Pocket Battles – War Strategy Review

Naranasan mo na bang maglaro ng isang strategy game na kapag inumpisahan mo na itong laruin, nahihirapan ka nang tumigil sapagkat naaadik ka sa paglalaro? Kung hindi pa, ipinapakilala ng Laro Reviews ang Pocket Battles – War Strategy, isang mobile game na iyong kahuhumalingan. Ngunit ano nga ba ang mayroon sa laro at paano ito naiiba sa iba pang uri ng strategy game?

Ang Pocket Battles – War Strategy ay isang typical na uri ng strategy game. Ngunit ang larong ito ay nagtataglay ng mga level-up na game modes na hindi mo makikita sa ibang laro. Gamit ang iyong mga soldier at hero, lalabanan mo ang hukbo ng mga halimaw sa isang battle board. Upang manalo sa bawat laban, kailangan mo ang tulong ng upgrades upang higit na mas mapalakas ang pwersa ng iyong hukbo laban sa malalakas na halimaw.

Sa karagdagan, ang larong ito ay mayroong dalawang pangunahing game modes. Una ang Campaign mode at pangalawa ang Challenge mode kung saan binubuo ito Boss Rivals, Arena, Legends Tower, at Battle Camp. Upang manalo sa larong ito, layunin mong palakasin nang palakasin ang iyong mga hero at soldier upang magawa nilang matalo ang sino mang makakaharap na mga kalaban.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at trick na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Sa pagsisimula ng laro, kailangan mo lamang mapadami ang bilang ng iyong mga soldier at hero upang nang sa ganun ay magawa nilang pantayan ang dami ng mga kalaban. Ilagay sa harap ang iyong mga mandirigma na may hawak ng espada at mga kalasag. Samantala, ilagay naman ang iyong mga archer sa likod ng battle board upang magawa nilang pumana ng mga kalaban sa loob ng mas mahabang panahon.

Kapag umuusad sa laro, mas lalo ring dadami ang pagkakataon mo na makakolekta ng mga hero at soldier. Ngunit hindi sukatan ang dami ng iyong hukbo upang manalo sa larong ito, bagkus pag-isahin ang mga soldier na magkasing-uri at may parehong star rating upang makabuo ng panibagong mas malakas na sundalo. Halimbawa, kapag mayroon kang dalawang Archangel na may parehong tig-isang star, pag-isahin ang mga ito upang makabuo ng isang Archangel na may dalawang star rating. Ang hero, o soldier na mayroong mas maraming star ay siya ring mas malakas.

Maliban sa mga soldier, sa iyong mga hero kadalasan nakasalalay ang iyong panalo sa laro. Ang mga hero ay higit na mas malalaki at mas malalakas kaysa sa mga soldier kaya hindi maitatanggi na sila ang itinuturing na star player sa bawat laban. Ang ilan sa malalakas na hero na dapat mong makuha sa laro ay ang mga sumusunod: Una, ang The Leviathan – Lance, ang hero na ito ay may kakayahang i-summon ang kumpol-kumpol na mga espada mula sa kalaliman ng baybayin at kung sino mang mga kalaban ang malapit sa pwesto nito ay tiyak na agad na mamamatay. Pangalawa, The Wolf Prince – William, tunay na kahanga-hanga ang hero na ito dahil kapag nagpakitang gilas na ito, walang awa nitong inaatake ang mga kalaban mula sa likuran hanggang sa mamatay ang mga ito. Pagkatapos nitong makapatay ng isang kalaban, mabilis nitong isusunod ang iba pang kalaban hanggang sa wala ng matira sa kanila kahit isa. Pangatlo, Queen of Evil-lilith, kaya nitong gumawa ng blood storms na may kakayahang pira-pirasuhin ang bawat parte ng katawan ng mga kalaban. Bukod sa mga ito, Hindi niyo rin maaaring makalimutang gamitin sina Rockstar-Axl, Legendary Knight-Sir George, Moon Huntress – Diana, at Alchemist-Nikola dahil ang mga ito ang itinuturing na pinakamalalakas na hero sa larong ito.

Upang mapalabas ang skills ng iyong mga hero, kailangang mo lamang pindutin ang kanilang card na matatagpuan sa gilid ng board kapag umilaw ang mga ito. Maaari mo itong pindutin ng manu-mano, ngunit maaari mo rin namang gamitin ang auto-click sakaling na-unlock mo na ang feature na ito upang hindi ka na pindot pa nang pindot sa screen ng iyong device.

Sa Campaign mode, wala kang ibang gagawin kung hindi panooring durugin ng iyong hukbo ang mga kalaban nila. Tiyakin lamang na malalakas na uri ng mga soldier at isang level up na hero ang bumubuo sa iyong hukbo. Pagdating naman sa Challenge mode, maraming laban kang dapat paghandaan. Ngunit higit na masusubok ang iyong katatagan sa Arena dahil makakaharap mo sa laban na ito ang mga malalakas na uri ng players. Gayundin, ang Battle Camp ang maituturing na pinakamahirap sa lahat sapagkat magagawa mo lamang manalo sa game mode na ito kapag ang iyong hukbo ay binubuo ng puro upgraded na mga hero at soldier.

Mga Feature ng Laro

  • Territory – Sa feature na ito ng laro mo magagawang mag-recruit ng karagdagang heroes at soldiers.
  • Challenge Mode – Bukod sa pakikipaglaban mo sa mga halimaw upang mapangalagaan ang iyong kastilyo, kailangan mo ring matalo ang ibang manlalaro sa Arena, ang mga malalaking halimaw sa Boss Rivals, malalakas na uri ng hukbo sa Legends tower at marami pang iba.
  • Quest – Maliban sa daily quest, ang larong ito ay mayroon ding weekly quest. Gawin lamang ang mga ipinapagawa ng laro upang tuloy-tuloy rin ang iyong pagtanggap ng mga reward.
  • Chest Monster – Ang in-game character na ito ang namamahala sa pagkolekta ng mga loot na iyong nakukuha sa laro, kaya hindi mo na kailangan pang maglaan ng oras para lamang sa pangangalap ng iyong mga reward.
  • Lucky Wheel – Paikutin lamang ito upang magkaroon ng tsansang makatanggap ng libreng coins, cards at crystals.
  • Swift Rewards – Gamitin naman ito upang makatanggap ka ng 180 minutes worth of rewards. Subalit tandaan na upang ma-activate ito, kailangan mo ring bumayad gamit ang iyong mga crystal.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user, at i-download naman ang laro gamit ang GameLoop Android emulator para malaro ito sa PC. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Pocket Battles – War Strategy on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.infinitenessio.battle.artist&gl=us

Download Pocket Battles – War Strategy on iOS https://apps.apple.com/mm/app/pocket-battles-war-heroes/id1592039962

Download Pocket Battles – War Strategy on PC https://www.gameloop.com/ph/game/casual/com.infinitenessio.battle.artist

Pros at Cons ng Laro

Subukan mo man sigurong laruin ang lahat ng uri ng war strategy game, buo pa rin ang paniniwala ng Laro Reviews na kung hindi man ang Pocket Battles – War Strategy ang pinakamaganda sa lahat, tiyak na pasok ito sa listahan ng mga larong dapat maranasan ng sinumang manlalaro sapagkat kapag naumpisahan mo na itong laruin, hindi isang pagsisinungaling na sabihin ng Laro Reviews na mahihirapan ka nang tumigil sa paglalaro dahil gugustuhin mo na lamang na tuloy-tuloy itong malaro hanggang sa ma-drain ang battery ng iyong device.

Sa karagdagan, wala ring maipipintas sa gameplay ng laro. Katunayan, ito pa nga ang dapat na gawing basehan ng ibang game developer upang makagawa rin sila ng dekalidad na uri ng gameplay kung saan hindi nagiging problema ang paggamit sa control, maayos ang pagkakalatag sa mga visual effect at higit sa lahat, hindi minadali ang pagkakagawa sa mga feature nito.

Sa kabilang banda, kung mayroon mang negatibong katangian ang larong ito, marahil wala ng iba pa kung hindi ang napakamahal na presyo ng upgrades kaya kung wala kang sapat na pera, o kung ayaw mong gumastos para bumili ng upgrades, imposibleng malampasan mo ang matataas na level sa larong ito lalo na sa Challenge mode kung saan hindi basta-basta ang iyong magiging kalaban.

Konklusyon

Walang pinipiling edad o kasarian ang larong Pocket Battles – War Strategy kaya lahat ay pwedeng-pwedeng maglaro nito. Gayundin, maaari itong laruin ng mga batang manlalaro hanggat may mga magulang, o nakakatanda na nagpapatnubay sa kanila habang naglalaro. Kung sa tingin mo ay ito na ang larong pinakahihintay mo, huwag ka nang magdalawang-isip pa na subukan itong laruin dahil wala namang mawawala sa iyo kapag sinubukan mo ito. Hanapin lamang ang laro sa angkop na digital marketplace para sa iyong device at i-download ito.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...