Night of the Full Moon Review

Noong bata tayo, madalas nating marinig ang iba’t ibang fairy tales na nagpalawak sa ating imahinasyon. Tipikal sa mga kwentong ito ay may mahika, nagsasalitang mga hayop, mga magagarbong kaharian, at marami pang iba. Isa sa pinakatanyag na fairytales ay ang Little Red Riding Hood. Ito ay tungkol sa isang batang babaeng laging nakasuot ng pulang robe habang naghahanap ng gamot para sa kanyang lola. Ilang beses na nating narinig ang paglalakbay ni Little Red Riding Hood at ang karanasan niya sa mga lobo, ngunit bihira lang natin ito mismong malaro. Sa kabutihang palad, narito ang game developer na Giant Network para magbigay karanasan sa Little Red Riding Hood sa pamamagitan ng Night of the Full Moon. Ito ay isang roleplaying game (RPG) card game na siguradong mae-enganyo kang laruin mula umpisa hanggang dulo. 

Sa Night of the Full Moon, ikaw ay maglalaro bilang si Little Red Riding Hood. Ngunit taliwas sa karaniwang karakter niya na isang musmos na batang babae, ikaw ay maaaring maging isang Knight, Ranger, Magician, Apothecary, Werewolf, Mechanic, Nun, Soul Hunter, o Witch. Nakadepende na sa iyo kung paanong nais patakbuhin ang laro. Maaaring pumili ng anumang class na nais ngunit nakabatay rin dito kung ano ang mga hamong kakaharapin. Bukod pa rito, tungkulin ni Little Red Riding Hood na hanapin ang kanyang nawawalang lola. Tumungo siya sa Black Forest, isang lugar na kung saan laging gabi’t madilim, para hanapin ang kanyang natitirang kamag-anak. Sa kanyang paglalakbay, makikilala niya ang iba’t ibang dwende, lobo, at mga taong nagtatangka siyang patayin. 

Gabay para sa mga Baguhang Manlalaro 

Iba’t ibang cards ang iyong gagamitin upang depensahan ang iyong sarili. Gamitin ang cards sa iyong kapakinabangan at ang iba pang matutuklasang makapangyarihang cards sa iyong paglalakbay. Simple at direkta ang gameplay ng Night of the Full Moon ngunit huwag aasahang pare-pareho lamang ang magiging takbo nito. May ilang kalabang mahirap matalo. Nakadepende ang iyong pagkapanalo sa estratehiyang bubuuin at sa swerte sa pagbunot ng tamang cards. 

May mga makikitang chapter na naglalaman ng mga pahina ng kaaway. Para mag-progress ang istorya, kinakailangang magapi muna ang mga ito. Sa iyong paglalakbay, makakaharap din ang mga boss at ilang primaryang karakter na makakaapekto sa iyo. Kapag mas maraming kalaban ang natalo, mas dadami rin ang bahagi ng kwentong iyong matutuklasan. Dagdag pa rito, makakatanggap ng iba’t ibang pagtatapos depende sa mga isinagawang desisyon. 

Ang isang pinakamagandang feature ng Night of the Full Moon ay maaaring ulit-ulitin ang laro. Kung hindi mo nagustuhan ang naunang ending o kaya naman ay curious ka sa iba pang posibleng ending, maaaring magsimulang muli sa ibang class o level of difficulty. Pwedeng ibahin ang nagawang desisyon at i-unlock ang lahat ng endings. 

Saan pwedeng i-download ang Night of the Full Moon?

Sundin ang mga sumusunod na hakbang sa pag-download ng laro. Pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para iOS users. I-type ang Night of the Full Moon sa search bar. Pagkatapos ay i-click ang icon nito at ang Install o Get button. Hintaying makumpleto ang pag-download saka buksan ang app at kumpletuhin ang sign-in details. Ayan, pwede ka nang makapagsimula sa paglalaro! Kung interesado kang malaman pa ang tungkol sa laro, patuloy na basahin ang artikulo. Inihanda ng Laro Reviews ang tips, tricks, pros, at cons nito para makatulong sa iyo. 

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Night of the Full Moon on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.ztgame.yyzy

Download Night of the Full Moon on iOS https://apps.apple.com/us/app/night-of-the-full-moon/id1278845241?msclkid=f240b1f7b3a811ec856e5ebe73fa775a

Download Night of the Full Moon on PC https://www.bluestacks.com/apps/strategy/night-of-the-full-moon-on-pc.html?msclkid=3faf5d70b3ab11ec944a5e0261f7b85d

Kung napili mong maglaro ng Night of the Full Moon sa PC, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang official website. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Sa unang bahagi ng laro, makikita ang mga pahinang naglalaman ng mga kategoryang maaari mong simulan. Ang mga ito ay ang Knight, Ranger, Magician, Apothecary, Werewolf, Mechanic, Nun, Soul Hunter, o Witch. Kung ikaw ay bagong manlalaro, pindutin muna ang Knight dahil ito ang pinakamadali sa lahat. Kapag ikaw ay nasa battlefield na, mahalagang basahin nang maigi ang deskripsiyon ng bawat card. Mapapansin din ang HP ng iyong kalaban, kaya mula rito ay kalkulahin ang atakeng gagawin. Makikita rin ang mga isinagawang atake sa bandang itaas ng iyong kalaban. Mahalaga ring lakipan ang iyong karakter ng Equipment at Blessing para mas mapalakas ito. Habang nakikipagtunggali, may mga pagkakataong nagtatanong ang kalaban sa iyo. Sagutin ang mga tanong batay sa mga opsyong ibinigay. Dito madedetermina ang magiging takbo ng iyong istorya. Isang tip lang ang maibibigay ko sa iyo – huwag magtitiwala kahit kanino. 

Kagaya ng aking nabanggit kanina, may elemento ng RPG na mapapansin sa Night of the Full Moon. Hindi lamang ang class ni Little Red Riding Hood ang maaari mong piliin, bagkus tataas din ang iyong level habang nakakakuha ng Experiences. Kung nakapaglaro ka na ng ibang RPGs, siguradong pamilyar ka na sa kalakaran nito. Kailangan mo munang makakalap ng Experiences bago ma-level up ang ibang mga card. Bukod pa rito, siguraduhing maging alerto sa paghahanap ng mga akma at makapangyarihang cards na iyong magagamit para magapi ang mas malalakas na mga kalaban. Huwag mo ring kaliligtaang iprayoridad ang iyong abilidad. Kagaya ng cards, bukod sa pag-a-upgrade ay maaari ding makahanap ng mga abilidad para mapalakas ang ginagamit na karakter. 

Dagdag pa sa mga nabanggit, maaari ding i-upgrade mismo ang sariling taglay na cards. Pwedeng i-upgrade nang dalawa hanggang tatlong beses. Sa ganitong paraan, mas magiging epektibo ang lakas at intensidad ng damage na gagawin sa kalaban. Ngunit huwag magpakampanteng magiging madali lamang ito. Kailangan mo munang hanapin ang akmang mga pahina bago mangyari ito. 

Pros at Cons ng Night of the Full Moon

Marahil ang isa sa pinakamagagandang aspeto ng Night of the Full Moon ay ang visual nito. Hindi ka magsasawang tingnan dahil detalyado ang pagkakagawa sa laro. Mula puno, mga pahina sa libro, at hanggang sa pinakamaliliit na detalye sa damit ng mga kalaban, makikita ang effort na ibinuhos ng game developers para makapagbigay ng kakaibang gaming experience. Kahit na laging gabi ang set-up ng laro, makulay rin ito at puno ng sigla. Maging ang mga nilalang na dapat ay hindi kaaya-aya ang itsura ay may maaliwalas na disenyo. Dagdag pa rito, ang tanging ads na masisilayan rito ay kung nais mo bang doblehin ang gold coins na natanggap sa level. Bukod dito, wala nang ibang senyales ng pop-up video ads. 

Nakakalungkot lamang, na bagama’t available ito sa App Store, ay kinakailangan munang magbayad ng $0.99. Hindi kagaya sa Google Play Store na libre itong makukuha. Hindi nagkaroon ng pantay na pagturing sa pagitan ng mga Android at Apple user. Nalilimitahan tuloy nito ang lawak ng audience lalo na’t hindi lahat ay nais magpanimulang bayad, gayundin, kung hindi nakatitiyak kung worth it ba ito o hindi. Wala ring tutorial ang laro kaya nasa iyo na para tuklasin ang labas-pasok ng buong game mechanics. 

Konklusyon 

Sa kabuuan, nakasisiyang laruin ang Night of the Full Moon dahil sa lore, gameplay, at visual nito. Kahit saang anggulo, makikitang ito ay isang uri ng sining dahil makikita at nararamdaman mo kung gaano kalaki ang effort at oras ang ibinuhos ng game developers para mabigyang-buhay ang kanilang ideya. Kahit na paulit-ulit ang gameplay, hindi mo pa rin ito masyadong mapapansin dahil mahirap pa rin kalabanin ang ilang mga kaaway. Mainam sana kung gagawing libre din ito sa App Store at magkaroon na lang ng DLCs, kagaya ng ginawa nila sa Google Play Store para sa mga manlalarong nais maging F2P. Para sa Laro Reviews, mairerekomenda itong laruin lalo na sa mahilig ng strategy building at roguelike games. Kaya ano pang hinihintay mo? I-download na ang Night of the Full Moon!

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...