Cooking Kawaii – Cooking Game Madness Fever Review

Cooking Kawaii – Dagsa ang nahuhumaling sa pagluluto lalo na sa panahon ngayon. Dahil madalas ay nasa loob lang ng tahanan, dumami ang oras na maaaring gugulin sa pagluluto. Marahil ang iba ay natutong magprito sa unang pagkakataon, samantalang ang iba naman ay mas nahasa ang galing sa paggawa ng kani-kanilang expert dish. Nauso rin ang paggawa ng dalgona coffee, sushi bake, at ube cheese pandesal. Ngunit kung sa tingin mo ay hindi para sa iyo ang pagluluto, sa halip ay ibuhos ang atensyon sa mga larong nagbibigay karanasan nito. 

Ang Cooking Kawaii – Cooking Game Madness Fever ay isang simulation adventure game na kung saan iyong mararanasan ang pakiramdam na maging isang tanyag na chef na nagmamay-ari ng restaurant na may branches sa iba’t ibang parte ng mundo. Subukin ang iyong angking galing na tugunan ang orders ng iyong diners. Oras ang iyong kalaban habang umuusad sa laro. Bilang restaurant owner, pamahalaan nang maayos ang iyong restaurants sa pamamagitan ng pag-upgrade ng kitchenwares, tiyaking walang nasasayang na pagkain, at siguruhing uuwing masaya ang iyong customers. Alamin sa artikulong ito ng Laro Reviews ang iba pang mga dagdag impormasyon tungkol sa larong ito. 

Cooking Kawaii - Laro Reviews

Cooking Kawaii – Laro Reviews

Features ng Cooking Kawaii – Cooking Game Madness Fever 

Simulation Cooking Game – I-challenge ang iyong kakayahang pagsilbihan ang iyong mga customer. Magluto ng mga pagkain base sa iba-ibang cuisines at kultura. 

Own 5-star Restaurants – Maging isang tanyag na restaurant owner at magbukas ng branches sa iba’t ibang parte ng mundo, tulad na lang ng Japan, United States, Mexico, China, India, at marami pang iba.

Fast-paced Cooking Adventure – Mayroong 500+ levels na maaaring laruin. Sasanayin nito ang iyong skills sa mabilisan at kasiya-siyang paraan ng pagluluto. 

Saan pwedeng i-download ang Cooking Kawaii – Cooking Game Madness Fever?

Basahing maigi ang bawat hakbang mula sa Laro Reviews kung nais masimulan ang cooking simulation game na ito. Gamit ang iyong mobile device, pumunta sa App Store para sa mga iOS user at Google Play naman para sa mga Android user. Ilagay sa search bar ang Cooking Kawaii – Cooking Game Madness Fever. I-click ang icon ng laro matapos itong mahanap. Dahil ang larong ito ay isang premium game, kailangan magbayad ng $0.99 bago makapagsimula. Hintayin ang ilang minuto bago ma-download ang app. Matapos nito, kumpletuhin ang sign-in details at maaari nang masimulan ang paglalaro! 

Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro: 

  • Download Cooking Kawaii – Cooking Game Madness Fever on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.cscmobi.cooking.love&hl=en_US&gl=US
  • Download Cooking Kawaii – Cooking Game Madness Fever on iOS https://apps.apple.com/us/app/cooking-kawaii-cooking-games/id1548681076
Cooking Kawaii - Laro Reviews

Cooking Kawaii – Laro Reviews

Tips at Tricks sa Paglalaro

Ang susi sa paglalaro ng Cooking Kawaii – Cooking Game Madness Fever ay ang mabilisang pagresponde sa mga order ng mamimili. Makikita sa loob ng kanilang thought bubble kung ano ang kanilang nais order-in at mahalagang maging alerto para maiwasan ang pagkakamali. Ang tricky sa parteng ito ay may pagkakatulad ang kanilang mga order kung kaya’t kailangan tingnan ng maigi kung may pagkakaiba ba sa sauce o may inumin na nais bilhin. 

Mainam din na bago pa man dumagsa ang mga customer ay naihanda na ang mga pagkain at inumin. Halimbawa sa unang restaurant na iyong pamamahalaan, ang The Sushi Bar, siguruhing nahiwa na ang isda sa sashimi tool para kapag dumating ang iyong customer ay ilalagay mo na lang ito sa sashimi plate. Mabilis din na kunin ang kasamang sauce ayon sa kanilang gustong bilhin. Tiyakin din na laging may nakahandang hiwa ng isda sa sashimi tool at tsaa sa green tea pot upang mabilisang matugunan ang mga order. Ganito lang din ang estratehiyang iyong gagawin kahit sa iba pang mga restaurant. 

Bukod sa maagang paghahanda ng pagkain at inumin, makabubuti rin na ma-upgrade ang tools na ginagamit para maparami at mapabilis ang pamimigay ng orders. Dahil dito, mahalagang makalikom ng maraming coins para makabili ng upgraded na tools. Makukuha ito bilang gantimpala sa tuwing matatapos ang bawat stage. Pwedeng doblehin ang bilang ng nakuhang coins sa panonood ng ads. Tuwing rush hour, asahan na tataas ang bilang ng customers na dadagsa sa iyong restaurant kung kaya’t ituring ito bilang iyong kalamangan at damihan ang customers na matutugunan para sa mas maraming coins at pabuya. Kung ako sa iyo, unahing i-upgrade ang tool na nagsisilbing pinaka base ng orders ng iyong mga mamimili. Sa kaso ng The Sushi Bar, i-upgrade muna ang sashimi tool. Isunod ang sashimi plate at ang pinakahuli ay ang green tea pot. 

Related Posts:

Machinarium Review

My City: NewYork Trip Review

Bawat stage ay makakakuha ng isang susi na iyong gagamitin para buksan ang iyong susunod na restaurant. Makakatanggap din ng ilang rubies bilang extra points na mapupunta sa iyong piggy bank. Iba-iba rin ang layunin kada stage kaya importanteng intindihin ito ng maigi. Gawin ito hanggang sa mabuksan ang iba’t iba pang stages ng laro. 

Cooking Kawaii - Laro Reviews

Cooking Kawaii – Laro Reviews

Pros at Cons ng Cooking Kawaii – Cooking Game Madness Fever 

Para sa positibong aspeto ng laro, tiyak na masisiyahan ang mga manlalaro sa napakaraming available na levels. Iba-iba rin ang tampok na cuisines at bansa. Nangangahulugang maraming pagpipilian at hindi mauubos sa hatid na excitement. Bukod pa rito, habang tumataas ang iyong level ay paunti-unting humihirap ang laro. Pagdating naman sa graphics ng laro, tunay ngang “kawaii” ang mga karakter na ginamit. Maging ang itsura ng restaurant, pagkain, inumin, at kitchenwares ay may bakas ng pagiging cute. Hindi lang ito, ang background song na ginamit sa laro ay swak sa kabuuang atmospera nito. Tunay nga sa pangalan ng laro, madness fever talaga ito dahil ikaw na ang magsasawa sa dami ng levels na maaaring laruin. Susubukin nito ang iyong bilis at husay sa paghahanda ng orders ng iyong customers. 

Sa kabila nito, isa sa mga kailangan pag-ibayuhin ng game developers ay ang bilang ng ads na makikita sa laro. Bagamat isang premium game, maraming ads ang makikita rito na maaaring makagambala sa iyo. Dagdag pa rito, hindi ito magandang laruin sa loob ng mahabang oras. Nakakasawa ang laro kinalaunan dahil paulit-ulit ang content nito. Habang totoo ngang may iba’t ibang cuisines at kultura ang makikita, ang context nito ay iisa lang. Mainam na laruin ito kung ikaw ay nagpapalipas lang ng oras. 

Konklusyon 

Bilang pagbubuod, tunay ngang exciting laruin ang Cooking Kawaii – Cooking Game Madness Fever. Bukod sa iba-ibang cuisines at recipes na iyong matututunan, maisasabuhay mo rin ang pakiramdam ng isang restaurant owner at chef. Bagamat madali lang ang gameplay, masasabing challenging pa rin dahil mas nagiging kumplikado ang orders ng customers habang bumibilis ang pacing ng bawat stage. Kaya hindi lang ito patok sa mga bata, gayundin maging sa mga matatanda. Kailangan lang ng game developers na pag-isipang mabuti ang bilang ng ads na matatagpuan sa laro. Bukod pa rito, hindi rin maipapayo na laruin ito sa loob ng mahabang oras dahil paulit-ulit ang content ng laro. Kaya kung ang hilig mo ay mga cooking simulation game, oras na para idagdag ito sa iyong koleksyon.

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...