Hunter Assassin Review

Hunter Assassin – Hanap mo ba ang mga larong mala-stealth ang genre? Basahin ang artikulong itong mula sa Laro Reviews para malaman ang tungkol dito. 

Ang Hunter Assassin ay isang action game na dinevelop ng Ruby Game Studio. Katulad ng pamagat nito, magkakaroon ka na agad ng ideya kung anong gagampanang papel ng manlalaro. Bilang isang assassin, kadalasa’y nakatago ka sa dilim at malayo sa mga kalabang naglilibot habang gamit ang kanilang flashlights. Layunin mong hindi mahawi ng liwanag at hindi mahuli ng mga kalaban.

Kung nalaro mo na ang CS2D o Counter Strike 2D noon, mapapansing magkatulad ang graphics ng dalawang laro. Malinis at payak tignan ang graphics ng Hunter Assassin. Pagdating naman sa animations, masasabing disente ito. Kaunti lang ang sound effects sa laro ngunit akma naman ito tulad ng tunog sa pagbaril at melee kills. Mayroon itong humigit kumulang 200 levels at kung bibilangin ang tagal ng paglaro kada level, tatagal lamang ito ng ilang segundo para matapos kung agarang mapapatay ang mga kalaban. Mabilis lang makumpleto ang bawat level dahil matulin kumilos ang karakter at agarang napapatay ang mga kalaban.

Hunter Assassin - Laro Reviews

Hunter Assassin – Laro Reviews

Madali lang ang controls ng laro. Kapag pinindot mo ang screen, kusang pupunta roon ang karakter. Nasa loob sila ng maze na gawa sa mga konkretong pader at mala-kahong kahoy. Makikitil ang mga kalaban kapag pinindot mo ang kanyang katawan. Samantalang kapag natagpuan ka naman ng kalaban gamit ang flashlight, babarilin niya ang iyong karakter hanggang sa mamatay. Sa sandaling napatay mo ang kalaban o kapag nakita ka ng sinuman, magtitipon ang mga kalaban papunta sa lokasyon kung saan ka huling namataan o narinig. Mananatili sila sa loob ng ilang segundo ngunit matapos nito ay babagal muli ang kanilang kilos at babalik sa paglilibot. 

Features ng Hunter Assassin

Upgrade Assassin – Pwedeng i-upgrade ang iyong assassin para lalong lumakas ang kanyang abilidad! Kakailanganin ang gems upang maging pambayad kung nais mong bumili. May kaakibat na boost sa karakter kapag nag-upgrade, kabilang na rito ang karagdagang 10%, 20%, 30%, o 40% sa Speed at Health.

Missions – Mayroong mga misyong dapat kumpletuhin kada level. Kapag nagawa ng manlalaro ang misyon, makakatanggap siya ng maraming gems.

Offline Mode – Maging ganap na assassin saan man! Maaari itong laruin kahit walang internet connection o mobile data. Kaya naman hindi magiging sagabal sa iyong paglalaro ang mabagal na internet connection. 

Easy Controls – Hindi komplikado ang controls ng laro! Kailangan lang pindutin ang lugar kung saan gusto ng manlalarong pumunta ang karakter. Madali lang din ang game mechanics nito sapagkat ang layunin ng manlalaro ay mapatay ang mga kalaban nang hindi nahuhuli. Kaya mainam na isakto ang pagpindot sa kalaban kapag nakatalikod siya sa’yo para sa mas mabisang pamamaraan ng pagpatay sa kanila. 

Hunter Assassin - Laro Reviews

Hunter Assassin – Laro Reviews

Saan Pwedeng I-download ang Hunter Assassin?

Narito ang Laro Reviews para tulungan ka sa pagda-download ng laro. Gamit ang iyong smartphone, pumunta sa App Store para sa iOS users at sa Google Play Store naman para sa Android users. I-type ang Hunter Assassin sa search bar. Pindutin ang Install o Get button ng laro. Direkta mo nang maida-download ang app dahil free-to-play (F2P) ito. Antaying makumpleto ang pag-download, pagkatapos ay buksan ang app at kumpletuhin ang sign in details. Ayan, pwede mo nang simulan ang laro! 

Narito ang link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Hunter Assassin on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.rubygames.assassin&hl=en_GB&gl=PH

Download Hunter Assassin on iOS https://apps.apple.com/us/app/hunter-assassin/id1479587574

Download Hunter Assassin on PC https://www.bluestacks.com/apps/action/hunter-assassin-on-pc.html

Kung sa PC mo napiling maglaro ng Hunter Assassin, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang  https://www.bluestacks.com Sa Bluestacks ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos ma-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips sa Paglalaro

Importante sa larong ito ang dahan-dahang pagkilos at mabisang paggawa ng estratehiya. Dahil patuloy na naglilibot ang mga kalaban sa lugar, tantsahin kung kailan ka gagalaw, magtatago, at aatake. Wala namang time limit ang kada level kaya huwag masyadong magmadali sa pag-atake lalo na kung nasa alanganin kang posisyon. Makikita sa kaliwang itaas ng screen ang natitirang bilang ng mga kalaban na dapat mong patayin. Ang maipapayo ko sa iyo ay palaging bantayan kung nasaan ang lokasyon ng bawat kalaban para kahit na sundan nila ang lugar kung saan huli kang namataan, klaro sa iyo kung saan ka dapat dumaan habang nananatiling nakatago. Ngunit mainam pa ring hangga’t maaari ay iwasang matuklasan ng kalaban ang iyong lokasyon. Bukod dito, ang tip ko rin sa iyo ay pumwesto sa lugar na maraming pwedeng madaanan kung sakali mang hindi naging matagumpay ang orihinal na plano. Huwag pumwesto sa mga sulok o dead ends para kung kakailanganin mong umalis at magtago, marami kang pwedeng madaanan. Siguraduhing ang pipiliing daan ay ‘yung walang kalabang nakapaligid. 

Related Posts:

Truth Runner Review

FNF Music Battle Beat Fire Review

Hunter Assassin - Laro Reviews

Hunter Assassin – Laro Reviews

Para sa epektibong pag-atake sa kalaban, mainam kung paisa-isang patayin ang targets. Unahing atakihin ang mga kalabang nakahiwalay sa iba niyang kakampi upang hindi agad na matiktikan ang iyong lokasyon. Nakatitiyak akong may matitira ka pang oras upang makatakas bago sila makarating. Gamitin sa iyong kapakinabangan ang mga rotonda sa lugar. Pwede itong maging estratehiya para sa pag-atake ng kalaban o kaya naman ay para takasan sila. Halimbawa, unang atakihin ang kalabang namataang malapit sa rotonda. Dahil malalaman ng iba nitong kakampi na may nawala sa kanilang hanay, pupunta sila ngayon sa lugar kung saan namatay ang kanilang kasamahan. Gamitin itong pagkakataon para umikot-ikot sa rotonda at saktuhan ang timing ng pag-atake kung kailan nakahinto ang mga  kalaban.

Pros at Cons ng Hunter Assassin

Nakaka-enjoy laruin ang Hunter Assassin dahil bagamat madali lang ang mechanics at controls nito, nangangailangan pa ring bumuo ng estratehiyang gagawin. Dahil dito, nahahasa ang isipan at pagpaplano ng manlalaro. Sakto rin ang laro sa mga taong gusto lang maglaro nang mabilisan. Dahil matulin kumilos ang karakter, kayang matapos ang bawat level sa ilang segundo lang. Hindi lang ito, maaari ding malaro ito gamit lang ang isang kamay.

Dahil F2P ang laro, bumabawi ang game developer sa napakaraming ads nito. Pagkatapos ng tatlo o apat na levels, kailangan mong manood ng iba’t ibang ads. Hindi lang ito, may iba ring bagay na magagawa mo lang kung papanoorin mo ang ads. Halimbawa, makatatanggap ka ng dobleng dami ng gems kapag nanood ka ng ads pagkatapos makumpleto ang laro, o kaya naman ay makakukuha ng loot boxes na naglalaman din ng mas maraming gems. Nakakawalang gana para sa iba ang paglalaro habang tumatagal dahil nagmimistulang paulit-ulit na lamang ang ilang levels nito. Dahil dito, hindi ito nagiging challenging para mapukaw ang atensyon at aliw ng mga manlalaro.

Konklusyon

Kung ang hanap mo ay mga larong single-handed at pwedeng mabilisang laruin, kung saan nangangailangan ng bilis at estratehiya, pwes ay magandang subukang laruin ang Hunter Assassin! Maayos at disente ang graphics at sound effects ng laro. Kaya lang, isa sa mga inaangal sa laro ay ang napakaraming ads nito. Pero dahil isa sa features nito ang offline mode, maaari mong laktawan ang ads sa pamamagitan ng pag-off ng Wi-Fi o data connection ng iyong smart phone kapag naglalaro. Kung gayon, tuluy-tuloy na ang iyong paglalaro!

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...