Dan the Man: Action Platformer Review

Kinagigiliwan na rin ngayon ang mga uri ng larong may kakaibang kwento. Mga nakakatuwa at nakaka-relax lamang na laruin subalit may kapana-panabik na aksyon. Kaya kung naghahanap ka ng ganitong libangan, tiyak kong magugustuhan mo ang nilikha ng Halfbrick Studios na arcade, ang Dan the Man: Action Platformer. 

Ang larong Dan the Man: Action Platformer ay isang retro video game na puno ng kwento ng paglalakbay at labanang may aksyon. Sa bago nitong update, hindi na lang ito pang single player kundi maaari ka na ring maglaro sa mode na multiplayer. Pwede kang maghanap ng ka-match sa loob ng game o mag-invite ng mga kaibigan na makakasama sa laban. Ikinatuwa naman ng marami ang bagong update ng laro dahil matagal na nila itong kahilingan. Masarap nga namang maglaro ng may kasama.

Sa larong ito, gagampanan mo ang karakter na si Dan, ang bayani sa loob ng kwento. Ikaw ay papasok sa iba’t ibang uri ng level upang makipaglaban at isakatuparan ang iyong misyon, gamit ang iyong kapangyarihan at armas panlaban para makalaban ang pinaka-boss ng laro sa dulo ng bawat level.

Kung alam mo ang larong Super Mario Bros, mayroon silang pagkakahawig ng Dan the Man: Action Platformer. Kailangan mo kumuha ng mga coins, lagpasan ang mga kalaban, talunin ang boss at iligtas ang naaapi. Handa ka na bang pasukin ang mundo ni Dan?

Features ng Dan the Man: Action Platformer 

Classic Game Modes – Mayroong apat na mode ang larong ito. Una dito ang Campaign Mode kung saan may kwento ang paglalakbay at pakikipaglaban ni Dan. Pangalawa, ang Endless Survival. Kung gusto mo namang makipag-tagisan ng rank at ipakita ang iyong galing sa paglalaro, para sa iyo ang endless action-game mode na ito. Pangatlo, ang Adventure Mode. Ito naman ay naglalaman ng mga challenges at iba’t ibang uri ng laro para ma-unlock ang exclusive skins at premyo. Pang-apat ay ang pinakabagong update ng laro, ang Multiplayer Mode. Dito ka malayang makipag-match at mag-invite ng makakasama sa paglalaro. Mas masaya at kapana-panabik kung dalawa kayong makikipaglaban tungo sa tagumpay.

Bagong mode, arenas at costume – Ang bagong mode ng larong ito ay ang multiplayer event. Mayroon na din bagong arenas na maaari mong laruin. Ang bago at eksklusibong costume naman na pwede mong ma-unlock ay ang The Princess at ang Enchanted Frog Fighter.

Upgrade your heroes – Maaari kang mag-unlock o mag-upgrade ng iyong karakter. Tuklasin kung paano mo mapapalakas ang iyong bayani. Nasa iyong mga kamay ang diskarte at sariling istilo sa paglalaro. 

Gumawa ng sariling bayani – Sa larong ito, may kakayahan kang mag-customize ng sarili mong bayani depende sa iyong nais. Malaya kang pumili kung anong itsura ang karakter mo na komportable sa istilo ng iyong paglalaro.

Saan Pwedeng I-download ang Dan the Man: Action Platformer?

I-click lamang ang mga link sa ibaba para i-download ang laro ayon sa ginagamit na device:

Download Dan the Man: Action Platformer on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.halfbrick.dantheman

Download Dan the Man: Action Platformer on iOS https://apps.apple.com/nz/app/dan-the-man/id981796690

Download Dan the Man: Action Platformer on PC https://www.bluestacks.com/apps/arcade/dan-the-man-on-pc.html

Tips Kung Nais Laruin ang Dan the Man: Action Platformer

Kung ikaw ay baguhan pa lamang at nagnanais na laruin ang Dan the Man: Action Platformer, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo. 

Unahin mo munang maglaro ng campaign mode. Ito ay upang malaman mo kung tungkol saan ang paglalakbay at pakikipaglaban ni Dan. Mas ma-eenjoy mo ang laro kung sinusunod mo ang daloy ng kwento. Tingnan at suriing mabuti ang bawat dinadaanan dahil makakakita ka ng mga karatula na nagbibigay senyales at babala sa laro. Kailangan mo ring makakuha ng mga coins dahil ito ay ang pangunahing hinihingi para makapag-upgrade at makapaglaro pa. Matatagpuan at makukuha mo ang mga coins sa loob ng laro. Kaya siguraduhin mong makuha mo lahat at hindi malampasan ang mga madadaanan mo sa paglalakbay. May mga power-ups at items na makakatulong rin sa iyong laban. 

Bukod pa rito, kailangan mong maging mapagmatyag at handa sa mga biglaang pagsalakay ng kalaban. Malaya kang gawin ang sarili mong pamamaraan sa paglalaro. Siguraduhin lamang na magagawa mo ang iyong tungkulin at hangarin bilang manlalaro. Kailangan mong manalo laban sa kasamaan para makapunta ka sa susunod na level. Kumpletuhin ang mga stages ng laro upang ma-unlock ang ibang game modes at items para sa iyong karakter. 

Para naman manalo laban sa mga boss, ang isa sa mga tip ng Laro Reviews ay ipunin mo ang mga special weapons na makukuha mo at gamitin ito panlaban sa kanila. Ang mga special weapons na ito ay katulad ng throwing knives, bullets, rifles, bazooka, at marami pang iba. Ang isa pa sa tip, iwasan mo lang ang bawat atake ng boss at kapag tumigil ito saka ka naman lumaban. Mas mabilis mong matatalo ang boss gamit ang mga armas na ito. 

Pros at Cons sa paglalaro ng Dan the Man: Action Platformer

Katulad ng ibang mga arcade games, mahusay rin ang graphics, visual and sound effects na ginamit sa Dan the Man: Action Platformer. Madarama mo na ikaw ay naglalaro sa isang retro video game sa panahon ng 80’s. Tiyak kong magugustuhan mo rin ang isang ito kung kinaadikan mo dati ang paglalaro ng Super Mario Bros. Subalit, marami din silang pagkakaiba pagdating sa mga mode, items at kapangyarihan ng karakter. 

Kumpara sa ibang mga laro, kinakailangan mong magbayad upang makuha mo ito. Ngunit ang larong ito ay libre at pwede mong i-download sa iyong Android, iOS o PC na devices. Ito rin ay available sa 15 na lenggwahe at may 123.4 MB lamang. 

Mayroon din itong mga advertisements na nakakaabala sa iyong paglalaro. Ngunit maaari mo itong panoorin bilang kapalit ng coins na kailangan mo sa laro. Maaari mo ring tanggalin ang mga ads na ito sa pamamagitan ng pag-purchase ng premium gamit ang tunay na pera. Ito rin ay naglalaman ng ilang mararahas na tema na nakakaapekto sa mga manlalaro kaya pinahihintulutan lamang ang mga batang edad 12 pataas ang maglaro nito. 

Konklusyon

Pinatunayan ng Halfbrick Studios na mahusay ang larong Dan the Man: Action Platformer dahil nakatanggap ito ng magagandang reviews sa Google Play Store at App Store. Sa ngayon mayroon na itong 4.7 out of 5 ratings. Marami na ring ginawang laro ang developer na ito katulad nalang ng sikat na Fruit Ninja, Fruit Ninja 2, Jetpack Joyride, Battle Racing Stars, Wobble Drop, Magic Brick Wars, at marami pang iba. Kaya i-download mo na sa iyong devices ang Dan the Man: Action Platformer!

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...