Maaari nang matupad ang pinapangarap mong tropical island escapade sa pamamagitan ng single-player game na ito mula sa Game Garden Game. Ipinakikilala ng Laro Reviews ang Island Village, isang game app na naghahatid ng bago at kapana-panabik na pakikipagsapalaran! Ito ay inilabas noong 2015 at kasalukuyang may mahigit sa 500,000 downloads sa Google Play Store. Mamuhay, magtayo ng mga pasilidad, at tuklasin ang hiwagang bumabalot sa mala-paraisong isla sa larong ito.
Ang mga manlalaro rito ay sasabak sa isang virtual island adventure kung saan ay kailangan nilang maghanap ng resources, magpatayo ng bahay at makilala ang mga mababait na taga-baryo. Kailangan din nilang kumpletuhin ang iba’t ibang missions tulad ng paghahanap ng mga nawawalang crew ng lumubog na barko. Makikilala at tutulungan din nila ang tampok na game characters na sina Loran, Terra Incognita at iba sa pagbuo ng isang payapa at maunlad na komunidad sa isla.
Contents
Paano I-download ang Laro?
Ang Island Village ay available sa parehong Play Store at App Store. Libre itong mada-download at malalaro sa mga Android at iOS device. Maaari rin itong laruin sa laptop o desktop sa pamamagitan ng pag-download ng app at pag-run nito gamit ang isang Android emulator. Para hindi ka na mahirapan sa paghahanap, maaari mo ring i-click ang mga sumusunod na link:
Download Island Village on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.gamegarden.iv&fbclid=IwAR2UueN8y5hSKSa1t0iXuR6nEFLXZZsjJt2WPzAn0pkgB9fp7L09qXP7Ar0
Download Island Village on iOS https://apps.apple.com/us/app/island-village-build-your-paradise/id1025787137
Download Island Village on PC https://www.gameloop.com/game/casual/island-village-on-pc
Ultimate Guide para sa mga Nagsisimula
Maari mong i-link ang alinman sa iyong Google, Apple o Facebook account sa laro. Sa pamamagitan nito ay makakasiguro kang masi-save ang iyong game data at progress. Bukod dito, magkakaroon ka rin ng eksklusibong game rewards.
- Gameplay
Ang plot ng larong ito ay umiikot sa isang kapana-panabik na pakikipagsapalaran sa isang liblib na isla. Pagkatapos ng hindi inaasahang paglubog ng barko, ikaw at ang iyong mga tauhan ay mapapadpad sa isang malayo at misteryosong isla. Kinakailangan mong tuparin ang nakatakdang tasks upang makapamuhay ng mapayapa at masagana. Sa simula, kailangan mong maghanap ng resources sa paligid. Maaari kang mamitas ng mga prutas, manghuli ng isdang kakainin at mangalap ng mga kahoy na gagamitin upang makagawa ng pansamantalang masisilungan.
May nagkalat din ditong treasure chests na naglalaman ng coins at resources. Kung sakaling makakita ka nito, i-tap ito upang mailipat ang mga nilalaman nito sa inventory. Upang makapag-level up, kailangan mong makakuha ng sapat na bilang ng stars sa pamamagitan ng pagkumpleto sa tasks at missions. Magagawa mong mapalawak ang iyong teritoryo sa pamamagitan ng pagsakop sa mga kalapit na lupaing mayaman sa resources. Pwede ka ring maglakbay sa ibang na lugar at makipag-ugnayan sa mga mamamayan ng isla.
Marami ka pang pwedeng gawin tulad ng paghahanap sa iyong mga nawawalang kasamahan, pag-ani ng mga pananim, pangingisda at iba pa. Upang makita ang task list, i-click ang avatar ng game character sa kaliwang-itaas na bahagi ng gaming screen. Ang tasks na nakasaad dito ay nagsisilbi ring gabay para sa mga susunod mong hakbang. Makakakuha ka ng rewards kapag matagumpay mong natupad ang mga ito.
- In-game Resources at Currencies
Ang mga sumusunod ay mahahalagang resources at currencies na ginagamit sa laro:
- Foods – Isa ito sa pinakamahalagang resources sa larong ito. Nagbibigay ito ng enerhiya sa iyong game character. Ito ay ginagamit sa paggawa ng tasks, pagbuo ng mga kagamitan at pagpapatayo ng mga pasilidad. Ugaliing mangolekta ng mga ligaw na kabute, halaman at mga prutas. Maaari ka ring bumili ng plant patches upang makapag-ani ng karagdagang pagkain.
Gems – Ang mga ito ay ginagamit upang mabilis na matapos ang mga itinatayong pasilidad. Gamitin ang mga ito nang tama dahil ito ay napakailap. Kadalasan ay makukuha ito bilang bonus.
Coins – Ginagamit ito bilang pambayad sa pagpapatayo at pagpapagana ng mga pasilidad upang patuloy ang mga ito sa paggawa ng items na kailangan sa laro.
- Game Features
Suriin ang kaliwang-ibabang bahagi ng main game screen. Dito ay makikita mo ang icons na kumakatawan sa bawat feature ng Island Village.
- Lahat ng kailangan mong game items ay mabibili sa Store. Dito makikita ang iba’t ibang pasilidad tulad ng bahay, kubo ng mangingisda, crop patches, mining resources at iba pa. Dito mo rin matatagpuan ang mga materyales at sangkap na kakailanganin mo tulad ng mga troso, isda, prutas, o ilang decorative items.
- Samantala, ang Inventory ay nagsisilbing imbakan ng resources at mga kagamitang makukuha mo.
- Sa Achievements section mo naman makikita ang listahan ng tasks na matagumpay mong nakumpleto at pati na rin ang mga kinakailangan mo pang tapusin.
- Ang pinakahuli ay ang Customization feature. Ito ang kailangan mong i-click kung gusto mong ibahin ang ayos ng iyong teritoryo. Ito rin ang kailangan mong gamitin kung nais mong sirain ang isang nakatayong pasilidad upang palitan ng bago.
Pros at Cons ng Island Village
Ang larong ito ay may nakakawili at nakakaengganyong storyline. Ang game characters na tampok dito ay kakaiba at nakakatuwa. Mayroon din itong solid at mapaghamong gameplay. Higit sa lahat, walang nakakairitang ads at pop-ups na gumagambala sa laro. Ang app ay hindi rin nagfi-freeze o kaya ay nagka-crash. Ang isa pang dahilan kung bakit marami ang nahuhumaling dito ay dahil hindi ito nakakasawang laruin. Marami ditong pwedeng gawin at ang tasks ay patuloy ring nadaragdagan habang nagli-level up ka sa laro. Bukod dito, may kalayaan din ang mga manlalaro na gawin ang sarili nilang diskarte upang matagumpay na makumpleto ang tasks. Ang background music at sound effects nito ay kapansin-pansin din. Angkop ang mga ito sa konsepto ng laro at nagdudulot ng nakaka-relax at masayang island vibe.
Gayunpaman, hindi maikakaila na may ilang kapintasan din ang larong ito. Bagama’t ang graphics at animations nito ay may maayos na kalidad, hindi ito kalugud-lugod tingnan dahil napakatingkad ng kulay na ginamit dito. Bukod pa riyan, ang icons at game objects ay nagsisiksikan at magulong tingnan. May ilang manlalaro rin na tila hindi bilib sa storyline nito dahil para sa kanila ay pangkaraniwan na lamang ito. Nakakadismaya at nakakayamot din ang narrations at dialogues ng game characters. Kinakailangan mo ring maghintay ng ilang sandali dahil matagal mag-load ang game map. Bukod dito, sobrang mahal din ng game items kung kaya’t karamihan sa mga manlalaro ay hindi makapag-level up nang mabilis.
Konklusyon
Medyo nahirapan ang Laro Reviews na timbangin ang pros at cons ng Island Village. Mayroon itong maayos at magandang execution dahil walang nakakainis na ads, bugs o glitches na nakakaapekto sa paglalaro. Gayunpaman, ang graphics at interface nito ay nakakadismaya at talagang nangangailangan pa ng ilang pagbabago upang maging mas maaliwalas at madali itong laruin. Sa pangkalahatan, bawat manlalaro ay iba-iba ang kagustuhan at ito ang uri ng larong maaaring kahumalingan ng marami pero kaiinisan naman ng iilan.
- 0 Comment
- Casual Game Apps, Reviews
- July 27, 2022