Granny Smith Game Review

Granny Smith Game – Natatandaan ninyo pa ba iyong mga coach sa bawat pelikula o serye sa TV na nagsasabing kaya ng kanilang lolang tumakbo ng isang lap na wala siyang mga paa? Ang lola na ito ay maaaring makabasag sa mga bintana nang hindi nababali ang kanyang mga buto o kahit na walang health insurance. Mula sa pagtalon sa iba’t ibang gusali sa rooftop hanggang sa pag-roller skate sa kabilang panig ng mundo, gagawin ni Lola Smith ang lahat para sa kanyang minamahal na mga mansanas. Dapat alam mo kung saan ka tatakbo kung balak mo siyang nakawan dahil pupunta siya sa outer space para habulin ka. Sundan ang kanyang epiko at masayang pakikipagsapalaran sa Laro Reviews na ito at saksihan ang kanyang hindi magagapi na katawan habang siya ay nakaliligtas sa pagbagsak ng mga hadlang.

Nagpapahinga si Lola Smith sa kanyang tumba-tumba habang nakikinig sa kanyang record player. Ito ay isang perpektong araw para sa matandang babae na pahalagahan ang kanyang mga mansanas hanggang sa inagaw ng isang bata ang ilan sa mga ito mula sa kanyang mga puno. Nagmamadali siyang pumunta sa kanyang tool shed, kinuha ang kanyang pulang maalikabok na roller skate, at nagsimula na ang laro. Sa kanyang edad, aakalain mong madadapa siya sa kanyang unang pagsubok, ngunit magugulat ka kung paano siya makagagawa ng isang front flip habang siya ay bumabagsak sa isang mine shaft nang walang nababaling buto. Kailangang makuha ni Lola Smith ang kanyang mga mansanas bago ito gawin ng magnanakaw habang sinisira ng kanyang invincible na katawan ang lahat ng bagay na nakaharang sa kanya. Lahat ng ito ay kaya niyang gawin habang nakasakay sa kanyang mga roller skate.

Granny Smith Game -Laro Reviews

Granny Smith Game -Laro Reviews

Features ng Granny Smith

Kung sa tingin mo ay sapat na ang kapangyarihan ni Lola, hindi mo pa nakikita ang kakayahan niya oras na nilagyan mo siya ng mga power-up. Maaaring maprotektahan siya ng helmet mula sa mga mas matigas na mga hadlang. Maaari niyang basagin ang sagabal sa pamamagitan ng baseball. Tulad sa mga cartoons, ang balat ng saging ay ginagamit upang matisod ang magnanakaw na nasa kanyang likuran. Maaari mo siyang patiwarikin at patalunin gamit ang jump button, at maaari mong gamitin ang kanyang tungkod sa mga drainage pipe at mga linya ng telepono.

May apat na yugto ang laro, at bawat isa sa kanila ay may mga bonus level. Pinakamadali ang sakahan dahil kakaunti lamang ang mga sagabal. Magiging mas challenging ang stage sa lungsod dahil kailangan mong basagin ang salamin habang tumatalon ka sa iba’t ibang mga gusali at kung minsan ay kailangan mong tumalon sa mga sasakyan. Magiging mas mahirap sa industriya dahil sa mga matitinding hadlang. Hindi mahirap mag-skate sa malaking tubo, ngunit hindi madaling i-hover ang iyong karakter gamit ang mga air vent. Ang outer space ang pinakakasiya-siyang yugto dahil matutuwa ka sa paglutang sa magaan na gravity.

Maaari mong piliin ang iba pang tatlong karakter bukod kay Granny Smith. Kung ikaw ay pagod na sa paggamit ng isang hindi magagapi na lola, maaari mong piliin ang hindi mababasag na si Granpa Stanley, ang kanyang asawa. Maaari ka ring maglaro bilang Scruffy, isang asong parang tao na may mahabang puting buto bilang kanyang tungkod. Ang karakter ni Ouie ay nilikha para parangalan ang unang laro ng developer, ang Sprinkle.

Granny Smith Game -Laro Reviews

Granny Smith Game -Laro Reviews

Saan maaaring i-download ang Granny Smith?

Gamitin ang sumusunod na links:

  • Download Granny Smith on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.mediocre.grannysmith
  • Download Granny Smith on iOS https://apps.apple.com/us/app/granny-smith/id529096189
  • Download Granny Smith on PC https://www.bluestacks.com/apps/arcade/granny-smith-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Sa kanilang mga kakayahan upang makaligtas sa mga pag-crash, aakalain mong hindi mapigilan si Granny Smith at iba pang mga karakter, ngunit kahit na ang pinakamakapangyarihang mga bayani ay may kahinaan. Hindi imposibleng maabot ang layunin at kahit na pinili mo ang mahirap na yugto, magdaragdag lamang ito ng hamon at maaari mo pa rin itong talunin. Gayunpaman, may mga pagkakataong maiipit ka sa isang lugar at magiging imposibleng umunlad, pagkatapos ay magsisimulang muli ang laro. Tutulungan ka ng Laro Reviews na maiwasan ang mga sitwasyong iyon at tamasahin ang mga nakatutuwang pakikipagsapalaran ng iyong mga karakter.

Ang laro ay may parehong mga tampok tulad ng mga Sonic games, kung saan maaari kang makakolekta ng mga barya hangga’t maabot mo ang mga ito. Hindi ito mahirap ipunin, kaya gamitin ang mga ito para sa mga pag-upgrade. Ang mga bola ng baseball ay ang pinakakapaki-pakinabang. Magpapabagal sa iyo ang pagbagsak ng mga bagay, kaya mas mabuting maghagis ng mga bola upang sirain ang mga ito. Hindi masyadong kapakipakinanbang ang balat ng saging tulad ng bola dahil kailangan itong nasa harap ng magnanakaw upang mapabagal sila. Hindi mo ito kakailanganin dahil mas mabilis kang makakapag-skate kaysa sa kanila.

Maaari mong gamitin ang iyong mga barya upang laktawan ang ilang yugto kung nahihirapan ka sa laro. Sinong mag-aakala na magagamit mo ang pera para maka-move on? Syempre sa laro.

Related Posts:

Siege of Dragonspear Review

The Room Two Review

Granny Smith Game - Laro Reviews

Granny Smith Game -Laro Reviews

Pros at Cons ng Granny Smith

Maaari mong ma-enjoy ang laro habang natatawa sa physics nito. Mayroon itong slapstick humor na ikinatutuwa ng ilang mga tao. Ginawa nila ang crash animation sa nakakatawang paraan kung saan nakaliligtas pa sila nang walang nangyayari. Ang mga sound effect at ang mga upbeat na soundtrack ay nagdagdag ng masayang atmosphere habang naglalaro. Nasiyahan ako sa paggawa ng mga flip at mga stunt sa bawat level, lalo na sa kalawakan. Nakatutuwang mag-landing nang perpekto. Maaari mo itong malaro sa PC sa pamamagitan ng Bluestacks para ma-enjoy ang mas malaking screen, ngunit maaari mo rin itong laruin sa mobile. Dahil offline ito, masisiyahan ka sa Granny Smith kahit saan.

Wala itong masyadong pagkukulang, ngunit hindi pa rin ito perpekto. Oo, madaling maabot ang goal at hindi imposibleng talunin ang laro. Ngunit ang ilang mga yugto ay may mga hadlang na mahirap lampasan. Isang maliit na pagkakamali lang at babalik ka ulet sa simula. Dahil sa mga ito, pipilitin mo ang iyong sarili na laktawan ang level at ito ay hindi satisfying kapag gusto mong kolektahin ang lahat ng mansanas. Magiging mas masaya kung mayroong higit pang mga yugto, ngunit may isang linear na kwento lamang ang laro, at makatuwiran kung ang kalawakan ang pinakamalayong maaari mong puntahan.

Konklusyon

Sino ba ang hindi magkakagusto sa Lola o Lolo na kayang gumawa ng mga stunt at sirain ang bawat balakid na parang wala lang? Ipinaalala sa akin ng laro ang mga Sonic game dahil sa mga barya at may pagkakatulad ito sa larong Hill Climb Racing dahil bumibilis ang iyong karakter habang bumababa ang mga rampa. Mayroon itong mga pagkakahalintulad sa mga nabanggit na laro ngunit may twist at nakatutuwang makita ang mga matatanda na kayang mag-front flip sa ibabaw ng isang kotse. Ang laro ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang isandaang piso, ngunit hindi ka magsasawa sa paglalaro nito. Sulit subukan ang larong Granny Smith kung mahilig kang maglaro ng mga arcade game habang tumatawa.

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...