Bullet Echo Review

Kung paborito mo ang mga larong kagaya ng Squid Game, The Purge at kung anu-ano pang mga pelikula na may suspense at thriller na genre, malabong hindi mo magustuhan ang larong ito na inilabas ng isa sa mga sikat na game developer ngayon, ang Zeptolab. Naging pamilyar na ang developer na ito dahil sa sumikat nitong mga laro gaya ng C.A.T.S.: Crash Arena Turbo Stars, King of Thieves at Cut the Rope na kinagiliwan na natin noon. Ngayon naman, muli nila tayong paiibigin sa larong maaari tayong makaramdam ng takot, kaba at excitement; ito ang Bullet Echo na isang tactical shooter role playing game at maaari mong laruin nang mag-isa o nang may kasama.

Sa Bullet Echo, ikaw at ang iyong posibleng maka-team sa laro ay dadalhin sa isang lugar kung saan flashlight lamang ang magsisilbing ilaw at gabay sa inyong paglalakbay. Kapwa kayo may mga hawak na baril at trabaho ninyong ubusin ang mga kalabang nasa paligid. Madilim ang paligid ngunit maririnig ninyo ang bawat yabag at putok ng baril mula sa inyong mga kalaban. Sa larong ito, tunay na susubukin ang iyong talino pagdating sa pag-iisip ng mga taktika upang maubos ang inyong mga kalaban at manatiling buhay hanggang dulo. Kakayanin mo kaya?

Features ng Bullet Echo

Ang Bullet Echo ay isang klase ng laro na nangangailangan ng iba’t ibang klase ng karakter na tunay na bihasa sa paggamit ng armas. Kaya naman, upang mas maging nakakaaliw pa ang larong ito, naghanda ang Zeptolab ng labing-isang heroes na mayroong kanya-kanyang specialization. Maaaring ang iyong magiging karakter ay isang Tank, Ambusher, Sniper, Scout o kaya naman ay Trooper. Kung nais mong silipin ang bawat impormasyon tungkol sa mga karakter na ito, maaari kang magtungo sa Heroes Section kung saan makikita ang kanilang rarity, power, main weapon at marami pang iba. Maaari mo ring i-customize skins at gears ng mga ito.

Mayroong tatlong klase ng game mode sa larong ito. Una na riyan ang Battle Royale kung saan papasukin mo ang laro ng may dalawa pang karakter na kasama. Sinasabing mayroong limang grupo sa loob nito at mayroong anim na mapa na inilaan para rito. Sunod dito ay ang Team vs. Team dahil mayroon lamang dalawang team sa loob ng game mode na ito. Bawat team ay kailangang may tig-limang miyembro. Mayroon naman itong dalawang mapa na maaaring pasukin ng bawat manlalaro. Ang tinatawag naman na King of the Hill ay isang uri ng game mode kung saan maari mong pasukin ito nang ikaw lamang mag-isa. Bago magsimula ay nangangailangan muna ito ng labinlimang players na ang misyon ay tanghalin bilang “the last man standing”. Matira ang matibay, kumbaga. Mayroon ding inihandang dalawang maps para rito.

Dahil isang multiplayer game ang Bullet Echo, mayroon ding clan grouping na nagaganap dito. Sa larong ito, tinatawag itong Syndicate. Ito ay isang samahan kung saan binibigyan kayo ng isang listahan ng mga dapat tapusin at kailangang gawin nang magkakasama. Maaari kang gumawa ng isa para rito o maki-join na lamang sa iba. Araw-araw, nag-a-update ang mga task sa loob nito at kung matapos ang mga iyon ay may katumbas itong sapat na dami ng reward na iyong matatanggap kalaunan. Bukod rito ay maaari ka ring makabuo ng friendship habang naglalaro dahil maaari mo na ring i-add ang mga nakilala sa game at makipag-usap sa mga ito nang pribado (via PM).

Hindi naman madamot ang laro pagdating sa rewards dahil bukod sa bawat laban, talo ka man o panalo, ay makakatanggap ka ng currency nitong bucks at coins na maaari mong magamit upang ma-upgrade ang iyong mga karakter. Mayroon din itong iba’t ibang klase ng chest na maaari mong mabuksan sa nakatakdang araw at oras. Kung pipindutin mo rin ang profile section mo ay mayroong mahabang listahan ng maaari mong makuhang reward kung sakaling malampasan mo ang isang specific na level.

Saan maaaring i-download ang Bullet Echo?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 185MB kapag nag-download mula sa Google Play Store habang 214.5MB naman kung sa App Store. Maaari ka ring gumamit ng emulator gaya ng BlueStacks para naman sa iyong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Bullet Echo on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.zeptolab.bulletecho.google

Download Bullet Echo on iOS https://apps.apple.com/us/app/bullet-echo/id1500726361

Download Bullet Echo on PC https://www.bluestacks.com/apps/action/bullet-echo-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Bullet Echo

Ang Bullet Echo ay isang uri ng shooting game na talagang hahasain ang iyong talino pagdating sa pag-iisip ng ilang paraan upang manatiling buhay at lumalaban hanggang dulo. Kaya naman, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews para sa’yo na maaari mong magamit upang makausad sa bawat haharapin mong laban.

Una, kung ang game mode na iyong pipiliin ay bumubuo ng isang grupo, isang mainam na palaging gawin ang hindi pagsasama-sama sa bawat laban. Iyon ay upang hindi kayo mabilis maubos. Maaari ngang malaki ang inyong magiging pwersa kung sama-sama kayong iikot sa isang mapa ngunit isa rin itong mabilis na paraan para sa kalaban upang ubusin kayo nang sabay-sabay. Kaya naman, ugaliing maghiwa-hiwalay at magsama-sama lamang kung kinakailangan. Halimbawa nito ay kung gagamutin mo ang iyong kasamahang pinatay na ng kalaban.

Mahalaga ang pagkakaroon ng teamwork sa larong ito dahil walang ibang susi para manalo rito. Mas maipapakita ito sa bahagi kung saan gumagawa ang lahat ng miyembro ng isang team upang buhayin ang kanilang mga namatay na kasama. Bilang manlalaro nito, ito ang isang bagay na dapat ginagawa ng bawat miyembro kung nais pa nilang makatagal sa laro dahil hangga’t buhay ang lahat, malaki ang tyansang makakaabot kayo hanggang dulo. Kaya naman, palaging gumawa ng paraan, sa abot ng makakaya para lamang buhayin ang inyong mga kakampi.

Sa tuwing lumilibot ka sa bawat mapa, may mga bagay kang mapapansin sa paligid mo. Iyon ay ang mga item na maaari mong magamit upang magkaroon ng advantage sa bawat laban. Ilan sa mga ito ang First Aid Kit, Ammo, Armor at marami pang iba. Mahalaga na kunin mo ang mga bagay na ito ngunit huwag ding maging sakim pagdating dito. Posible kasing dito ka na magpokus at makalimutan mong may mga kalaban ka ring nasa paligid lamang at handa kang patayin. Mainam na rin na maging mapagbigay ka sa bawat kasama mo sa loob ng team. Kunin lamang ang mga bagay na sapat para iyong pangangailangan at bigyan naman ng pagkakataon ang iba na makakuha ng mga ito.

Pros at Cons ng Bullet Echo

Para sa Laro Reviews, hindi naman maitatanggi na may ibubuga ang larong ito pagdating sa genre nitong RPG-shooting game dahil talagang maaaliw ka sa gameplay nito. Addictive at tunay na magugustuhan mo kung paano tumatakbo ang larong ito. Bagaman tatlong klase lamang ang game mode nito, mayroon itong kanya-kanyang edge na susubok sa iyong talino pagdating sa pag-iisip ng iba’t ibang klase ng paraan para lamang manalo. Tunay din na halo-halo ang maaari mong maramdaman sa oras na simulan mo nang laruin ito. Maaaring ma-excite, makaramdan ng totoongthrill at marami pang iba. Bukod pa rito, isa rin sa mga bagay na magugustuhan mo ang malinis at hindi kumplikadong itsura ng graphics nito. Magugustuhan mo rin maging ang tunog na inilapat dito dahil kahit simple lang ito ay nakakatuwang pakinggan lalo na ang mga tunog pagdating sa pagkuha ng ilang items gaya ng medkit, ammo at marami pang iba.

Kung may masasabing kahinaan ang laro, iyon ay ang katotohanang hindi lahat ng nakakaharap mong kalaban dito ay kapwa mo rin manlalaro dahil may pagkakataong pawang mga AI lamang ang mga ito at kung minsan naman ay mas malakas pa kaysa sa iyo. May mga pagkakataon nga rin na kaya ka nitong talunin ng saglit lamang o gamit lamang ang dalawa hanggang tatlong putok ng baril. Wala naman sanang problema rito at ma-eenjoy pa rin naman ang laro kahit pa bot lamang ang iyong kalaban ngunit mas mainam pa rin kung patas ang nagiging laban.

Konklusyon

Ang Bullet Hero ay tunay na isang larong maaaring ma-enjoy ng lahat dahil sa kakaibang gameplay nitong intense, nakakaaliw, at tunay na susubok sa iyong tapang at talino. Bagaman may ilang bagay pa sa loob ng larong ito na nangangailangan ng improvement, masasabing mainam pa rin ang larong ito bilang pampalipas-oras o isang magandang libangan kasama ang iyong mga kaibigan. Kaya naman, hindi mo pagsisisihang subukan na laruin ito.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...