Card Wars: UNO Battle Royale CCG Lockdown Brawl Review

Hindi na siguro bago sa mga manlalaro ang card game na Uno dahil marami na ang nakakaalam nito, naglalaro man o hindi. Marahil ang ilan sa mga manlalarong ito ang nakasama na sa isang nakabilog na grupo ng estudyante sa tuwing walang gurong dumating sa oras ng klase. Binabalasa ang bawat baraha, ipinamamahagi pagkatapos para makapagsimula sa paglalaro nito. Tunay na nakakaaliw ang larong ito kaya naman isang malaking bagay na mayroon din tayong makikitang ganito na ating malalaro kahit sa ating mga gadget. Isa na riyan ang Card Wars: UNO Battle Royale CCG Lockdown Brawl na nilikha ng Bombay Play. Ito pa rin ang nakasanayan mong card game noon na UNO pero may twist dahil imbis na mapunuan ka ng mga cards nito sayong mga kamay, mayroon kayong  buhay sa larong ito na dapat ingatan upang lalo pang magtagal sa laro. Nais mo bang subukan?

Features ng Card Wars: UNO Battle Royale CCG Lockdown Brawl

Tulad ng nakasanayan nating UNO, taglay din ng larong ito ang iba’t ibang klase ng card na pamilyar sa atin gaya ng reverse card na tinaguriang whirlwind dahil ginagamit ito upang palitan ang rotation ng laro. Ang skip card naman ay may tinawag na Freeze dahil kaya nitong hindi patirahin ang kasunod na manlalaro. Ang nakasanayan naman nating Wild Card kung saan ginagamit upang makapagpalit ng kulay ay tinatawag sa larong ito na Ink Bomb at Cannon. Ang Trade Hands naman ay tinatawag na Thief dahil maaari mong kunin ang baraha na mayroon ang kalaban.

Marami pang mga baraha na makikita sa mismong Deck Section ng laro kung saan narito ang walong klase ng card na mayroon ka na at siyang maaari mong magamit sa mismong labanan habang ang iba namang kasama ang ilan pang card na naghihintay ma-unlock ay nakalagay sa Inventory. Kung pipindutin ang bawat card, mayroong dalawang klase nito; ang power at core. Kasama rin dito ang haba ng kanilang buhay at kung ano at gaano kalakas ang kanilang mga pag-atake sa kalaban. Maaari ring i-trade ang mga ito sa iyong mga friends na narito sa larong ito.

Hindi naman madamot ang laro pagdating sa mga reward dahil bukod sa mga reward na makukuha mo sa bawat laban; manalo ka man o matalo ay mayroon din ditong apat na chest na maaari mong buksan kung kailan mo gusto. Kalimitang laman nito ang currency ng laro na cash at upgrade para sayong mga cards. Bukod pa sa apat na chest na ito ay mayroon din itong Free Chest na maaari mong buksan sa nakatakdang araw at oras. Mayroon din ditong Free Cash kung saan mayroong ibibigay na cash mula 20 hanggang 90 ang laro kapalit ng panonood mo ng ads dito. Maari mo lamang din itong gawin sa nakatakdang araw at oras.

Mahalaga ang currency ng laro na Cash dahil kaya mong ma-upgrade ang buhay mo sa laro. Gamit din ito, makakabili ka rin ng iba’t ibang klase ng chest gaya ng Lite, Champion, Legendary, Platinum, Diamond at Master kung saan laman ng mga chest na ito ang mga bagay na makakatulong sayo upang makaabante pa sa laro. Bukod pa rito, mayroon din namang mga item sa laro na maaaring bilhin gamit ang tunay na pera gaya ng Cash at no ads dahil may karamihan din ang ads na makikita sa loob nito.

Saan maaaring i-download ang Card Wars: UNO Battle Royale CCG Lockdown Brawl?

Walang nabanggit na saktong size na mayroon ang larong ito sa Google Play Store ngunit nangangailangan ito ng kahit 4.1 na version ng Android para ma-install. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng GameLoop para naman sayong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Card Wars: UNO Battle Royale CCG Lockdown Brawl on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.bombayplay.cardbattle

Download Card Wars: UNO Battle Royale CCG Lockdown Brawl on PC https://www.gameloop.com/ph/game/card/com.bombayplay.cardbattle

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Card Wars: UNO Battle Royale CCG Lockdown Brawl

Ang panalo sa paglalaro mo ng UNO ay nakadepende sa kung anong card ang mayroon ka sayong mga kamay. Kaya naman, gaya ng tipikal nating ginagawa sa larong UNO, kung saan palagi nating itinatabi ang ating mga alas at inilalabas lamang sa tamang oras, maaari din natin iyong i-apply sa larong ito. Kung sakaling dumating sayo ang mga cards gaya ng shield, whirlwind at energy drink bilang pampadagdag ng buhay, cannon at ink bomb na siyang ginagamit upang pamalit ng kulay, maaari mo muna itong itabi pansamantala at gamitin lamang sa pagkakataon kung saan sobra mo na itong kailangan. Tunay na malaki ang kaya nitong ibigay na adbentahe lalo na sa last minute ng bawat labanan.

Naniniwala ang Laro Reviews na tunay na nangangailangan ng sipag at tiyaga sa paglalaro nito upang makapag-upgrade ka ng iyong mga cards at makakuha ng iba pang klase nito. Kaya naman, ugaliin lamang ang maglaro nang maglaro nito upang makatanggap ng iba’t ibang klaseng chest kada panalo. Isama mo na rin dito ang iba pang chest na makikita mo sa loob ng laro at huwag kalilimutang buksan ang mga ito dahil laman ng mga ito ang mga item na siyang makakatulong sayo upang mapalakas mo pa ang iyong mga card. 

Pros at Cons ng Card Wars: UNO Battle Royale CCG Lockdown Brawl

Para sa Laro Reviews, tamang-tama ang larong ito lalo na kung nakahiligan mo ang paglalaro ng UNO kasama ang iyong mga kaibigan noong wala pang pandemya. Medyo may kalayuan man ito sa nakasanayan nating card game, mararamdaman mo pa rin naman ang excitement sa larong ito na kaparehas ng pakiramdam noong naglalaro ka ng UNO. Mainam na rin ito dahil natutulungan ka rin ng larong ito na makipag-socialize sa ibang tao dahil bawat laban ay iba-iba ang maaari mong makalaro rito. Maaari mo ring dalhin ang iyong mga kaibigan at imbitahan ang mga ito sa bawat laban. Dahil na rin sa twist ng larong ito, babalik-balikan mo rin ang paglalaro nito at posibleng gawing libangan gaya ng kung paano mo trinatong libangan ang UNO kasama ang iyong mga kaibigan. Idagdag mo pa ang art ng graphics nito na talagang agaw pansin lalo na sa bawat itsura ng cards na mayroon dito. 

Ilan lamang sa disadbentahe ng laro, ayon sa mga nauna nang nakapaglaro nito, ay ang nangyayaring matchmaking dito. Gaya ng ibang laro, may pagkakataon din sa Card Wars kung saan natatapat ka sa iba pang manlalaro na may mas malakas at mas matagal na buhay na cards. Mainam din sana kung may category ang matchmaking kung saan maaari ka lamang matapat sa mga kalabang may kaparehas na cards at kapareho mo rin ng level. Bukod pa rito, ilan pa sa mga naging problema ng ilang manlalaro ay pakikipaglaban nila sa para bang hindi tunay na tao kundi pawang mga bot lamang ng laro. Naging problema rin maging ang Friend System ng malimit na hindi nagwo-work at problemang internet connection kahit ang totoo ay stable naman talaga.

Konklusyon

Sa sobrang aliw ng paglalaro nito, may ilang pagkakataon na isa ito sa naging paboritong laro ng bawat grupo ng magkakaibigan lalo na noong wala pang pandemya. Ito pa nga ang sinasabing laro kung saan talagang susubok at kalauna’y maaaring magtapos ng inyong pagkakaibigan. Ngunit mali ang mga naunang haka-haka dahil ito pa ang naging daan upang  makapag-iwan ng isang magandang memorya sa bawat magkakaibigan. Bagaman nakakaranas pa rin ang bawat isa sa hagupit ng pandemya, magandang bagay na mayroon tayong laro na maaari nating sandalan lalo na kung ito ay kapareho ng ating naging paboritong laro noon, ang UNO. Kaya naman, i-download na ito at laruin na kasama ang iyong mga kaibigan!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...