Heroes Defense: Attack on Zombie – Mahilig ka bang maglaro ng mga larong may temang zombies? Tiyak na magugustuhan mo ang larong tatalakayin ng Laro Reviews sa artikulong ito! Dito, maeengganyo ka sa paglalaro ng tradisyunal na tower defense game. Makikipaglaban ka rin kasama ang malalakas na heroes!
Ang Heroes Defense: Attack on Zombie ay isang free-to-play (F2P) strategy defense game na ginawa ng game developer na DODAM GAMES, Inc. Gagampanan ng manlalaro ang tungkulin bilang bagong commander. Kasalukuyang nasa gitna ng giyera ang buong mundo laban sa zombies. Layunin mong protektahan at iligtas ang buong sangkatauhan. Para magawa ito, kailangan mong atasan ang heroes sa headquarters at ipanalo ang labanan.
Contents
Features ng Heroes Defense: Attack on Zombie
Five Unique Worlds – Makikita sa World Map ang limang iba’t ibang mundo ang maaaring puntahan ng manlalaro. Ito ay binubuo ng Cemetery, Ruined City, Western Wasteland, Refugee Residence, at Snowy Fields. Sa bawat mundo, mayroong 15 stages na dapat kumpletuhin para ma-unlock ang iba. Magkakaiba ang mararanasang styles at terrains sa bawat stage.
Three Game Modes – Hamunin ang iyong sarili! Laruin ang tatlong magkakaibang game modes sa bawat world: Easy, Normal, at Hard. Kailangan munang kumpletuhin ang lahat ng stages bago ma-unlock ang susunod na mode.
Hero and Zombie Collection – Sari-saring heroes ang maaari mong kolektahin! Nahahati sa magkakaibang tier ang sampung heroes. Si Ray ang kaisa-isang S-tier hero, samantalang ang Saint at Dragon Arrow naman ang kabilang sa A-tier. Ang B-tier heroes naman ay ang Factory, Samurai Oni, at Flareman. Sa C-tier naman ay binubuo ng Black Hand, New Zandark, Isaac Newton, at Soldier Z. Hindi lang ito, maaari mo rin silang i-upgrade para mas lumakas ang kanilang abilidad. Iba’t ibang klase din ng Zombie ang makakaharap sa laban. Ang siyam na klase ng Zombie ay ang Normal, Fast, Giant, Dividing, Recovery, Grouper, Psycho, Big Mama, at Crusher. Gayundin, makakasalubong ka ng malalakas na zombies na mahirap patumbahin. Tunay ngang nakakakilabot ang kanilang itsura!
Combat Deck System – Sa feature na ito, malaya kang mamili ng limang heroes na gagamitin. Mayroon kang tatlong decks kung saan pwede mong i-customize ang kumbinasyon ng heroes na ilalagay. Huwag mag-alala dahil pwede mo itong palitan kahit kailan at ayusing muli!
Saan Pwedeng I-download ang Heroes Defense: Attack on Zombie?
Sa bahaging ito, ipapaliwanag ng Laro Reviews kung paano i-download ang Heroes Defense: Attack on Zombie sa iyong mobile phone. Pumunta sa Google Play Store para sa Android users, at sa App Store naman sa iOS users, ilagay sa search bar ang Heroes Defense: Attack on Zombie at hanapin ang laro sa search results. Hindi na kailangang magbayad upang mai-download ang laro sapagkat F2P ito. Pindutin ang Get o Install button para mai-download ito. Hintaying matapos ang pag-download tsaka buksan ang app. Kumpletuhin ang mga kailangan para sa sign-in details at pwede ka nang magsimula ng paglalaro!
Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:
Download Heroes Defense: Attack on Zombie on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.dodamgames.aos.newdefense
Download Heroes Defense: Attack on Zombie on iOS https://apps.apple.com/ph/app/hero-defense-attack-on-zombie/id1542763653
Tips at Tricks sa Paglalaro
Ang layunin ng laro ay patayin ang lahat ng zombies na dumadaan para hindi makaabot sa satellite dish na matatagpuan sa dulo. Gagawin mo ito sa pamamagitan ng paglagay ng heroes sa gilid ng daan. Kaya importanteng malaman kung gaano kalawak ang attack range ng bawat hero. Ito ang gagamitin mo para planuhin kung anong ayos ang magiging pinaka-epektibo sa pagpuksa ng zombies. Pindutin lang ang hero para makita kung gaano kalawak ang attack range nito. Bago mag-umpisa ang laban, bibigyan ka ng limang segundong palugit para ilagay ang heroes na naaayon sa planong ayos. Tantsahin kung anong kombinasyon ng heroes ang pinakamabisang gamitin kung saan kakasya pa rin sa resources na mayroon ka. Kung hindi sapat ang limang segundo para makapag-isip, huwag mag-alala dahil pwede mong i-pause ang laro tsaka ilagay sa pwesto ang heroes.
Pagdating sa pinakamabisang ayos ng heroes, ang maipapayo ko sa iyo ay ipwesto ang heroes ng naka-diagonal sa isa’t isa. Nang sa gayon, magkakasunod ang tirang matatanggap ng zombies kaya mas malaki ang pagkakataong mamatay agad ang mga dumaraan dito. Mas magiging malakas ang atake kapag magkakalapit ang heroes, ngunit mahalaga pa ring hindi masyadong magkakadikit para na-mamaximize ang attack range ng bawat isa. Dagdag pa rito, isa pang tip ko ay i-enhance ang skills ng hero sa pamamagitan ng pagpindot ng up arrow button nito. Sa pamamagitan nito, maaaring lumakas ang attack power o kaya lumawak ang attack rage ng hero. Pwedeng itong gawin ng hanggang tatlong beses; mas mahal ang kailangang resources sa bawat Hero Enhancements.
Related Posts:
Mainam na alamin ang abilidad ng lahat ng iyong heroes, kung ano ang kanilang Type, Attack Speed, Attack Power, Attack Range, at Area of Effect (AOE). Nang sa gayon ay alam mo kung paano sila gagamitin base sa kanilang kalakasan. Halimbawa, ang Black Hand ay may Attack Range na 2.3, mas mataas kumpara sa New Zandark na may 1.4. Ngunit mas mahina ang Attack Power ng Black Hand dahil mayroon itong 20, samantalang ang New Zandark ay may 50. Dagdag pa rito, maaaring gumamit ng Rune para ma-enhance ang abilidad ng heroes. Mayroong pitong runes ang pwedeng ilagay, kung saan dalawa, apat, o pitong may pare-parehong runes ang i-eequip mo para ma-activate ang set effect nito.
Pros at Cons ng Heroes Defense: Attack on Zombie
Sa paglalaro nito, mahahasa ang kaisipan ng manlalaro dahil importante ang pagpaplano at pagbuo ng estratehiya rito. Masasabing challenging ang mga level lalo na sa Hard Mode dahil nagsisilabasan ang zombies na hindi madaling mapatay. Kailangan itong tapatan ng epektibong estratehiya kasama ng malalakas na heroes. May opsyon ang manlalaro na pabilisin ang takbo ng laro. Pindutin lang ang fast forward button sa kanang itaas ng screen para bumilis ito ng hanggang 2x. Kaya naman hindi maiinip ang manlalaro sa paghihintay na matapos ang laro.
Hindi maganda ang balancing sa laro. Kung hindi ka magbabayad ng totoong pera, malamang ay walang mararating ang iyong progreso. Halos wala kang magagawa bilang F2P player dahil kahit ang pagbili ng mga gamit sa pag-upgrade at pagkuha ng heroes mula sa mataas na tier ay nangangailangan ng malalaking halaga ng diamond o gold, kung saan magkakaroon ka lang kung magbabayad ka. Samakatuwid, ang cons ng laro ay ang pagiging labis na pay-to-win (P2W) nito.
Konklusyon
Bilang kabuuan, mairerekomenda ko ang Heroes Defense: Attack on Zombie dahil nakaka-enganyo itong laruin. Marami ring inihanda ang laro para sa mga manlalaro nito, tulad na lamang ng heroes at zombies collection, combat deck system, rune, limang worlds na binubuo ng iba’t bang modes, at marami pang iba. Mahahasa rin ang iyong pag-iisip dahil importante sa laro ang masidhing pagpaplano at pagbubuo ng mga estratehiya. Bagaman masaya itong laruin, maituturing na labis ang pagka-P2W nito. Kaya kung hindi mo nais magbayad ng malaking halaga para sa laro, malamang ay hindi tatagal ang larong ito sa iyong kagustuhan.
- 0 Comment
- Casual Game Apps, Reviews
- April 21, 2022