Frozen Honey ASMR Review

Ang Frozen Honey ay isang pagkaing naging matunog at pumukaw ng maraming atensyon sa loob ng Tiktok. Ito ay inimbento ng isang Tiktok influencer na si Dave Ramirez noong July 2021. Dahil sa nakakatuwang proseso ng paggawa at kaakit-akit na itsura nito lalo na sa tuwing kailangan mong i-squeeze ito, ilan sa mga gumagamit ng tiktok ang sinubukan ding gawin ito upang matikman. Kalaunan ay naging trending itong gawin sa loob ng app na ito dahilan upang ang ilan sa mga eksperto ay mabahala at magbigay ng babalang maghinay-hinay lamang sa pagkain nito dahil maaaring maging sanhi nito ang iba’t ibang klase ng sakit gaya ng diarrhea, toothache, at diabetes.

Batid ng Laro Reviews na kahit hindi man mabigyan ng pagkakataong matikman ito, basta’t maranasan na lang kung paano gawin ang Frozen Honey. Kaya naman, narito ang larong inilabas ng Crazy Labs by TabTale na nirerekomenda namin sa’yo at siyang maaari mong subukan, ang Frozen Honey ASMR. Sa larong ito, ikaw ay magsisilbing isang vendor ng Frozen Honey. Simple lamang ang mechanics ng laro dahil kailangan mo lamang sundin ang ilang steps sa paggawa ng iyong produkto gaya ng pagpili ng nais mong bottle, pagpili ng candy at syrup na siyang ilalagay mo rito, pagsi-shake at pagpapatigas dito upang ibenta.

Features ng Frozen Honey ASMR

Ang Frozen Honey ASMR ay mayroon lamang iilang features na maaari mong i-explore habang naglalaro. Dahil patungkol ito sa paggawa ng isang matamis na pagkain, makikita lahat sa Shop section ang iba’t ibang klase ng kagamitan at ingredients para makagawa nito. Mayroong section para sa bottle, iba’t ibang kulay ng syrup, candies, stencils at kahit yung mga skin gaya ng gagamitin mong gloves, lalagyan mo ng tip at yung mga pwedeng ipangdisenyo sa mesa ng iyong Shop. Lahat ng ito ay maaari mong ma-unlock gamit ang panonood ng ads o kung ipagpapatuloy mo ang paglalaro nito. Bukod pa rito ay may ilan pang items sa mga ito na maaaring madagdagan pa sa susunod na update ng laro.

Sa laro ring ito ay binibigyan ka rin ng pagkakataong i-customize ang iyong sariling truck kung saan nangyayari ang paggawa ng Frozen Honey. Maaari mong palitan ang iyong truck depende sa nais mong laki at itsura nito, kung ano ang nais mong disenyo rito, at maging ang kung nais mo ring lagyan ng signage ito. Gaya ng iba pang items ay maaari mo ring ma-unlock ang mga ito gamit ang panonood ng ads o kung patuloy mo pang lalaruin ang Frozen Honey ASMR.

Kung papansinin ang gameplay ng laro, umuulit lamang ito at maaaring habang tumatagal ay posible kang maburyong. Kaya buti na lamang ay mayroon itong challenges kung saan talagang matutuwa ka pa ring ipagpatuloy ang paglalaro nito dahil may kahabaan ang mga task na ito at mayroon naman itong katumbas na rewards. Sa larong ito ay mayroong iba’t ibang klase ng Challenges. Mayroong Daily, Weekly, Monthly at Global. Iba-iba rin ang tasks na narito at kung minsan ay pahirap nang pahirap kaya talagang nanaisin mo talagang ipagpatuloy pa rin ang paglalaro. Bukod sa rewards na natatanggap mo rito ay mayroon pang Daily Rewards ang laro kung saan posible kang makakuha ng 100 hanggang 10,000 coins.

Saan maaaring i-download ang Frozen Honey ASMR?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 85MB sa Google Play Store habang 140.5MB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng bluestacks para naman sa iyong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Frozen Honey ASMR on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.Nokobot.FrozenHoneyASMR

Download Frozen Honey ASMR on iOS https://apps.apple.com/us/app/frozen-honey-asmr/id1584541954

Download Frozen Honey ASMR on PC https://www.bluestacks.com/apps/casual/frozen-honey-asmr-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Frozen Honey ASMR

Kung papansinin, isa ang larong ito sa mga larong hindi naman na nangangailangan ng tips para lang makausad sa paglalaro nito dahil maaari mo itong malaro nang naaayon sa sarili mong kagustuhan. Kung may isang bagay lang siguro na magsisilbing tips para rito, iyon ay huwag palampasin ang bawat VIP na customer na bumibili sa’yo dahil kung minsan ay sila ang nakakadagdag-aliw sa laro. May mga pagkakataon kasing kakaiba ang mga ipapagawa nila sa iyong Frozen Honey dahilan upang subukan ito. Dahil din sa kanila kung bakit may mga item ka na kahit hindi mo pa naa-unlock ay maaari mo pa ring magamit. Sa oras na magawa mo ang product na nais nila ay may mga item ka ring matatanggap na siyang magagamit mo upang ma-improve mo pa ang paggawa ng Frozen Honey at mapaganda mo pa ang truck na iyong ginagamit.

Pros at Cons ng Frozen Honey ASMR

Para sa Laro Reviews, wala ka naman gaanong makikitang problema sa graphics ng laro. Hindi naman ito gaanong masakit sa mata. Simple at ito ‘yung tipikal na larong makikita bilang ads na napapadaan sa tuwing nagtatagal ka sa social media o kahit saan man. Kung para naman sa tunog ay tugma naman ang pagkakalapat nito at walang pagkakataong hindi nakakarinding pakinggan. Wala kang magiging problema sa background music nito maging sa tunog sa tuwing nilalagyan mo ng syrup at candy ang bottle. 

Gaya rin ng ibang larong may parehas na itsura ng graphics, hindi na nakakapagtakang taglay rin ng larong ito ang repetitive na game mechanics. Ito ‘yung tipo ng larong ma-e-enjoy mo sa simula ngunit posible kang maumay kung magtatagal ka naman. Kaya naman mas maganda sana kung nilagyan nila ng kaunting twist pa ang laro gaya ng maaaring mainis ang customer kung sakaling matagal mo silang pansinin at matagal mong ibigay ang nais na order nila. Maaari rin silang mag-side quest kung saan nauubos din ang syrup at candy at kailangan mong gumawa ng paraan upang ma-refill ito. Sa puntong ito ay masusubok din ang iyong galing sa paggamit ng iyong pera. Sa laro kasing ito, hindi mo maiiwasang magtaka dahil mayroon itong currency coins ngunit hindi mo naman alam kung saan maaaring gamitin dahil pwede mo namang ma-unlock ang ibang item ng laro sa pamamagitan ng panonood lamang ng ads.

Hindi na rin bago sa mga larong ganito ang pagbuhos ng ads sa tuwing naglalaro ka. Ads ang bumubuhay sa’yo sa laro kaya asahan mong bawat galaw mo ay kailangan mong pagdaanan ito. Wala naman sanang problema rito dahil gaya nga ng alam natin, ads din ang daan upang suportahan ang mga tao sa likod ng larong ito. Gayunpaman, maituturing lang na disadbentahe ito kung pasulput-sulpot itong para bang ito na ang nagiging pokus ng laro. Umiikot ang lahat ng bagay o item ng laro sa ads at sa totoo lang, nakakaalis ito ng pagkaaliw sa paglalaro lalo pa’t sumusulpot din ito kada tapos mo sa isang procedure. Kung mayroong limang steps sa paggawa ng Frozen Honey, mayroon ding limang ads kang dapat panoorin bago mo ito i-serve sa customer.

Konklusyon

Maganda at nakakaaliw ang laro sa parte kung saan may pagkakataong malaya kang lumikha ng Frozen Honey ayon sa nais mo. Sa larong ito, maaari kang magdesisyon ng nais mong ibigay na kulay ng syrup at candy. Pwede nga rin dito na huwag sundin ang gusto ng customer. Halimbawa, nais niya ng dalawang klase ng candy ngunit tinatanggap pa rin nito kahit isa lang ang ibigay mo. Maaari itong maging isang butas ng laro ngunit dahil na rin dito, may kaunting thrill ang paglalaro nito. Sa kabuuan ay tunay namang may potensyal ang laro na kagiliwan ng iilan ngunit kung susuriin ay hindi pa ito yung tipo ng larong maaaring laruin nang pangmatagalan.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...