Ascension: Deckbuilding Game Review

Ang Ascension ay isang deck-building collectible card game kung saan ang layunin ay makakolekta ng mas maraming Honor Points kaysa sa iyong mga kalaban sa pamamagitan ng iba’t ibang estratehiya sa laro. Bago pa man nagkaroon ng digital na laro, una na itong naging libangan sa isang board game kung saan halos wala itong pinagkaiba sa digital na laro. Kung nalaro mo na ang Yu-Gi-Oh, Pokemon, at Hearthstone, marahil ay pamilyar ka na rin sa daloy ng paglalaro ng isang deckbuilding game. Paano nga ba nilalaro ang Ascension: Deckbuilding Game? 

Upang laruin ito, ang unang bagay na dapat nating alamin ay kung paano magsisimula sa laro. Ang mga manlalaro ay may parehong panimulang tig-sampung cards. Ang mga ito ay binubuo ng walong Apprentice at dalawang Militia card. Ang mga apprentice ay magbibigay sayo ng isang rune (katumbas ng mga coins sa ibang laro) at ang Militia naman ay magbibigay sayo ng isang power. Gagamitin mo ang mga ito para bumili ng mga bagong card sa pag-usad ng laro at talunin ang mga Monster sa Center Row.

Wala masyadong silbi ang unang sampung cards na makikita sa iyong deck, pero pwede mo silang mapalitan sa pag-usad ng paglalaro. Habang dumadami ang bilang ng cards sa iyong deck, mas mabuting habang maaga pa ay maitapon mo na ang mga cards na ginamit sa simula ng laro sa tinatawag na Void. Mas mainam na kaunti lamang at puro malalakas na uri ng cards ang laman ng iyong deck upang mas mabilis na makapili ng combo na gagamitin.

Sa karagdagan, binubuo ang laro ng ilang zones kaya kailangan mong maging pamilyar sa mga ito kapag naglalaro dahil malaking bahagi sila ng mechanics sa laro. Una, mayroong tinatawag na Deck Zone kung saan napupunta ang iyong deck. Mayroon ka ring Discard Pile, na kung saan napupunta ang mga biniling card at nakuhang card mula sa paglalaro, maaari mo silang i-shuffle pabalik sa deck kapag kailangan mong maglatag ng cards sakaling kulang ka na sa Deck. Ang Void naman ay nasa tabi ng pangunahing draw deck na tinatawag ring Center Deck. Maraming card ang napupunta doon dahil nagsisilbi itong tapunan ng mga nagamit ng cards, o mga cards na ayaw mong magamit ng mga kalaban. Dagdag pa, sa itaas ng bahagi ng game ay may nakalaan para sa Construct at Trophy card. Ito ang mga card na mananatili sa laro at sa pagitan ng palitan ng mga cards ng mga manlalaro dahil mayroon silang iba’t ibang triggering effect na maaaring gamitin upang mag-trigger ng isang ability. 

Higit sa lahat, ang pinakamahalagang zone ay ang Center Row, dahil dito nagaganap ang pangunahing aksyon ng laro. Dito ka bibili ng mga card sa pamamagitan ng paggastos sa mga rune na makikita sa iyong mga card at ng iba pang biniling cards. Bilang karagdagan sa mga zone na ito, mayroon ding tatlong permanenteng available na stack ng mga card na bibilhin o tatalunin: Mystics, Heavy Infantry, at ang The Cultist.

Narito naman ang mga pokus ng malalakas na cards: Mechana na nakatuon sa Honor Points, Void para sa patapong cards at makakuha ng power, Lifebound ay makakatulong sa pagkuha ng runes at Honor Points, at Enlightened na ang sentro ay sa card draw at card advantage.

Mula sa Lifebound cards, pwede mong magamit ang Cetra, Weaver of Stars upang makakuha ng anumang Hero sa Center Row at ilagay ito sa ibabaw ng iyong deck, isang mahusay na paglalaro sa kalaunan kapag isinama sa isa pang hawak na card. Ginagawa rin ng Stone Circle ang parehong bagay na kayang gawin ng Cetra, ngunit sa limitadong kakayahan lamang kung saan ang Hero ay dapat na nagkakahalaga ng Tatlong runes o mas mababa. Dagdag pa rito, ang Wolf Shaman ay mabibili sa halagang tatlong runes na magbibigay sayo ng isang rune kapag nilalaro, kasama ng karagdagang card draw.

Kung ang inaasam mo ay Power, matatalo mo ang maraming malalaking halimaw sa bawat turn mo sa laro, gaya ng Avatar of the Fallen, Xeron, Duke of Lies, at Earth Tyrant. Gagantimpalaan ka ng lahat ng Halimaw na ito ng Honor Points, at mga kapaki-pakinabang na effects, kahit pa nasa huling yugto ka na ng laro. Kung gusto mo naman ang runes, o card draw route, makakakuha ka ng sapat na runes para makuha ang mas mahal na Constructs o Heroes na hindi lang magbibigay sayo ng access sa magagandang effects, bibigyan ka rin nila ng maraming Honor Points bago magbilangan sa dulo ng laro.

Kapag turn mo na sa laro, maaari kang maglaro ng mga card sa alinmang pagkakasunud-sunod na gusto mo. Ang layunin ay upang maubos ang lahat ng Honor Points. Sa oras na mangyari ito, matatapos na ang laro kung ikaw ang unang manlalaro ng mga card sa Deck. Kung hindi, ang pangalawang manlalaro ay makakakuha ng isang huling round bago maganap ang pagbibilang ng mga Honor Points na nakuha. Tandaan rin na ang unang manlalaro ay siyang laging unang makakapili sa mga card. Malaki itong kalamangan dahil maaari niyang sirain ang direksyon ng isang deck at ng ilan pang mga card.

Saan maaaring i-download ang laro?

Maaaring ma-access an glaro gamit ang sumusunod na links:

Download Ascension: Deckbuilding Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.playdekgames.android.Ascension

Download Ascension: Deckbuilding Game on iOS https://apps.apple.com/us/app/ascension-deckbuilding-game/id441838733

Download Ascension: Deckbuilding Game on PC https://store.steampowered.com/app/320430/Ascension_Deckbuilding_Game/

Features ng laro

  • Can be played online or offline- Wala ng hahanapin pang iba ang mga manlalaro dahil kahit offline ay pwede pa ring malaro ang Ascension: Deckbuilding Game. Maituturing na isa ito sa mga dapat taglayin ng iba pang deckbuilding na laro.
  • Can be played with multiple players- Gaya ng nasa board game, maaari ring malaro ito ng mayroong higit sa dalawang manlalaro kaya maganda itong laruin kasama ang pamilya o barkada.
    • Detailed Cards- Ang mga cards ay nagtataglay ng mga larawang walang kapantay sa ganda, maingat na pinagtagpi-tagpi ang mga detalye nito kaya naman litaw ang maangas na feature na ito ng laro.
  • Challenging- Napaka-unpredictable ng laro, hindi mo agad-agad na mahuhuluan ang mga strategies ng kalaban, maging ang ikot ng mga card kaya sadyang masusubok ang game plan ng isang manlalaro.

Tips para sa mga bagong manlalaro:

  • Learn the purpose of each card – Para sa mga hindi pa gaano kapamilyar sa larong ito, mas mabuting alamin muna ang bawat kapangyarihan ng card, paano ito gamitin at anong kombinasyon ang maari mong gawin sa mga ito.
  • Be Observant – May dalawang uri ng manlalaro rito: una, yung mga active players, sila yung inaaral ang laman ng board at laging may strategy na sinusunod. Pangalawa, yung mga tinatawag na Reactive players, sila naman yung nagka-counter attack sa bawat move na ginagawa ng kalaban. Ginagawa din nila lahat para hindi magaya ang kanilang strategy. Kailangan mong pumili kung magiging sino ka sa dalawang nabanggit na manlalaro, pero tandaan na pwede ka ring maging isang active at reactive player ng sabay.
  • Choose Wisely – Ang una mong dapat bilhin ay Mystics, maliban na lang kung kaya mong bumili ng mas mahusay sa Center Row, gaya ng Arha Initiate, Void Initiate, Temple Librarian, Arbiter of the Precipice, Twofold Askara, o Ascetic of the Lidless Eye. Sadyang kamangha-mangha ang mga katangian nila dahil bibigyan ka ng mga extrang card draw, o mag-aalok ng deck-thinning banish effect. Sa unang yugto pa lamang ng laro, dapat na makakuha ka na ng alinman sa mga ito para hindi ka madurog ng mga kalaban sa huling bahagi ng laro.
  • Choose your Battle Sa unang yugto ng laro, nakakatukso ang paggamit ng mga makapangyarihang card kagaya ng Mystic at Heavy Infantry card ngunit huwag lustayin lahat ng runes na mayroon ka upang bilhin lamang ang mga ito dahil sa huli, maaaring hindi mo rin sila magamit sa laro. Pero kung hindi naman combat-focused game ang klase ng paglalaro mo ay hindi mo na sila kailangang bilhin pa. Panatilihin lamang na sapat ang mga nasa deck card mo.

Pros at Cons ng laro

Kailanman ay hindi magdadalawang isip ang Laro Reviews na sabihing ang Ascension: Deckbuilding Game ay isa sa mga larong bunga ng masusing pagpaplano. Isa itong laro na puno ng excitement at masasabi mo talagang God-tier. Graphics pa lang ay mamamangha ka na sa kalidad nito. Hindi rin pwedeng makalimutan ang feature sa laro na pwedeng i-adjust ang bilis ng palitan ng card, kung gusto niyo ng mas mabagal, ang speed ay pwedeng ilagay sa slow at hanggang fast bilang pinakamabilis.

Sa kabilang banda, muntik ng tuldukan ng larong ito ang kasabihan na “walang perpekto sa mundo,” kung hindi lamang nagkakaroon ng madalas na lagging sa laro at hindi nabubura ang mga expansions na nabili na bawat pag-update sa laro. Bukod pa rito, hindi rin nalalaro ang Ascension: Deckbuilding Game sa ibang Android phones.

Konklusyon

Kapag na-master mo na ang daloy ng laro, gugustuhin mong bumili ng ilan sa mga expansion para sa Ascension. Napakaraming pagpipilian at magpapakilala ng bago at kapanapanabik na mga card, tulad ng Soul Gems na maaaring maging anyo ng anumang card sa laro at Energy Shards na nagsisilbing card draw at energy na magpapasigla sa mga card para sa mas malakas na effects. Ang mas maraming enerhiya na maaari mong gamitin nang sabay-sabay, mas mabuti. Sa ngayon, mayroong anim na pangunahing expansions sa laro, ilan sa mga ito ay ang Rise of Vigil, Darkness Unleashed, at Storm of Souls. Bukod sa iilang kahinaang nabanggit sa laro, naniniwala ang Laro Reviews na wala ka ng hahanapin pang iba sa Ascension: Deckbuilding Game. Kaya naman, ‘wag na magpahuli pa at i-download na ang laro.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...