Build Heroes: Idle Adventure Review

Build Heroes: Idle Adventure – Hilig mo ba ang mga larong 3D pixel art tulad ng sikat na Crossy Road? Kung ganon ay saktong-sakto sa iyo ang larong itatalakay natin sa artikulong ito. Alamin kung ano ang masasabi ng Laro Reviews tungkol sa features, tips, tricks, pros, at cons ng laro at tingnan kung papasa ito sa iyong kagustuhan!

Ang Build Heroes:Idle Adventure ay isang casual game na ginawa ng Bibiboom na kung saan ipinapakita ang kombinasyon ng building at survival na klase ng laro. I-imagine ang sitwasyon ng post-apocalypse at nawasak na sibilisasyon ng tao. Matapos makaligtas mula sa sakuna kasama ang iyong alagang aso, napadpad kayo sa maliit na isla. Para mabuhay, kailangan mong tugunan ang mga pangunahing pangangailangan. Mula sa pagtatayo ng matitirahan gamit ang nilagaring mga kahoy, hanggang sa iba pang kagamitan at pagkalap ng pagkain araw-araw. 

Build Heroes: Idle Adventure - Laro Reviews

Build Heroes: Idle Adventure – Laro Reviews

Taglay ng laro ang 3D pixel art. Masaya ang kabuuang atmospera ng laro, sinamahan pa ng matingkad na graphics at light music. Madali lang ang mechanics ng laro pati ang controls nito. Sa pamamagitan ng pag-click ng interface, doon makokontrol ang galaw ng karakter. Ang layunin ng laro ay magtayo ng bahay para makumpleto ang level at lumipat sa panibagong lugar. Mahalaga ring tugunan ang pangangailangan ng mga na-rescue at protektahan sila laban sa zombie. Mababantayan ang lugar gamit ang 360-degree view nito. 

Features ng Build Heroes: Idle Adventure

Combined Video Game Genre – Pinagsamang adventure, idle, at survival games ang Build Heroes: Idle Adventure. Kontrolado ng manlalaro ang karakter habang tumatakbo ang istorya ng laro sa kanyang eksplorasyon. Magsisimula ang karakter sa gitna ng isla kaya kailangan niyang gumawa ng paraan upang mabuhay. Parte rito ang pagtatayo ng matitirahan, paghahanap ng makakain, at iba pa. Mula sa wala, ang layunin ay maibalik ang nasirang sibilisasyon. Panghuli, patuloy na tatakbo ang laro kahit na walang interaksyon mula sa manlalaro dahil isa itong idle game. 

Build Your House – Magtayo ng sariling bahay! Gamitin ang mga kagamitang matatagpuan sa paligid. Sikapin ang paggawa ng bawat parte nito magmula sa pader hanggang sa bubong, para matapos ang kabuuang gusali. Hindi na rin kailangan maghintay ng matagal sa paggawa.

Build Heroes: Idle Adventure - Laro Reviews

Build Heroes: Idle Adventure – Laro Reviews

Heroes and Pets – Mayroong mahigit na 50 heroes at pets ang pwede mong makuha. Ang kailangan lang ay marating ang hinihinging level para ma-unlock ang bawat hero at pet. Sila ang tutulong sayo upang mapanatili ang kaligtasan at kasiguraduhan ng lahat.

Single-handed Game – Bukod sa hindi komplikado ang mechanics ng laro, mas pinadali ang paglalaro dahil pwede itong laruin gamit lang ang isang kamay. Dahil dito, nananatiling kumportable ang manlalaro sa kanyang ginagawa o pwesto habang naglalaro. 

Offline Mode – Hindi na kailangan ng internet connection o mobile data para lang laruin ito. Ang kagandahan sa feature na ito ay pwede kang maglaro kahit nasaan ka man! Hindi na sagabal ang bilis ng internet connection para sa maayos na paglalaro.

Day/Night Cycle – I-enjoy ang simulation ng day/night cycle na 24 oras. Patulugin ang mga karakter sa gabi at gisingin sila sa tuwing sasapit na ang umaga upang simulan ulit ang pagtatrabaho. Makikita sa kaliwang itaas ng screen ang orasan at kung kailan sasapit ang umaga, hapon, gabi, at ang oras ng pagtulog. 

Saan pwedeng i-download ang Build Heroes: Idle Adventure?

Gamit ang iyong smartphone, pumunta sa App Store para sa iOS users, at sa Google Play Store naman sa Android users. Ilagay ang Build Heroes: Idle Adventure sa search bar. Pindutin ang icon nito at pindutin ang Install o Get button. Direkta mo nang maida-download ang app dahil free-to-play (F2P) ang laro. Antaying makumpleto ang pag-download, pagkatapos ay buksan ang app at kumpletuhin ang sign in details. Pwede mo na simulan ang laro! 

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Build Heroes: Idle Adventure on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.bibiboom.idleshelter&hl=en_GB&gl=PH

Download Build Heroes: Idle Adventure on iOS https://apps.apple.com/us/app/build-heroes-idle-adventure/id1576857310

Tips at Tricks sa Paglalaro

Build Heroes: Idle Adventure - Laro Reviews

Build Heroes: Idle Adventure – Laro Reviews

Sa umpisa ng laro, mayroong instruksyon sa kung ano ang dapat gawin. Siguraduhing naintidihan ito nang maayos bago tumungo sa susunod na hakbang. Ang kailangan lang sa paglalaro ay pindutin ang screen para gumalaw ang karakter at maisagawa ang mga misyon. Laging i-check ang listahan ng mga dapat mong gawin sa to-do list na icon na nasa ibabang bahagi ng screen. Iyon ang nagsisilbing gabay para makumpleto ang isang partikular na level. Para dumami ang tauhang magiging katulong sa pamamahala ng isla, dapat na i-rescue mo ang mga taong nasa panganib. Isa ito sa mga paraan para ma-unlock sila. Bukod pa sila sa mga karakter na dapat munang bilhin sa Shop. Makatutulong din ang panonood ng ads para makalikom ng maraming gold coins. Pero kung gusto mong mapabilis ang iyong progreso sa pagtayo ng gusali, mainam kung hindi sunud-sunod ang panonood ng video ads upang hindi mapunta roon ang karamihan sa iyong oras.

Related Posts:

DOP 4: Draw One Part Review

Combat Master Mobile FPS Review

Ugaliing tignan ang Shop kung maaari na bang makuha ang libreng 15 piraso ng diamonds. May countdown ito kung kailan susunod na makakatanggap. Dagdag pa rito, mangolekta ng gold coins, prutas, at iba pang resources sa pamamagitan ng pangingisda, pangangaso, pagputol ng puno, at pakikipaglaban sa zombies. Sa iyong pamamahala sa lugar, obserbahan ang ginagawa ng bawat isa. Agad na tugunan kung sila ay humihingi ng tulong, nagugutom, o inaatake ng zombie. Gamitin ang 360-degree view para mapadali ang pagtingin sa kabuuang kalagayan ng lugar.

Pros at Cons ng Build Heroes: Idle Adventure

Kakaiba ang laro sapagkat hindi ito tulad ng karaniwang larong may tema tungkol sa zombie apocalypse. Imbis na nakakapangilabot ang paglalaro, hindi mo magagawang matakot sa zombies dahil sa kanilang cute na itsura. Nakakadagdag dating at enganyo rin ang background music habang naglalaro na sinamahan pa ng makulay na graphics. Kaya kahit na nasa post-apocalypse ang tema at istorya, walang bakas ng nakakapangilabot na disenyo rito. Sa halip ay maaliwalas at masigla ang kabuuang atmospera ng laro. Lalo ring pinaganda ang kabuuang karanasan dahil sa dynamic weather na feature, kung saan mayroong iba’t ibang klimang ipapakita sa laro tulad ng araw, ulan, kidlat, niyebe, dust storm, at iba pa. 

Nakatutulong ang controls ng laro, partikular na ang 360-degree view nito. Pwede ring i-zoom in at out ang screen para makita nang malinaw ang mga maliliit na detalye. Ngunit, tandaan na hindi ito fixed kapag nag-zoom in at out sapagkat babalik din agad ito sa normal. Dahil F2P ito, napakaraming ads ang makikita sa laro. Makakakuha ka ng gold coins o treasure chest kapag tinapos itong panoorin. Kung nais mong makakuha ng gold coins nang hindi nanonood ng ads, kailangan pang magbayad ng diamonds pero magagamit mo lang ito ng isang beses. Sobrang dalas ng ads sa punto na napipilitan na manood ng mga ito ang manlalaro para lang magawa ang maraming bagay. Kailangan mo pang gumastos ng aktwal na pera para permanenteng matanggal ang ads sa laro. Kung hindi mo hilig ang idle game na kung saan hindi masyadong kailangan bigyan ng effort para umusad ang laro, malamang ay magiging boring lang ito para sayo. 

Konklusyon

Bilang kabuuan, mairerekomenda ng Laro Reviews ang Build Heroes: Idle Adventure kung ang hanap mo ay simple at cute na laro. Hindi komplikado ang mechanics nito kaya pwede kang mag-relax habang nilalaro gamit ang iyong isang kamay. Sa larong ito, mararanasan mong magtayo ng sariling bahay mula sa wala, ipagtanggol ang mga ibang nakaligtas, magpagaling ng may sakit, protektahan ang mga tao laban sa atake ng zombies, at ibalik ang sibilisasyon. Sari-sari ang matutunghayan habang patuloy sa paglalakbay. Kung nagustuhan mo ang laro base sa nabasa sa artikulo, i-download na ito sa iyong smartphone!

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...