FNaF 6: Pizzeria Simulator Review

Ang FNaF 6: Pizzeria Simulator ay isang point-and-click business simulation at survival horror video game. Ito ay ang ika-anim na installment ng video game series na Five Nights at Freddy’s. Bagama’t inisyal na isinapubliko ito bilang isang simulation game na kung saan ang manlalaro ay namamahala ng pizzeria, unti-unti itong pinakilala bilang karugtong ng naunang series. Basahin ang iba pang detalye mula sa Laro Reviews.

Nagsisimula ang laro sa paggawa ng sariling mong pizza, kabilang na rito ang paglalagay ng toppings na naaayon sa iyong panlasa. Pwede kang maglagay ng pepperoni, sausage, onions, mushroom, olives, at peppers sa iyong pizza. Matapos nito, mayroong 8-bit game na kung saan kontrolado ng manlalaro si Freddy Fazbear upang ipamigay ang pizzas sa mga bata. Dahil ang layunin ng larong ito ay magtayo ng pizzeria, ang susunod na kailangan mong gawin ay bumili ng mga gamit para dito at isaayos ang pwesto bago tuluyang magbukas ang store. 

Mayroong iba’t ibang gawain na dapat mong matapos sa isang araw. Makikita mo ang listahang ito sa iyong computer. Bukod sa tasks, mamo-monitor mo rin ang motion detector, audio, at vent mula sa iyong screen. Kapag natapos mo na ang lahat ng gawain sa araw na iyon, pwede ka nang mag-log off. Madaragdagan ang dapat mong gawin sa bawat araw na nalalagpasan mo, kabilang na rito ang pag-iwas sa animatronics o animatronic characters, mga puppet na pinapakilos gamit ang electromechanical devices. Kailangan mong ulitin ang mga ginawa pati na rin ang mga dagdag gawain habang natitirang buhay hanggang sa makumpleto mo ang anim na araw ng trabaho.

FNaF 6 Pizzeria Simulator

FNaF 6 Pizzeria Simulator

Features ng FNaF 6: Pizzeria Simulator

Mini games – Mayroong iba’t ibang arcade games na maaari mong laruin. Malalaro mo ito sa pamamagitan ng pagpindot ng “Play Test” sa mga kagamitang binili mo para sa pizzeria. Sa paglaro nito, tataas ang iyong “Faz-Points.” Ito ang in-game points na malilikom mo kapag naglaro ka na ng minigames o bumili ng bagong kagamitan para sa pizzeria. Dito ay makatatanggap ka ng $100 sa bawat 1000 points na maiipon. Binubuo ang minigames ng mga laro tulad ng Fruity Maze, Midnight Motorist, at Security Puppet, na kung saan ay may sari-sariling kwento na may kaugnayan sa co-owner ng Freddy Entertainment at kontrabida ng series na si William Afton.

Point-and-click Game – Ang manlalaro ay ang may kontrol sa karakter sa pamamagitan ng point-and-click interface. May kakayahan ding gumalaw sa paligid ng karakter at pindutin ang mga pwedeng magamit para maisakatuparan ang layunin ng laro. 

Business Simulation – Parte ng laro ang pagtayo ng isang pizzeria. Dahil dito, kinakailangan ng manlalarong mamili ng mga dekorasyon para sa store at isaayos ang pwesto nito sa loob. May pros at cons ang pagbili ng mga kagamitan kaya nangangailangan din ng matalinong pagdedesisyong kaugnay sa pagnenegosyo ng pizzeria.

Saan pwedeng i-download ang FNaF 6: Pizzeria Simulator?

Gamit ang iyong smartphone, pumunta sa Google Play para sa mga Android user at sa App Store naman para sa mga Apple user, at ilagay sa search bar ang FNaF 6: Pizzeria Simulator. Dahil isa itong premium game, kinakailangang magbayad muna ng halagang $2.99. Matapos nito, hintaying ma-download at kumpletuhin ang sign-in details para makapaglaro. 

Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro:

  • Download FNaF 6: Pizzeria Simulator on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.clickteam.freddyfazbearspizzeriasimulator&hl=en_US&gl=PH
  • Download FNaF 6: Pizzeria Simulator on iOS https://apps.apple.com/us/app/fnaf-6-pizzeria-simulator/id1455781522
FNaF 6 Pizzeria Simulator

FNaF 6 Pizzeria Simulator

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Bilang isang business simulation game, kasama sa laro ang pagbili ng mga kagamitan. Ang pagbili ng mga ito ay makadaragdag sa kabuuang atmospera ng lugar–mula sa kaligtasan, entertainment standards, hanggang sa kinikita nito. Subalit karamihan din nito ay maaaring maging sanhi ng liability risk o ‘di kaya’y magresulta ng lawsuits na kung saan ay magiging magastos ang proseso. Maaari ding lumago ang pera mo sa pamamagitan ng sponsorship offers pero kung ako sa’yo ay magiging maingat ako sa pagtanggap nito dahil pwede itong magdulot ng audio at visual distraction sa’yo habang naglalaro. Isa ring maipapayo ko sa iyo ay ang hindi paggamit ng sponsorship hangga’t maaari dahil pwede itong tumunog sa kahit anong oras. Ang malala pa rito ay nakakaakit ito ng animatronics papalapit sa iyo at magiging sanhi para hindi mo marinig nang maigi ang iyong paligid sa loob ng ilang segundo. Bilang alternatibo, mainam na galingan sa paglalaro ng minigames para makakuha ng maraming “Faz-Points” at makalikom ng pera galing dito. 

Related Posts:

THE LAST REMNANT Remastered Review

Cyber Fighters: Offline Game Review

Ang problemang kakaharapin mo ay ang labis na ingay na manggagaling sa ventilation system. Kaya marahil ay hindi mo maririnig ang kahit anong bagay na malapit sa air vents. Ito ay maaaring magdulot ng panganib kapag may kakaibang nilalang na umaaligid malapit dito. Bilang solusyon, may tools na ibibigay sa’yo bilang proteksyon sa posibleng kapahamakan. Una, pwede mong isara ang terminal at ventilation system kahit anong oras upang mabawasan ang atensyong sanhi nito papunta sa’yo. Ang ikalawang paraan naman ay gumamit ng flashlight at itapat ito mismo sa air vent para maiwasan ang posibilidad na may biglaang tumalon mula rito. Bukad pa rito, may tatlong karagdagang kagamitan ang maaari mong mapakinabangan na matatagpuan mismo sa air vent, tulad na lang ng motion detector, audio decoy, at secondary ventilation unit. Gayunpaman, paisa-isa lang sa tatlong ito ang pwede mong magamit. 

Tulad ng nabanggit kanina, kailangan mong bantayan ang air vents sapagkat maaaring may lumabas na animatronic mula roon. Kailangan mong taguan at gawin ang lahat ng paraan para lumayo sa presensya nito dahil kung hindi ay mapupunta sa peligro ang iyong buhay. Para maiwasang atakihin ng animatronic, maging matalino’t maparaan kung paano mo gagamitin ang tools na mayroon ka. Gamitin ang motion detector upang i-monitor ang bawat galaw at lokasyon ng animatronic. Kapag nakita mong papalapit na ito sa iyong lokasyon, ihanda ang sarili. Gamitin ang flashlight at itapat sa air vent para mapigilan ang paglapit ng animatronic. Maaari mo ring gamitin ang audio bilang pain sa kanila upang lumayo sa lokasyon mo. Dagdag pa rito, tignan mo kung kailan mas epektibong gamitin ang silent ventilation para mabawasan ang ingay na dulot nito at hindi makapang-akit ng animatronics. Maging maparaan sa pagpili ng gagamiting kasangkapan dahil paisa-isa lang sa mga ito ang pwede mong magamit. 

FNaF 6 Pizzeria Simulator

FNaF 6 Pizzeria Simulator

Pros at Cons ng FNaF 6: Pizzeria Simulator

Kung mahilig ka sa horror game, magugustuhan mo ang FNaF 6: Pizzeria Simulator dahil tunay na nakakatakot laruin ito sapagkat hindi ka masyadong makakabuo ng estratehiya laban sa hindi mahulaang pagdating ng animatronics. Hindi ito madaling hulaan kaya mas nadaragdagan ang gulat na dulot nito. Bukod pa rito, mas nagiging mahirap lampasan ang bawat gabi habang tumatagal. Ang nakadagdag ganda rin sa laro ay ang konsepto ng paggawa ng pizzeria at minigames na kalakip nito. Tila ba’y dalawang laro na pinagsama ang naging kabuuan ng FNaF 6: Pizzeria Simulator. 

Sa kabilang dako, nakasaad sa larong ito bilang babala na ang manlalaro ay makakasagupa ng maingay na tunog, kumikislap na mga ilaw, at ilang mga jumpscare. Kaya hindi ito mairerekomendang laruin ng mga taong madaling matakot, nerbyoso, at ng mga may kondisyong medikal, lalo na’t itinuturing na mas nakakatakot ang larong ito kumpara sa mga naunang Five Nights at Freddy’s. Isa pa sa mga inaangal ng iba ay ang gameplay nito, lalo na ang jumpscares dahil nakulangan sa dating at animation. 

Konklusyon

Bilang kabuuan, bagama’t may pagkakatulad ang FNaF 6: Pizzeria Simulator sa mga naunang Five Nights at Freddy’s, marami ring idinagdag na features sa larong ito, tulad ng paggawa ng pizzeria at ang pamamahala rito. Mahirap ding tantsahin ang pagsulpot ng animatronics kaya mas nakagugulat at nakakatakot itong laruin. Kaya naman magandang irekomenda ang larong ito lalo na sa mga taong mahilig sa horror games. At kung isa ka roon, i-download na ang FNaF 6: Pizzeria Simulator sa iyong mobile phone! Sana ay nakatulong ang mga impormasyong isinulat ng Laro Reviews para madagdagan ang iyong kaalaman sa larong ito.

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...