Block Craft 3D: Building Game Review

Block Craft 3D: Building – Isa ang Minecraft sa mga larong pwedeng pambata o pangmatanda at hindi nakakasawa. Sa Minecraft, makakapagpatayo ng mga istruktura, makakapag-alaga ng mga hayop, at makakakolekta ng iba’t ibang mineral upang magamit sa pagbuo ng iba’t ibang bagay o paggawa ng equipments na magagamit mo sa laro. Maaari ka ring gumawa ng isang village at maibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga tao.  

Magandang laruin ang Minecraft ngunit hindi lahat ng tao ay may pambili para masubukan ang larong ito. Kung ang maglalaro lang naman ay isang batang wala pang muwang, mas maganda na mga libreng alternatibo muna ang gagamitin na magbibigay din ng halos eksaktong gaming experience tulad ng sa Minecraft. Kung naghahanap ka ng bersyon ng Minecraft na libre pero ayaw mong sumugal at piratahin ang laro, maaaring maging alternatibo mo ang 3D Building Game. 

Ang Block Craft 3D Game ay isang libreng city simulator na hinango mula sa Minecraft. Nagbibigay ng unlimited open world ang larong ito kaya hindi ka magsasawa na maglakbay at dumiskubre ng mga mineral at hayop na hindi mo nakikita nang madalas. May 100 milyon na downloads Building Game kaya masasabi mong isa ito sa mga creative sandbox games na may pinakamaraming populasyon. 

Block Craft 3D Building

Block Craft 3D Building

Features ng Block Craft 3D

Sobrang laki ng pagkakapareho ng Block Craft 3D: Building Game sa Minecraft. Ang kaibahan lang nila, may elemento ng simulation. Hindi gaya ng Minecraft, walang survival mode ang Block Craft Game. Sa halip, ang layunin mo rito ay bigyang-buhay ang mundong pinaglaanan mo ng oras para idisenyo. 

Isa rin sa features ng Building Game ang pagkakaroon ng building templates. Sa Minecraft, ikaw mismo ang bubuo ng mga gusali ayon sa mga materyales na nais mo. Sa larong ito naman, pwede mo nang mabuo agad ang gusali na gusto mo basta may sapat kang materyales. Mas madali ito para sa mga manlalaro ng Block Craft 3D Game. 

At dahil ang layunin mo sa Block Craft 3D: Building Game ay gumawa ng siyudad batay sa templates at pagtugmain ang mga ito, ang pagkakaroon ng magandang kalidad at kaakit-akit na mga templates ang isa sa mga bentahe ng larong ito. Ito ay mayroong ilang kamangha-manghang disenyo ng mga gusali upang matulungan kang lumikha ng isang napakagandang metropolis. 

Ikaw, bilang manlalaro, ay maaari ring humanap ng di-pangkaraniwang blocks upang lagyan ng mga palamuti ang loob at labas ng siyudad na binuo mo rito. May opsyon din sa larong ito kung saan pwede kang mag-ampon ng mga hayop at mamuhay kasama ang mga ito sa binubuo mong siyudad. Ang mga alagang ito ay kinabibilangan ng mga hayop na kasingliit ng pusa at kasinglaki ng isang elepante. 

Saan maaaring i-download?

  • Download Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.fungames.blockcraft
  • Download Game on iOS https://apps.apple.com/us/app/block-craft-3d-building-games/id981633844
Block Craft 3D Building

Block Craft 3D Building

Tips at Tricks para sa Block Craft 3D: Building Game 

Sa unang bahagi ng laro, mas gugustuhin mong bumuo ng mga istruktura na magbibigay sa iyo ng ginto gaya ng mga bahay o workshops. Kapag inuna mong bumuo ng mga gusaling nagbibigay ng EXP points, mas mabilis na mauubos ang iyong ginto. Ang pinakamagandang gawin sa Block Craft 3D: Building Game ay unahin ang mga gusaling may ginto dahil mahaba pa ang oras mo para makakuha ng EXP points. 

Sa kabilang banda, hindi dapat mapag-iwanan ang mga gusali kung saan maaari kang makakuha ng EXP points. Kailangan mo ng sapat na EXP points sa larong ito upang makapag-unlock ng iba pang mga gusali. Kapag may mas magaganda ka ng mga gusali, huwag manghihinayang na tibagin ito para magkaroon ka ng espasyo. 

Kung binili mo ang premium ng Block Craft 3D: Building Game, may pribilehiyo ka na makalipad. Kung wala ka nito, maaari mong gawin ang ginagawa mo sa Minecraft na maglalagay ka ng isang block sa ere at tatalon dito nang paulit-ulit hanggang sa makabuo ka ng hagdan. Pwede mong alisin ang blocks na ito oras na makababa ka na. 

Pros at Cons ng  Block Craft 3D: Building Game 

Kumpara sa Minecraft, magaan lang laruin ang Block Craft 3D: Building Game at wala kang masyadong aasahan rito. Pero dahil isa lang naman itong libreng laro na nagbibigay ng alternatibo para sa mga taong hindi makabili ng Minecraft, masasabi mong pwede na rin ang isang ito. Gayunpaman, may mga elemento ang Building Game na wala sa Minecraft. 

Related Posts:

Street Racing 3D Review

Hand Strike Review

Sa panlabas na anyo, masasabi mong magkatulad talaga ang Minecraft at Block Craft 3D Game ngunit kapag nalaro mo na ito nang lubos, malalaman mo kung bakit isa itong simulation at hindi isang open world sandbox. Wala ring pwedeng gawing paglalakbay dahil wala itong survival mode kung saan maaari kang makipagsapalaran at makipaglaban sa mga halimaw. Kumpara sa mundo ng Minecraft, maliit ang mundo ng Building Game. 

May opsyon din sa Block Craft Game na kumuha ng mga gawa ng ibang manlalaro. Maihahalintulad mo ito sa Community Creations sa larong Sims. Maganda itong feature kung tamad kang bumuo ng mga istruktura nang mano-mano. Kung pag-uusapan naman ang flora at fauna, halos kapareho rin ng mga nasa Block Craft 3D: Building Game ang hayop at halaman sa Minecraft. Pero syempre, may ilang mga hayop na sa Minecraft mo lang makikita. 

Block Craft 3D Building

Block Craft 3D Building

Konklusyon 

Pwedeng maging alternatibo ang Block Craft 3D: Building Game para sa Minecraft pero huwag ng umasa na magiging pareho ang iyong gaming experience. Kung gusto mo talagang maglaro ng Minecraft, ito ang dapat mong laruin. Pero kung ang gusto mo lang naman ay isang pampalipas-oras para sa iyong batang kapatid o anak, maaari mo silang makumbinsi na pareho lang ito ng Building Game. 

Pero hindi ko sinasabing hindi magandang laruin ang larong ito. Kumpara sa Minecraft, nagmumukha itong mumurahing imitasyon pero kapag tiningnan mo ang Block Craft 3D Game bilang isang simulation, makapagbibigay din ito ng kakaibang aliw. 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...