Minsan ka bang naging tagasubaybay o tagahanga ng isang YouTube comedian philanthropist na si Felix Arvid Ulf Kjellberg o mas kilala bilang PewDiePie? Kung oo, sigurado akong magugustuhan mo ang larong ito. Ito ay nilikha ng Outerminds Inc., isang video game developer mula sa Montreal, Canada na nakikipag-collab sa mga sikat na internet influencers upang makagawa ng laro. Nagsimulang maitatag ang kumpanya noong 2014 at may limang laro na silang inilabas sa Google Play Store hanggang ngayon.
Ang isa sa larong ginawa ng Outerminds Inc., ay ang PewDiePie’s Tuber Simulator. Opisyal itong inilabas noong Setyembre 2016 at may bagong update ngayong Mayo 2022. Ito ay isang simulation game na may single-player mode. Ibig sabihin ang larong ito ay nakabase sa totoong karakter ni PewDiePie na naka-set sa tila totoong mundo. Ito rin ay itinuturing na bahagi ng management at tycoon games sa Play Store.
Ang larong ito ay tungkol sa karakter ni PewDiePie na isang streamer na gumagawa ng iba’t ibang content sa YouTube. Sa larong ito, ikaw ay gagawa rin ng mga videos upang kumita ng pera. Handa ka na bang maging isang YouTuber tulad ni PewDiePie? Kung oo, basahin ang buong artikulo upang malaman ang iba pang impormasyon na makatutulong sa iyo.
Contents
Features ng PewDiePie’s Tuber Simulator
Tuber Ranking – Sa larong ito maaari ka ring mapasama sa ranggo ng isa sa mga magagaling na Tuber sa PewDiePie’s Tuber Simulator. Kailangan mo lang makakuha ng maraming followers at views sa pamamagitan ng paggawa ng content videos sa laro.
Quests – Bukod sa paglalaro mayroon ka ding misyon na dapat isakatapuran sa PewDiePie’s Tuber Simulator. Gawin ang mga nakatala sa quests kapag ikaw ay naglalaro upang makakuha ng extra item at premyo mula rito.
Add friends – Maaari ka ring magkaroon ng mga kaibigan sa paglalaro ng PewDiePie’s Tuber Simulator. Pindutin lang ang add friend at hanapin kung sinong mga Tuber ang nais mo. Maaari kang makatanggap ng regalo mula sa kanila at pwedeng ikaw rin ang magpadala ng regalo sa mga kaibigan mo.
Events – Bukod sa paglalaro, mayroon ding iba’t ibang event ang PewDiePie’s Tuber Simulator. Maaari kang sumali at makilahok sa Season Ranking, Quests for Fire at sa marami pang iba.
Store – Ang PewDiePie’s Tuber Simulator ay mayroon ding sariling tindahan ng mga item. Sa store ng laro, maaari kang bumili gamit ang Bux sa laro at ang totoong pera. Ang ilan sa mga item na pwede mong makuha ay ang Lit Pack, Hungry Pack, Cooking & Food Pack, Bux Stack, Bux Envelope, Bux Case, mga limited time offer na item at marami pang iba.
Saan pwedeng i-download ang PewDiePie’s Tuber Simulator?
Kung nais makuha ang larong ito, narito ang mga link ng laro. I-click lamang ang mga link sa ibaba para i-download ang laro depende sa ginagamit na device:
Download PewDiePie’s Tuber Simulator on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.outerminds.tubular
Download PewDiePie’s Tuber Simulator on iOS https://apps.apple.com/us/app/pewdiepies-tuber-simulator/id1093190533
Download PewDiePie’s Tuber Simulator on PC https://www.bluestacks.com/apps/casual/pewdiepie-s-tuber-simulator-on-pc.html
Para ma-download ang laro, kailangan mo ng data o internet connection para makuha ito. Pagkatapos, i-click lamang ang link, pindutin ang Install button at hintaying umabot sa 100% ang pagda-download. Kapag tapos na, maaari mo nang buksan at laruin ito.
Tips at Tricks kung nais laruin ang PewDiePie’s Tuber Simulator
Para sa mga bago at nagnanais na laruin ang PewDiePie’s Tuber Simulator, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo.
Kung ikaw naman ay bagong manlalaro at hindi alam kung paano magsisimula, mayroong tutorial stage ang larong ito. Sundin lamang ang mga itinuturo at basahing mabuti ang sinasabi sa direksyon. Maikli lang ang tutorial mode ng laro kaya naman makakapaglaro ka agad ng PewDiePie’s Tuber Simulator sa iyong sariling paraan.
Pagdating naman sa paglalaro ng larong ito, kailangan mo lang mag-stream at makakuha ng maraming views katulad ng ginagawa ni PewDiePie bilang isang YouTuber. Para magawa iyon, pumunta lang sa “Make A Video” mode ng laro at pindutin ang mga content na nais mong gawin. Mas maraming views madadagdagan rin ang mga followers ng iyong channel. Maaari ka ring mag-isip kung anong Channel Name ang nais mo sa iyong account upang makita ito ng ibang manlalaro o ng mga kaibigan na nais kang i-add friend sa laro. Umisip ng kakaiba at bagong pangalan upang hindi magkatulad sa iba.
Bukod sa paggawa ng content videos bilang isang Tuber sa PewDiePie’s Tuber Simulator, kailangan mo rin pagandahin ang iyong kwarto o lugar na pinaggagawan ng content. Maaari kang bumili sa store ng laro kung anong mga disenyong nais mo. Mayroon mga lamesa, upuan, bintana, halaman, ilaw, at iba pang mga bagay na maaari mong ilagay sa iyong lugar. Maaari mo itong ibahagi sa publiko at mapasama sa Room Events. Ang ibang mga item ay naka-lock pa, para mabuksan maglaro lamang at mag-ipon ng maraming views upang mabuksan ang mga item.
Ang isa sa paraan upang mapabilis mo ang pagdami ng views at followers ng iyong Channel, mag-avail ng mga item sa Knowledge Tree. Mamili kung anong promo o package ang nais mong i-avail upang doble o triple agad ang views na makuha mo. Ngunit kung hindi ka naman nagmamadali, maglaro lang at magparami ng views sa videos na nais mo. Tandaan, ang pagkapanalo mo sa laban ay nakasalalay pa rin sa istilo ng iyong paglalaro. Mag-enjoy lang sa paglalaro at gamitin ito upang libangan.
Pros at Cons ng PewDiePie’s Tuber Simulator
Para sa Laro Reviews, ang PewDiePie’s Tuber Simulator ay isang mahusay na larong ginawa ng Outerminds Inc. Tiyak kong marami ang tumatangkilik nito hanggang ngayon dahil sa sikat na YouTube comedian philanthropist na si PewDiePie. Lalo na ngayon huminto muna ang YouTuber sa paggawa ng videos, marami rin ang nakaka-miss sa kanya at ang isa sa magandang paraan upang maalala siya ay maglaro nito. Bukod sa konektado ito sa sikat na personalidad, ang ginamit rin na boses sa karakter ng laro ay mismong si PewDiePie. Mararamdaman mo talaga na parang nanonood ka lang ng mga videos niyang ginawa noon. Nakakatawa pa rin at nakakaaliw ang mga linyahan gaya ng dati.
Dagdag pa rito, maganda rin ang disenyo ng graphics na ginamit sa laro. Ang PewDiePie’s Tuber Simulator ay gumamit ng pixel art sa kanilang laro. Ang mga imahe at videos ay nasa anyong pixel kaya naman mararamdaman mo talagang naglalaro ka ng isang video game. Maaari rin itong laruin ng mga batang edad tatlo pataas dahil wala itong marahas na nilalaman na nakakaapekto sa isipan ng bawat indibidwal. Sigurado akong kaaaliwan itong laruin ng lahat lalo na ng mga tagahanga ni PewDiePie.
Nakatanggap rin ng iba’t ibang reviews ang larong ito sa Google Play Store. Ayon sa mga komento, gustung-gusto nila ito dahil sa mahusay na graphics at madaling gameplay ng laro. Tinawag rin nila itong “amazing”, “very rewarding”, “fun”, “superb game”, at “interesting to play”. Umani ng maraming papuri ang laro kaya mataas rin ang ratings na nakuha nito. Subalit may mga nagkomento rin ng hindi maganda sa laro. Ayon sa kanilang karanasan, may error daw sa pag-log in gamit ang kanilang Facebook account at hindi raw nagsa-save ang data nila sa laro. May lags at glitches rin daw ang ibang manlalaro na napansin dito.
Sa larong ito, maaari ka ring bumili ng mga in-app products gamit ang totoong pera. Ang mga item na ito ay nagkakahalaga ng ₱59 hanggang ₱4,800 kada item. Subalit pwede mo namang i-disable ang feature na ito at i-off sa iyong setting sa pagbili kung ayaw mong gumastos.
Konklusyon
Sa ngayon, mayroon na rin itong 4.8/5 stars ratings sa Google Play Store. Umabot na rin sa mahigit 10 milyong downloads ang larong ito at may mahigit 2 milyong reviews ang naitala. May iba pang larong nilikha ang Outerminds Inc., na tungkol rin kay PewDiePie katulad ng PewDiePie: Legend of Brofist at iba pa. Kaya kung gusto mong masubukan itong laruin at malaman ang iba pang impormasyon tungkol dito, i-download mo na ang PewDiePie’s Tuber Simulator sa iyong device!
- 0 Comment
- Casual Game Apps, Reviews
- July 25, 2022