Lost Lands 6 Review

Mula sa ilang siglong pagkakahimlay, muling magigising si Casandra, ang masamang mangkukulam upang maghiganti sa kanyang dating estudyanteng si Maaron. Sa tulong ng tapat na alagad ni Casandra na isang Arachnoid, matagumpay nilang nadukot at nabihag si Maaron. Kaya sa larong ito, layunin mong tulungan si Fiona na mabawi mula sa kamay ni Casandra ang kanyang lolong si Maaron.

Sa karagdagan, ang larong ito ng FIVE-BN GAMES Adventure ay pangunahing nakatuon sa paglutas ng puzzle, pakikipagsapalaran, at pangongolekta ng mahahalagang collectibles. Ang mga puzzle ay kombinasyon ng madadali at mahihirap na game levels. Maliban pa rito, nagtatampok din ang Lost Lands 6 ng isang kapanapanabik na storyline, dekalidad na graphics, voiced-dialogues at walang hanggang pakikipagsapalaran.

Kagaya ng mga naunang series ng larong ito, samu’t saring collectibles rin ang kailangan mong mahanap sa larong ito kagaya na lamang ng 9 Lost Lands manuscripts, 30 morphing objects, 12 roses, 8 arachnoid figurines, at marami pang iba. Gayundin, kailangan mong makagawa ng mga paraan upang mapigilan si Casandra sa kanyang walang habas na pagpatay sa mga taong sumasalungat sa kanyang mga gawain.

Ang laro bilang bahagi ng Hidden Object Adventure genre ay nagtatampok rin ng tinatawag na Collector’s Edition format kung saan maari kang makatanggap ng mga bonus item kagaya ng sampung iba’t ibang wallpapers, walong musika, 12 piraso ng Concept Art. Mayroon ding naghihintay na 16 na video clips, 11 mini-games at pitong puzzles na maaaring ma-access kapag nakumpleto na ang main game. 

Maaari ka ring gumawa ng mga customized profile at gumawa ng mga pagbabago sa gaming environment ng laro. Gayundin, maaari mong i-adjust ang volume ng musika, voice over ng mga dialogue at iba pang mga sound effect.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Taliwas sa mga klasikong hidden objects, sa lahat ng series ng larong ito, hindi ka lamang maghahanap ng mga bagay sa laro. Sa halip, kailangan mong malaman kung ano ang mga gamit ng bawat object na iyong mahahanap sa laro. Sapagkat ang tanging paraan lamang upang makaalis sa isang chapter ay kapag nagawa mong malutas ang mga puzzle.

Sa unang Chapter ng laro, kailangan mong muling maayos ang isang sirang hagdan sa pamamagitan ng pagtatagpi-tagpi ng mga tabla upang magawa mong makapunta sa isang puntod na mayroong mga letrang nakaukit. Kailangan mong paglaruan ang mga letrang ito hanggang sa makagawa ka ng isang pangalan na siyang magsisilbing susi upang makapasok ka sa underground laboratory ni Maaron. Sakaling nakapasok ka na sa laboratory, kailangan mo namang malutas ang iba’t ibang puzzles doon upang tuluyan mong mahanap ang time hexagon na nilikha ni Maaron para sa pagkakataong makabalik sa nakaraan.

Ang bawat chapter sa larong ito ay binubuo ng iba’t ibang uri ng puzzle game at ang mga bagay na kailangang mahanap ay hindi rin magkakatulad kaya isang malaking hamon para sa iyo na lawakan ang iyong pag-iisip upang matagumpay na malampasan ang bawat hamon sa larong ito.

Mahalaga ring bigyang pansin ang dialogue na iyong nababasa at naririnig dahil ito ang nagsisilbing gabay mo upang malaman ang mga susunod na hakbang na kailangan mong gawin hanggang sa marating mo ang kinaroroonan ng lolo ni Fiona na si Maaron.

Mga Feature ng Laro

  • Unlimited Collectibles Nagtatampok ang larong ito ng mga kakaibang bagay na tiyak kong dito mo lamang sa larong ito matatagpuan. Upang makamtan ang mga ito, kailangan mo lamang ng talas ng mata upang matukoy ang kanilang kinaroroonan.
  • Challenging Puzzles and Mini- Games Kung sa tingin mo ay nalaro mo na ang pinakamahirap na puzzle sa buong mundo, marahil hindi mo pa nararanasang laruin ang mga itinatampok na laro at puzzle game ng larong ito.
  • Superb Graphics Mula sa maliliit na bagay hanggang sa malalaki, walang dudang mapapahanga ka sa ganda at de-kalidad na art concept ng larong ito.
  • Amazing Storyline Hindi ka lamang hahanga sa magandang gameplay ng laro dahil tiyak na magugustuhan mo rin ang daloy ng kwento nito. Paniguradong hindi mo magagawang i-skip ang mga dialogue dahil mapapaibig ka sa magandang boses ng tagapagsalaysay ng laro.
  • Unique Chapters – Habang parami nang parami ang chapters na iyong mabubuksan, siguradong hindi mo rin mapipigilang mamangha at makaramdam ng kaunting thrill dahil sa dami ng mga hamong iyong pagdadaanan.

Saan Maaaring I-download ang Laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user, at i-download ito sa Apps Playground para naman sa mga PC user. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Lost Lands 6 on Android here

Download Lost Lands 6 on iOS here

Download Lost Lands 6 on PC here

Pros at Cons ng Laro

Hindi maikakaila ng Laro Reviews na tunay na walang kapantay ang ganda at kalidad ng mga series ng Lost Lands. Patunay rito ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga taong tumatangkilik sa larong ito. Kung matagal ka nang naglalaro ng mga hidden object, marahil iisipin mong para lamang sa mga bata ang ganitong genre ng laro. Hindi naman kasi natin maitatanggi ang katotohanang ang mga klasikong hidden game na ating kinalakihan ay nagtatampok lamang ng iba’t ibang bagay na kailangang mahanap. Ngunit kakaiba mag-isip ang developer ng larong ito, sapagkat bukod sa paghahanap ng mga object, kailangan mo ring matuklasan sa larong ito kung paano ginagamit ang bawat object na iyong matatagpuan.

Sa karagdagan, mahahasa rin ang talas ng iyong isip sa larong ito dahil ang mga orihinal na mga puzzle game na iyong malalaro rito ay hahamon sa iyong lohika upang mag-isip ng mga paraan para malampasan ang mahihirap na hamong itinatampok dito.

Sa kabilang banda, may iilang negatibong katangian din ang larong ito. Una, napakahirap makaipon ng in-game currency, ngunit napakamahal ng presyo ng bawat hints kaya sakaling maubusan ka ng hints, walang paraan upang makatanggap ka ulit nito kung hindi ka gagastos ng pera upang bilhin ito. Gayundin, may ilang puzzle game na sa tablet mo lamang malalaro kaya kung maliit ang screen ng iyong cellphone, tiyak na mahihirapan ka, o hindi mo magagawang lampasan ito.

Sa karagdagan, nakakairita rin ang optional ads ng laro dahil kung minsan nagiging sanhi ito ng pag-lag ng laro sa loob ng matagal na panahon kaya kung maanipin ka, tiyak na pipiliin mo na lamang na i-exit ang laro at magsimulang ulit.

Konklusyon

Sa pangkalahatan, gameplay man, o kalidad ng graphics ng laro ang pag-uusapan, nakasisiguro ang Laro Reviews na hindi ka bibiguin ng Lost Lands 6. Kung sa tingin mo naman, para lamang sa mga bata ang larong ito, bakit hindi mo subukan ang laro at nang malaman natin kung makakaya mo ang mga hamon sa larong ito.

Leave a Comment

Login
Loading...
Sign Up
Loading...