Blue Monster: Stretch Game Review

Hanap mo ba ang cute ngunit nakakatakot na laro? Huwag nang maghanap pa ng iba dahil saktong-sakto ang larong ito para sa iyo! Tiyak na mag-eenjoy ka sa gameplay ng Blue Monster: Stretch Game.

Ang Blue Monster: Stretch Game ay isang stretch puzzle game na ginawa ng Azura Global. Nagsisilbing taga-kontrol ang manlalaro sa kulay asul na halimaw. Kakaiba ang halimaw na ito sapagkat mapapansin na tila ba’y may dalawa itong kaanyuan. Sa unang tingin, iisipin na pangkaraniwang cute na karakter at mala-teddy bear lang ito, lalo na kapag ngumiti ito nang hindi kita ang ngipin. Ngunit sa oras na ipakita na nito ang kanyang ngipin, magiging kahindik-hindik ang itsura nito. Masasabing ganap nga itong halimaw dahil sa nakakasindak nitong aua at nakakakilabot na patusok-tusok na ngipin.

Sa gameplay, kailangang i-click ang pader para lumipat ang bilugang kamay at paa ng halimaw. Didikit ito sa pader na iyong pinindot at uunat ang katawan ng karakter hanggang sa maabot ang destinasyon. Ang manlalaro ang may kontrol kung saan ito tutungo para maisagawa ang layunin at malagpasan ang mga balakid sa bawat level. Sari-saring mga balakid ang maaaring makasagupa sa paglalaro, kabilang dito ang mga bomba, cog, lava, at marami pang iba. Sa artikulong ito mula sa Laro Reviews, malalaman ang features, tips, tricks, pros, cons, at kung paano i-download ang laro kaya basahin ito ng buo!

Blue Monster: Stretch Game - Laro Reviews

Blue Monster: Stretch Game – Laro Reviews

Features ng Blue Monster: Stretch Game

Easy Mechanics – Napakadali ng mechanics ng laro kaya kaagad itong matututunan ng kahit sino. Dahil sa madaling game controls at mechanics, mae-enjoy itong laruin maging ng mga bata. Ang kailangan lang ay i-click ang screen para ikontrol ang karakter. Kapag pinindot ang gilid ng pader, lilipat doon ang pagkakadikit ng kamay o paa ng halimaw. Sa pamamagitan nito, nakakayanan ng karakter na lumipat ng posisyon habang patuloy na nakasabit. 

F2P – Walang bayad and paglalaro nito kaya madaling i-download ang app. Kabilang dito, mayroon ding in-app purchases na pwedeng bilhin ng manlalaro gamit ang aktwal na pera. Mayroon ding ads tulad ng videos na maaaring panoorin para makatanggap ng karagdagang coins. 

No Limit – Walang limitasyon ang paglalaro! Mainam na iwasan ma-stuck sa posisyon, ngunit huwag mangamba dahil pwedeng-pwedeng ulitin ang partikular na level na iyon kung kailan mo gusto. Hindi rin kailangan pang mag-alala sa bilis ng iyong pagkumpleto ng level dahil wala itong time limit. Tiyakin at magdahan-dahan sa pagbuo ng estratehiya upang maging matagumpay ang pagsasagawa nito. Bukod pa rito, wala ring kaakibat na parusa ang paglalaro kaya naman huwag limitahan ang kakayahang iligtas ang asul na halimaw!

Unique Levels – Iba’t ibang klase ang kinakaharap na balakid at kinakailangang gawin sa bawat level. Halimbawa, may pagkakataong kailangang maabot ng halimaw ang taong nakasabit sa itaas para kainin. Mayroon namang level kung saan dapat makatawid ang halimaw sa kabilang pader nang hindi nahuhulog. Oras na mahulog ito, ang bagsak niya ay diretso sa naglalagablab na lava sa ibaba. May switch din sa ibang mga level na nakakadagdag thrill sa laro. 

Blue Monster: Stretch Game - Laro Reviews

Blue Monster: Stretch Game – Laro Reviews

Skins – Baguhin ang kulay ng iyong halimaw! Bukod sa default nitong kulay na asul, pwede rin itong maging dilaw, kulay lila, berde, puti, at kulay rosas. Makukuha ito sa dalawang pamamaraan, sa pamamagitan ng panonood ng ads at pagbili gamit ang coins. 

Saan Pwedeng I-download ang Blue Monster: Stretch Game?

Para sa Android users, pumunta sa Google Play Store gamit ang iyong smartphone. Ilagay ang Blue Monster: Stretch Game sa search bar. Bilang free-to-play na laro, hindi na kailangan magbayad kaya diretso na iyong mada-download. Pagkatapos nito, hintaying matapos ang pag-download at kumpletuhin ang sign-in details para makapagsimula na ng paglalaro. Narito ang link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Blue Monster: Stretch Game on Android https://apkpure.com/blue-monster-stretch-game/com.huggy.huggygame.stretch

Tips at Ticks sa Paglalaro

Sa oras na simulan ang laro, obserbahan muna nang maigi ang kabuuang larawan. Isipin kung ano ang kailangang gawin para malagpasan ang kasalukuyang level. Alamin din kung ano mga sagabal na naroroon upang maiwasan ito. Importante na laging tantyahin kung gaano kalayo ang iuunat ng halimaw papunta sa pipinduting destinasyon. Kung hindi ay maaaring maputol ang bahagi ng katawan ng halimaw kapag nasobrahan sa pag-unat. Kung pupunta sa itaas ang halimaw, ang maipapayo ko sa iyo ay unahing ilipat ang dalawang kamay bago isunod ang mga paa nito. Kabaligtaran naman kapag pababa ang direksyon nito – unahin ang dalawang paa bago igalaw ang dalawang kamay. Mapapadali ang paggalaw ng karakter kung susundin ito sapagkat nakadikit ang parehong paa at kamay nito sa pader kaya kinakailangan ng tamang koordinasyon sa paggalaw. 

Related Posts:

Faketalk – Pasadyang AI Chatbot Libreng Download

Vacuum Killer Review

Mag-isip ng ‘di naaayon sa karaniwan. Huwag limitahan ang sarili sa pag-iisip ng paraan kung paano malalampasan ang hamon. Marahil ay may pagkakataon na binabalewala ang naisip na ideya dahil mukha itong imposible o may pangambang hindi ito makakatulong sa karakter. Huwag matakot subukan ang sariling ideya, lalo na’t wala namang time limit at parusa ang laro. Maging mapanuri sa sitwasyon ng karakter at mga balakid sa bawat level. 

Blue Monster: Stretch Game - Laro Reviews

Blue Monster: Stretch Game – Laro Reviews

Pros at Cons ng Blue Monster: Stretch Game 

Kapag inunat ang katawan ng halimaw, hindi pahinto-hinto ang paggalaw nito kaya makikitang swabe ang animation sa laro. Simple at maayos din ang graphics nito. Sinamahan pa ng upbeat na background music kaya naman lalong nakakasigla ang paglalaro. Dahil sa madaling controls, hindi nahihirapan ang manlalaro sa pagpindot ng screen sapagkat kaya itong laruin kahit isang daliri lang ang gamit. Hindi nakakasagabal ang paglalaro sa anumang kasalukuyang ginagawa. Halimbawa, pwedeng kumain o uminom habang nilalaro ito. Dagdag pa rito, nahahasa ang kaisipan ng mga manlalaro sa paglalaro. Sa pagbuo ng susunod na mga hakbang na gagawin, sinasanay nito ang pag-iisip gaya ng kasanayan sa pagplano ng estratehiya, kritikal na pag-iisip, at iba pa. Kapag naman hindi mo nagustuhan ang isinagawang plano, hindi na kailangan pang hintayin na matalo ang karakter dahil pwedeng ulitin ang laro sa kasalukuyang level. Kailangan lang i-click ang restart button sa kanang itaas na bahagi ng screen. Marami ring pwedeng pagpilian na wika sa laro, kabilang na rito ang English, French, Vietnamese, Espanol, German, Hindi, Italian, Japanese, Korean, Russian, Turkish, at Arabic.

Limitado lang ang pwede makapag-download ng app dahil sa Google Play Store pa lang ito matatagpuan sa kasalukuyan. Samakatwid, hindi ito posibleng malaro ng iOS users gamit ang kanilang smartphone. Bukod dito, mainam kung daragdagan ng game developers ang levels ng laro dahil tinatayang mayroon lang itong 180 levels sa kasalukuyan. Matapos nito ay wala nang susunod na content na maaaring gawin. Kaya marami sa mga manlalaro ang nabibitin matapos makumpleto ang laro. At saka dahil F2P ito, maraming ads ang lumalabas sa screen na nakakasagabal sa paglalaro. Biglaan na lang lumalabas ang video ads sa tuwing natatapos ang isang level at kadalasa’y nakakainip na maghintay dahil matagal-tagal bago pwedeng matanggal ito. Kailangan pang gumastos ng aktwal na pera sa halagang $2.99 para lang matanggal ang lahat ng ads.

Konklusyon

Bilang kabuuan, magandang laruin ang Blue Monster: Stretch Game lalo na kung ang hanap mo ay simpleng laro na may pagka-challenging pa rin. Angkop din ang laro kung nais mong magpalipas ng oras dahil tunay na nakakalibang ito. Bukod dito, hindi ka maiinip sa paglalaro habang tumatagal dahil mas nagiging mahirap ang mga hamon na kakaharapin habang tumataas ang iyong level. Mapapaisip ka sa gagawing estratehiya para maisakatuparan ang nakatakdang layunin kada level. Higit sa lahat, nakakaengganyo rin ang kakaibang anyo ng asul na halimaw dahil pareho itong cute at nakakatakot. Ngunit kasalukuyang makikita lang ito sa Android na smartphones. Ihanda rin ang sarili sa napakaraming ads sa gitna ng paglalaro at mawawala lang ito kung magbabayad ng aktwal na pera. Kung sa tingin mo ay mag-eenjoy ka sa laro base sa nabasa mo sa artikulo ng Laro Reviews, huwag nang magpatumpik-tumpik pa at i-download na ito para masimulan ang paglalaro!

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...