Block Puzzle Jewel Review

Tiyak na hindi na bago sa’yo ang mga block-clearing na laro dahil may katagalan na rin simula noong una itong pumatok bilang isang laro sa PC. Sa madaling sabi, may pagkakatulad ang larong ito sa kinalakihan nating larong Tetris. Ngunit ang mechanics ng laro ay naiiba sa Tetris dahil sa halip na bumabagsak paibaba ang mga block, sa larong ito ay mayroong tatlong magkakaibang hugis ng blocks sa ibaba ng screen. Ang tanging gagawin mo na lamang ay magdesisyon kung saang bahagi ng grid mo sila dapat ilagay. Random ding ibinibigay ang mga block na makikita sa ibaba kaya hindi malalaman ng isang manlalaro kung anong hugis ng block ang susunod na lalabas, ito ang nagsisilbing pinakamahirap na hamon ng laro.

Kung ikukumpara naman ang Block Puzzle Jewel sa ibang block-clearing na laro, masasabing ang mga patakaran sa larong ito ay higit na mas madali. Hindi na kailangang pagsama-samahin ang mga block na magkakapareho ng kulay, ang tanging gagawin na lamang ay ilapat ang mga block sa mga grid na walang laman nang hindi na isinasaalang-alang ang kulay. Subalit dapat na tandaan ng mga manlalaro, na habang patagal nang patagal ang paglalaro, lalo ring nagiging mataas ang level of difficulty ng laro. Bukod pa rito, laging dapat isaisip ng mga manlalarong nasa sarili nilang mga kamay nakasalalay ang kahihinatnan nila sa laro, kaya napakahalagang makahanap ng perpektong lugar para sa bawat block dahil kapag inilagay mo na ang block sa grid, hindi mo na maaaring magalaw pa ulit ito. 

Sa karagdagan, wala na ring ibang paraan pa upang manalo nang hindi lumilikha ng mga linyang patayo o pahalang gamit ang mga block sa ibabang bahagi ng screen. Kinakailangang walang puwang at maging perpekto ang mga linya upang awtomatiko itong mawala sa grid at magantimpalaan ng mga score.

Saan maaaring mai-download ang Block Puzzle Jewel?

Gamit ang search bar ng inyong device, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user o sa App Store, para sa iOS users. Kung gustong malaro ito sa PC, kailangan muna na mag-download ng Android emulator para gumana ito. 

Download Block Puzzle Jewel on Android here

Download Block Puzzle Jewel on iOS here

Download Block Puzzle Jewel on PC here

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Block Puzzle Jewel

  • Kung baguhan ka pa lamang sa larong Block Puzzle Jewel, tiyak na hindi mo agad magagamay ang estratehiya upang maipanalo ang laro. Kailangan mo lamang sumubok nang sumubok hanggang sa makuha muna ang tricks para mapahaba ang iyong playing time.
  • Sa larong ito, normal lang ang paulit-ulit na matalo kahit wala kang ibang kalaban kundi ang sarili mo lamang. Kapag naranasang mabigo, laging tandaan na laging mayroong pangalawang pagkakataon upang bumawi. Kailangan mo lamang i-motivate ang iyong sarili na mas gagalingan pa sa susunod.
  • Kung nasubukan mo namang makapaglaro na noon, siguradong may ideya ka na rin kung paano makabuo ng sarili mong tricks at gamitin ito upang maingat na ilagay ang mga block sa grid sa isang taktikal na pamamaraan.
  • Walang limitasyon sa oras kaya ang mga manlalaro ay may maraming oras upang mag-isip nang mabuti kung paano malampasan ang naitalang highest score at makapagtala ng panibagong record. 
  • Upang hindi agad-agad na matalo sa laro, panatilihing may malalaking puwang sa loob ng grid para paghandaan ang mga block na may maraming bilang.

Pros at Cons ng Laro

Isa sa magagandang katangian ng larong ito ay pwede itong malaro offline, ibig sabihin, hindi na kailangan ng mga manlalaro ng internet connection upang mabuksan at malaro ito. Sa kalagitnaan ng mga bakanteng oras, pwedeng-pwede itong laruin para pantanggal stress o libangin ang sarili saglit. Bukod pa rito, nakakamangha rin ang graphics ng laro dahil sa makukulay na blocks na makikita maging ang magandang beat ng soundtrack nito.

May magandang aral din ang laro na gustong ipabatid sa atin, “Huwag magmadali sa buhay at laging bumangon kapag nadarapa.” Walang kasiguraduhan kung anong uri ng mga block ang darating sa’yo kaya dapat laging ihanda ang sariling harapin ang hamong ito. Sa oras naman na matalo, lagi lamang isipin na hindi ka nauubusan ng pagkakataon upang muling bumawi at matuto na sa iyong pagkakamali.

Tunay na mapanghamon ang larong ito, ngunit hindi ito katulad ng ibang mga larong nagtatampok ng mga karahasan kaya walang dapat ipag-alala ang mga magulang para sa kanilang mga anak na maglalaro nito. Mainam din itong ipalaro sa ating mga lolo at lola sa bahay upang mayroon silang maging libangan. Habang naghihintay naman ng masasakyang bus o train, maaari ring laruin upang hindi mabagot sa paghihintay at makaiwas sa stress.

Sa kabilang dako, tulad ng maraming laro, isa rin sa mga negatibong katangian ng larong ito ay ang sobrang daming advertisements na lumalabas kapag nakakonekta ka sa internet. Kapag may mga importanteng mensahe kang hinihintay, hindi mo maaaring i-off ang data, o WiFi mo kaya kailangan mo talagang pagtiisan ang maya-mayang pag pindot ng x-button ng mga ad. Naaantala rin ang paglalagay mo ng blocks sa oras na bigla na lamang susulpot ang mga ad at kung minsan kailangan mong magbalik sa umpisa ng laro pagkatapos lumabas ng ads.

Kung ikukumpara naman itong laro sa ibang block-clearing game, maliliit ang blocks na ginagamit kaya minsan hindi maiiwasang magkamali ang isang manlalaro sa paglagay ng mga block sa loob ng grid. Kadalasang nagkakaroon din ng lagging kaya delayed na naigagalaw ang mga block papunta sa loob ng mga grid. Sa halip na gumamit ng maliliit na blocks, dapat ding isaalang-alang ng developer ang mga matatandang manlalaro na mahihirapang pumindot sa mga ito.

Konklusyon

Isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na tinatangkilik ang paglalaro ng mga block puzzle game ay dahil nakakagaan ito sa pakiramdam na laruin. Walang masyadong kumplikadong mechanics, walang kalabang dapat talunin at walang karahasan na dapat katakutan. Sa halip, ibayong saya ang hatid nito sa tuwing may natatanggal na mga block sa loob ng grid. Ngunit batid ng Laro Reviews na ang Block Puzzle Jewel ay malayo pa sa pagiging isang perpektong laro. Dapat na pagtuunan ng pansin ng developer ang mga nabanggit na kahinaan ng laro, partikular na ang problema sa ads. Bukod sa rotation, madagdagan pa sana ang mga special ability sa laro upang higit na mapadaling maipanalo ang laro. 

Higit sa lahat, naniniwala rin ang Laro Reviews na kailangan pang madagdagan ang game features  at ma-upgrade ang kabuuang kalidad nito. Pero kung hindi ka na makapaghintay pang maranasan ang kasiyahang hatid ng larong ito, ano pa ang hinihintay mo? Yayain na ang mga kaibigan, katrabaho, o kapamilya na i-download ang Block Puzzle Jewel at sama-samang mag-enjoy!

Leave a Comment

Login
Loading...
Sign Up
Loading...