Mutiny: Pirate Survival RPG Review

Ipinakikilala ng Helio Games ang Mutiny: Pirate Survival RPG, isang role-playing game sa mundo ng mga pirata. Bilang panimula, matutunghayan mo sa laro ang kwento ng isang pinagtaksilang kapitan ng mga pirata kasama ang ilan sa kanyang mga masugid na alagad na naglalayag sa gitna ng malalakas na alon. Dulot ng masamang panahon, mapapadpad sila sa isang maliit na isla kung saan matatagpuan nila ang isang abandonadong bahay. Upang makaligtas sa mababangis na hayop, gutom at uhaw, kailangan nilang lahat na maging matatag sa mga hamon.

Sa larong ito, ikaw ang magkokontrol sa lahat ng iyong mga manlalaro. Nasa iyong kamay rin nakasalalay kung anong mga tungkulin ang ibibigay mo sa bawat isa. Maari mong gawing craftsman ang iba sa kanila at pwede mo namang piliin ang malalakas mong player upang isalang sa mga digmaan laban sa iba pang mga pirata. Kailangan mo ring bumuo ng isang grupo ng sarili mong mga pirata upang pangalagaan ang iyong mga nakokolektang kayamanan.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Malaki ang tulong na maibibigay ng abandonadong bahay sa iyong Home Island kaya kailangang maayos ng iyong mga player ang lahat ng sira nito at magawang matapos ang lahat ng mga objective rito kagaya ng pag-aayos sa sira ng garden bed, water collector bonfire at iba pa. Mahalagang maayos ang mga ito upang magkaroon ka ng pag-iimbakan ng iyong makokolektang mga kagamitan mula sa iyong panggagalugad sa mga isla at paglalayag sa palibot ng Caribbean Sea.

Kailangan ring makagawa ng mga island shelter ang iyong mga manlalaro para protektahan ang kanilang sarili laban sa mga posibleng paglusob ng iba pang mga pirata. Bukod sa pangangalap ng mahahalagang mga kagamitan, kailangan ding makabuo ng iyong mga manlalaro ng matitibay na kuta upang maiwasang magapi kaagad ng malalakas na uri ng mga pirata.

Ang default players na iyong makukuha sa umpisa ng laro ay mga mahihinang uri ng mga pirata kaya kailangan mo silang i-upgrade hanggang sa kaya na nilang matalo ang malalakas na mga kalaban. Ngunit magagawa lamang ang upgrades kapag mayroon kang sapat na bilang ng golden coins kaya hangga’t maaari ay huwag sayangin sa mga hindi importanteng bagay ang iyong in-game currency.

Ang pinakamabisang paraan naman upang makakuha ng EXP points ay ang matalo ang mga makakalaban. Ngunit tandaang hindi mo dapat basta- basta na lamang sinasabak sa mga labanan ang iyong mga player lalo na kung mayroong mas mataas na statistics ang mga kalaban kaysa sa iyong gamit na mga player. Sa pag-atake naman, mas magkakaroon ka ng malaking tyansang manalo kung magagawa ng iyong mga player na patumbahin ang mga kalaban isa-isa nang hindi lumilikha ng ingay.

Hindi rin lamang sa pamamagitan ng pakikipaglaban iikot ang laro dahil mayroong itong samu’t saring objectives na dapat mong makamit kagaya ng pagmimina upang makagawa ng mga sandata, pangangaso ng mga hayop upang mayroong makain, pangongolekta ng mga rare item, pangangalap ng mga kagamitan sa paggawa ng mga shelter at marami pang iba.

Huwag mo rin kalimutan ang iyong ship dahil ito lamang ang tanging paraan upang makapaglayag ang iyong mga manlalaro at makapunta sa mga isla upang mangalap ng mga kayamanan kaya panatilihing maayos ang ship ng iyong mga manlalaro. Hanapin rin ang mga sira nito at simulang ayusin upang hindi na lumala pa.

Laruin ang rescue missions upang palayain ang mga dinukot na manlalayag at gawin silang mga kakampi sa laban. Ang paglaro sa mga rescue mission ay magbibigay sa iyo ng karagdagang EXP points, magbenta ng coins, makahanap ng mga rare item at iba pa.

Sa larong ito, mayroon ding tinatawag na Merchant Ship na lumalabas lamang paminsan-minsan. Ang ship na ito ay naglalaman ng iba’t ibang uri ng produkto at iba pang mga kalakal kaya huwag palampasin ang iyong pagkakataong makipagpalitan ng mga rare item. Makakasalamuha mo rin sa loob ng ship sina Van Der Hautman na nag-aalok ng blue ng blueprints sa paggawa ng mga sandata, si Handsome Ricardo na nag-aalok ng makeover items at si Weasel Pitt na nag-aalok naman ng mga mapa. Bukod sa mga nabanggit na pangalan, makikilala mo rin sina Little Bill na nagbebenta ng iron items, si Jack Splinter na nagbebenta ng rare woods, si Lady Grace na nagbebenta ng herbs at mga damit at si Yakup Reis na nagbebenta naman ng mga bahagi ng ship.

Mga Feature ng Laro

  • Crew Members – Pangalagaan ang iyong mga crew member dahil sila ang nakaatang na ipagtanggol ang iyong spawn island.
  • Trade your Items – Maaaring ibenta ang ilan sa mga nakalap mong items na hindi naman kinakailangan ng iyong mga player upang madagdagan ang bilang ng iyong coins.
  • Build your Shelter – Protektahan ang iyong mga manlalaro sa pamamagitan ng pagbuo ng matitibay na mga shelter o kuta sa iba’t ibang isla.
  • Choose your own Pirate – May kalayaan kang pumili ng mga magiging pirate crew ng iyong ship.
  • Play PVP Battles – Lusubin ang kuta ng mga kalapit na mga pirata upang kamkamin ang kanilang mga kayamanan at upang makakuha ng mas maraming EXP points.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user at kailangan namang i-download ang LDPlayer android emulator sa PC para malaro ito. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Mutiny: Pirate Survival RPG on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.heliogames.pirates

Download Mutiny: Pirate Survival RPG on iOS https://apps.apple.com/us/app/mutiny-pirate-survival-rpg/id1490838880?msclkid=760a05c9ceac11ec8abc6bb802a4df31

Download Mutiny: Pirate Survival RPG on PC https://www.ldplayer.net/games/mutiny-pirate-survival-rpg-on-pc.html?msclkid=8763e141ceac11ec8f26dc0384d2b765

Pros at Cons ng Laro

Hindi na bago sa isang RPG ang pagkakaroon ng awayan sa pagitan ng bawat grupo. Ngunit sa Mutiny: Pirate Survival RPG, mas level-up ang mga digmaang nangyayari sa larong ito sapagkat ang mga labanan ay inilulunsad sa mga isla at ang mga nag-aaway ay purong mga pirata. Maliban pa rito, marami ka pang pagkakataong makalikha ng sarili mong kagamitan sa loob ng iyong ship, o mga gamit pandigma.

Kung pag-uusapan naman ang graphics ng laro, hindi maaaring itanggi na napakaganda ng mga bagay ang iyong makikita sa screen. Mula sa mga maliliit na natural mineral hanggang sa mga kagamitan sa loob ng ship, tiyak na hindi mo maiiwasang humanga sa mga ito lalo na kapag lumalabas ang Merchant ship kung saan nagkakarga ito ng iba’t ibang produkto.

Sa karagdagan, lubos ring natutuwa ang Laro Reviews dahil napakaraming pwedeng gawin sa larong ito bukod sa pakikipaglaban sa ibang pirata kagaya na lamang ng treasure hunting, pakikipagpalitan ng mga produkto, paggawa ng isang ship, paggawa ng mga pader, paggawa ng mga matutuluyang bahay at marami pang iba.

Sa kabilang banda, malayo pa sa pagiging perpekto ang larong ito sapagkat kailangan mong gumugol ng napakahabang oras para lamang makumpleto ang lahat ng mga kinakailangang materyales sa pagbuo ng ship, paggawa ng mga shelter, o paglikha ng isang weapon. Maliban pa rito, mabagal rin ang progress at update ng laro kaya kung sakaling nilusob ka ng mga kalaban, wala ka nang magagawa upang mabawi sa kanila ang lahat ng mga gamit na tinangay mula sa iyo dahil hindi ka rin basta-basta na lamang makapaghihiganti sa mga ito.

Isang bagay pa na sadyang nakakairita sa laro ay ang laging nagkakaroon dito ng glitching at kusang nag-e-exit ang laro kahit pa nasa kalagitanaan ka ng pakikipagdigmaan sa mga kalabang pirata. Hindi ka rin basta-basta makakausad sa laro dahil mabilis na bumababa ang porsyento ng iyong health dahilan upang hindi ka maaaring sumabak sa PVP battles at rescue missions.

Konklusyon

Sa pangkalahatan, masasabi ng Laro Reviews na kaaya-aya ang konsepto ng Mutiny: Pirate Survival RPG, naiiba ito sa iba pang RPG kung saan ang karaniwang digmaan ay nagaganap sa mga Arena, o hindi kaya ay sa highland. Ang mga task sa larong ito ay hindi gaanong madali at hindi rin naman sobrang hirap gawin. Maliban sa matagal na progress ng laro, halos wala ka nang mairereklamo pa sa gameplay ng Mutiny: Pirate Survival RPG, kaya kung hindi mo pa nasusubukan ito, marahil ito na ang hinihintay mong pagkakataong lumaban kasama ng mga pirata.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...