MARVEL Super War Review

Isa ka bang tagahanga ng MARVEL? Inabangan mo ba ang bawat pelikula ng Marvel Cinematic Universe? Tiyak na magugustuhan mo ang larong tatalakayin ng Laro Reviews sa artikulong ito. 

Ang MARVEL Super War ang pinakaunang mobile multiplayer online battle arena (MOBA) game ng Marvel. Nilikha ito ng game developer na NetEase Games matapos makipagtambal kasama ang Marvel Entertainment. Katulad ng ibang MOBA games, ang layunin ng laro ay wasakin ang base ng kalaban. Bukod sa nakatakda ang mapa ng laro sa Wakanda, matutunghayan mo rin ang akwatal na mga karakter mula sa Marvel Universe, kagaya nila Iron Man, Captain Marvel, Spider-Man, at marami pang iba.

Features ng MARVEL Super War 

Balanced Combat – Wala itong pay-to-win (P2W) rune system kaya nagiging balanse ang heroes at maging ang mismong combat. Ang tanging paraan para makuha ang reputation at achievements ay sa pamamagitan ng pagtitiyaga at kahusayan. Talunin ang mga kalaban sa pamamagitan ng patas na laro. 

MARVEL Super War - Laro Reviews

MARVEL Super War – Laro Reviews

Multiple Game Modes – Iba’t ibang modes ang pwedeng laruin dito. Binubuo ito ng apat na game modes: Rank mode, Match & PvE, Free-for-All, at Battle for Vibranium. Sa Rank mode, maaaring maglaro ng solo o may grupo depende sa kasalukuyang rank ng mga manlalaro. Samantalang sa Match & PvE naman ay pareho sa Rank mode pero hindi importante ang rank dito kaya pwedeng mag-invite ng mga nasa iyong friend list. Ang Free-for-All naman ay katulad ng match mode ngunit ang mapa nito ay linear. Hindi rin makakapag-heal ang heroes sa base at hindi pwedeng mag-upgrade ng items kapag namatay. Panghuli, sa Battle for Vibranium, kailangan ng mga manlalarong mangolekta ng Vibranium mula sa tatlong magkakaibang core at ilalagay ang mga ito sa tamang kahon. Paunahan ditong makuha ang team ng 1,000 Vibranium para manalo.

Plenty Unique Heroes – Napakaraming heroes ang maaaring piliin ng manlalaro. Sa katunayan, mayroon itong higit sa 50 heroes at villains mula sa Marvel universe. Ang bawat isa ay may kakaibang istilo ng pakikipaglaban at natatanging skills sa labanan. Tiyak na karamihan ng heroes at villains dito ay makikilala mo mula sa kilalang karakter ng Marvel.

3D Graphics – Labis na kahanga-hanga ang 3D graphics ng laro. Mapapanood din ang napakahusay na animation ng mga karakter ng Marvel sa simula ng laro. 

Saan Pwedeng I-download ang MARVEL Super War?

Free-to-play (F2P) ang laro kaya hindi kailangang magbayad para mai-download ito. Pumunta sa App Store para sa iOS users, at sa Google Play Store naman sa Android users, gamit ang iyong mobile phone. I-search ang MARVEL Super War at hanapin ito sa search results. Pindutin ang Get o Install button para mai-download ito. Hintaying matapos ang pag-download tsaka buksan ang app. Kumpletuhin ang mga kailangan sa sign-in details. ‘Pag nagawa mo na ang lahat ng ito, maaari mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download MARVEL Super War on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.netease.g104na.gb

Download MARVEL Super War on iOS https://apps.apple.com/ph/app/marvel-super-war/id1447796414

Download MARVEL Super War on PC https://www.bluestacks.com/apps/strategy/marvel-super-war-on-pc.html

MARVEL Super War - Laro Reviews

MARVEL Super War – Laro Reviews

Kung sa PC mo napiling maglaro ng MARVEL Super War, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Dahil isa itong MOBA game, mainam na alamin muna ang team composition at ang papel ng bawat isa. Mayroong apat na lanes ang laro, kung saan ang bawat isa ay may katumbas na roles na dapat punan. Ang Top laners ay kadalasang Tanks o Fighters kung saan may natatangi silang sustain sa kanilang kit. Dahil dito, kaya nilang makapag-farm mag-isa nang ligtas sa kanilang lane. Minimal ang pangangailangan nilang mag-heal sa tower o kaya ay bumalik sa base. Samakatuwid, ang kanilang gampanin sa team ay mag-farm nang mag-farm sa simula ng laro. Ito ay para magkaroon ng kakayahang lumikha ng space sa team para mag-peeling at zoning. Ang mga karakter na maituturing na S-tier Top laners ay sina Thanos, Ant-Man, Ancient One, The Thing, Hulk, at Sandman. Narito rin ang items na magandang bilhin para sa top laners: ang Glorious Armor para sa pagkontrol ng lane, ang Stormbreaker para sa bruiser o fighter, at ang Megingjord para sa pag-sustain dahil ito ang item na may pinakamataas na HP sa laro.

Related Posts:

World War Doh: Real Time PvP Review

Titan Throne Review

Ang Middle lane naman ay ang sakop ng Energy o Mage class. Sila ang angkop sa lane na ito dahil bilang may pinakamaikling ruta, kadalasang ang Energy class ay may mabilis na wave clear na abilidad at mayroong mobility tools sa kit. Dahil dito, may kakayahan silang mabilis na patayin ang minions at mag-support ng iba pang lanes sa pamamagitan ng ganking. Maituturing na S-tier na Mid laners sina Doctor Strange at Ebony Maw. Ang maipapayo kong items para sa Mid laners ay ang Cosmic Cube gamit sa heroes na may mababang HP, ang Darkhold para sa mataas ang HP o resistance, at ang Wand of Watoomb dahil ito ang pinakamataas na energy damage item.

Sumunod ay ang Bot lane, kung saan ito ang responsibilidad ng Marksman. Maituturing na insurance ng team ang ganitong hero dahil ang kadalasang sa bandang dulong bahagi ng laro lumalabas ang kanilang power spike. Kaya mainam na manatiling nasa bot lane ang Marksman para ligtas ang kanyang pagfa-farm ng wave minions. Dahil maituturing na squishy hero ang Marksman, mabuti kung may kasama itong Support na mag-babysit sa kanya hanggang sa makakuha na ito ng dalawang items o kapag nagkaroon na ang team ng sapat na advantage. Sina Gambit at Vision ang mga Marksman na maituturing na S-tier. Mainam na magkaroon ng Silent Hunter dahil ito ang pinakamabisang item bilang farming tool para sa traditional marksman, pati na rin ang Double Daggers para sa burst na klase ng marksman. Tulad ng nabanggit kanina, makakatulong ang pag-babysit ng Support, kung saan ang layunin nito ay tiyaking ligtas ang Marksman sa pagfa-farm habang naghahanda sa laban. Kung ang Support ay tank type, ang pagbe-babysit ay sa pamamagitan ng peeling at zoning, samantalang kung energy type naman ay sa pamamagitan ng sustain at poke. Ang mga S-tier na Support ay sina Ebony Maw, Cloak & Dagger, Invisible Woman, Hulk, at Thing. Mainam na magkaroon ng Enhancement Serum dahil nagbibigay ito ng HP, nagbabawas ng CD, at mayroong resistance aura, pati na rin ang Regeneration Cradle para sa pang-sustain at shield ng energy type na Support. 

Panghuli ay ang Jungle lane para sa Assassin at Fighter, kung saan ang lane na ito ang maituturing na pinakamahirap sa lahat. Tungkulin nilang itakda ang bilis ng team sa una at gitnang bahagi ng laro, pati na rin ang pag-secure ng lahat ng buffs at ng secondary objectives. Ang Jungler ay kadalasang may mataas na mobility at mataas ding damage kit. Dahil dito, nagbibigay ito ng kakayahan upang maging madali ang pag-gank at pag-assassinate. Maituturing na S-tier sina Deadpool, Captain America, Star-Lord, Ancient One, Thanos, at Mr. Fantastic. Mainam ding magkaroon ng Quantum Rifle para sa physical junglers, Mars Blaze para sa bruiser type junglers, Shining Ether para sa energy junglers, at Twilight Beads para sa marksman junglers. 

Dahil alam mo na ang bawat role sa laro, mainam ding maging pamilyar sa basic controls at mechanics nito. Makakatulong na kumpletuhin ang training sessions para mas maging handa ka sa aktwal na labanan sa susunod. Binubuo ito ng 14 stages, kung saan matatagpuan ang mga ito sa Match button ng Training mode. Nahahati rin ito sa basic at advanced training sessions kaya magandang paraan ito para masanay sa paggamit ng heroes. 

MARVEL Super War - Laro Reviews

MARVEL Super War – Laro Reviews

Paano mapapataas ang level sa laro?

Para mapabilis ang pagpapataas ng iyong level, ang maipapayo ko sa iyo ay talunin ang enemy minions o heroes. Sa pamamagitan nito, makakakuha ka ng napakalaking halaga ng character XP na magreresulta sa pagtaas ng level. Mas mainam din kung unahin mong i-target ang enemy minions dahil mas madali silang patayin.

Pros at Cons ng MARVEL Super War 

Kakaiba at napakahusay ng 3D graphics sa laro, partikular na ang animation sa unang bahagi ng laro. Sinamahan pa ito ng kahanga-hangang voiceover na nakakadagdag-dating sa laro. Pagdating naman sa gameplay, labis na nakakatulong sa mga baguhang manlalaro ang tutorial sa umpisa dahil nagiging pamilyar ang manlalaro sa controls at mechanics ng laro. Mayroon din itong chat system para makapag-usap ang bawat isa sa team bago magsimula ang laban. Pwede rin itong gamitin upang makapagplano at bumuo ng estratehiyang isasagawa. Iba’t ibang wika rin ang maaaring piliin ng manlalaro, kabilang na rito ang English, Traditional at Simplified Chinese, Japanese, Thai, Indonesian, Korean, at Vietnamese. Bagaman maraming magagandang katangian ang laro, mayroon pa rin itong ilang mga isyu tulad ng madalas na pagla-lag at pagka-crash ng laro. Kahit na walang problema sa internet connection, patuloy pa ring nagla-lag ang laro kaya nagiging sagabal ito. Bukod pa rito, marami ring mga kaso kung saan sobrang mabagal ang matchmaking nito. 

Konklusyon

Sa kabuuan, mairerekomenda ng Laro Reviews na laruin ang MARVEL Super War kung hilig mong maglaro ng MOBA games, lalung-lalo na kung tagahanga ka rin ng Marvel. Tunghayan ang mahusay na graphics, disenyo, hero skills sa laro. Sa pamamagitan ng larong ito, binibigyang buhay nito ang mga karakter mula sa Marvel Universe. Bukod pa rito, maganda rin ang pagkakagawa nito bilang isang MOBA game. Gayunpaman, kung nais mong i-download ang laro, asahan ang isyu nito tulad ng madalas na pag-lag at pag-crash nito. 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...