Farming Simulator 20 Review

Farming Simulator 20 – Isa ang agrikultura sa may pinakamahalagang papel na ginagampanan sa mundo dahil ito ang pangunahing pinagkukunan ng mga tao upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Sa agrikultura nakadepende ang paglago at patuloy ng pagdaloy ng ekonomiya ng isang bansa kaya naman isang malaking dagok sa mga konsyumer kung sakaling maaapektuhan ito ng mga hindi inaasahang sakuna gaya ng bagyo, tagtuyot at matinding pagbuhos ng ulan.

Dahil sa silbi ng agrikultura sa mundo, maituturing na malaking bagay ang pagkakaroon ng mga laro na nagbibigay ng pagkakataong masilip ang mundo nito. Isa na rito ang Farming Simulator, isang uri ng video game series na binuo ng GIANTS Software. Gaya ng tunay na nangyayari sa mundo ng agrikultura, makikita rin sa series na ito ang ginagawa ng isang tunay na farmer sa isang malawak na lupain upang makapagtanim. Sa larong ito, malalaman mo at maunawaan kung paano ang nagiging kalakalan dito.

Ang Farming Simulator 20 ay hindi lamang tungkol sa pag-aalaga at pagtatanim ng iba’t ibang uri ng crops sa malawak na lupain ng North America. Umiikot din ito sa pagpapalaki at pagpaparami ng hayop, pagbebenta ng mga produkto na maaari mong magamit upang mapalawak pa ang iyong taniman, o kaya naman ay makapag-invest para magkaroon ng dagdag na makinang magagamit sa pagpapalago at pag-aani ng iyong mga itinanim.

Farming Simulator 20

Farming Simulator 20

Features ng Farming Simulator 20

Kung fan ka ng Farming Simulator series, mapapansin mo agad ang mga bagong features na mayroon ang version 20 at ilan sa mga iyon ay ang sumusunod:

Mas pinaraming makinarya at mga sasakyan – Gaya ng mga naunang version, isa sa pinakamahalagang feature na mayroon ang laro ay ang pagkakaroon nito ng makina na magagamit mo para sa produksyong agrikultural. Para magkaroon ng bagong timpla ang version 20, ilan sa mga sasakyan at makinarya ang ni-recreate ng GIANTS Software hango sa mga tanyag na agricultural machinery company tulad ng John Deere at farming brands gaya ng Case IH, New Holland, Fendt, at iba pa.

Mga Kabayo – Isa sa naging lamang ng version 20 dahil wala ito sa mga naunang version ay ang pagkakaroon nito ng mga kabayo sa laro. Sa tulong nito, maaari mo nang libutin ang iyong malawak na taniman habang nakasakay dito. Kailangan ding siguraduhin ng mga manlalaro na ang mga kabayo ay naaalagaan gaya ng pangangalaga sa mga ito sa tunay na mundo. 

Mas pinagandang graphics – Kung papansinin, ang version na ito ay higit na mas detalyado at naturalistic ang graphics kumpara sa mga naunang version. Dahil dito, para bang tunay kang nakapwesto sa malawak na lupain ng North America lalo na kapag naisipan mong sumakay ng kabayo. Kapansin-pansin din iyon sa mga makina at sasakyan dito. 

Mga pananim – Ang Farming Simulator 20 ay may new crops na oats at cotton na maaari na ring itanim kasama ng ilan sa featured crops ng farming simulator series.

Saan pwedeng i-download ang Farming Simulator 20?

Maaaring mai-download ang laro gamit ang sumusunod:

  • Download Farming Simulator 20 on PC https://www.bluestacks.com/apps/simulation/farming-simulator-20-on-pc.html
  • Download Farming Simulator 20 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.giantssoftware.fs20.google&hl=en_US&gl=US
  • Download Farming Simulator 20 on iOS https://apps.apple.com/us/app/farming-simulator-20/id1478611992
Farming Simulator 20

Farming Simulator 20

Tips sa paglalaro ng Farming Simulator 20

Bago magsimula ang bawat laro, palaging may pagdadaanang tutorial sa umpisa. Kung nais mo talagang ma-master ang laro lalo na’t baguhan ka pa lamang dito, huwag na huwag mong kalilimutang panoorin muna ang tutorials bago sumabak sa aktwal na laro. Sa tutorial session ng Farming Simulator 20, ibinibigay ang basic guides kung paano patatakbuhin ang farm. Kung sakaling mabitin man, maaari ka namang mag-search sa internet ng tutorials patungkol sa laro. Kung titimbangin, mas mainam ang mga tutorial na nasa labas mismo ng laro dahil mas detalyado ang bawat paliwanag na ibinibigay nito.

Oras na nalampasan mo na ang tutorial, maalam ka na sa mga basic at handa ka nang sumabak sa laro. Para ka na ring pumapasok sa aktwal na mundo ng agrikultura sa oras na simulan mo na ang larong ito. Kaya naman, kung sa tingin mo’y maaga pa, stay with the basic. Kumilos muna nang naaayon sa resources na mayroon ka. Unti-untiin ang pag-usad pasulong. Matutong mag-invest. Hindi mo kailangang maging magaling agad. Kung kinakailangang manatili muna kung ano ang kayang-kaya mong gawin, walang problema. Mas makabubuti iyon. 

Ang Farming Simulator 20 ay isa ring larong intelektwal dahil nangangailangan ito ng pagiging kritikal lalo na’t pagdating sa pagdedesisyon. Kaya naman, sa bawat naiisip na kilos, timbangin muna kung makabubuti bang gawin agad ito o dapat ipagpaliban at sumubok sa tamang panahon. 

Pros at Cons sa paglalaro

Kung isa kang avid fan ng farming simulator series, mapapansin mong ang gameplay ng version na ito ay ‘simplified’. Sa Farming Simulator 20, ang ilan sa mga proseso na karaniwang pinaglalaanan ng mahabang oras sa sa tunay na buhay ay magagawa mo sa loob lamang ng maikling panahon. Mainam ito para sa mga baguhang manlalaro na ang nais lamang ay sumubok at magkaroon ng experience sa larong ito. Ngunit para sa mga player na nasubaybayan ang farming simulator series, maaaring ikadismaya nila ang version na ito. Kung napukaw ng version 20 ang atensyon mo sa pagiging ‘realistic’ nito, palagay ko’y hindi ka rin magdadalawang isip na bawiin ang salitang iyon kapag napagtanto mong iilan lang pala ang talagang ‘realistic’ sa loob ng laro. 

Farming Simulator 20

Farming Simulator 20

Dahil sa ilang features na tinanggal tulad ng mga pwede mo sanang maging katulong sa matrabahong mundo ng agrikultura, naging mabagal tuloy ang takbo ng laro. Nakadagdag pa lalo sa mabagal na gameplay nito ang mga disaster na kailangan mo pang hintayin nang matagal bago matapos. Ganoon pa man, isa itong kalamangan kung ang usapan ay pagiging realistic dahil hindi naman napipigilan ang mga natural disaster at talaga namang isa iyon sa nagiging kalaban ng mga magsasaka sa tunay na buhay.

Related Posts:

Manok Na Pula – Multiplayer Review

Brawl Stars Review

Kung bago ka lamang sa larong ito at walang kahit anong bitbit na experience pagdating sa farming, walang dapat ipag-alala dahil may tutorial naman dito. Ngunit kung nabitin ka at tila nalilito ka pa rin sa takbo ng laro, normal laman iyan dahil ang tutorial session para sa Farming Simulator 20 ay pinaikli na tila ba ginawa lamang ito para sa mga experienced player ng Farming Simulator series.

Sa kabila ng lahat ng ito, ang features na makikita rito na wala sa ibang version ang masasabing edge talaga ng larong ito. Hindi maitatanggi na sa kabila ng mga puna para sa version na ito, sinikap pa rin ng developer na kahit papaano’y magkaroon ng bagong bihis ang version 20 upang makapag-iwan pa rin ito ng kapana-panabik na experience sa lahat ng mga nais maglaro nito.

Konklusyon

Bagama’t hindi libre ang larong ito, maituturing naman na sulit ang paggastos mo dito kung tungkol sa pagkatuto pagdating sa agrikultura ang pag-uusapan. Gaya nga ng isang awitin sa Filipino, “Ang magtanim ay hindi biro…” Sa larong ito tumpak na inilalarawan ang bawat hirap at sakripisyo na ginagawa ng bawat magsasaka. Ngunit kahit ganoon, tila maeengganyo ka pa ring ipagpatuloy ang mga gawain oras na mapagtanto mo na walang paghihirap ang hindi nagbubunga. Kaya kung gusto mong maging isang magaling na farmer, i-download mo na ang Farming Simulator 20!

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...