Dream Restaurant Review

Pinangarap mo bang maging isang kilalang may-ari ng restaurant? Sa larong Dream Restaurant, matutupad ang iyong hinahangad! Dito, maaaring magtayo ng sariling restaurant, palaguin ang negosyo, at maghatid ng kalidad na serbisyo sa iyong customers. Alamin ang tungkol dito sa artikulong ito.

Ang Dream Restaurant ay isang simulation game mula sa game developer na Rollic Games. Tulad ng pamagat nito, umiikot ang laro sa pamamalakad ng iyong pangarap na restaurant. Layunin nitong palaguin ang kita para tuluy-tuloy na mapalawak ang iyong business. Napakasimple lang ng graphics ng laro, hinaluan din ito ng matingkad na kulay at masayang background music. 

Features ng Dream Restaurant

Build a Restaurant – Mula sa pagkakaroon ng maliit na restaurant, palalaguin ang kita para magkaroon ng pera na sapat sa pagpapalawak ng pwesto. Bukod dito, maaari pang dumami ang iyong customers kapag bumili ng karagdagang mesa, upuan, at panibagong pwesto para sa sinisimulang business. 

Stack Up Orders – Para mas mapabilis ang pamimigay ng order sa customers, isa sa features ng laro ay ang pagpapatung-patong ng mga pagkain. Kumpara sa ibang restaurant simulation game na may timer kung gaano katagal maghihintay ang customers, dito ay mananatili lang ang customer na nakaupo sa kanyang lamesa hangga’t hindi naibibigay ang order. Kaya ang sukatan dito ay kung gaano kabilis matutugunan ang kanilang orders. Papasok lang ang panibagong customer kapag may bakanteng pwesto na sa loob. Nang sa gayon, sa pagpatung-patong ng mga pagkain, makakatipid ka ng oras dahil hindi na kailangan pang magpabalik-balik sa pagkuha ng mga order.

Dream Restaurant - Laro Reviews

Dream Restaurant – Laro Reviews

Offline Mode – Hindi nangangailangan ng Wi-Fi o data connection ang laro. Makapaglalaro ka nito kahit nasaan ka man naroroon. Kahit ikaw ay naghihintay sa pila o nasa lugar na mahina ang signal, magagawa mo pa ring palaguin ang iyong restaurant!

Townboard – Makikita rito ang rankings ng mga restaurant base sa may pinakamaraming perang kinita. Mapapansing may countdown na nakalagay rito. Pagkatapos ng countdown, tatanghalin ang tatlong restaurant na may pinakamatataas na nalikom na pera at sila ay gagantimpalaan ng premyo. Ang 1st place ay makakatanggap ng $800,000, ang 2nd place naman ay $550,000, at ang 3rd place ay may $100,000.

Waiters – Sila ang tutulong sa iyong ipamigay ang mga order sa bawat customer. Sa pamamagitan nito, mas mapapabilis ang gawain dahil sabay-sabay silang kumikilos. Mapapadali rin ang pamamahala ng restaurant lalo na kapag lumawak na ang iyong pwesto at mas maraming customers na ang kumakain.

Saan Pwedeng I-download ang Dream Restaurant?

Gamit ang iyong smartphone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users, at sa App Store naman sa iOS users. I-type ang Dream Restaurant sa search bar at pagkatapos ay pindutin ang Get o Install button katapat ng icon nito. Antaying matapos ang pag-download para mabuksan ang app. Kumpletuhin lang ang mga kailangan sa sign-in details at pwede kang makapagsimula na ng paglalaro! Sundin lang ang instruksyong ito mula sa Laro Reviews sa pagda-download.

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Dream Restaurant on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.longhorn.cookmaster

Download Dream Restaurant on iOS https://apps.apple.com/us/app/dream-restaurant/id1575181192

Dream Restaurant - Laro Reviews

Dream Restaurant – Laro Reviews

Tips at Tricks Para sa mga Baguhang Manlalaro

Maaaring masira at maudlot ang pangarap mong restaurant kung hindi mo alam ang mga dapat mong gawin. Kaya narito ang ilang tips at tricks mula sa Laro Reviews upang gabayan ka sa laro.

Sa pagpapatakbo ng restaurant, pinakamahalaga ang kikitaing pera o revenue bawat araw. Kaya ang maipapayo ko sa iyo ay pagpatung-patungin ang mga pagkaing ihahatid sa customers. Tumapat sa gitna ng dalawang pagkain upang makuha ito nang sabay. Makatitipid ka na sa oras, mas efficient pa ito dahil maramihan ang madadalang pagkain sa customers nang isang kuhaan lamang. Kapag naubos na ang inipong pagkain, bumalik lang sa kitchen para kumuhang muli ng bulto ng pagkain at pagpatungin ang mga ito sa isa’t isa tulad ng nabanggit kanina. Bukod dito, mainam ding kumuha ng mga waiter maging sa umpisang bahagi pa man ng laro. Makatutulong sila para lumaki ang kita dahil mas dadami ang manpower kung sabay-sabay kikilos. Magreresulta ito sa maramihang pamimigay ng orders at mabilisang pagpapalit ng mga customer. Siguraduhin ding kumuha agad ng waiter kapag nagbukas ng panibagong seksyon sa restaurant.

Related Posts:

Teacher Simulator Review

Stickman Destruction 4 Annihilation Review

Ugaliin ding tingnan ang Daily Quests dahil isa ito sa mga paraan para makakuha ng karagdagang pera. Makikita ito sa kanang itaas ng screen. Malalaman mo naman kapag nakakumpleto ka ng panibagong quest dahil may lilitaw na notification mark sa gilid nito. Nagre-refresh ito kada araw kaya mainam na gawin at kumpletuhin ang lahat ng mga ito bago matapos ang oras. Dagdag pa rito, mahalaga sa isang restaurant ang may malawak na pwesto upang mas maraming customer ang mapaunlakan sa loob. Tulad nito, mainam ding magdagdag ng mga bagong lamesa, gayundin ang pagkakaroon ng karagdagang seksyon sa restaurant. Samakatuwid, mas malaki ang kikitain kapag mas malawak ang sakop ng restaurant sapagkat mas maraming customers ang pwedeng makakain dito. Kaya huwag mag-alala kung sakaling mahirapan ka magbigay ng orders kapag mas maraming customers dahil hindi sila nagagalit kung matagalan man sa preparasyon ng kanilang pagkain. Mananatili lamang silang nakaupo hanggang matanggap ang orders at sila ay makakain na.

Gaya ng aking nabanggit, ang pinakaimportante ay mapalago ang iyong kabuuang kita. Kaya kung ako sa iyo ay huwag mananatiling nakapokus ang pagpapaganda sa iisang seksyon lang ng iyong restaurant. Pamahalaan nang maayos ang iyong pera upang lahat ng seksyon ay magge-generate ng kita. Nararapat lang na sabay-sabay na pagtuunan ng pansin ang buong restaurant, kabilang na rito ang paglalagay ng mga bagong kagamitan. Kung marami ka namang oras, samantalahin din ang pagkakataong manood ng ads para makuha ang money bag na naglalaman ng limpak-limpak na pera. Sa pamamagitan din ng ads, maaari kang makatanggap ng mga kagamitan nang libre o may discount.

Dream Restaurant - Laro Reviews

Dream Restaurant – Laro Reviews

Pros at Cons ng Dream Restaurant 

Masasabing simple ang laro, mula sa mechanics hanggang sa graphics nito. Madali lang itong maintindihan anuman ang edad. Hindi rin kahirapan ang paglalaro dahil maaari kang bumili ng mga waiter na tutulong sa iyo sa pamimigay ng orders. Malaking tulong din ang stack up feature ng laro dahil sa pamamagitan nito, hindi mo na kailangang magpabalik-balik sa pagkuha ng mga pagkain tuwing oorder ang iyong customers. Bukod dito, nakakatulong din ang Gold Rush at VIP Day sa pagpaparami ng pera sa loob ng ilang segundo. Maganda ring may offline mode ito kaya hindi nakakasagabal ang mabagal na internet o data connection sa daloy ng laro. Gayundin, maaari itong laruin kapag nagpapalipas ng oras o may inaantay dahil nakaka-enganyo ito.

Bagamat nakakatulong ang ads sa ilang mga bagay, inaangal ng marami na tila lahat ng gagawin sa app ay kinakailangan ng ads. Kagaya ng pag-a-unlock ng ikatlong waiter, kailangan pa ng ads bago makuha ito. Bukod dito, may mga pagkakataon ding nawawala o hindi gumagana ng maayos ang biniling waiter. 

Konklusyon

Bilang kabuuan, magandang laruin ang Dream Restaurant kapag nagpapalipas ng oras dahil tunay na nakalilibang ito, lalo na’t nais mong manguna sa Townboard. Kahit madali ang mechanics, nangangailangan ito ng estratehiya kahit papaano. Kabilang na rito ang pamamahala ng restaurant at kung kailan dapat magdagdag ng kagamitan o espasyo. Kaya naman kung hilig o pangarap mo ang maging may-ari ng restaurant, magandang panimula ang larong ito. Masasanay ang sarili sa pagbabantay ng buong restaurant, pagdedesisyon kung kailan nararapat magdagdag ng waiter at lamesa, at sa matalinong pagbaba-budget. 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...