Fist of the North Star Review

Hindi maikakaila ang pagkahilig ng karamihan sa panonood ng anime at manga mula pa noong 80s hanggang sa kasalukuyan. Sa tulong ng kompyuter at online games ay mas lalong nabigyang-buhay ang mga karakter na nasa mga pahina lamang ng mga aklat nababasa. Magbabalik-tanaw ang mga manlalarong naging tagasubaybay o naging paboritong panoorin ang Japanese manga series noong 80s sa larong Fist of the North Star. Una na nga itong nakilala bilang isang Japanese manga na isinulat ni Buronson taong 1983 sa Japan. Itinatampok sa kwento si Kenshiro, isang matikas na binatang ipinagtatanggol ang mga mahihina laban sa mga taong handang pumatay para lamang sa pagkain at tubig. Isinasalaysay sa kwento kung gaano kahirap na bumangon mula sa bangungot na dala ng giyera. Pagkatapos humupa ng Nuclear War, lahat ng matatayog na gusali ay pinadapa ng mga bomba at mga nuclear weapon. Hindi mabilang ang dami ng mga nasalanta at namatay at hindi rin natukoy ang mga nagtamo ng mga malalalim na sugat. Matapos ang mahabang panahong pasakit ay susubukang muli ng mga tao na maipagpatuloy ang kanilang nakagawiang buhay, ngunit kung gusto mong mabuhay ay kailangan mong pumatay.

Bilang karagdagan, ang larong ito ay hango rin sa Manga, isang larong martial arts kung saan ang bida ay si Kenshiro na siyang nakikipagbakbakan sa mga kalaban gamit lamang ang kanyang angking galing sa larangan ng martial arts. Maaari ka pa rin namang gumamit ng iba pang karakter bukod sa bidang si Kenshiro. Paano naman ito malalaro? Simple lamang ang mechanics: Kailangan mo lamang mapatumba lahat ng kalaban sa pamamagitan ng suntok, sipa at iba pang paraan ng pakikipag-away. Kapag napatumba mo na ang mga pangkaraniwang kalaban ay makakaharap mo sa dulo ng bawat game level ang tinatawag na mga ‘boss’ sa laro – sila ay higit na mas malalakas kung ikukumpara sa mga karaniwang kalaban. Hindi rin sila basta-basta napapatumba dahil katulad ni Kenshiro ay bihasa rin ang mga ito sa pakikipaglaban kaya kinakailangan mong gumamit ng iba’t ibang uri ng combo fighting skills sa pag-atake upang mahirapan ang mga ito sa pag counter-attack. Sa bawat napapatumbang kaaway ay nagkakaroon ka ng kill points, pwede mo itong gamitin upang i-unlock ang iba pang special abilities na pwedeng gamitin laban sa mga kalaban.

Features ng Laro

De-kalidad na graphics – Mahigit isang dekada na simula ng inilunsad ang laro kaya dumaan na ito sa napakaraming game updates. Binigyang-buhay rin dito ang mga karakter sa kwentong Manga kaya mas lalo itong pumupukaw ng atensyon. Hindi katulad ng mga naunang bersyon ng laro, mas higit na malinaw ang graphics nito ngayon.

Punung-puno ng aksyon – Dahil nga may kinalaman sa martial arts ang larong ito, hindi na nakakagulat na mabubusog ang iyong mga mata sa walang katapusang aksyon. Kahanga-hanga rin ang mga abilidad sa pakikipag-away ng bawat karakter na gagamitin mo, maging ang mga kakayahan ng mga kalaban.

Maraming karakter na pagpipilian – Bukod nga sa bidang si Kenshiro, napakarami pang pagpipiliang malalakas na karakter ang pwede mong gamitin sa laro upang ipanglaban sa mga pinakamalalakas ding mga kalaban. Ang bawat karakter ay may tinataglay na pambihirang husay at kung babasahin mo ang Manga ay mas lalo mo silang makikilala.

Saan Pwedeng I-download ang Fist of the North Star?

Maaaring gamitin ang sumusunod na links upang mai-download ang laro:

Download Fist of the North Star on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.sega.HokutoRevive.en&hl=en_US&gl=US

Download Fist of the North Star on iOS https://apps.apple.com/us/app/fist-of-the-north-star/id1461447155

Download Fist of the North Star on PC https://www.gameloop.com/ph/game/action/fist-of-the-north-star-on-pc

Tips para sa mga Bagong Manlalaro

  • Sikaping mapatumba lahat ng kaaway na nasa paligid upang mas maraming kill points ang makukuha na makatutulong upang makapagbukas ng panibagong game level
  • Gumamit ng combo fighting ability upang mas mabilis na mabawasan ang life bar ng mga kalaban
  • Ang mga unlocked abilities ay may kanya-kanyang silbi sa laro, kaya dapat aralin kung paano ito gamitin ng tama upang madaling mapatumba ang mga kalaban
  • Sa pakikipag-away ay hindi mo kinakailangang lumagi sa iisang lugar, hangga’t maaari ay magpalipat-lipat ka ng pwesto upang hindi mapuruhan ng mga kalaban, lalo na kung ang mga malalakas na uri ng mga kalaban ang makakasagupa mo.

Pros at Cons ng Fist of the North Star

Kung susuriin ang graphics ng larong ito, nagtatampok ito ng 2-dimension head-to-head fighting game. May natatangi ring tekniks na nakapaloob sa larong ito katulad ng special move na maaaring gamitin ng manlalaro upang magamit ang God fist blow at Deadly fist blow na mabilisang magpapatumba sa mga kalaban sa pamamagitan ng command-based/button inputs.

Ang larong ito ay nagtatampok ng madugong labanan, may kakayahan ang bawat karakter na pasabugin ang bungo ng kalaban, at tuluyan ang mga ito sa pamamagitan ng mga malakasang uppercut na suntok. Kuhang-kuha nito kung paano inilalarawan sa kwento ng manga ang mga bakbakan.

Masasabi rin ng Laro Reviews na hindi lamang aliw ang hatid ng larong ito sapagkat, itinuturo rin ng Fist of the North Star ang hindi pagiging makasarili at pagkakaroon ng malasakit sa iyong kapwa. Nais ipabatid ng laro na sa buhay ay kailangan nating magpakatatag kapag kinakawawa ng iba.

Sa kabilang banda, malayo rin sa pagiging perpektong laro ang Fist of the North Star sapagkat masasabing pasadya ang disenyo nito para sa mga tagasubaybay ng anime at manga. Kaya kung hindi mo pa napapanood o nababasa ang kwento, tiyak na maguguluhan ka sa daloy at kwento ng laro. Ang mga ginagamit na special effect sounds sa tuwing sumusuntok, sumisipa o may napapasabog na bungo ay tili magkakapareho.

Habang nakakabilib para sa karamihan ang mga karumal-dumal na patayan gaya ng pagdanak ng dugo sa tuwing may napuputol na parte ng katawan ng isang tao, hindi ito magandang ipalaro sa mga bata dahil posibleng maapektuhan nito ang kanilang aspektong sikolohikal at maaaring magtulak sa mga ito na makipag-away katulad ng mga nasa fighting scenes ng laro.

Hindi rin naiiba sa ibang laro ang Fist of the North Star dahil ang mga manlalaro ay nakakaranas rin ng matagal na loading bago tuluyan mabuksan ang laro. Kadalasan ay nagkakaroon ng lags at glitch, lalo na kung may katagalan ka na sa paglalaro. Hindi rin ito malalaro sa mga android na may beryong mas mababa sa 6.0 at nangangailangan din ng 2GB RAM o higit pa. 

Konklusyon

Para sa Laro Reviews, ang Fist of the North Star ay muling lilikha ng ingay at papatok sa mga manlalaro kapag napagtuunan ng pansin ang mga issue nito. Mas makabubuti ring alamin ang kwento ng laro upang ganap na maiintindihan ang mechanics ng paglalaro.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...