Pagsusuri sa K-Sniper Challenge 3D

Ano ang K-Sniper Challenge 3D?

Ang K-Sniper Challenge 3D ay isang libreng mobile game na hango mula sa sikat, maaksyon at kapana-panabik na serye mula sa Netflix: ang Squid Game. Ang Squid Game ay nagtatampok ng isang kumpetisyon na may 456 na kalahok, kung saan malaking kayamanan ang igagawad sa mananalo at makakaligtas sa isang nakasisindak at nakamamatay na paligsahan. Ang bawat yugto ay kinuha mula sa mga larong pambata, na naghahatid ng thrill at ipinapakita rin kung gaano naging nakakatakot ang mga larong ito. Marami sa mga manlalaro ang pinapatay dahil sa hindi pagsunod sa mga tagubilin o hindi pagkumpleto ng mga mechanics sa itinakdang oras. Sa ilang eksena, may makikitang mga taong nahuhulog mula sa mataas na lugar habang tumatawid sa glass bridge o nakikipagpambuno sa “Tug of War”. Naging emosyonal ang pagtatapos ng serye habang ipinapakita ang iba’t ibang uri ng pagtatraydor na nauwi sa brutal na patayan ng mga kalahok hanggang matapos ang laro.

Ang K-Sniper Challenge ay magbibigay-daan sa mga manlalaro na gampanan ang papel ng mga kontrabida sa serye ng Squid Game. Ang laro ay inilabas ng Homa Games noong Oktubre 24, 2021 at magagamit lang ito sa ngayon ng mga Android users. Ang pinakabagong bersyon nito na 3.0 ay opisyal na inilabas noong Nobyembre 17, 2021. Ang layunin ng laro ay umasinta at barilin ang mga manlalarong kakikitaan ng pulang outline. Ito ang mga players na hindi sumunod sa mga panuntunan ng laro. Ang bawat level ay naglalaman ng apat na laro na itinampok sa Squid Game na kinabibilangan ng: ‘Red Light, Green Light’, ‘The Honeycomb’, ‘The Glass Bridge’ at isang bonus round para bumaril ng maraming manlalaro sa loob ng maikling oras. Ang bawat level na matapos mo ay magbibigay sa iyo ng mga cool skin na magagamit mo sa mga susunod na level. Ang larong ito ay maaaring i-download dito:

  • Download K-Sniper Challenge 3D on Android https://play.google.com/store/apps/details?hl=fil&id=com.pyrogames.squidsniper3D
K-Sniper Challenge 3D

K-Sniper Challenge 3D

Mga Feature ng K-Sniper Challenge 3D

Ang mga exciting na feature sa paglalaro ng K-Sniper Challenge 3D ay ang sumusunod:

  • Red Light, Green Light

Sa yugtong ito, kailangan mong patayin ang mga manlalaro na gumalaw (kahit bahagya lang) pagkatapos ng stop signal. Isang manikang de-makina ang magdidikta sa paggalaw ng lahat ng mga manlalaro. Kapag ang manika ay sumigaw ng ‘green light’ (Korean ang lenggwahe), ang mga manlalaro ay dapat na tumakbo patungo sa finish line. Ngunit dapat ding maging alerto sa red light na signal ng manika. Kung may mahuhuli itong gumagalaw, may lalabas na pulang outline sa kanilang katawan. Ito ang hudyat na dapat silang barilin. Ang asintadong pagbaril sa mga talunang players ay magbibigay sa iyo ng pera. Kumita ng mas marami sa pamamagitan ng pagbaril sa lahat ng manlalaro na lumabag sa signal ng red light bago muling sumigaw ang manika ng green light.

  • The Honeycomb

Ang yugtong ito ay mas madali kumpara sa ‘Red Light, Green Light’. Kailangan mo lang makita ang mga manlalaro na hindi pa tapos sa pagkuha ng nakabalangkas na hugis sa kanilang honeycomb. Upang magawa ito, kailangan mong hanapin ang mga manlalaro na may pulang outline. Maaari ka ring maghanap ng mga tumatakbong manlalaro. Karaniwan ay sila ang mga players na may pulang outline.

  • The Glass Bridge

Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, dapat tumawid ang mga manlalaro sa isang glass bridge sa pamamagitan ng pagtalon sa ibabaw ng mga marurupok na tiles. Ang ilan sa mga glass tile na ito ay matitibay – sapat para matagumpay na makatawid ang ilang manlalaro. Maiiwan lamang ang mga hindi magkakamaling umapak sa marurupok na glass tiles. Ang iyong tungkulin bilang isang sniper ay makita ang mga nakatayo sa glass tiles na may pulang outline. Sa iyo manggagaling ang hudyat na dapat mahulog ang mga ito galing sa taas ng bridge.

K-Sniper Challenge 3D

K-Sniper Challenge 3D

  • The Bonus Round

Maaari kang kumita ng mas maraming pera sa bonus round. Kailangan mo lang pumatay ng maraming manlalaro na tumatakbo gamit ang iyong armas sa loob ng maiksing oras. Magkakaroon ka ng isang armas na mabagal mag-reload sa mga unang round. Habang nagpapatuloy ka sa mga level, magkakaroon ka ng machine gun na mabilis na pumatay ng mga manlalaro.

  • Tug of War (bagong dagdag)

Ito ay isang bagong idinagdag na yugto sa laro. Sa serye ng Squid Game, ipinapakita ng mga nakagrupong manlalaro ang kanilang lakas at diskarte habang hinahatak nila ang lubid para ihulog ang kanilang mga kaaway. Sa K-Sniper Challenge 3D, kailangan mo lang patayin ang mga manlalarong natalo sa tug of war.

  • Skins

Ang pagkakaroon ng sapat na pera ay magbibigay-daan sa iyo na makakuha ng iba pang mga skin bukod sa default na ‘Red Soldier’. Sa ngayon, nagtatampok ang laro ng anim na cool skins na maaari mong gamitin. Bukod sa Red Soldier, ang iba pang mga skins sa laro ay ang Front Man, Poker, Dark Invader, Inquisitor at Mercenary.

Related Posts:

Merge Animals 3D – Mutant Race Review

NBA 2K20 Review

Pagsusuri sa K-Sniper Challenge 3D

Ang K-Sniper Challenge 3D ay nakakuha ng mahigit sa 5 milyong downloads sa loob lamang isang buwan dahil na rin sa hango ito mula sa sikat na Korean series na nakakuha ng pagkilala sa buong mundo. Maaari ring sabihin na ito ay isa sa mga kasalukuyang “hype” sa industriya ng paglalaro. Gayunpaman, ang larong ito ay hindi lamang nakakuha ng pagkilala dahil sa serye ng Squid Game. Ang mga visual effects, graphics at musika ng laro ay higit sa average kung ikukumpara sa ibang katulad nito. Dagdag pa rito, ang mga developer ay patuloy na ina-update ito at nakaabot pa nga sila sa paggawa ng ikatlong bersyon sa loob lamang ng isang buwan!

Ang larong ito ay inirerekomenda para sa mga naghahanap ng aksyon at brutal na gameplay. Nakakapangilabot ang visual effects ng dugo kapag nakikita mo itong dumadanak habang pinapatay mo ang mga player sa laro. Tiyak na mas magiging interesado ka rin sa laro dahil sa musika at sound effects nito.

K-Sniper Challenge 3D

K-Sniper Challenge 3D

Gayunpaman, bukod sa mga bagong skin at dagdag na yugtong ‘Tug of War’, ang mga level ng laro ay paulit-ulit. Ang pagpatay sa mga manlalaro ay maituturing na napakasimpleng gawain kaya maaaring may mga maglalaro na makakaramdam ng pagkabagot. Ang mga developer ay maaaring magdagdag ng parusa para sa pagpatay sa mga manlalaro na hindi dapat patayin. O maaaring maglagay sila ng target na bilang ng mga manlalaro na papatayin bawat level sa loob ng nakatakdang oras. Mas nakaka-thrill kapag may timer, hindi ba? Maaari rin nilang taasan ang difficulty o magdagdag ng mga replay sa pagpatay ng huling manlalaro tulad ng ibang sniper games. Bagama’t kakalabas lang ng larong ito noong isang buwan, dapat na sumabay ang mga developer sa mga hinihingi ng industriya sa paglalaro para makakuha sila ng mas maraming approval rating mula sa mga manlalaro.

Ang isa pang pangit sa laro ay ang masyadong pagkabrutal nito na hindi akma para sa mga menor de edad. Nagtakda pa ang Google Play Store ng content rating na 18+ dahil sa kalupitan ng mga eksena rito. Nangangahulugan ito na ang mga manlalaro lamang na nasa 18 taong gulang pataas ang may karapatang i-download at i-install ang game. Nagbabala rin ang ibang mga tagasuri tungkol sa sikolohikal na epekto na maaaring maidulot ng larong ito, lalo na sa mga bata.

Konklusyon

Ang K-Sniper Challenge 3D ay isang cool na mobile game na ibinatay sa seryeng Squid Game. Ang mga yugto nito ay halos kapareho ng nasa sikat na palabas. Gagampanan mo lang ang papel ng sniper na pumapatay sa mga manlalaro. Inirerekomenda ang larong ito para sa mga naghahanap ng aksyon at mga brutal na gameplay, ngunit may kasama rin itong babala ng epektong sikolohikal sa mga manlalaro. Ang pagkolekta ng mga cool skin sa laro habang namamaril ng mga manlalaro ay sadyang may thrill, ngunit dapat na laruin ito nang may pag-iingat. Dapat tiyakin ng mga magulang na hindi ito mai-download at laruin ng mga menor de edad, kung walang tamang paggabay habang naglalaro.

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...