Hotel Craze® Grand Hotel Game Review

Mukhang may isang kahanga-hangang laro na namang kagigiliwan ng lahat. Ang Hotel Craze® Grand Hotel Game ay isang larong gawa ng Casual Joy Games. Ito ay patok sa mga taong interesado sa mga larong nangangailangan ng tamang estratehiya at time management upang manalo. Handa ka na bang maging Hotelier at maging pinakamahusay na tagahatid ng serbisyo sa mga customer? Kung nais mo pang malaman ang mga tampok sa laro, mangyaring ipagpatuloy ang pagbabasa ng artikulong itong hatid ng Laro Reviews.

Mga Tampok sa Laro

Ang Hotel Craze ay isang hotel simulation game kung saan ang manlalaro ay parang nagtatrabaho sa isang hotel. Ang pangunahing layunin nito ay ang paglingkuran ang mga kostumer upang makalikom ng sapat na pera at mapalago ang hotel. Mayroong tinatayang 1,000 levels ang larong ito at habang nagpapatuloy sa laro ay dadami rin ang hotels na maaari mong maipatayo. Maaari ka ring makapagpatayo ng hotels sa iba pang magagandang mga lugar. Simple lang naman ang paglalaro nito dahil kailangan lamang na pagsilbihan ang mga taong pupunta sa iyong hotel. Mayroon kang magiging hotel staff sa buong laro at ito ang magsisilbing mga tauhang iyong maaring kontrolin. Kabilang dito ang manager, hotel crew, at receptionist. Kapag dumating ang mga kostumer ay dapat na mabigyan kaagad ang mga ito ng hotel room o kwarto matapos mag-check-in. Matapos nilang gamitin ang mga silid ay magbabayad na ang mga ito at magche-check-out. Kung mabilis ang iyong naging tugon at serbisyo sa kanila ay malaki rin ang kanilang ibabayad. Kapag magpapatuloy ang ganitong kalidad ng laro ay mas mabilis mong makokolekta ang sapat na pera upang tapusin ang level. Ang mga nalikom na pera ay maaari namang pambili ng mga upgrade o mga bagay na kinakailangan sa iyong hotel upang mas mapaganda ito. Habang umuusad sa laro ay mas lumalaki ang perang kailangan mong makolekta upang makapunta sa susunod na level. Bukod sa hotel rooms, tampok din sa larong ito ang mga inumin at pagkaing maaaring hilingin ng mga kostumer. Kapag mabilis ang pagbigay ng gusto nila, may mga tip na maaaring ibigay o mas malaki ang kanilang ibabayad matapos tumuloy sa hotel. Siguradong mas marami pang magaling na tampok ang larong ito na siyang mas magpapaganda sa karanasan ng mga manlalaro. 

Paano i-download ang Hotel Craze® Grand Hotel Game?

Madali lamang i-access ang Hotel Craze sa kahit anong gadyet na mayroon ka, lalung-lalo na sa iyong mobile phone. Sundin lamang ang mga gabay na hatid ng Laro Reviews sa pag-download nito. Kung ikaw ay nagmamay-ari ng Android, maaari mong hanapin ang Hotel Craze® Grand Hotel Game sa Google Play Store at i-click ang Install button. Para naman sa iOS, pumunta lamang sa App Store at gawin ang prosesong katulad sa Android. Sa kasamaang palad, wala pang katumbas na application ang maaring laruin sa mga Computer o Laptop. Siguraduhing tama ang larong iyong pinili sa pamamagitan ng pagsuri kung ito ba ay gawa ng Casual Joy Games. Para sa mas madaling pag-access, mangyaring i-click lamang ang mga link na nasa ibaba. 

Download Hotel Craze® Grand Hotel on Android here

Download Hotel Craze® Grand Hotel on iOS here

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Kung ikaw ay isa sa mga taong may alam na sa dash games, magiging madali na lamang ang paglalaro ng Hotel Craze® Grand Hotel Game para sa iyo. Para sa mas detalyadong gabay, narito ang ilan sa mga tip at tricks na hatid ng Laro Reviews. Ang pangunahing gagawin lang naman sa buong laro ay ang pagbibigay ng hotel rooms at iba pang nais ng mga kostumer tulad ng inumin at pagkain. Huwag kalimutang tugunan kaagad ang mga gusto ng mga panauhin upang hindi sila mainip. Para magawa ito, mas mainam kung agad mong pipindutin ang karakter ng kostumer kapag nag-check-in na ito at pindutin din matapos ang kwartong kanilang pupuntahan. Kung mayroong nakasunod na isa pang kostumer, hindi mo na kailangang hintayin pa ang nauna bago bigyan ng silid ang kasunod. Gawin lamang ang mabilisang pagpindot ng mga karakter at kanilang hotel rooms upang magawa mo na ang iba pang kailangang gawin. Mas mapapabilis din ang paglilinis ng service crew sa mga kwartong nagamit na sa pamamagitan ng ganitong sistema. Mainam na ihanda na kaagad nito ang panglinis sa isang kamay at ang pagkain sa kabila upang pipindutin mo na lamang ang kostumer kapag umalis na ito o humiling ng kanilang gusto. Palaging tandaan na importante ang time management sa paglalaro ng Hotel Craze® Grand Hotel Game dahil nakadepende sa magiging mood ng iyong mga kostumer ang takbo ng laro. Kung napanatiling mahaba ang kanilang pasensya, malaki rin ang bayad ng mga ito na mas magpapabilis ng pag-abot mo sa kinakailangang revenue ng level. 

Kalamangan at Kahinaan

Maganda ang kabuoang tema ng laro at masasabi nga namang kakaiba ito sa ibang dash games. Kahanga-hanga ang konsepto nitong hotel simulation dahil nagbibigay ito ng nakakatuwang karanasan para sa mga manlalarong nais masubukan ang pagtatrabaho sa mga hotel. Bukod pa rito, kaaya-aya rin sa mata ang game designs kahit na simple lamang itong tingnan. Isa pa sa kalamangan ng larong ito ay ang mabilis na usad ng laro sa umpisa dahil nakakahikayat ito na mas magpatuloy pa upang malaman ang mga challenge na darating. Magaling din ang mga booster at upgrades na inilagay sa laro kagaya na lamang ng beverage machines at room upgrades na siyang mas nagpapaganda ng hotel. 

Kung mayroon mang kahinaan ang Hotel Craze® Grand Hotel Game, ito ay ang hindi swabeng gameplay dahil sa panaka-nakang lag na nangyayari kapag ikaw ay nasa game menu. Dumarami rin ang ads na lumilitaw habang umuusad sa levels. Hindi naman ito masyadong nakakainis sa mga unang parte ng laro sapagkat hindi ito kinakailangang panoorin, ngunit habang mas lumalayo na ang iyong nararating ay nararapat nang panoorin ang mga ito para makapaglaro pa sa susunod. Maliban sa mga nabanggit, asahan din ang mga napakahihirap na level ng laro kung saan dapat ay mas mabilis na ang galaw ng mga service crew sa iyong hotel. 

Konklusyon

Sa kabuuan, mayroong 4.7 na ratings ang Hotel Craze® Grand Hotel Game sa Google Play Store at App Store. Hindi na nakapagtatakang nakakuha ito ng mataas na marka dahil sa simpleng mekaniks ng laro at cute na graphic design nito. Ang hotel simulation na hatid ng larong ito ay talagang nakapagbibigay ng kakaibang karanasan sa mga manlalaro. Kaya naman kung mahilig ka sa hotels at interesado ka sa dash games, huwag nang magpatumpik-tumpik pa at i-download na ang Hotel Craze® Grand Hotel Game!

Leave a Comment

Login
Loading...
Sign Up
Loading...