A New Life Review

Hindi na siguro bago sa iyo na mayroon na talagang nag-eexist na mga larong parang nobela. Yung tipong laro na nakapaloob sa isang kwento. Kung bibisitahin mo ang Play Store at App Store ay marami kang mahahanap na mga larong ganito. Ngunit kung ang hanap mo ay yung tipong laro na kikiligin ka, maiiyak, at talaga namang may matututunan ka, pwede mong subukan ang larong nilikha ni Angela He na tinawag na “a new life”.

Ang a new life ay isang uri ng role playing game kung saan umiikot ang kwento nito sa dalawang karakter na sina May at August. Gaya ng ibang kwento tungkol sa pag-ibig, kikiligin ka sa dalawang ito. Ipaparanas nila sa iyo ang pakiramdam ng nagmamahal at minamahal. Ipapakita rin nito maging ang ilan sa mga posibleng pagdaanan ng tunay na nag-iibigan. Ito yung mga tipo ng kwento kung saan tinutulak ka talagang paniwalain na isa ang pag-let go sa tunay na kahulugan ng pag-ibig.

Sa larong ito, may kalayaan kang piliin ang magiging tugon ng mga karakter sa bawat dialogue upang umusad ang mga ito. Nasa kamay mo ang magiging daloy at magiging kahihinatnan ng kwento nila. Handa ka na bang pasukin ang mundo nina May at August at bigyan ng kakaibang ending ang kwento nilang dalawa?

A New Life

A New Life

Features ng a new life.

Artwork Graphics – Bukod sa mga karakter sa kwento, agaw-pansin ang graphics ng larong ito dahil tampok dito ang sariling artwork ng developer nito na si Angela He. Oras na simulan mo na ang laro, bubungad agad sa iyo ang nakakabighani nitong watercolor artwork dahil sa pagiging detalyado ng mga ito at hindi masakit sa mata ang kulay na ginamit dito.

Original story and soundtrack – Upang lalo pang mas maging kakaiba ang larong ito, sinikap ni Angela He na lapatan ito ng mga original niya ring gawa na soundtrack. Habang binabaybay mo ang larong ito, maririnig mo sa background ang nakakakalmang tunog ng acoustic guitar na siyang nagbibigay ng kakaibang mood sa kwento. Bukod pa riyan, mula rin sa sariling ideya niya ang buong kwento ng larong ito na talaga namang iiyakan mo… at kakikiligan! Syempre, dahil tungkol sa pag-ibig ang larong ito. 

5 endings – Ang larong ito ay may nakahandang limang ending na posibleng kahihinatnan ng kwentong nilalaro mo. Ang pagtatapos ng paglalakbay nina May at August ay nakabatay sa bawat option na iyong pipiliin upang mabigyang buhay ang kanilang kwento. Kung natutukso kang malaman ang iba’t ibang ending na mayroon ang kwento nina May at August, pwede mong i-rewind ang larong ito para lamang makita ang mga iyon.

Journal-like option – May isang feature sa larong ito na magbibigay sa iyo ng pagkakataong mamili kung saan mo gustong simulan ang kwento. Ang lahat ng iyon ay pawang nakasulat sa Journal na siyang makikita mo sa tuwing kailangan mo na ulit simulan ang laro. 

Saan pwedeng i-download ang a new life?

I-click lamang ang mga link sa ibaba para i-download ang laro depende sa ginagamit na device:

  • Download a new life on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.AngelaHe.anewlife
  • Download a new life on iOS https://apps.apple.com/us/app/a-new-life/id1512500246
A New Life

A New Life

Pros at Cons ng larong a new life

Kung usapang storyline ang pag-uusapan dito, unique ang a new life dahil hitik ang larong ito ng iba’t ibang unexpected storyline. Hindi cliché at talaga namang aabangan mo ang maaaring maging ending ng bawat kwento. Hindi rin nakakasawa ang bawat tagpo dito kahit pa ulit-ulitin mo ang mga ito. Maganda rin ang parte ng laro kung saan naka-depende rin sa bawat dialogue na pinipili mo ang magiging personalidad ng mga main characters na para bang daan iyon upang makilala mo rin ang iba’t ibang side na mayroon sila. 

Isang magandang stratehiya na sinubukan ng developer na ilapit ang ilang parte ng kwento ng laro sa sitwasyon na kinakaharap ng mundo ngayon kung saan pinahihirapan pa rin tayo ng virus dahilan kung bakit may pagkakataon na kinakailangan muna nating mawalay pansamantala sa ating mga mahal sa buhay. Detalyado nitong ipinakita kahit sa maikling sandali lamang ang bawat sakripisyo na ginagawa ng bawat isa para lamang maprotektahan ang isa’t isa. Gaya na lamang ng ginawa nina May at August. Ipinakita ng kwento sa larong ito ang pagtitiis nina May at August na huwag munang magkita nang face-to-face at mag-settle na lamang sa video call upang hindi na nila ma-infect pa ang isa’t isa ng virus.

Ang pagiging LGBT-themed din nito ang isa sa masasabing kagandahan ng larong ito dahil para bang binubuksan ng larong ito ang seryosong usapin ng pagtanggap sa ganitong klaseng mukha ng pag-ibig. Dalawa lamang ang tauhan sa larong ito ngunit matapang nitong ipinapakita na walang mali sa ganitong klaseng pagmamahalan. Malinaw ang bawat pinaparating na mensahe ng laro at masasabi mo talagang sulit ang binayad mo para laruin ito.

Related Posts:

My City: Grandparents Home

Battlevoid: Harbinger Review

A New Life

A New Life

Kung fan ka ng mga kwentong laging may tragic ending, isa ito sa nais irekomenda ng Laro Reviews para sa iyo. Masasabi talagang isang magandang experience kung lalaruin mo itong a new life dahil kahit may iba’t ibang version ang daloy ng kwento at ending ng larong ito, pare-parehas lamang ito ng patutunguhan – ang pagiging tragic nito. Maaaring sapat na ang ganito para sa iba ngunit maaaring ituring iyon na disadvantage ng iba. Sa larong ito, para bang binibigyan ka lamang ng pagkakataong pahabain ang kwento nina May at August ngunit hindi ang pag iwas nila sa posibleng mangyari sa kanilang dalawa. Para bang ipinakikita nito sa iyo ang katotohanang wala kang magagawa kung iyon ang mismong nakatadhanang mangyari para sa kanilang dalawa. 

Mainam sana kung mayroong alternate na ending kung saan, kahit papaano, magkaroon ng happy ending ang dalawa. Ngunit naiintindihan ko rin naman kung bakit walang ganoon lalo na’t isa sa mga bagay na nais ituro ng laro ay ang pagyakap sa panibagong bukas bagama’t may bigat ng kahapon tayong pasan.

Maituturing na disadvantage ng larong ito ang pagiging maikli nito. Maganda ang takbo ng laro dahil sa pagiging unique nito at talaga namang ma-a-attach ka rito sa oras na sinimulan mo na itong laruin. Ito ang tipo ng laro na hindi mo na lang namamalayan na matatapos ka na. Kaya naman nakakapanghinayang na hindi ito gaanong mahaba. Sa oras na matapos mo na ito, alam mo sa sarili mong nabitin ka kaya hihingi ka pa ng isa pa. Mainam sana kung mayroong side quest ang larong ito kung saan mayroon pang pwedeng laruin ang mga manlalaro bukod sa pinaka-pokus ng game na ito. 

Konklusyon

Walang tamang paraan, technique at tricks sa larong ito dahil kahit anong gawin mo, iisa lamang ang kahahantungan nito. Ganun pa man, sigurado ang Laro Reviews na magugustuhan mo ang larong ito dahil sa pagkakaroon nito ng isang realistic at eye-opener na kwentong nakapaloob dito. Kung isa ka sa mga taong mas naaaliw sa storyline kaysa gameplay, malaki ang tyansang magugustuhan mo ang larong ito kaya i-download mo na ang a new life.

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...