil nakapagbibigay kasiyahan sa manlalaro kapag nalampasan ang bawat level. Dagdag pa rito, hindi limitado ang laro sa isang pangkat ng edad lamang sapagkat pwede itong laruin maging bata man o matanda.

Sa kabilang banda, kadalasang iniaangal ng mga manlalaro ang bugs na kanilang nararanasan. May mga pagkakataon na biglang nagka-crash ang app sa gitna ng paglalaro. May problema rin ang iba sa pag-save ng kanilang progress matapos muling buksan ang app. May posibilidad na mangyari ito kapag sinimulan ang laro ng hindi naka-sign-in sa Google Play Games, na kung saan ay maaaring na-overwrite ng cloud service ang iyong mga naunang gawa. 

Konklusyon

Kung isinasaalang-alang ang kabuuang features ng laro, tiyak na nakakahumaling laruin ang Machinarium. Napakahusay ang pagkakalikha rito, mula sa graphics pati na ang background music ng laro. Kaya kung ang hanap mo ay isang point-and-click puzzle adventure game na may tamang timpla ng pagiging mapanghamon at kasiyahan, i-download na ang Machinarium sa iyong device! Nawa’y nagkaroon ka ng mas malawak na kaalaman tungkol sa larong ito matapos mabasa ang artikulong ito ng Laro Reviews.

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...