Draw 2 Save: Stickman Puzzle Review

Ang talento sa pagguhit ay itinuturing na isa sa pinakamagandang biyaya sa atin. Nagsisilbi itong tulay upang mailabas natin ang ating mga saloobin na hindi kayang bigkasin ng ating mga bibig. Malaki ang papel na ginagampanan nito sa ating buhay. Sa paaralan, mas lalong nahuhubog ang pagkatuto ng mga mag-aaral dahil sa mga patimpalak at iba pang aktibidad na humahasa sa kanilang isipan na maging lohikal sa pamamagitan ng pagguhit. Sa mga propesyonal na mangguguhit, nagbibigay ito sa kanila ng pagkakataon na kumita ng pera at maging tanyag sa larangan ng sining. Subalit sa larong Draw 2 Save: Stickman Puzzle naman, ang pagguhit ay nagsisilbing tanging paraan upang makapagligtas ng buhay.

Tungkol saan nga ba ang larong ito? Ang pangunahing layunin sa larong ito ay ang mailigtas ang stickman sa panganib. Ilan sa mga halimbawa ng mga bagay na nagdadala ng kapahamakan ay bomba, matalas na espada, bala ng baril at matatalas na mga patalim. Lubos na kinakailangan ang matalinong pagpaplano sa linyang iyong iguguhit. Hindi ito maaaring sobrang haba dahil matatamaan ang ililigtas, ngunit hindi rin dapat ito kulangin sa haba dahil maaari itong pagalawin ng mabibigat na bagay at mahulog sa kinaroroonan ng stickman.

Paano laruin ang Draw 2 Save: Stickman Puzzle

  • Gamit ang iyong daliri gumuhit ng isang tuloy-tuloy na linya, maaari ang kahit anong hugis.
  • Isaalang-alang ang buhay ng stickman na ililigtas kaya maging maingat sa pagguhit. Siguruhing hindi nito matatamaan o masasaktan ang stickman.
  • Maging mapamaraan sa pag-iisip ng iguguhit na siyang magsisilbing proteksyon ng stickman. Ika nga ng isang kasabihan, “think outside the box.”

Features ng larong Draw 2 Save: Stickman Puzzle

  • Logical Game- Hindi lamang aliw ang hatid ng laro sa atin sapagkat layunin din ng larong ito na hasain ang kakayahan ng ating isip na maging lohikal sa mga hakbang na ating gagawin. 
  • Puzzle and Drawing Game- Hindi lamang ito basta puzzle o drawing game. Kombinasyon ito ng dalawang nabanggit kaya mas lalo itong nakakawili.
  • Great Challenges- Walang katulad na mga pagsubok ang maaaring lampasan sa larong ito na sadyang susubok sa ating kakayahan na maging matalino sa paglalaro.

Saan maaaring I-download ang Draw 2 Save: Stickman Puzzle

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Draw 2 Save: Stickman Puzzle on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.miracle.drawtosave.an

Download Draw 2 Save: Stickman Puzzle on iOS https://apps.apple.com/me/app/draw-2-save/id1609041340?mt=8&cc=me&at=1000laQn&ct=d&ls=1

Pros at Cons ng laro

Nangunguna sa magandang katangian ng larong ito ay ang iba’t ibang game challenges bawat game level. Hindi ito katulad ng ibang puzzle games na paulit-ulit ang mga task sa bawat level ng laro. Sa larong ito tunay na masusubok ang iyong kakayahang maging lohikal. Tuturuan ka ng laro na maging mapamaraan at mag-isip lagi nang pinakamabisang paraan upang masolusyunan ang isang problema.

Ang konsepto ng laro ay mahusay na pinanday, masasabing pinag-isipan talaga ng mabuti. Hindi nakakasawa ang paglalaro dahil bukod sa pangunahing layunin nito na mailigtas ang stickman, may mga pagkakataon din na kailangan mong manghuli ng magnanakaw, iligtas ang isang taong naglalakad sa kalsada mula sa humaharurot na motorsiklo, mabigyan ng proteksyon ang lobo upang hindi ito mapaputok ng mga matutulis na bagay at marami pang iba.

Ang Draw 2 Save: Stickman Puzzle ay walang pinipiling edad, lahat ay pwedeng maglaro nito. Pwede itong magsilbing pagsasanay sa mga bata upang mas malinang ang kanilang kasanayan sa paggamit ng lohika. Tinuturuan din sila ng larong ito na maisabuhay ang pagiging maingat sa paggawa ng mga desisyon. Para naman sa mga magulang, mainam ang larong ito upang gawing pampalipas-oras matapos ang mahabang araw na pagtatrabaho. Papawiin nito ang pagod at papalitan ng nakaka-relax na sandali. Marami rin sa ating mga lolo at lola ang mahihilig sa larong puzzle, kagaya ng crossword, jigsaw puzzle, anagrams at iba pa. Kaya naman mainam din itong Draw 2 Save: Stickman Puzzle para mas lalong maensayo ang talas ng kanilang memorya.

Kung pag-uusapan naman ang teknikal na aspeto ng laro, naniniwala ang Laro Reviews na may maayos na graphics naman ang Draw 2 Save: Stickman Puzzle. Yun nga lang, hindi rin masasabing pasok ito sa mga larong may 3D Graphics design. Madali ring gamitin ang control ng laro kaya hindi ka mahihirapang gumuhit sa screen.

Sa kabilang banda naman, hindi maikakailang marami ring mga kahinaan itong laro kagaya na lamang ng sobrang dami ng ads lalo na kapag nilalaro mo ito ng naka-online. Hindi maaaring pagkatapos mong manalo sa isang game level ay walang lalabas na ads pagkatapos. Isa itong malaking sagabal lalo na kapag nasa kalagitnaan ka na ng paglalaro dahil tiyak na matatalo ka sapagkat natatabunan ng ads ang mahigit sa kalahating espasyo ng screen.

Hindi rin pwedeng palampasin ang bugging, lagging at glitching sa laro. Ito na yata ang pinaka malaking problema ng laro. Hindi mabilang kung ilang beses mong mararanasan ang mga ito. Kapag aksidente mo namang mapindot ang ‘watch ads button’ ng naka-offline ay hindi natatapos ang pag-loading nito kaya kailangan mong mag-restart ng device para malaro ito ulit.

Hindi rin ganun karami ang dami ng game level ng laro. Sa loob ng dalawang araw ay maaari mo na itong matapos kaagad. Walang masyadong problema sa mga pagsubok sa laro, ngunit kapag agad na matatapos ito ay sadyang nakakapanlumo lalo na kapag nawili ka na talaga sa paglalaro nito.

Konklusyon

Ang mga larong puzzle ay hindi maitatangging may magandang maidudulot sa atin lalo na sa  usaping brain exercise sapagkat hindi lamang memorya natin ang nahahasa nito kundi maging ang ating cognitive skills kaya naman ang paglalaro ng Draw 2 Save: Stickman Puzzle ay mairerekomenda ng Laro Reviews sa mga taong gustong mahasa ang kanilang problem-solving skills. Ang larong ito ay mainam rin sa mga maliliit na bata upang umunlad ang kanilang potensyal sa pagguhit. Ngunit upang higit na mas mapabuti ang kalidad ng laro, nararapat lamang na bigyan ng tuon ng developer ang mga kahinaan ng larong ito lalo na sa usapin ng bugging, glitching at sa dami ng ads. Mas makakabuti rin na sa susunod na pag-update ng laro ay dagdagan ang bilang ng game levels upang mas lalong ma-enjoy ng mga manlalaro nito. Upang mas maraming maenganyo na maglaro, mas mabuti rin na mas pagandahin pa ang graphic design ng laro. Higit na mas mainam din na gawing mas makulay ang laro at hindi lamang puti at itim ang makikita dahil ang mga kulay na ito ay nakakalungkot at hindi nagugustuhan ng karamihan lalo na ng mga bata. Sa kabuuan, tunay na magandang laruin ang Draw 2 Save: Stickman Puzzle sa kabila ng mga kahinaan nito kaya kung gusto mo ring subukan, huwag ka ng magpahuli pa at hanapin na ang larong ito sa Play Stores.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...