Stormbound: Kingdom Wars Review

Hindi ito chess, dama, snakes and ladders o kung ano man ang pumasok sa isip mo nang banggitin na board game ang itatampok namin para sa review na ito. Ngunit sigurado kaming kung ano ang sayang nararanasan ninyo sa tuwing naglalaro kayo ng mga nabanggit naming board game sa itaas ay ganun din para sa larong ito. Ito ang Stormbound: Kingdom Wars, isang free-to-play strategy game na nilikha ng sheepyard.

Sa larong ito, umiikot ang kwento sa malawak at mayamang mundo ng Stormbound at naninirahan ang apat na kingdom na nagpapaligsahan para sa kapangyarihan. Simple lamang ang gameplay ng larong ito dahil dito ay mangongolekta ng mga card, gamitin ito sa pakikipaglaban hanggang sa mapasok at masira mo ang base na mayroon ito. Bukod pa rito, puno ang larong ito ng iba’t ibang klaseng PvP battles na maaari mong laruin. 

Features ng Stormbound: Kingdom Wars

Bilang panimula ng laro ay bubungad muna sa bawat manlalaro ang tatlong klaseng tutorials. Sa tuwing malalagpasan ng bawat manlalaro ang mga ito ay bibigyan ka nito ng iba’t ibang klase ng cards na iyong magagamit sa mga tunay mong laban. Mayroong tig-tatlong common cards para sa pagkumpleto ng Tutorials 1 at 2 habang tatlong rare cards naman para sa Tutorial 3.

Stormbound: Kingdom Wars - Laro Reviews

Stormbound: Kingdom Wars – Laro Reviews

Sa bungad ng laro ay mayroong iba’t ibang section na makikita sa gitna ng main screen nito. Isa na rito ang Ranked section kung saan makikita ang iba’t ibang klase ng league gaya ng starters, iron, bronze, silver, gold, platinum, diamond at heroes. Bawat isa sa mga ito ay may tiglilimang rank. Sa oras na makumpleto mo ang bawat rank na ito ay maaari kang makakuha ng coins at maaaring ma-promote pa sa mas mataas na rank. Bukod pa rito, maaari ka ring makakuha ng random cards.

Pagdating naman sa Campaign section ay bubungad sa’yo ang apat na klase nito gaya ng Swarm of the East, Winter Pact, Ironclad Union, at Tribes of Shadowfen. Mayroong tig-aapat na Chapter ang bawat isa nito at sa oras na makumpleto mo ang mga ito ay makatatanggap ka ng iba’t ibang klase ng card. Kung iisa-isahin ay mayroong tig-tatlong common cards para sa Chapters 1 at 2, habang tatlong rare cards naman para sa Chapter 3. Kung sakaling matapos mo naman ang Chapter 4 ay makatatanggap ka ng isang noble book na naglalaman din ng iba’t ibang rare at epic cards.

Mayroon ding nilagay ang larong ito na section kung saan makikita mo ang card na iyong nalikom sa pagkumpleto mo ng ilang battle sa laro. Maaari mong iayos ang mga ito depende sa kanilang name, bilang ng mana, strength, speed at level. Sa section na ito, maaari kang bumuo ng iba’t ibang deck kung saan naglalaman iyon ng mga pinili mong cards para lamang sa specific na laro. Sa collection mo makikita kung ilang deck pa ang magagawa mo at kung alin pa ang maaari mong ma-unlock.

Dahil maaari mo ring makalaro ang iba pang manlalaro rito, mayroong nilagay ditong section kung saan maaari mo silang i-add gamit ang kanilang mga player’s ID. Hindi rin nawawala ang shop kung saan makikita ang vanishing packs, special offers, cards, rubies at coins. Ito ang mga event at items ng laro na mabibili mo gamit ang tunay na pera.

Kung papasukin naman natin ang mismong labanan ay makikita natin ang bawat feature na naka-organize sa paligid ng ating screen. Bukod dito, mayroong base na nakalaan para sa bawat manlalaro. Makikita mo rito ang mga numero kung saan ito ang nagsisilbing guide ng mga manlalaro kung ilang mga character pa ang kailangan mong mapasok sa base ng kalaban para tuluyan kang manalo. May mapapansin ka naman sa battlefield na mga linya kung saan palatandaan ito kung hanggang saan mo maaaring ilagay ang iyong mga karakter. Sa bandang ibaba naman nito makikita ang bawat card na mayroon ka, habang sa gilid naman nito ay ang numerong nakalagay sa hugis dyamante. Sa laro, mana ang tawag dito kung saan dito nakadepende kung ilang cards lamang ang magagamit mo. Sa bandang taas naman ng mana makikita ang mga nakahilerang cards na ginamit naman ng iyong kalaban.

Stormbound: Kingdom Wars - Laro Reviews

Stormbound: Kingdom Wars – Laro Reviews

Dumako naman tayo sa itsura ng mga card. May iba’t ibang klase ito gaya ng common, rare at epic. Sa bandang taas naman nito makikita rin ang mana. Ito ang maaari mong silipin kung pasok pa ito sa manang mayroon ka sa mismong labanan. Halimbawang nasa sampu lamang ang mana, maaari mong gamitin ang mga card na hindi bababa sa 10 ang mana. Sa bandang ibaba na kaliwang bahagi naman nito makikita ang strength icon (kulay rosas), kung saan nakadepende sa bilang nito kung gaano karami ang grupong malilikha nito sa oras na gamitin mo. Sa kanan naman makikita ang speed icon (kulay asul) kung saan nakadepende naman sa bilang nito kung gaano karaming hakbang ang maaaring gamitin ng iyong karakter sa oras na gamitin mo na ito.

Saan maaaring i-download ang app?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 134MB sa Google Play habang 509.9MB naman pagdating sa App Store. Pagdating naman sa laptop o PC, nangangailangan ito ng emulator gaya ng bluestacks. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Stormbound: Kingdom Wars on PC https://www.bluestacks.com/apps/strategy/stormbound-kingdom-wars-on-pc.html

Download Stormbound: Kingdom Wars on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.kongregate.mobile.stormbound.google

Download Stormbound: Kingdom Wars on iOS https://apps.apple.com/us/app/stormbound/id1234446615

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Stormbound: Kingdom Wars

Nang sinubukan ng Laro Reviews laruin ang Stormbound: Kingdom Wars, ito ang mga bagay na napagtanto namin. Paalala na ang tips na aming babanggitin ay maaaring hindi maging epektibo sa’yo oras na umpisahan mong laruin ito. Gayunpaman, isa ito sa maaari mong maging gabay upang malaman mo kung paano ang nagiging kalakalan sa loob nito.

Related Posts:

Road to Valor: World War II Review

Dawn of Titans: War Strategy RPG Review

Sa tuwing nasa labanan, mapapansin mo ang linyang nasa battlefield. Bawat manlalaro ay mayroong sariling linya. Kulay asul ang sa’yo habang pula naman ang sa iyong kalaban. Trabaho nitong malaman mo kung hanggang saan ka maaaring umabante. Upang mapalapit ang linyang ito sa mismong base ng kalaban, kailangan mo lamang sikaping umabante ng umabante. Kung mangyari naman na mapansin mong ganito rin ang ginagawa ng kalaban, agapan mo na ito agad. Gumawa ka ng paraan upang mapatay ang mga papalapit mo nang kalaban. Kahit anong card ay maaari mong gamitin para lamang mapigilan ang mga ito.

Palaging may pagkakataong mayroong card na ginagamit ang kalaban na talagang bago pa lamang sa’yo. Magugulat ka na lamang dahil mayroon silang card na wala ka. Gayunpaman, hindi mo kailangang mag-alala dahil makukuha mo rin ito sa oras na matalo mo ang iyong kalaban. Pinapakita lamang sa’yo ng laro ang kapangyarihang mayroon ang card na iyon bago ito mapasayo. Kaya naman, hangga’t nasa laban pa, palagi mong silipin ang kaliwa kung saan makikita ang binababang card ng kalaban. Tandaan ang gamit nito upang sa oras na mapasayo na ito ay alam mo na kung paano ito gagamitin.

Stormbound: Kingdom Wars - Laro Reviews

Stormbound: Kingdom Wars – Laro Reviews

Para sa labanan, isang mainam na laging piliin ang mga card na may maliliit ding value ngunit sa tingin mo’y epektibo. Nagsisimula kasi ang laman ng mana sa 5. Kung sakaling ang starter card mo ay naglalaman ng manang nagsisimula sa higit pa sa bilang ng mana na ibinibigay ng laro, mapipilitan kang mag-pass muna hanggang sa dumating ang numerong mayroon ang iyong card. Isa iyong malaking adbentahe ng kalaban dahil kumikilos na ito papalapit sa iyong base, habang ikaw naman ay nagsisimula pa lamang kumilos. Kaya naman, huwag isawalang-bahala ang mga card na may maliliit na value o mana. Maaari mo ring i-consider pagdating sa pagpili ng card ang mga may kakayahang pumatay kahit saang pwesto mo man ito ilagay. Pati na rin ang mga card na kayang magparami ng miyembro at magbigay ng additional member sa kanyang mga kakampi. 

Pros at Cons ng Stormbound: Kingdom Wars

Hindi tiyak ng Laro Reviews kung mayroon na nga bang nag-eexist na iba pang larong may kaparehong gameplay, ngunit para sa amin, maganda at kakaiba ang larong ito. Sinong mag-aakalang pwede kang aliwin ng simpleng baraha at board game? Hindi man masasabing isa sa pinaka-the-best ang graphics na mayroon ang laro, ngunit sapat na ito upang mapamangha ka. Witty at masasabi mong talagang pinag-isipan ang mga barahang nilatag para rito, mula sa disenyo hanggang sa iba’t ibang abilidad na mayroon ang mga ito.

Kung may isang bagay lang na masasabing downside ng laro, ito ay ang mga pagkakataong napupunta ka sa mga labanang mapagtatanto mong hindi sapat ang iyong mga dinalang cards para sa pakikipaglaban mo sa ibang manlalaro. May mga laban kasing mapapansin mong may mga card ang mga kalaban mo na maaaring wala ka. Ito ang malimit na dahilan kung bakit minsan natatalo ka sa mga labanan. 

Konklusyon

Ang Stormbound: Kingdom Wars ay isang free-to-play game ngunit may mga item sa loob nito, gaya ng ibang laro, na nangangailangan ng pagbili gamit ang tunay na pera. Ngunit kung pag-uusapan natin ang aliw na maaaring ibigay ng laro, sapat na ang mga libreng nakalatag rito upang patuloy mo itong laruin nang laruin. Tunay na epektibo ang larong ito pagdating sa genre nitong strategy game dahil talagang mag-iisip ka nang maigi sa kung anong susunod mong gagawin, makaabante lamang sa laro. 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...