Bowmasters Review

Ang Bowmasters ay physics-based at aim-and-shoot game na nilikha ng game developer na Playgendary Limited. Tunghayan kung paano napipilayan ang mga karakter kapag natatamaan na nauuwi sa kanilang pagkamatay sa pamamagitan ng ragdoll physics sa larong ito. Sinamahan pa ito ng mala-cartoon na disenyo at effects. 

Pagdating sa gameplay nito, ang layunin ng manlalaro ay patumbahin ang kalabang nakapwesto sa malayo. I-dadrag ang daliri sa paligid ng karakter para mamili kung anong angle at percentage power ang gagamitin mo sa pagtira gamit ang weapon. Makipaglaro sa mga tanyag na bowmen sa buong mundo. Narito ang Laro Reviews para magbigay ng dagdag kaalaman tungkol sa laro.

Features ng Bowmasters 

Multiple Game Modes – Mamili ng game mode na nais mong laruin! Maa-unlock ang mga ito kapag naabot mo ang kinakailangang bilang ng panalo sa bawat mode. Mayroong limang modes ang laro at ito ang mga sumusunod: 

  • Play Mode – Panalunan ang matches laban sa AI para ma-unlock ang ibang game modes.
  • Online PVP – Makipaglaban sa mga manlalaro mula sa iba’t ibang parte ng mundo. Ipamalas ang iyong galing sa archery sa player-versus-player (PvP) na labanan.
  • Tournaments – Sumabak sa tournament at kalabanin ang iba’t ibang karakter para makakuha ng limpak-limpak na coins.
  • Vs Friend – Imbitahin ang iyong kaibigan upang maglaro at kalabanin sila sa archery.
  • Birds Hunt o Apple Shooting – Ang Birds Hunt Mode ay isang mini-game kung saan bibigyan ka ng limitadong oras para tirahin ang mga ibong lumilipad. Layunin mong tamaan ang maraming ibon hangga’t maaari. Mayroon din itong time power-ups na pwedeng magbigay sa’yo ng karagdagang oras. Sa kabilang banda, may mga pagkakataong mapapalitan ito ng Apple Shooting Mode sa loob ng limitadong oras. Dito, layunin ng manlalarong matamaan ang apple na nasa ibabaw ng ulo ng karakter. Paiba-iba ang weapons na gagamitin dito kaya mahahasa ang iyong abilidad sa paglalaro.

Realistic Physics – Tukuyin ang mga kaalaman sa laws ng physics at i-apply ito sa paglalaro. Mamangha sa makatotohanang effects ng projectile motion nito. Tignan kung anong kombinasyon ng percent power at angle ang pinakamabisa!

Various Characters and Weapons – Iba’t ibang mga karakter ang maaari mong kolektahin sa laro! Ang bawat isa sa kanila ay may natatanging katangian at weapon. Mangolekta ng maraming mga karakter para masubukan ang pagkakaiba ng kanilang mga istilo.

Saan pwedeng i-download ang Bowmasters?

Makikitang nasa ika-33 ang laro sa listahan ng kategoryang Action sa App Store. Bukod pa rito, sa 1.9 milyong ratings, nakakuha ito ng 4.5 stars out of 5 stars. Pagdating naman sa Google Play Store, mayroon itong 4.1 out of 5 stars. 

Gamit ang iyong mobile phones, pumunta sa Google Play Store para sa Android users, at sa App Store naman para sa iOS users. Ilagay ang Bowmasters sa search bar at hanapin ang laro sa search results. Hindi na kailangang magbayad para mai-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Pindutin ang Install o Get button at hintaying makumpleto ang pag-download. Pagkatapos nito, buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pwede mo na simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwede i-download ang laro:

Download Bowmasters on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.playgendary.bowmasters

Download Bowmasters on iOS https://apps.apple.com/us/app/bowmasters-multiplayer-game/id1118431695

Download Bowmasters on PC https://www.bluestacks.com/apps/action/bowmasters-on-pc.html

Kung sa PC mo napiling maglaro ng Bowmasters, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Bilang isang physics-based shooter na laro, napakahalagang maunawaan mo ang konsepto ng projectile motion. Ito ang tawag sa motion ng inihagis na bagay sa himpapawid. Hindi mananatiling nasa itaas ang weapon, kaya malalaglag din ito matapos ang ilang segundo. Pagkatapos pakawalan ang ihinagis na weapon mula sa kamay, dadaan ito sa trajectory. Napakakritikal nito sa laro dahil kailangan mong isipin at tantyahin kung saan tatama ang weapon ayon sa iyong percent power at angle.

Makikita sa laro ang percent power at degrees ng angle. Ito ang magiging indikasyon mo sa pagtantya kung matatamaan mo ba ang kalaban. Ang tip ko sa iyo ay palaging isagad ng full power ang bawat tira, kaya dapat nasa 100% ang power na lumalabas kapag titira ka. Kapag nagsimula na ang laban, mainam na suriin ang kabuuang distansya mo sa kalaban sa iyong mga unang tira. Nangangailangan ng matalinong paghula ng angle at power sa pinakauna mong tira pero mairerekomeda kong gumamit ng 100-full power at angle sa pagitan ng 12 at 15 degrees. Dagdagan ito kapag bitin ang pagtira, at bawasan naman kung lumagpas ang tira sa target. 

Kapag natamaan ang kalaban pagkatapos mong tumira, pansinin kung paano sila natumba. Tingnan mabuti kung saan sila nakaposisyon pagkatapos bumangon. Kung pagkatayo ng kalaban ay nakabalik naman siya sa dati nitong pwesto, dapat pareho pa rin ang percent power at angle ng susunod na tira mo. Kung napaatras ito matapos matumba, siguraduhing i-adjust ang susunod mong tira at ilayo ito nang kaunti sa pamamagitan ng pagdagdag ng isa o dalawang degrees sa angle. Ganito rin ang gagawin kung ikaw naman ang natumba at napaatras pagkatapos matamaan ng kalaban. Dagdagan din ang angle ng isa o dalawang degrees dahil nag-iba ang layo mula sa kalaban.

Makakatulong ding matutunan ang iba’t ibang klase ng armory ng Bowmasters. Dahil sa napakaraming karakter ang pwedeng kolektahin, asahang sari-sari din ang weapons na kanilang ginagamit sa laban. Ang lahat ng ito ay nakakategorya sa tatlong klase ng weapons kung saan may natatanging function ang bawat isa. Una, ang Normal Weapons o Straight Projectiles, ito ang standard na weapons sa laro kung saan ang projectiles nito ay maliit, manipis, at diretso. Dahil dito, nagiging mahirap tamaan ang target gamit ito. Gayunpaman, tiyak na pangmalakasan ang headshot nito kapag tumama sa kalaban. Mainam itong gamitin kapag nahasa na ang accuracy mo sa paglalaro. Ang ikalawa naman ang Circular Weapons o Rotating Projectiles. Mas mabagal ang lipad nito dahil sa kanilang laki. Dahil dito, maganda itong gamitin sa paglunsad ng hits kahit hindi naging ganun kaayos ang pagtira. Kaya maganda itong gamitin ng mga manlalarong hindi pa masyadong gamay ang pagtira sa target. Bagaman mas malaki at mabigat ito, mas maliit pa rin ang damage na dulot nito kumpara sa straight projectiles. Ikatlo, ang Special Weapons o Special Projectiles ay mula sa kakaibang weapons at maituturing na kombinasyon ito ng dalawang weapons dahil tila ba’y pinagsamang straight at rotating projectiles ito. Sa ganitong klase ng weapon, kadalasan ay pwedeng ma-activate ang special abilities nito kapag pinindot ulit ang screen habang kasalukuyang nasa himpapawid ang projectile nito. 

Ang magiging puhunan mo sa larong ito ay ang coins. Importante ito sa pag-unlock ng panibagong mga karakter. Bagaman minsan ay may opsyon kang laruin ang ibang karakter sa pamamagitan ng panonood ng ads, kakailanganin mo pa rin itong gamitan ng coins kung gusto mong permanenteng ma-access ang karakter. Bukod pa rito, mayroong daily bonuses at free chests na pwede mong i-unlock sa bawat araw. Tiyakin na makukuha mo ito araw-araw dahil kapag nakapag-unlock ka ng free chest, may pagkakataon ka para makatanggap ng reward sa chest roulette. Dito, pwede kang makakuha ng coins at bagong karakter. Ang mga karakter na may korona sa itaas ng kanilang ulo ay pwede lang makuha sa pamamagitan ng chest roulette.

Pros at Cons ng Bowmasters

Maganda ang graphics ng laro at kapansin-pansin ang pagiging mala-cartoon na disenyo nito. Hindi rin magpapahuli sa kagandahan ang effects and sound effects ng laro. Madaling maintindihan ang controls ng laro pero hindi nagtatapos dito ang kabuuan ng gameplay. Sapagkat sa bawat laban ay hinahamon nito ang kaisipan ng manlalaro kung ano ang pinakamabisang kombinasyon ng percent power at angle para makabuo projectile motion patungo sa target. Kung ikaw ay F2P na manlalaro, asahan ang madalas na paglabas ng ads. Bagaman nakakatulong ang panonood ng ads para makakuha ng access sa chest roulette at dumami ang matatanggap na coins, nakakasagabal pa rin ito sa paglalaro dahil kakailanganin mong maghintay ng ilang segundo bago magpatuloy. Gayunpaman, may opsyon ang manlalaro na isara ang Wi-Fi o mobile data para mawala ang ads sa laro. Mayroong offline mode na feature ang Bowmasters kung saan pwede pa rin itong laruin ng manlalaro kahit walang internet connection. Hindi nga lang available ang Online PvP kapag ganito. Isa pang isyu ng laro ay ang biglaang pag-crash at pag-freeze ng app. May mga pagkakataon ding ayaw magbukas ang app o kaya’y hindi lumalabas ang homepage nito. 

Konklusyon

Pagkatapos ang masusing pagsisiyasat sa laro, mairerekomenda ng Laro Reviews ang Bowmasters sa lahat ng manlalaro. Siguradong ma-eengganyo ang lahat sa pagiging simple ngunit challenging ng gameplay nito. Maituturing na isa sa mga nakakaadik na laro ito, kung saan hindi mo namamalayan ang takbo ng oras dahil nag-eenjoy kang laruin ito. Hindi nga lang magiging smooth ang daloy ng iyong paglalaro kung ikaw ay F2P na manlalaro dahil madalas ang paglabas ng ads dito. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...