Grab Master! Review

Lahat naman siguro tayo ay nangangarap na magkaroon ng kapangyarihang mapasunod ang lahat sa ating mga gusto. Yung tipong sa isang utos mo lang ay may gagawa na ng mga nais mong mangyari. Kung isa kang masugid na tagasunod ng palabas na Xmen, marahil alam na alam mo na ang kakayahan ni Charles Xavier o mas kilala bilang si Professor X. Sa lahat ng mga kapangyarihan na mayroon ang mga mutant, namumukod tangi ang kakayahan ni Professor X na Mind Manipulation o Telepathy. Kaya niyang maimpluwensyahan ang isip ng iba gaano man ito kalayo. Ang pinagkaiba lamang ng larong ito sa kanya ay literal na pipilitin ng game character ang ibang tao upang sumunod sa kanya. Walang hanggang hilahan ang makikita mo sa larong ito sapagkat ito rin ang pangunahing layunin ng laro, ang hilahin ang iba papunta sa isang lugar kung saan nito gustong ilagay. Ang mga kadalasang lugar kung saan dinadala ang mga hinihilang tao ay sa upuan ng isang dentista, sa bus, sa hapag-kainan, sa trabaho at sa paaralan.

Paano laruin ang Grab Master!

Hanapin ang laro sa Google Play Store, i-install ito sa inyong mga cellphone at hintaying matapos. Para naman sa mechanics ng laro, simple lamang ito. Kinakailangan mo lamang mahila ang sinumang itinuturong hilahin ng laro papunta sa lugar na nais nitong pagdalhan. Ngunit isang babala: hindi sila madaling hilahin sapagkat pumipiglas ang mga ito kaya kailangan mahigpit ang hawak mo sa kanilang mga paa kahit ano man ang mangyari. Nagwawala rin ang mga ito at nambabasag ng gamit pero hindi ka dapat magpasindak upang manalo sa laro.

Saan pwedeng i-download ang Grab Master!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Grab Master! on Android here

Download Grab Master! on iOS here

Download Grab Master! on PC here

Tips at Tricks sa paglalaro ng Grab Master!

  • Upang malaro ng maayos ang laro, sikaping maging mabilis sa paghila.
  • Huwag hahayaang makapiglas sa iyong hawak ang target na tao
  • Gumamit ng cellphone kaysa Tablet o iPad para madali ang paghawak at pagpapasunod sa mga hinihila
  • Maglaro ng naka-offline para maiwasan ang maramihang pagsulpot ng mga ad sa kalagitnaan ng paglalaro

Pros at Cons ng Laro

Kung pag-uusapan lang naman ang graphics ng laro, hindi magpapahuli itong Grab Master! Hindi maitatanggi ng Laro Reviews na de-kalidad ang pagkakagawa sa aspektong graphics nito. Bukod sa puno ito ng napakaraming matitingkad na kulay, marami ring mga bagay ang makikita sa game screen.

Mayroon ding iba-ibang plots ang nasabing laro. Mayroong pagkakataong dadalhin ka sa Beer Pub, sa paaralan, sa loob ng bahay, sa isang sports field at marami pang iba. Bukod sa pangunahing layunin ng laro na dalhin ang mga dapat hilahin sa lugar na gusto nito, may mga bonus game ang karakter sa laro na kailangan niyang pagtagumpayan kagaya ng pagsali sa hurdling sport at pag-pose sa harap ng camera upang makuhanan ng litrato.

Hindi rin maaaring kalimutan ang pagkakaroon ng mga dayalogo sa laro na maririnig talaga ng mga manlalaro. Mainam ito upang mahasa ang kakayahan ng mga bata sa pakikipag-komunikasyon sa wikang English.

Kung iisiping mabuti, nais din ng Grab Master! na turuan tayo na sumunod sa mga bagay na iniuutos sa atin lalo pa kung may maganda naman itong kalalabasan. Ilan sa mga halimbawa na kapansin-pansin sa laro ay ang pag-utos ng nanay sa kanyang anak na tumigil sandali sa paglalaro ng kompyuter para kumain. Ang labis na pagbababad sa harap ng nasabing device ay alam nating may negatibong epekto sa ating kalusugan. Higit sa lahat, ang pagkain ng sabay-sabay sa hapag ay isa sa mga nagpapatatag sa pundasyon ng isang pamilya. Isa pang magandang halimbawa ay ang paggising ng nanay sa kanyang anak upang pumasok sa paaralan. Hindi maitatanggi ng karamihan sa atin na ang mga nanay ay mistulang mga alarm clock na siyang laging nagpapaalala upang kumilos na para hindi mahuli sa klase.

Ngunit sa kabilang banda, nararapat ding malaman ng developer ng laro ang mga downside ng Grab Master! Unang-una na rito ay ang walang katapusang paglalabasan ng mga ad. Hindi ka lamang mapapagod sa kakapindot ng x-button ng mga ito dahil minsan nagiging sanhi rin sila ng iyong pagkatalo sa laro lalo pa kung lumalabas ang mga ito sa kalagitnaan ng panghihila mo. Kasunod na dito ang madalas na pagkakaroon ng lagging sa laro. Kapag nangyari ito ay wala kang ibang magagawa kung hindi mag-force close application at mag-restart ng iyong device.

Higit sa lahat, ang larong ito ang may pinaka-boring na game challenges. Mula Level 1 hanggang sa matataas na game levels ay hindi nagbabago ang challenge sayo na manghila nang manghila. Ang mga game characters ay nananatiling magkakapareho rin. Sa karagdagan, may mga pagkakataon din na bigla na lamang nagfo-forced close ang laro kapag narating mo na ang matataas na game level. Sobrang nakakainit ito ng ulo lalo pa at kailangan mong ulitin ang laro. Hindi rin pwedeng palagpasin ang silbi ng mga paper bill sa laro dahil bukod sa pwede itong ipambili ng mga damit sa laro ay wala na itong silbi pa.

Konklusyon

Maraming bagay ang dapat isaalang-alang ng developer ng laro. Kung gusto nitong magkaroon ng maraming downloads at mga tapat na manlalaro ay kinakailangan nitong pag-isipang mabuti ang mga dapat na idagdag na mga game feature at masolusyunan ang problema sa lagging, glitching at biglaang pag-forced close ng application. Nararapat ding mabigyan ng mas challenging na mga task ang mga manlalaro at iwasan ang pag-ulit-ulit sa mga ito. Mas maganda rin na malaro ito ng multiplayer kung saan may chat feature na siyang magiging tulay upang makapag-usap ang mga manlalaro sa kanilang game strategy at upang makipag-kaibigan din sa iba.

Sakaling mas ma-improve pa ang pangkalahatang kalidad ng laro, naniniwala ang Laro Reviews na mas lalong papatok ang Grab Master! Mas maraming mga manlalaro ang tatangkilik dito at mas maraming positibong feedback ang matatanggap ng laro. Sa kabilang banda, masasabi ring angkop ang larong ito sa mga bata dahil hindi ito katulad ng mga combat game na maraming karahasang nangyayari. Kung nais din ng mga magulang na matutong magsalita sa wikang Ingles ang kanilang mga anak ay lubos na makakatulong itong laro dahil sa mga dayalogong maririnig at mababasa sa laro. Subukang laruin ang Grab Master! at ikaw mismo ang magbigay ng sariling husga.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...