Ghost Dorm Review

Nagdo-dorm ka man o hindi, posibleng may narinig ka na ring kwento pa tungkol sa mga katatakutan sa loob ng mga dormitoryo. Parating laman niyon ang mga white lady na pagala-gala o talagang ginawaan pa ng kwento na namatay raw ito diumano sa lugar na iyon kaya doon na lamang din ito nagpaparamdam. Isama mo pa rito ang mga gaya ng kapre na naghahanap ng mapapangasawa at kapag natipuhan ka ay paniguradong kukunin ka raw nito. Ilan lamang iyan sa mga maririnig mo at siguradong hindi ka magdadalawang-isip na katakutan ang pagdo-dorm. Kaya naman, ilan sa mga developer ang naging inspirasyon ito upang makalikha ng isang laro na kaya kang takutin ngunit sa kabilang banda’y kaya ka ring aliwin. 

Ito ang larong Ghost Dorm na inilabas ng Kaituozhe Network kung saan binibigyan ka ng pagkakataong maging isang taong nanunuluyan sa loob ng dorm o isang evil spirit na nambubulabog sa mga nakatira rito. Ang malupit pa sa larong ito ay mayroon itong genre na Casual – Tower Defense Game kung saan kailangan mong mag-deploy ng ilang mga weapons bilang panlaban sa mga evil spirit, i-upgrade ang iyong bed upang kumita ng coins pang-deploy at i-upgrade ang iyong pintuan upang kahit papaano’y mahirapan ang kalaban sa pagbubukas nito. Kung ang napili mo naman ay maging isang evil spirit ay kailangan mo lamang paslangin ang bawat manlalaro sa bawat kwarto ng dorm.

Features ng Ghost Dorm

Dito sa Ghost Dorm, dahil mayroon kang kalayaang mamili kung aling role ang gusto mong gampanan sa laro, bubungad na agad sa simula pa lang ang dalawang category; ang Humanity bilang mga tao sa bawat kwarto at ang Dream Hunter kung saan ito ang bubulabog sa lahat ng mga nakatira sa loob ng Dorm. Sa bawat category na ito ay marami kang maaaring pagpiliang karakter na gusto mong gamitin sa buong laro. Kung bibilangin ay mayroong labindalawang bilang sa Humanity habang labinlima naman ang maaaring pagpilian sa Dream Hunter. Bawat isa sa mga ito ay maaaring mabili gamit ang coins na siyang currency ng laro o panonood ng ads.

Ilan din sa mga bagay na makikita sa main lobby ng laro ay ang LP’s Shop kung saan laman nito ang mga item na magagamit mo sa bawat laban. Ang Ghost Turntable naman ay ang animo’y Wheel of Fortune ng laro dahil kailangan mo lamang paikutin ang roleta upang makakuha ng rewards. Gayundin pagdating sa Mystery Box kung saan mamimili ka lamang sa bawat box ng nais mong buksan. Laman nito ang bawat reward na siyang magagamit mo sa bawat laro. Mayroon din namang Daily Bonus kung saan maaari kang makakuha ng bawat reward na narito kung magsa-sign in ka sa larong ito.

Mayroong dalawang mapa na maaaring pagpilian muna ng bawat manlalaro bago magsimula rito. Sa oras na pasukin nila ang laro ay dadalhin na kayo agad nito sa masikip na hallway. Napapalibutan kayo ng iba’t ibang kwarto na maaari ninyong puntahan at doon matulog. Sa bawat kwarto ay mayroon ditong isang kama, isang malawak na espasyo kung saan maaari ninyong paglagyan ng mga bagay na maaaring makatulong sa inyo upang mataboy ang dream hunter na maaaring bumulabog sa inyo sa bawat gabi.

Kung iisa-isahin ay mayroong nilagay ang laro na iba’t ibang klase ng section kung saan narito ang kumpletong listahan ng mga maaaring magamit ng bawat manlalaro upang punan ang malawak na espasyo ng kanilang kwarto at bilang panlaban na rin sa bawat dream hunter. Mayroon ditong Base kung saan laman nito ang Micro Syringe, old generator, at repair station. Bawat isa sa mga ito ay maaaring mag-upgrade gamit ang coins na currency ng laro.

Sunod nito ay ang MakeMoney kung saan narito ang Copper Ore, Silver Mine, Gold Mine at Diamond Mine. Ito ang maaari mong gamitin kung nais mong mas mapabilis ang pagpo-produce ng pera upang makabili ng bagong weapons. Ang HighTech naman ay naglalaman ng mga Spell, Safety Mask, Thieves at Air Conditioner. Gampanin naman ng mga ito na bigyan ka ng mga skills lalo na sa crucial na parte ng laro. Ang Black Technology naman kung saan naglalaman ito ng Hunting Net, Ground Spike, at Guillotine ay ang iba pang panlaban sa bawat Dream Hunter. Ito yung mga weapon na sandali lang nagagamit ngunit may malaking epekto sa kalaban. Panghuli, ang Workshop, kung saan laman nito ang Watchtower, Plasma Accelerator at Electromagnetic Circle, ay ginagamit upang mapalakas pa ang pag-atake sa Dream Hunter.

Saan maaaring i-download ang Ghost Dorm?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 46MB sa Google Play Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng MEmu Play para naman sayong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Ghost Dorm on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.zs.mgtp

Download Ghost Dorm on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.zs.mgtp-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Ghost Dorm

Kung nasa loob ka na ng laro, hindi maaari rito ang maging mapili sa gagamitin mong kwarto dahil mayroong sinusunod na oras sa larong ito na kapag naubos ay hudyat na ito na maaaring lumilibot na ang Dream Hunter upang kayo’y paslangin. Kaya naman, bilang unang tip ng Laro Reviews para sayo ay ang agad ng dumiretso sa isang kwartong malapit sa kinatatayuan mo. Mainam nga ang kwarto kung saan malayo ang kama sa pintuan ngunit kung pagtutuunan mo pa ng oras ang pagpili ay maaari ka ng matalo agad sa laro. Sa oras na makapili ka na ay agad na humiga sa kama upang makaipon ng coins na maaari mong magamit para i-upgrade ang bawat gamit mo sa kwarto. Tandaan na kung mabiis ang pagtungo sa kwarto at paghiga, mabilis din ang pag-iipon ng coins.

Marami kang maaaring ilagay sa larong ito bilang panlaban mo sa Dream Hunter. Kung pipindutin mo nga ang malaking espasyo ng iyong kwarto ay agad ka na nitong bibigyan ng ilang mga item na maaari mong bilhin upang ilagay dito. Mainam iyon at tunay na hindi masasabing problema pagdating sa paglalaro mo nito ngunit kung baguhan ka pa lamang dito ay mainam na i-prioritize mo muna ang pag-upgrade sa iyong kama. Ito ay upang madoble ang maaari mong maipon na coins na siyang maaaring maging dahilan upang mabilis ka ring makabili ng iba pang mga item. Isunod mo ang pintuan mula sa wood hanggang sa bakal upang mahirapan kahit papaano ang Dream Hunter na buksan ang iyong kwarto. Ihuli mo ang ilang mga weapons at generator bilang panlaban.

Pros at Cons ng Ghost Dorm

Isa sa mga nagustuhan ng Laro Reviews pagdating sa Ghost Dorm ay ang ideya nitong gamitin ang Horror na genre bilang isang Tower Defense Game. Dito mo mapapatunayan na maaari rin palang pagsamahin ang dalawang ito sa isang laro. Dahil sa bago nitong timpla, tunay na halo-halo rin ang maaari mong maramdaman sa oras na laruin mo ito. Ito ang tipo ng larong mapapansin mo na lang ang iyong sarili na naaaliw sa pagde-deploy ng iyong weapons at ilang proteksyon habang humihiyaw dahil sa takot sa tuwing nakikita mong dumadaan ang Dream Hunter sa hallway at tinatangkang pasukin ang iyong kwarto.

Bukod pa riyan ay tunay na nararamdaman mo na kaagad ang ambiance ng laro kung makikita mo pa lamang ang graphics at sound na nilagay para rito. Ang Ghost Dorm ay may taglay na art style na maaaring tama lang kung ihahambing sa ibang laro ngunit hindi ito mapag-iiwanan. Unique at nakakatuwang kahit simple lamang ito ay damang-dama mo ang pagka-creepy nito. Gayundin pagdating sa sound na maririnig mo sa lobby at sa ingay na nililikha ng Dream Hunter sa tuwing naglalakad ito sa Hallway at sa pambubulabog na ginagawa nito sa bawat kwarto. 

Gaya ng ibang laro ay kalimitan ding problema ng larong ito ay ang bigla-biglang pagsulpot ng ads na siyang unti-unting nagtatanggal ng interes mong ipagpatuloy pa ang paglalaro. Isa itong disadbentahe ng laro dahil lumalabas ito kahit pa tumatakbo pa ang mismong laro. Kung minsan nga’y habang nakikipaglaban ka ay magugulat ka na lang dahil bigla-bigla itong sumusulpot. Mahahaba rin ang ads at talagang may katagalan ang pag-pause mo sa laro bago tuluyang matapos ito at makapagpatuloy kang muli sa paglalaro. 

Bukod pa rito, tila imposible rin ang bawat pagkapanalo mo sa bawat laro dahil kahit pa gaano ka kahanda pagdating sa kung gaano karami ang na-deploy mong weapons, kung gaano karaming upgrade ang pinagdaanan ng iyong pintuan para hindi agad mabuksan ng kalaban maging ang kama mo upang makapag-produce ng marami pang coins, darating pa rin ang pagkakataong hindi ka mananalo rito.

Konklusyon

Para sa Laro Reviews, isa ang Ghost Dorm sa mga larong may taglay na bagong timpla na siyang tunay na kagigiliwan ng bawat manlalaro. Tunay na huling-huli ng developer nito ang kiliti ng bawat manlalaro sa pamamagitan ng paggamit ng Horror at tunay na kinagigiliwan ng lahat na Tower Defense game. Dahil dito, hindi malabong malaki ang potensyal nitong kagiliwan pa ng marami. Kaya naman, kung nais mong makaramdam ng pagkalibang habang natatakot? Subukan mo na ang Ghost Dorm!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...