Block Box Maxi Review

Ang Minecraft ay isa sa mga kilalang laro na may napakaraming mga clone. Ang Craft Castle Dragon Pixel Art at Craft Skyland World City ay ilan sa mga larong itinampok sa Laro Reviews. Ang pagkakaiba lang nila ay ang kanilang pangalan at ang mga skin ng mga karakter. Gayunpaman, lahat ng mga nakapaloob dito ay mga carbon copy ng orihinal. Isa ba sa kanila ang Block Box Maxi ng Block Box Global, o mas maganda ba ito kaysa sa mga nakaraang laro?

Ang layunin ng larong ito ay nakasalalay sa dalawang mode, tulad ng Minecraft Pocket Edition. Magagawa mo ang anumang bagay sa Creative Mode, tulad ng paggawa ng gusali o pagsubok ng item. Sa Survival Mode, kailangan mong manatiling buhay. Magkakaroon ito ng higit pang mga hamon dahil kakailanganin mong mangalap ng mga resource para sa paggawa ng mga materyales. Kailangan mo ring gumawa ng mga armas upang labanan ang mga halimaw na lumilitaw sa gabi.

Tulad ng Minecraft Pocket Edition, maaari mong kontrolin ang iyong mga karakter gamit ang D-pad na matatagpuan sa kaliwang ibaba ng iyong screen. Ang pagpindot sa space sa gitna ay magpapayuko sa kanila, at ang pag-double-tap sa forward button ay magpapatakbo naman sa kanila. Kung ikaw ay nasa Survival Mode, ang button sa kanang ibaba ay ginagamit para sa paglukso. Gayunpaman, ang parehong button na ito ay magpapalipad sa iyo sa Creative Mode.

Features ng Block Box Maxi 

Blocks – Ito ang mga unit na ginagamit para sa pagbuo ng isang istruktura, at ang buong mundo ay binubuo ng mga ito. Maaari mong minahan ang mga ito gamit ang mga tool, at ang ilan ay maghuhulog ng mineral kapag nasira. Gayunpaman, hindi mo masisira ang bedrock sa Survival Mode.

Mobs – Ito ang mga buhay na nilalang na gumagala sa mundo, at mayroong apat na uri ng mga ito sa laro. Ang mga Passive mob tulad ng mga hayop ay hindi kailanman aatake sayo kapag natamaan mo sila. Kung sasalakayin mo ang mga Neutral mob tulad ng mga Golem o lobo, lalaban sila. Aatakehin ka ng mga Hostile mob kapag nakita ka nila. Ang mga Zombies, Skeletons, at Creepers ay ilang mga halimbawa.

Mga weapon at mga tool – Ito ang mga bagay na maaari mong gawin para mangalap ng resources at labanan ang mga mob. Para sa mga weapon, ang laro ay may Sword, Bow, at Arrow. Fishing Rod, Hoe, Shovel, Pickaxe, at Ax naman ang mga tool.

Mga item – Ang mga bagay na maaari mong gawin o isang sangkap na kailangan upang lumikha ng iba pang mga item.

Survival Mode – Mayroon kang limitadong buhay sa mode na ito. Magiging mas malakas ang mga Hostile mob depende sa hirap na pipiliin mo. Maraming paraan para mamatay dito, tulad ng sa gutom, pagkalunod, pag-atake ng mga mob, pagsabog, pagkahulog mula sa matataas na lugar, pagkalason, at marami pang iba.

Creative Mode – Taliwas sa Survival Mode, ikaw ay isang imortal na maaaring lumipad dito. Hindi ka maaaring mamatay sa mode na ito, at walang aatake sa iyo. Mayroon kang unlimited supply ng lahat ng mga item at mga block, na nagbibigay-daan sa iyong bumuo ng anumang gusto mo.

Mga skin – Ito ang mga content na maaari mong ilagay sa iyong karakter.

Saan pwedeng i-download ang Block Box Maxi?

Pumunta sa Google Play Store gamit ang iyong smartphone kung Android user ka, at ilagay ang Block Box Maxi sa search bar. Sa kasamaang palad, hindi pa ito available sa App Store. Dahil libre ang laro, i-click at i-install ito at hintaying mai-download ito.

Narito ang mga link kung saan mo maaaring ma-download ang laro:

Download Block Box Maxi on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.sun.world.builder.craft.sword

Download Block Box Maxi on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.sun.world.builder.craft.sword-on-pc.html

Kung nais mong laruin ito sa PC, i-download muna ang MEmu Play emulator mula sa kanilang https://www.memuplay.com. Kompletuhin ang access na kinakailangan sa Google Play at mag-sign in gamit ang iyong account, at pwede mo nang i-download ang laro at maranasan ito sa PC.

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Ang laro ay may parehong mga feature katulad ng Minecraft Pocket Edition, kaya ang mga tip ay hindi magkakaiba. Gamitin ang mga ito para matiyak na mabubuhay ka ng mas matagal sa Survival Mode.

Magtipon ng mga wood.

Ang unang bagay na dapat mong gawin matapos mong mag-spawn ay maghanap ng mga puno. Suntukin ang mga ito para makakuha ng wood, ngunit mag-craft ng Axe para mangolekta ng mas mabilis. Karamihan sa mga item sa larong ito ay gawa sa mga materyales na ito, kaya huwag balewalain ang mga ito.

Itayo ang iyong base.

Protektahan ang iyong sarili mula sa mga mob sa pamamagitan ng paglikha ng isang base. Hindi ito kailangang maging malaki, ngunit siguraduhing mabibigyan ka nito ng distansya mula sa mga halimaw tulad ng mga Creeper.

Mag-craft Wooden Pickaxe.

Ito ang pinakamagandang tool sa umpisa ng paglalaro dahil mas magiging madaling kolektahin ang mga kinakailangang bagay. Sapat na ang isang Wooden Pickaxe upang magmina ng mga bato. Gamitin ang mga materyales na ito upang gumawa ng mas mahusay na mga armas at tool.

Laging tumingin sa iyong hunger bar.

Huwag mo nang hintayin na maubos ang mga ito dahil maaari kang mamatay sa gutom. Palaging isama ang pagkain sa iyong inventory para may makakain ka.

Maging aware sa oras.

Maaari kang gumawa ng clock gamit ang Gold Ingot at Redstone Dust, at gamitin ito para malaman ang oras. Lalong lalakas ang mga mob sa gabi kaya bumalik sa iyong base kapag nagsimula nang lumubog ang araw.

Pros at Cons ng Block Box Maxi 

Walang anumang mga bug na natagpuan ang Laro Reviews habang nilalaro ito. Hindi rin ito nagka-crash kahit na nagpapasabog ka ng maraming TnT sa Creative o Survival Mode. 

Maraming mga manlalaro ang hindi kayang bilhin ang Minecraft Pocket Edition. Kahit na hindi kumpleto ang feature, naibibigay pa rin nito ang ilan sa mga karanasan sa orihinal na laro. Halimbawa, mararanasan mo pa rin ang pagmimina ng resources at ang paggawa ng tools. 

Gayunpaman, kinopya lang ng larong ito ang iba pang rip-off Minecraft game. Mula sa mga sound hanggang sa mga texture, mayroon itong parehong mga feature. Hindi gaanong naging malikhain ang developer dahil wala silang idinagdag na bago sa laro. Dahil mayroon itong mas lumang bersyong hindi mo mararanasan ang buong feature. Wala itong ocean o nether update tulad ng Craft Skyland World City at Craft Castle Dragon Pixel Art. Bilang karagdagan, naglalagay ito ng ads sa kalagitnaan ng iyong paglalaro. Maaari itong maalis ang kasiyahan sa paglalaro dahil natitigil ang iyong paglalaro sa mga ito.

Konklusyon

Ang Block Box Maxi ay isang clone. Kinopya lamang nito ang mas lumang update ng orihinal na laro at binago ang ilan sa mga texture. Para sa Laro Reviews, mas mabuting bilihin ang Minecraft Pocket Edition. Ma-eenjoy mo ang buong feature nito, at masusuportahan mo ang mga developer. Kung hindi mo afford ang laro, maaari mong pagtiyagaan ito pansamantala.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...