Crash Bandicoot: On the Run! Review

Mahirap na talunin ngayon ang mga larong nakasanayan nating laruin noon. Kumbaga, sila ang maaaring maging standard natin pagdating sa isang specific na genre ng laro. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ikukulong na lamang natin ang ating sarili sa nakasanayan. Mayroon pa rin tayong kalayaang sumubok ng iba. Kung nakahiligan mo noon ang larong gaya ng Temple Run at Subway Surfer, maaari mo ring subukan ang larong ito na nilikha ng King, isang Maltese Video Game Developer na mas nakilala dahil sa nilikha nitong Candy Crush, ang Crash Bandicoot: On the Run!

Kung ikukumpara ang Crash Bandicoot: On the Run! sa Temple Run at Subway Surfer, magkaparehas lamang ang tatlong ito sa parte kung saan kailangan mo lamang magpatuloy sa pagtakbo, magpadausdos at tumalon. Ngunit sinikap maging unique ng laro sa pamamagitan ng paglalagay dito ng boss sa bawat finish line upang iyong kalabanin at pabalikin sa kung saang lupalop ito nanggaling.

Sa larong ito, kailangan mo ring mangolekta ng ilang mga ingredients na iyong magagamit upang makalikha ng potion. Ito ang magsisilbing panlaban mo sa bawat kalaban na naghihintay sayo sa dulo ng laro. Kaya naman, muling sariwain ang pagtakbo nang mabilis, ang pagpapadausdos at pagtalon gamit ang larong ito.

Features ng Crash Bandicoot: On the Run!

Sa main screen pa lamang ng laro ay bubungad na agad sayo ang dalawang karakter na sina Crash Bandicoot at Coco Bandicoot. Malaya kang mamili sa mga ito kung sino ang nais mong tumakbo para sa laro. Kung pipindutin mo naman ang bawat karakter ay lalabas ang ilang mga available na skin para sa kanila na siyang maaari mong mabili gamit ang purple crystals. Para kay Coco, bukod sa classic na skin ay mayroon din itong Apocalypse, Western, at Wumpa. Habang kay Crash naman ay mayroon lamang Retro. Hindi tiyak ng Laro Reviews kung mayroon pang nakalaang skin para kay Crash ngunit maaari natin itong asahan kung atin pang maipagpapatuloy ang paglalaro nito.

Mayroong iba’t ibang klase ng game mode ang larong ito. Una ay ang Battle Runs bilang pinaka-campaign ng laro. Dito ka makakatagpo ng ilang mga boss na dapat mong talunin sa huli. Sa bandang ibaba ng screen, makikita na may mistulang meter ang itsura. Dito mo makikita ang iyong kasalukuyang map at ilang mga challenge na kailangan mong lampasan bago makarating sa panibagong map. 

Bukod sa Battle Runs ay mayroon ding tinatawag na Collection Runs. Dito ka dadalhin ng laro kung sakaling may mga ingredients kang kailangang kolektahan. Ang mga ingredients kasi na iyon ang gagamitin upang matalo ang mga boss na iyong makakaharap sa Battle Runs. Sa oras na buksan mo ang Collection Run ay bubungad sayo ang apat na mapa; ang Wumpa Island, Ice Warp Island, N. Sanity Island at ang isa pa na maaaring sa susunod mo pa madidiskubre. Bawat isa sa mga ito ay may tig-apat ding mapa kung saan maaaring puntahan ng bawat manlalaro upang makakuha ng iba’t ibang klase ng ingredients.

Ang Survival Runs naman ay isang klase ng game mode kung saan mayroon kang dalawang makakasama (iba pang manlalaro) sa pagtakbo at paggawa ng iyong misyon. Dito ay kailangan mo muna ng ticket bago magsimula sa paglalaro. Sinasabing isa rin itong tournament dahil talagang matira ang matibay sa pagtakbo ang mangyayari dito. Mayroon din itong ranking na siyang makikita pagkatapos nito. Mayroon din itong iba’t ibang klase ng map na maaari mong pagpilian bago magsimula ang laro. Panghuli sa game mode nito ay ang Challenge Runs na siyang ma-a-unlock mo lamang sa oras na makaipon ka na ng 25 na power gem.

Sa Craft section mo naman makikita ang Laboratory na mayroon ang iyong karakter. Narito ang ilang mga weapon na siyang ginagamit mo panglaban sa mga nakakaharap mong boss. Dito rin nagaganap ang paggawa ng weapons maging ang storage kung saan dito nakaimbak ang ilang mga ingredients na iyong nakolekta at kailangang gamitin upang makalikha ng weapons.

Dahil isa ring multiplayer ang laro, mayroon itong teams section kung saan nahahati ang laman nito sa apat; ang leaderboard, ang kumpletong listahan ng mga nag-e-exist na team na mayroon sa larong ito, chat na para lamang sa bawat team at feed. Mayroon ding button dito kung saan mabilis ka nitong dadalhin sa Survival Runs kasama ang iba pang miyembro ng ibang team na maaari mong makasama sa laban.

Mayroong dalawang bagay sa larong ito na kailangan mong ipunin: ang Power Gem at ang Purple Crystals dahil ang mga ito ang maaaring makatulong sayo upang umusad ka pa sa laro. Ngunit sa oras na magkulang ka naman sa mga ito, mayroong shop sa larong ito kung saan mabibili mo ito gamit ang tunay na pera. Bukod sa mga ito, mabibili mo rin dito ang ilang mga skin, survival run ticket, weapon at marami pang iba na paniguradong kakailanganin mo sa laro.

Saan maaaring i-download ang app?

Walang nabanggit na saktong size na mayroon ang larong ito sa Google Play Store ngunit nangangailangan ito ng kahit 5.0 na version ng Android para ma-install. Kung sa App Store naman ay nangangailangan lamang ito ng 847.5MB. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng bluestacks para naman sayong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Crash Bandicoot: On the Run! on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.king.crash

Download Crash Bandicoot: On the Run! on iOS https://apps.apple.com/us/app/crash-bandicoot-on-the-run/id1510334752

Download Crash Bandicoot: On the Run! on PC https://www.bluestacks.com/apps/action/crash-bandicoot-on-the-run-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Crash Bandicoot: On the Run!

Hindi lamang nakapokus ang laro sa mabilis na pagtakbo hanggang makarating sa dulo nito dahil kasama rin dito ang pag-iisip mo ng diskarte kung paano mo kukunin ang bawat kahon na madaraanan mo sa bawat pagtakbo mo. Mahalagang kunin ang mga iyon dahil laman ng mga ito ang iba’t ibang klase ng ingredients na iyong magagamit upang makalikha pa ng mas maraming potion na siyang magpapatumba sayong mga kalaban. Ngunit kahit ganun ay darating ang pagkakataon na kailangan mong magdesisyon kung kukunin mo pa nga ba ang ilan sa mga ito o ipagpapatuloy na lamang ang pagtakbo. Kaya naman, narito ang Laro Reviews para dito at para sa ilang mga tips sa paglalaro nito.

Simple lang. Kunin mo lamang ang kaya mo at iwanan naman ang hindi. Maaari mo naman kasing makuha ang ibang ingredients sa ibang pagkakataon. Hindi naman ito nagba-back to zero kaya hindi mo man ma-reach ang quota sa unang subok, maaari mo naman itong ipagpatuloy sa ikalawang pagsubok. Mainam ding isipin ang pwesto ng kahon. Kung nararamdaman mo na ang adrenaline rush habang tumatakbo, huwag mo nang subukang kunin pa ito kung nasa ilalim ito ng matigas na bagay o sa kahit saang pwesto basta’t nakadikit ito sa matitigas pang bagay.

Related Posts:

Modern Combat 5: mobile FPS Review

Ronin: The Last Samurai Review

Maaari mo ring isama sa mga kahon na dapat mong kunin ay yung mga may laman na maskara. Mayroon kasi itong kakayahang bigyan ka ng proteksyon at panibagong buhay. Kung sakali mang mauntog ka sa matigas na bagay, hindi ka kaagad mamamatay dahil poprotektahan ka ng mga ito. Gayunpaman, maaari rin namang balewalain ito kung nasa kumplikadong pwesto rin ito. 

Kung sakali namang mauntog ka, mahulog o kung ano pa mang sanhi ng iyong pagkatalo, palagi munang pag-isipan kung mas mainam bang gamitin ang purple crystals upang maipagpatuloy ang pagtakbo. Dahil mayroon din namang option kung saan ang paraan upang makabalik ulit sa laro ay gamit ang panonood ng ads, mas makakabuti kung ito ang option na piliin. Mas marami ka kasing maaaring magamit pagdating sa purple crystals na higit pa sa paggamit nito para lamang maipagpatuloy mo ang kasalukuyang laro, na siyang pwede mo rin namang ulitin.

Pros at Cons ng Crash Bandicoot: On the Run!

Hindi bago ang game mechanics ng laro ngunit may ilang mga parte ito na bago lamang sa ating panlasa, dahilan kung bakit may malaking potensyal ito na kagiliwan ng lahat. Nagustuhan ng Laro Reviews ang parte ng laro kung saan magkakadugtong ang bawat game mode nito gaya ng bawat pagkakataon na kung kailangan mong talunin ang malakas na boss sa Battle Run gamit ang kakaibang potion, dadalhin ka kaagad nito sa Collection Run para mangalap ng ingredients. Maliit lamang na bagay ito ngunit naging daan ito para magkaroon ng bagong bihis ang laro.

Marahil ang isang bagay na masasabi naming disadvantage ng laro ay ang pagkakataon kung saan para bang sinasadya ka nitong mataya para lamang maulit muli ang pagalalaro mo. Madali lamang naman ang control na ginamit dito at kahit sa simpleng pagswipe mo lamang ay mabilis mong mapapagalaw ang iyong karakter. Ngunit may ilang pagkakataon na kahit pinatalon mo na ito nang malakas ay mababa lamang ang nagiging talon nito dahilan kung kaya’t nauuntog agad ang iyong karakter. Kalimitan itong nangyayari sa Collection Run at sa Survival Run na game mode.

Konklusyon

Kung titingnan, aakalain mong madali lamang ang laro dahil tumatakbo ka lamang naman. Ngunit kung ipagpapatuloy mo ito, doon mo mapapagtanto na may ihihirap pa pala ito. Pabilis ito ng pabilis at parami ng parami ang bawat obstacles na kailangan mong lagpasan. Mainam ito dahil talagang tinutulak nito ang bawat manlalaro na hindi lamang makatakbo nang malayo ngunit mag-isip din nang mabilis kung paano nila lalampasan ang bawat nakaharang sa kanilang mga dinadaanan. Kaya kung nais mong subukan ito, i-download na ang larong ito!

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...