Pearl’s Peril – Hidden Objects Review

Mamangha sa bukod tanging mga tanawin. Maghanap ng mga nakatagong bagay at tunghayan ang pagbubunyag ng isang misteryo. Ito ba ay naaayon sa iyong interes? Kung oo, ang Pearl’s Peril na ang larong tiyak na para sa iyo. Ang Pearl’s Peril ay isang online na laro na ginawa ng Wooga. Patok ito sa mga taong ang hilig ay nakasentro sa adventure game na maraming hidden objects at clues. Tampok sa larong ito ang iba’t-ibang eksena na siyang magbibigay ng makatotohanang karanasan sa mga manlalaro. Sabik ka na bang malaman kung ano pa ang nasa larong ito? Tara at ipagpatuloy ang pagbabasa ng artikulong ito na hatid ng Laro Reviews. 

Mga Tampok ng Laro

Isa sa mga sikat na online na laro ang hidden objects games. Ang pangunahing layunin nito ay mahanap ang lahat ng mga nakalistang bagay na nakatago. Upang magawa ito, nangangailangan ang mala-agila mong mata para matapos ang isang level o yugto ng laro. Ang kwento ng Pearl’s Peril ay umiikot sa misteryosong pagkamatay ng tatay ni Pearl, na siyang may ari ng isla na nagsisilbing lugar kung saan mangyayari ang laro. Nais malaman ni Pearl ang nasa likod ng mga kakaibang pangyayari sa pagpanaw ng kanyang ama. Dahil dito, magiging misyon niya ang paghahanap ng mga importanteng bagay upang makakuha ng bakas sa nangyaring trahedya. Tampok sa larong ito ang magagandang lugar at tanawin na nakatuon sa mga taong 1930s. Bukod sa paghahanap ng hidden objects, maaari ka ring magtayo ng iyong sariling isla kung saan malaya kang gumamit ng iba’t-ibang mga materyales at dekorasyon na naaayon sa iyong gusto. Nakakapukaw rin ng interes ang patuloy na daloy ng kwento habang naglalaro dahil ang karanasan dito ay para talagang nangyayari sa totoong buhay kung saan ikaw ang bida. Ang mga pakikipagsapalaran sa pagtuklas ng nasa likod ng misteryosong pagkamatay ng ama ni Pearl ay siya nga naman talagang nakakaaliw. Hindi ka lamang naglalaro dahil masusubok rin nito pati ang iyong kakayahan sa pag-iisip ng posibleng mga senaryo sa krimen. Talagang kaabang-abang ang mga nasa larong ito, hindi ba? 

Paano I-download ang Pearl’s Peril – Hidden Objects?

Madali lamang i-access ang Pearl’s Peril sa kahit anong gadget na mayroon ka, lalong lalo na sa iyong mobile phone. Sundin lamang ang mga gabay na hatid ng Laro Reviews sa pag-download nito. Kung ikaw ay nagmamay-ari ng Android, maaari mong hanapin ang Pearl’s Peril – Hidden Objects sa Google Play Store at i-click ang salitang install. Para naman sa iOS, pumunta lamang sa App Store at gawin ang proseso na katulad sa Android. Para naman sa mga malalaking gadget katulad ng Laptop o PC, nangangailangan munang mag-download at mag-install ng Bluestacks Emulator. Pagkatapos gawin ito ay pumunta lamang sa Google Play Store, hanapin ang laro at i-click ang install. Para sa mas madaling proseso, maaari ka ring direktang mag-download ng APK ng laro sa pamamagitan ng Windows Den UK. Siguraduhing tama ang larong iyong pinili sa pamamagitan ng pagsusuri kung ito ba ay gawa ng Wooga. Mangyaring pindutin ang mga link na nasa ibaba upang mapadali ang iyong pag-download. 

Download on Pearl’s Peril – Hidden Objects Android here

Download Pearl’s Peril – Hidden Objects on iOS here

Download Pearl’s Peril – Hidden Objects on PC here

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Kung susuriin, masasabing simple lamang ang paglalaro nitong Pearl’s Peril. Siguraduhin na lahat ng nakalistang gamit na kailangang makita ay mahahanap mo. Subalit, hindi ka lubusang makakausad sa larong ito sa ganitong sistema lamang. Kailangan mo ring makapag-patayo ng iyong sariling isla upang makakuha ng prestige. Ano naman itong prestige? Ito ang magiging susi mo para makapunta sa susunod na mga parte ng laro. Paano naman makakapagpatayo ng sariling isla kung walang materyales? Huwag mag-alala dahil maaari kang makabili ng materyales sa mga coins na iyong malilikom sa paghahanap ng hidden objects at clues. Magsaya dahil magbibigay ng ilang tips ang Laro Reviews para magsilbing gabay sa iyong paglalaro. Maaaring isipin na ang gagawin mo lamang ay ang pag-pindot ng mga hinahanap na bagay. Ngunit, hindi nagtatapos dito ang lahat. Kung nais mong mas mapabilis ang paglikom ng pera, kailangan din ang iyong bilis. Kapag mas mabilis mong nahanap at napindot kaagad ng hidden objects, may bonus points na siyang ibibigay sa iyo upang mas mapalaki pa ang iyong puntos. Kapag naman tama kaagad lahat ang iyong mga napindot, magkakaroon ka ng accuracy points. Mas malaking puntos na meron ka, mas malaking coins at rewards din ang ibibigay sa iyo. Kung ikaw naman ay nag-aalala dahil hindi matalas ang iyong mata, huwag pa ring mawalan ng pag-asa dahil may hint button namang maaaring pindutin upang makatulong sa iyong paghahanap. May kaukulang puntos din na ibibigay sa iyo kapag madalang lang ang paggamit nito. Masasabing may kahirapan ang paglalaro ngunit may katumbas naman itong game features upang makatulong. 

Kalamangan at Kahinaan

Kung ikaw ay tagahanga ng mga larong may retro o old money na vibes, tiyak na matutuwa ka rito. Isa sa mga tumatak sa akin sa larong ito ay ang graphic designs na ipinapakita ang arkitektura at tema noong taong 1920s hanggang 1930s. Alinsunod ang ganitong konsepto sa lahat ng parte ng laro kung kaya naman ay masasaksihan mo talaga ang kaibahan ng disenyo ng mga lugar at kasuotan ng mga tao sa nakaraan at sa panahon ngayon. Napakaswabe rin ng paglalahad ng kwento dahil kada yugto na iyong makukumpleto ay may kasunod na mga senaryo upang mas maintindihan ang mga nangyayari. Kaya kung gameplay ang pag-uusapan, talagang masasabi na tama lang ito at walang problema. 

Ang tanging kahinaan na siyang napansin ko sa laro ay ang makupad na paraan ng pagkolekta ng rewards at coins dahil hindi masyadong malaki ang ibinibigay sa laro. Dahil dito, hindi ka kaagad makakapagpatayo ng isang buong isla. Magiging mahirap din ang pagpapalago nito kung kaya ay mahirap makalikom ng prestige upang makausad sa ibang levels ng kwento. Base rin sa mga komento ng ibang manlalaro, may mga pagkakataon na kailangang gumamit ng totoong pera upang makabili ng mga dekorasyon at materyales. Kung walang problema sa iyo ang ganito, maaari mo itong gawin. Kung hindi naman ay mabuting taasan na lang ang iyong pasensya sa paglalaro.

Konklusyon

Sa kabuuan, mayroong 4.5 na ratings ang Pearl’s Peril sa Google Play Store at 4.6 naman sa App Store. Mataas ang mga markang ito at masasabing dahil pa rin ito sa potensyal ng laro bagaman may ilang kahinaan. Kaya naman, kung ikaw ay interesado sa pagtuklas ng isang misteryo sa pamamagitan ng paghahanap ng hidden objects, subukan na at i-download itong Pearl’s Peril – Hidden Objects! 

Leave a Comment

Login
Loading...
Sign Up
Loading...