Cards of Terra Review

Tulad ng karaniwang solitaire games, ang layunin ng laro ay maubos ang cards sa playing area. Ngunit pagdating sa Cards of Terra, binigyan ito ng panibagong dating sapagkat sinamahan ito ng fantasy at dungeon crawl. Walang deck-building dito tulad ng karaniwang card-based dungeon crawlers. Sa halip, ito ay kinapapalooban ng challenging na riff sa solitaire game kung saan kailangan i-clear ang boards para mapalaya ang mga bilanggo. 

Ang Cards of Terra ay single-player card game na nilikha ng game developer na si Denis Buslaev. Pinaghalo itong mala-solitaire na card play at extensive na mechanics ng collectible card games. Gagampanan ng manlalaro ang papel ng isang alien princess na stranded sa hindi nakalulugod na fantasy realm. Sa kabila nito, malakas ang kapangyarihan ng bida dahil mayroon siyang psionic powers kaya may kakayahan siyang paglabanin ang enemies laban sa isa’t isa. Ang kailangan lang gawin ng manlalaro ay i-drag at i-drop ang enemy cards para tanggalin sila at hindi maging sagabal sa iyong landas tungo sa pagkakaligtas.

Features ng Cards of Terra

Four Game Modes – Bukod sa Campaign, mayroon pang tatlong game modes ang maaari mong pagpilian sa paglalaro. Narito ang katangian ng bawat mode:

  • Campaign – Binubuo ng sampung chapters at final chapter na may dalawang level. 
  • Draft – Sa umpisa nito ay may pagkakataon kang mamili ng pares ng cards na isasama sa iyong deck. Kailangang matanggal ang lahat ng cards sa board gamit ang limitadong bilang ng energy. Ang ikinaiba nito, isang Restart lang ang pwedeng gamitin kada level.
  • Puzzle – Binubuo ng walong sets kung saan ang bawat isa ay mayroong 24 na levels. May reward na nag-aabang kapag nakumpleto ang kada set at nabuo ang percentage nito.
  • Random – Kailangang matanggal ang lahat ng cards para manalo. Ngunit mayroon ka lang limang energy para gamitin. Madadagdagan ng panibagong row ng cards kapag umabot ka ng 0 energy.

Numerous Unique Cards – Napakaraming cards ang maaari mong kolektahin sa laro. Naka-kategorya ang mga ito sa anim na kulay. Naglalaman ito ng sari-saring creatures na may natatanging katangian. Makikita mo ang mga ito sa Gallery kasama ang deskripsyon ng bawat card.

Graphics – Maganda ang graphics ng laro at kapansin-pansin ang pagiging mala-cartoon nito. Sa simula ng laro, mapapanood mo ang storyline nito na ginamitan ng comic strip style. Dagdag pa rito, nakakadagdag ganda ang background, effect, at animations habang naglalaro. 

Offline Mode – Hindi kailangan ng internet connection sa larong ito. Kaya malalaro mo pa rin ito kahit walang Wi-Fi o mobile data. Dahil dito, tamang-tama ito kapag naghihintay sa pila anumang oras at saan mang lugar. 

Saan pwedeng i-download ang Cards of Terra?

Sa seksyon na ito ng article ituturo ng Laro Reviews kung saan at paano i-download ang Cards of Terra. Kasalukuyang available ang laro sa Android at iOS users at pwede ring mai-download sa PC. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users, at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro at hanapin ito sa search results, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos gawin ang lahat ng ito, pwede mo na simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Cards of Terra on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.everyoneissolid.cardsofterra

Download Cards of Terra on iOS https://apps.apple.com/us/app/cards-of-terra/id1520013966

Download Cards of Terra on PC https://www.fibonair.com/en/games/download-48496-cards-of-terra

Tips at Tricks sa Paglalaro

Kapag sinimulan mo ang laro, maaaring malito ka sa gameplay nito sa umpisa. Sapagkat visuals ang ginamit sa paglalarawan ng storyline ng laro at walang masyadong paliwanag ang nakalagay. Mapapansing ang panuto ay mas nakapokus sa specific elements tulad ng gameplay basics at feature kung saan makikita ang deskripsyon ng karakter kapag pinindot at hinold ang card. Ipinapalagay ng laro na dapat alam ng manlalaro kung paano ito laruin kapag sinubukan na nila ito nang mag-isa. Ngunit huwag mag-alala dahil naghanda ang Laro Reviews ng tips at tricks para maging gabay sa iyong paglalaro.

Ang gameplay ng laro ay umiikot sa pag-drag ng card para mapunta sa ibabaw ng isang card, at magreresulta ito sa scrap. Nakabatay sa HP ang pagkapanalo sa labanan ng dalawang cards. Ang creature na may mas mataas na HP ang mananalo, o mababawasan ang health nito batay sa numero nung isang card. Pero kapag pantay naman ang kanilang numero, pareho silang mamamatay at mawawala sa laro. Dagdag pa rito, mayroong iba’t ibang kulay ang cards. Tandaan na hindi naglalaban ang cards na may magkaparehong kulay. Kaya ikonsidera ito kapag nagpaplano ka sa gagawing estratehiya.

Bukod dito, magagamit mo rin ang energy sa direktang pagtanggal ng cards sa board, kung saan ang kailangan lang gawin ay i-slide ang arrow mula sa alien princess papunta sa card na nais tanggalin. Kung ilan ang numero ng card na iyon, ganun din ang katumbas ng energy na mababawas sa iyo. Sobrang makakatulong ito sa mga kritikal na sitwasyon. Halimbawa, may natira pa ring card kahit na wala na itong pwedeng makapares na iba. Kapag ganito, gagamitin mo ang arrow mula sa alien princess para direktang matanggal ang natirang card at tuluyang mai-clear ang board. Bagaman pwede kang mag-restart para sumubok muli, hindi ito applicable sa Draft mode dahil isang restart lang ang mayroon ka kada level.

Pros at Cons ng Cards of Terra

Bagaman karaniwan sa gameplay ng mga solitaire card game ay simple lang, nagawa ng Cards of Terra na gawin itong nakakaengganyo at challenging. Mapapaisip ka talaga habang naglalaro lalo na kapag mas mahirap ang level. Hinahasa nito ang kaisipan ng manlalaro upang bumuo ng estratehiya at magplano bago itira ang susunod na galaw. Gayunpaman, ang maganda rito ay hindi ka masasaid sa kakaisip sa lalim ng laro dahil may pagkakataon ka pa ring malaro ito nang mabilisan kapag gusto mo. Mainam na maging pamilyar sa iba’t ibang special moves. Ang ibang cards ay nadadagdagan o nababawasan ng strength kada tira, yung iba ay may kakayahang ikalat ang kanilang kulay sa iba, at mayroon namang bigla-bigla na lang susulpot kahit saan. Dapat ay maging matalino sa bawat pagtira dahil sa kada galaw mo ay nababawasan ka ng energy. Iwasang maubos ang energy bago makumpleto ang level dahil matatalo ka.

Kung hindi mo hilig ang kumplikadong mechanics, tamang-tama lang ang larong na ito dahil wala namang mahirap na rules na dapat mong matutunan dito. Kung may nakalimutan ka man, madali lang itong malaman ulit sa pamamagitan ng pag-hold sa card. Bukod pa rito, maraming modes ang pwedeng pagpilian ng manlalaro kaya hindi nakakainip at magiging paulit-ulit ang paglalaro.

Konklusyon

Para tuluyang matutunan kung paano ito laruin, kailangang maranasan muna itong malaro ng isa o dalawang beses. Gayunpaman, hindi naman ganun kakumplikado ang gameplay nito. Sa kabuuan, ang kailangang gawin ng manlalaro ay pagsamahin ang cards para ibahin ang numero nito o kaya ay tanggalin ito sa board, para makuha ang prized gold cards na nasa ilalim ng cards upang manalo. Gumagamit ito ng skills sa logic, planning, addition, at subtraction sapagkat kailangang malaman kung aling kombinasyon ang pinakamainam na gamitin at pinakamabilis na makakapagpanalo sa level, lalo na’t limitado lang ang iyong galaw.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...