Lucid Dream Adventure 2 Review

Kung isa ka sa mga may kakayahan o nagnanasang kontrolin ang iyong panaginip, tiyak kong magugustuhan mo itong nilikha ng Dali Games, ang Lucid Dream Adventure 2. Ito ay isang uri ng point-and-click game kung saan gagampanan mo ang papel ng pagiging gabay sa isang batang babae at lucid dreamer na si Lucy na pinasok ang kakaibang mundo sa kanyang panaginip para lamang mailigtas ang kanyang ina mula sa labis na kalungkutan.

Ayon sa Lucid Dream Adventure, si Lucy ay nanggaling sa isang hindi inaasahang aksidente, dahilan upang kalaunan ay maging isa itong disable. Kaya naman, sa bungad ng laro ay agad na mapapansin ang batang babae na tahimik na nakaupo sa kanyang wheelchair. Dahil sa aksidenteng iyon, tila gumuho hindi lang ang kanyang mundo kundi pati na rin ang kasiyahan ng kanyang ina. Iyon ang nagtulak kay Lucy upang pasukin ang mahiwagang mundo sa kanyang panaginip na siya rin mismo ang bumuo. Sa loob ng mundong iyon, malayang nagagamit ni Lucy ang kanyang dalawang paa, malaya siyang nakakapaglakbay sa bawat sulok ng daigdig, nakakatagpo ng iba’t ibang nilalang na tumutulong o nagbibigay sa kanya ng iba’t ibang pagsubok kapalit ng pag-asang matupad ang kanyang mga kahilingan gaya na lamang ng kaligtasan ng kanyang Ina mula sa labis na kalungkutan.

Kung ang unang chapter nito na Lucid Dream Adventure: Mystery ay tungkol sa paglalakbay ni Lucy sa misteryosong Labyrinth, sa Chapter 2 naman ipagpapatuloy ang kwento ni Lucy at ang kanyang misyon na makipaglaban sa demonyo para iligtas ang kanyang ina mula sa labis na depresyon. Sa chapter din na ito, madidiskubre ni Lucy ang sikreto ng misteryosong Oneiromancer, isang dream interpreter at nagsilbing gabay niya sa kanyang panaginip noong Chapter 1. Sa larong ito, kailangan mong tulungan si Lucy na i-solve ang bawat riddle at puzzle upang makausad sa susunod na level at makalaya ang ina ni Lucy sa kaaway bago pa ito lamunin ng bangungot. 

Lucid Dream Adventure 2

Lucid Dream Adventure 2

Features ng Lucid Dream Adventure

Mga bagong level  – Kung nabighani ka na sa levels na mayroon noong Chapter 1, tiyak akong magugustuhan mo rin ang bagong levels na idinagdag ng Dali Games para sa Chapter 2 gaya ng Magical Land of Souls, Challenging Teleports, Congress of Antique gods, at Creepy’s Dr. Frank’s Laboratory.

Kakaibang mga karakter – Bawat karakter na makakasalamuha mo rito ay makakatulong kay Lucy upang maisakatuparan ang kanyang misyon, ngunit mayroon ding ilan sa kanila ang magbibigay ng mga pagsubok. Bilang ang Lucid Dream Adventure 2 ay tungkol din sa pagdiskubre sa sikreto ng misteryosong si Oneiromancer, ilan sa characters sa Chapter 2 ang tutulong sa iyo upang malaman ang lahat ng tungkol sa dream interpreter na ito. Ang mga ito ay sina Metatrone (Angel ng Magical Forest), Dr. Frank, Mr. Beaver, at gods ng Ancient Greece, Egypt, at Tibet.

Gameplay  – Upang mas maging kapanapanabik pa ang Lucid Dream Adventure 2, naglagay ng mga bagong laro ang Dali Games na paniguradong kaaadikan mo gaya ng bagong puzzle at riddles na dapat i-solve na matatagpuan sa bawat level ng laro. Kung ikukumpara sa Chapter 1, ang mga puzzle na narito ay nasa moderately hard. Hindi sobrang dali at hindi naman sobrang hirap. Gayunpaman, kaya pa rin nitong i-challenge ang isip ng bawat manlalaro at matutukso ka talagang tumuloy pa sa susunod na level.

Saan pwedeng i-download ang Lucid Dream Adventure 2?

Maaari mong mai-dowload ang laro gamit ang link na ito:

  • Download Lucid Dream Adventure 2 on Android here
Lucid Dream Adventure 2

Lucid Dream Adventure 2

Tips kung nais laruin ang Lucid Dream Adventure 2

Gaya ng pagbabasa ng libro, malabong maintindihan mo ang kwento kung magsisimula kang umpisahan ito sa gitna o sa dulo. Bilang pangalawang kabanata na ito ng Lucid Dream Adventure, isang magandang desisyon kung sisimulan mo munang laruin ang Chapter 1, lalo na kung ito ang unang beses ng paglalaro mo. Sa ganitong paraan, lubos mong mauunawaan ang kwento ni Lucy at malaya mong malalaro ang Chapter 2 nang hindi naguguluhan.

Isa ang puzzle sa pinaka-highlight at inaabangan ng mga naglalaro nito. Kung sa Chapter 1 ay may kadalian ang mga ito, dito naman sa Chapter 2 ay sinikap ng Dali Games na bigyan ito ng kaunting difficulty. Kung sakaling matigil ka sa isang level dahil medyo nahirapan sa puzzle, maaari kang magbayad o manood ng ads kapalit ng hints para dito. Mainam din naman kung hindi mo iyon gagawin upang makatipid at mahasa ang iyong isipan na mag-isip. 

Pros at Cons sa paglalaro ng 

Kung baguhan ka pa lamang sa laro, mapapansin mo ang pagiging accurate ng bawat simbolismong ginamit dito. Hindi ito pumapalya na ipakita ang mood ng kwento sa pamamagitan ng kulay at tunog nito. May madidilim na kulay at medyo may pagka-creepy ang tunog ng mysterious at depressing na parte ng laro gaya ng silid ni Lucy at sa lugar kung saan makikita ang ina niya, habang matingkad at makulay naman ang paligid kapag nasa mahiwagang bahagi na ng laro. Maganda ang graphics na ginamit dito na para bang at naglalakbay ka talaga sa loob ng panaginip.

Related Posts:

My Time at Portia Review

Neo Monsters Game Review

Bukod pa rito, wala ring ads ang laro. Kung mayroon man ay hindi iyon gaya ng iba na bigla na lamang sumusulpot at para bang tinatanggalan ka ng ganang ipagpatuloy ang laro dahil sa tagal ng hihintayin mo bago ito matapos. Sa larong ito, ang panonood ng ads ay opsyonal o ginagamit lamang bilang kapalit ng hint sa pag-solve ng puzzle, hindi ito sapilitan.

Isang kalamangan na maituturing na hindi lang basta laro ang Lucid Dream Adventure dahil bukod sa pinapalawak nito ang imahinasyon, nagagagawa rin nitong pumukaw ng damdamin ng mga manlalaro. Ito ay isang laro kung saan ipinapakita rin ang epekto ng depresyon, pagdurusa, at kawalan ng pag-asa ng isang tao, gaya ng karakter ng ina ni Lucy. Bukod pa rito, ipinapakita rin ang kapangyarihan ng pag-ibig tulad ng kung paanong ginamit ni Lucy ang pagiging isang lucid dreamer niya para lamang matulungan ang kanyang ina na makalaya mula sa tanikala ng kalungkutan.

Lucid Dream Adventure 2

Lucid Dream Adventure 2

Malaya ring natalakay ng laro ang sitwasyong mas ninanais ng mga taong pumasok sa pantasyang kanilang nilikha upang makatakas sa reyalidad (escapism) o kung hindi naman ay humanap dito ng sa tingin nila’y magiging solusyon upang matugunan ang suliranin nila sa totoong mundo gaya ng ginawa ni Lucy para sa kanyang ina.

Kung susuriin, isa talagang magandang laro ang Lucid Dream Adventure 2 at kapansin-pansin iyon dahil sa nasimulan nitong kwento sa Chapter 1. Napanatili pa rin nito ang magandang storyline, kaakit-akit na animation at nakakasabik na mga palaro sa bawat level. Ngunit kumpara sa Lucid Dream Adventure 1, ang Chapter 2 ay hindi libre. Kailangan mo munang bayaran ito bago ma-install at para matapos ang laro. Available lamang din ito sa Google Play.

Ngunit kung titimbangin ang animation, ang kwento, at bawat kapanapanabik na larong inilagay para sa pangalawang chapter ng kwento ni Lucy bilang isang Lucid Dreamer, sulit ang pagbabayad mo rito!

Konklusyon

Ang Lucid Dream Adventure ay naging nominado para sa Indie Prize Award noong 2018 at Pixel Heaven sa parehong taon. Dahil dito, masasabi talagang kakaiba at talagang mabenta ang larong ito para sa lahat. Hindi malabong kaadikan mo rin ang larong ito kaya ang aking paalala, palaging magkaroon ng limitasyon sa paglalaro. Ang Lucid Dream Adventure ay para ring isang panaginip. Kahit gaano man kagandang manatili rito, kailangan mo pa ring magising.

Laro Reviews

Leave a Comment

Login
Loading...
Sign Up
Loading...