Bestie Breakup – Run for Love Review

Bestie Breakup – Run for Love – Minsan, sa dulo ng isang love story na libro o sa isang pelikula, kung saan may nagaganap na pag-iisang dibdib ng dalawang bidang nagmamahalan, nabubuo ang isang espesyal na imahinasyon. Gusto rin nating makita ang sarili na naglalakad nang mabagal palapit sa altar, hawak ang isang bouquet ng bulaklak at nakapako lang ang tingin sa taong emosyonal na naghihintay sa atin sa dulo. Gusto rin nating maranasang ikasal. Ngunit paano kung isang araw ay dumating ang pagkakataong may pumigil na maging totoo ang imahinasyon mong ito, papayagan mo ba?

Sa larong ito na Bestie Breakup – Run for Love na nilikha ng Lion Studios, ang pangarap mong ikasal ay maisasakatuparan mo na. Ngunit may isang problema nga lang dahil nais din ng bestfriend mo na ikasal. Isa lamang ang maaaring ikasal sa larong ito, sino kaya ang magpapaubaya? Spoiler alert! May ikakasal sa larong ito! Ngunit ang tanong, sino kaya? Ikaw o ang iyong bestfriend? Dahil alam ng laro na nais mong ikaw ang maunang ikasal sa iyong mag-bestfriend, ang misyon mo sa larong ito ay guluhin ang relasyon ng iyong bestfriend at ang kanyang kinakasama. Kaya mo ba? 

Bestie Breakup - Run for Love - Laro Reviews

Bestie Breakup – Run for Love – Laro Reviews

Simple lang ang mechanics ng laro, mayroong dalawang road kung saan ikaw at ang iyong nobyo ang nasa kanan habang ang bestfriend mo at ang kanyang nobyo naman ang nasa kaliwa. Sa bawat road na iyon ay mayroong iba’t ibang target na maaaring makaapekto sa magiging relasyon hindi lang sa inyong magkasintahan kundi pati na rin ang relasyon ng iyong kaibigan at ng kanyang nobyo. Ang misyon mo sa larong ito ay sapulin ang mga target na ito upang pag-awayin ang dalawa hanggang sa mapilitan ang mga ito na huwag ng magpakasal. Maaari mo ring sapulin ang target na nasa iyong road upang mapigilan ang maaaring maging hadlang sa relasyon ninyo ng iyong nobyo.

Features ng Bestie Breakup – Run for Love

Sa oras na simulan mo ng pasukin ang larong ito, bubungad agad sa iyo ang iba’t ibang features nito na siyang pumupuno sa buong screen ng iyong mobile phone. Una mo kaagad mapapansin ang isang section kung saan naroon ang sampung skin na maaari mong ma-unlock sa pamamagitan ng pagkumpleto sa bawat level ng laro, sa panonood ng ads o kaya naman ay pagbili mo rito gamit ang pera na maiipon mo sa laro. Bukod dito, may sampung skin ding nakalaan para sa sinasabing boyfriend mo sa laro at walo naman para sa iyong pet.

Sa gilid nito ay meron namang space para sa pasimpleng pag-advertise ng iba pa nilang ginawang laro. Mayroon ding shop kung saan tunay na pera ang maaari mong gamitin upang mabili mo ng naka-bundle ang mga item ng laro gaya ng coins, skin at pet maging ang no ads sa halagang ₱100. Kung nais mo namang mabili ang item na no ads lang, maaari mo na itong mabili sa halagang ₱50 lang.

Bago mo tuluyang masimulan ang aktuwal na laro ay mayroon ka munang saglit na tutorial na pagdadaanan kung saan pahapyaw na ituturo sa iyo ang simpleng gameplay na mayroon ito. Ilan sa mga iyan ay kung paano tumarget at sapulin ang item na maaaring malaglag upang magkaroon ka ng lamang sa laro, maaaring para sa pagtaas ng relationship meter ninyong magkasintahan o kabawasan naman sa relationship meter sa iyong kaibigan. Sa bawat malalagpasan mo namang level ay unti-unting napupuno ang skin na maaaring sunod mong magamit sa laro at coins naman na posibleng madagdagan ng x2, x3 o x5, depende sa kung saan ito tatapat. Makukuha mo lamang din ito pagkatapos mong manood ng ads.

Bestie Breakup - Run for Love - Laro Reviews

Bestie Breakup – Run for Love – Laro Reviews

Kung papansinin, naka-angkla ang bawat level ng laro sa relationship status na alam ng lahat. Mula sa crush, date, prank, engagement, marriage at honeymoon. Dito lamang umiikot ang laro at unti-unti lamang nadadagdagan ang level of difficulty kung ipagpapatuloy. Mapapansin mo rin ang meter na mayroon sa gilid habang naglalaro nito, nakasalalay sa dami ng laman nito kung sweet ba ang magiging ending ninyo o hindi.

Saan maaaring i-download ang Bestie Breakup – Run for Love?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 104MB sa Google Play para ma-install. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba. 

Download Bestie Breakup – Run for Love on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.tgame.bestiebreakup

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Bestie Breakup – Run for Love

Madali lamang ang mechanics ng laro at kahit baguhan ka pa lamang dito ay agad mo itong makukuha. Bumilis man ang laro habang tumatagal, ito ay siguradong malalagpasan mo pa rin nang walang kahirap-hirap. Gayunpaman, kung nais mong maging isang “pro” sa larong ito, ang tanging maipapayo lamang ng Laro Reviews para sa iyo ay ang pagkakaroon ng tamang timing sa pagsapul mo sa bawat target. Sapulin lamang ang target sa oras na malapit na roon ang iyong kaibigan kasama ang kanyang boyfriend. Halimbawa nito ay kung ang sasalubong sa kanila ay bouquet ng flowers na magiging dahilan para maging sweet sila, sapulin mo ang target kapag malapit na nilang makuha iyon upang mapalitan ito ng itsurang playstation para mag-away sila. Sa pamamagitan ng tactics na ito, hindi na magkakaroon pa ng tsansa ang kabilang row na ibalik pa itong muli sa bouquet.

Related Posts:

Poppy Rope Squid Playtime Review

Gem Planet Merger – Diamond Winner Review

Pros at Cons ng larong Bestie Breakup – Run for Love

Bestie Breakup - Run for Love - Laro Reviews

Bestie Breakup – Run for Love – Laro Reviews

Sa totoo lang, kung ang Laro Reviews ang tatanungin, isa ang larong ito sa kaaadikan mo. Posible talagang hindi mo bitawan ang iyong gadget sa oras na pasukin mo ito. Wala ka ring maipipintas sa tunog nito dahil kung titingnan ay tama lang naman ang nilapat nila para dito. Kung mayroon lang sigurong problema rito na masasabi mong malaking puna talaga sa tuwing nilalaro mo ito, iyon ay ang pagbuhos ng kung anu-anong ads. Maya’t maya itong sumusulpot na para bang ang nais nito ay tanggalin ang interes mo sa paglalaro. Dahil din sa dami nito, aakalain mong talagang sinadya ito upang bilhin ng bawat manlalaro ang no ads na item na mayroon dito.

Kung titingnan ang kabuuan ng laro, masasabi mo talagang nakakaaliw ang isang ito na nilikha ng Lion Studios. Marahil ay dahil sa simpleng gameplay nito ngunit may sapat na dating upang bigyan ka ng exciting na pakiramdam dahilan para magpatuloy pa sa paglalaro. Maaari ring dahil sa graphics nito na kaya kang patawanin dahil may pagkakataong sumasayaw pa ang mga ito kapag nananalo, kumekembot, o sa tuwing nagpapakita ng affection sa kani-kanilang mga partner habang patuloy na naglalakad. Ngunit habang tumatagal, doon mo mapapagtanto na paikot-ikot lamang ang gameplay nito. Halos iilan lamang din ang kayang ibigay na bago nito na kalaunan ay maaaring maging dahilan upang unti-unti kang mawalan ng interes na ipagpatuloy pa ito. 

Konklusyon

Kung pagdating sa seryosong usapin, masasabing hindi kanais-nais ang kwentong binabaybay ng bawat manlalaro dito dahil para bang niro-romanticize ng larong ito ang paninira ng relasyon at abuso. Kung tutuusin, may mahalaga ring ginagampanan ang bawat laro dahil hindi lamang ito nagsisilbing libangan kundi isang daan rin upang makaimpluwensiya sa pag-iisip ng tao gaya ng kakayahan nitong makahasa ng iba’t ibang skills pagdating sa pag-strategize, organize, critical thinking at iba. Bagaman may warning pagdating sa kung sino lamang ang maaaring maglaro nito, hindi pa rin maiaalis na negatibo ang kayang i-impose nito sa bawat magtatangkang maglaro nito.

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...