Airport Security Review

Sa larong ito, mararanasan mo ang pagiging isang airport security officer. Talamak ang mga masasamang loob na nagtatangkang pumasok sa inyong siyudad kaya sa’yo nakasalalay ang paghatol sa mga pasaherong pumapasok sa airport. Patuloy na basahin ang artikulo para sa dagdag kaalaman tungkol dito mula sa Laro Reviews. 

Ang pamagat ng larong ito ay Airport Security na nilikha ng Kwalee Ltd. Ito ay simulation game na binubuo ng mini-games kung saan ang layunin ng manlalaro ay masiguro ang kaligtasan ng lahat. Sapagkat ikaw ang magsisilbing checkpoint sa pagitan ng airport terminal at pagpasok ng mga pasahero sa siyudad, ikaw ang makakapigil sa posibleng kaguluhan na mangyari kapag nakalusot ang mga kahina-hinalang pasahero.

Ayon sa game developer nito, ipinapakita ng laro kung gaanong walang kasiguraduhan ang pagiging epektibo ng airport security practices sa kabila ng pagpapaniwala ng gobyerno na ang sagot para mailigtas ang mga tao mula sa terorismo ay pataasin ang proteksyon at bawasan ang karapatan. Mula sa reports ng gobyerno tungkol sa practices ng airport security mula 2002 ang pinagbatayan ng laro kaya naman mararanasan mo sa laro ang mga aktwal na isyu sa airport. 

Features ng Airport Security

Unique Gameplay – Pinahihintulutan ka ng larong maging in-charge sa pagpapanatili ng kaligtasan sa airport. Nasa iyong kontrol ang paghatol kung Suspicious o Approve ang pasahero batay sa kanyang passport. Pati na rin kung Arrest o Approve ang pasahero batay sa kanyang bagahe. Pagdating naman sa metal detector, may pagkakataon kang mamili kung Pat down o Approve ang pasahero batay sa mga nakatagong kagamitan sa kanyang katawan. Bukod pa rito, hahatulan mo ng Arrest o Approve ang mga pasahero depende kung may namataang weapons sa kanilang bagahe. Kapag inaresto sila, ikaw rin ang nakatalagang magsagawa ng interogasyon. 

Mini-Games – Kabilang sa laro ang mini-games tulad ng pag-verify ng passports, pag-check ng bagahe, pagkapkap sa mga pasahero, paghuli ng mga kahina-hinala, pagsiyasat sa mga inaresto, at iba pa. Patuloy na nagbabago ang kailangang i-check sa pasahero habang tumatagal ang laro. 

Realistic Scenarios – Mararanasan mo ang aktwal na scenarios na nagaganap sa airport. Matutunghayan mo minsan dito ang mga masasamang loob na gagawing hostage ang ibang pasahero para hindi sila maaresto. 

Design Your Terminal – I-upgrade ang airport terminal sa pamamagitan ng pagbili ng mga bagong kagamitan dito. Hindi lang ito, maaari mong ding bigyang disenyo ang lugar. Kabilang sa mga pwedeng i-upgrade na gamit ang desk, wallpaper, decor, scanner, at board. 

Unlock New Uniforms – Kung nais mong bigyan ng bagong dating ang iyong karakter, maaari kang mag-unlock ng uniform sa paglalaro. Kapag nakumpleto ang pag-unlock sa pitong uniforms, pwedeng-pwede mong palitan ang suot na uniform ng karakter kahit kailan. 

Saan pwedeng i-download ang Airport Security?

Sa parteng ito ng artikulo ituturo kung saan at paano i-download ang Airport Security. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users, at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito sa search bar, pindutin ang Install button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pwede mo na simulan ang paglalaro kapag natapos ang lahat ng ito.

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Airport Security on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.sunsetgames.bordersecurity

Download Airport Security on iOS https://apps.apple.com/us/app/airport-security/id1588094496

Download Airport Security on PC https://www.bluestacks.com/apps/casual/airport-security-on-pc.html

Kung sa PC mo napiling maglaro ng Airport Security, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Hindi masyadong kumplikado ang gameplay at controls nito ngunit may mga pagkakataong nakakalito kung ano bang dapat na gawin. Isa-isang tatalakayin ng Laro Reviews ang tips at tricks na makakatulong sa iyo sa paglalaro. Ang pinakaunang maipapayo ko ay alamin nang mabuti kung ano ang hinihingi sa bawat level. Bagaman mistulang paulit-ulit lang ang laro, nagbabago ang items na ipinagbabawal sa airport. Kapag may panibagong challenge na lumabas, siguraduhing maging alerto sa kung ano ang hinihingi nito. 

Napakahalaga rin ang pag-double check ng mga impormasyong ibinigay at nakalagay sa passport ng pasahero. Hindi lang ang impormasyong nakasulat sa passport ang dapat mong bigyang pansin dahil dapat alerto ka rin kung tugma ba ang nakalagay na picture. Ito ang magiging basehan mo kung kahina-hinala ba ang pasahero o hindi. 

Kapag kinapkapan ang mga pasahero, ipapakita sa iyo ang items na nahanap sa kanyang katawan. Kung puro naka-berde ang kulay ng outline ng item, hindi mo na kailangang arestuhin ang pasahero. Pero kapag mayroong isang item na may pulang outline, kailangan mong arestuhin ang pasahero kahit na marami man siyang items na may berdeng outline. 

Ang perang malilikom mo sa pagkumpleto ng bawat level ay maaaring magamit sa pag-upgrade ng iyong terminal. Hindi masyadong importante ang pag-upgrade dahil hindi naman ito nakakaapekto sa laro. Nasa sa’yo na lang kung nais mo ba itong gawin. Bukod pa rito, tuwing nakukumpleto ang level, nadadagdagan ang percentage sa para makuha ang bagong uniform. Hindi rin ito nakakaapekto sa iyong laro at dahil kadalasang nasa point of view ng iyong karakter ang laro, hindi rin kadalasang nakikita ang uniform. Pero kung nais mong makuha ang bagong uniform, kailangan munang manood ng ads para ma-unlock ito.

Pros at Cons ng Airport Security

Simple lang ang graphics at controls ng laro. Kung iisipin, masasabing kakaiba ang gameplay nito dahil nararanasan ng manlalarong maging isang airport security officer. Bagaman paulit-ulit ang kailangang gawin, hindi pa ring maiiwasan ang malito sapagkat may mga pagkakataong siguradung-sigurado ka na sa iyong hatol ngunit mali pala ito. Hinahasa nito ang manlalaro sa kanyang kakayahang mag-obserba at maghatol kung sino ang kahina-hinalang pasahero sa hindi. 

Ngunit sa kabila nito, hindi mo ma-eenjoy nang tuluy-tuloy ang paglalaro dahil sa napakadaming ads ang kailangan mong panoorin. Sobrang dalas din nitong lumabas na kahit nakaka-isang tama pa lamang sa inspeksyon ay may panibagong ads na naman at wala pang isang minutong nakakalipas. Nakakainip maghintay sa ads at talagang maiinis ka dahil laging napuputol ang iyong paglalaro. Wala rin iyong offline mode kaya hindi mawawala ang ads, pwera na lang kung magbayad ka gamit ang aktwal na pera sa laro. Bukod pa rito, may mga kaso rin ng pagla-lag ng app at hindi mapindot ang screen. 

Konklusyon

Habang isinasaalang-alang ang graphics, gameplay, controls, at cons ng laro, maikokonsiderang may potensyal ang laro na maging simple nungit nakaka-engganyo. Gayunpaman, nahahadlangan ito ng napakaraming ads na lumalabas ilang segundo pa lang ang nakakalipas. Kaya talagang hindi makakatagal ang kahit sino sa paglalaro pwera kung magbabayad ang manlalaro para mawala ang ads. Mas mainam kung mayroong offline mode ang laro dahil wala naman itong multiplayer mode. Para rin pwede itong laruin kahit walang internet connection at mawala ang napakadaming ads.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...