FR Legends Review

Ang drifting na laro ay isa ngayon sa mga sikat na simulation game. Hindi katulad ng mga arcade game, ang drifting ay nangangailangan ng mas maraming oras para kabisaduhin ng mga manlalaro ang mechanics nito. Ang pagmamaneho at pagdi-drift sa mga simulation ay maaaring magbigay kaalaman sa mga mahihilig sa larong karerahan ng kotse. Kahit wala sa loob ng isang totoong kotse, iba ang kabang mararamdaman oras na magsimula na ang karera. Sa aktwal na drifting, nakakamanghang pagmasdan kung paano kontrolin ng mga driver ang kanilang mga sasakyan habang gumagawa ito ng iba’t ibang exhibitions. Subalit ang larong ito ay kadalasang nilalaro lamang ng mga mayayamang tao, pero para sa mga taong gustong subukan ang laro ngunit walang pera, huwag nang mag-alala dahil sagot na ng FR Legends ang pagtupad sa pangarap mong maglaro ng drifting.

Paano nilalaro ang FR Legends?

Kagaya ng mga nakikita nating car racing sa mga palabas, walang pinagkaiba halos ang gagawin ng isang manlalaro sa larong ito. Habang hawak ang manibela, dapat na mabilis din ang paghawak sa brake at accelerator upang maiwasang madisgrasya sa laro at matanggal sa laban. Ibayong bilis din ang kailangan upang hindi mapag-iwanan sa karera. Isa lang ang dapat na itanim sa isip sa larong ito, ang makarating sa finish line nang nangunguna.

Mga Feature ng Laro:

  • Tutorial – Bago sumabak sa isang karerahan, dapat munang masanay ang sarili kung paano ang tamang paghawak sa manibela at ilan pang bahagi ng sasakyan ang kailangang hawakan upang mapatakbo ito. Sa pamamagitan ng tutorial, tuturuan ka ng laro ng mga dapat mong gawin at mga dapat iwasan kagaya ng kung saang bahagi ng screen dapat pumindot upang magpreno, kumambyo at manatili sa linya ng daan;
  • Practice – Pagkatapos dumaan sa tutorial, sasailalim naman ngayon sa isang pagsasanay kung saan susubukan ng manlalarong patakbuhin ang sasakyan nang hindi dapat lumalagpas sa racing line. Dito rin matututunan kung gaano lang dapat kabilis ang pagpapatakbo ng sasakyan;
  • Solo Run – Wala kang ibang kalaban sa game mode na ito kundi ang sarili mo lamang. Dapat na maging smooth lang ang takbo para hindi bumangga sa mga barricade at marating ang finish line nang mabilis;
  • Battle – Dito mo na ipakikita ang lahat ng mga natutunan mo sa tutorial at practice. Layunin mong maunahang makarating sa finish line. Ang makakatunggali rito ay hindi lamang mabilis dahil bihasa rin ito sa pag-drift;
  • Touge Attack – Mabubuksan lamang ang mode na ito kapag may sapat nang perang makokolekta sa paglalaro o gumastos ng totoong pera para ma-unlock ito;
  • Gymkhana – Dito naman itinatampok ang Drift Park kung saan ipapamalas na ng isang manlalaro ang kanyang galing sa drifting upang umani ng limpak-limpak na salapi;
  • Championship – Ang championship ay mananatiling sarado hangga’t hindi pa nalalaro ang mga game level sa Battle, Touge Attack at Gymkhana;
  • Multiplayer – Ang pinaka astig na parte ng laro kung saan makakalaban na ang ibang players ng larong ito mula sa iba’tibang panig ng mundo. Kailangang laruin ito nang online.

Tips at Tricks sa Paglalaro

  • Upang makipagsabayan sa bilis ng mga kalaban, kailangan mo ring i-upgrade ang iyong sasakyan. Gamit ang Garage button na makikita sa ibabang bahagi ng screen, maari kang bumili ng uri ng makinang gusto mo, o bumili mismo ng bagong kotse;
  • Sa pagpili ng sasakyang bibilhin, kailangang isaalang-alang ang uri ng makina, ang bilis nito, engine level at bigat;
  • Ang mga sasakyang mas mahal ay mayroong mas magandang mga katangian kaya kung may sapat namang pera ay huwag mag atubili na bumili ng mga kagaya nito;
  • Magagawa lamang na makabili ng bagong makinarya o sasakyan kapag may sapat nang perang ipambibili sa mga ito, kaya dapat na maging masipag sa pangongolekta sa laro at sikaping maipanalo lahat ng laban para makatanggap ng mga premyo;
  • Hindi lamang bilis ang sukatan para manalo sa laro, kailangan din ng husay at disiplina sa pagpapatakbo para hindi bumangga, lumampas sa racing line at matalo sa laro.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user at sa App Store para sa iOS. Para naman sa gumagamit ng PC, gumamit ng emulator para i-download ang laro. I-click lamang ang link sa ibaba, i-install ito at hintaying ma-download para masimulan na ang paglalaro.

Download FR Legends on Android here

Download FR Legends on iOS here

Download FR Legends on PC here

Pros at Cons ng Laro

Bukod sa mga nabanggit na features ng laro, mayroon din itong setting button kung saan maaaring i-adjust ang quality ng graphics ng laro mula sa very low hanggang high. Pwede ring i-set ang volume ng laro sa lakas ng tugtog na gusto mo, at maging palitan ang uri ng control panel. Sa profile naman, maaari mong baguhin ang ilan sa mga impormasyon tungkol sa sarili mo kasama na rito ang iyong profile name at iba pa. Sa karagdagan, mayroon ding pagpipilian ang mga manlalaro na maglaro nang offline o online. Sa online, may ilang mga parte ng laro na hindi maaaring makita kapag offline ang pinili mo.

Sa kabilang banda, bihasa man o baguhan sa laro, tiyak na mahihirapan ang isang manlalarong gamitin ang control dahil sa sensitivity ng screen. Dito, kaunting galaw lamang ng inyong mga daliri ay maaaring makaapekto sa takbo ng iyong minamanehong sasakyan. Kung pag-uusapan naman ang ads, hindi rin nakakatuwa ang paulit-ulit na pagpindot sa x-button ng mga ito habang nasa kalagitnaan ka ng paglalaro online. Mahirap ding makaipon ng pera sa laro kaya mapipilitan kang manood ng ads kapag matindi talaga ang pagnanais mong talunin ang mga kalaban.

Konklusyon

Hindi man masasabi ng Laro Reviews na ang FR Legends ang pinakamagandang drifting game na mahahanap sa internet, hindi maikakailang maganda rin ang kabuuang kalidad ng laro. Sakaling magkaroon ng mga karagdagang game feature, kagaya ng dagdag na racing place, iba pang game mode at regular na update sa laro, hindi malayong maihahanay na rin ito sa mga sikat na drifting game kagaya ng Drift Hunters Max, Madalin Car Stunts 3, Tops Speed Racing 3D, Furious Racing 3D at iba pang kinagigiliwang online drifting sa ngayon.

Mas mainam ding magkaroon ng mga game character sa laro katulad ng mga nakikita sa aktwal na drifting upang mas higit na maramdaman ng mga manlalaro na talagang nasa totoong drifting competition sila. Sa Multiplayer naman, dapat na magkaroon din ng chat feature ang laro upang may pagkakataon ang mga manlalarong makatagpo ng mga bagong kakilala at kaibigan. Sa kabila ng pagiging simple ng laro at mga kakulangan nito pagdating sa progress-based quest, lubos pa ring naniniwala ang Laro Reviews na isa mga dapat subukang drifting game ay ang FR Legends.

Leave a Comment

Login
Loading...
Sign Up
Loading...