RPG Marenian Tavern Story Review

Hindi lamang ito tungkol sa pagluluto ng iba’t ibang putahe dahil ang larong ito ay tuturuan ka ring dumiskarte at maging matiyaga sa paghahanap ng iyong mga sangkap. Ang larong ito ay tinatawag na [Premium] RPG Marenian Tavern Story, isang role playing game na nilikha ng Rigeon at na-publish ng KEMCO. Kung hilig mo ang pagluluto at nais mong sumubok ng isang laro kung saan pwede mong magamit ang kasanayan mo pagdating dito, maaari mong subukan ang larong ito.

Bago magsimula ang laro ay isa munang maikling kwento ang ipakikita rito gaya ng ilan sa mga usapan ng magkapatid na sina Patty at Gino kasama ang kanilang butler na si Romano hanggang sa kung paano aksidenteng nasira ni Gino ang isang monumentong siyang dahilan kung bakit nakawala ang isang maliit at puting nilalang na sinasabing God of Poverty na si Coco. Sa paglaya ni Coco, sunud-sunod ang hindi magagandang pangyayari ang dumating kina Gino at Patty. Nawalan ang mga ito ng tirahan at biglaang nalubog sa utang. Upang mabalik ang mga nawala sa kanila, isa sa mga misyon nila ang magluto ng iba’t ibang putahe at ipatikim ito kay Coco.

Simple lamang ang gameplay ng laro dahil nahahati lamang ito sa tatlong bahagi kung saan kailangan mong maglibot sa iyong sariling bayan upang maghanap ng sangkap para sa iyong lulutuin. Maaari ka ring lumuwas sa ibang bayan kung may pagkakataong wala sa loob ng inyong bayan ang hinahanap mong sangkap. Asahan mong may mga labanan kang pagdaraanan para lamang makumpleto ang iyong gagamitin sa pagluluto. Sa oras na matapos ka na sa pangangalap ng sangkap, maaari ka nang umuwi para lutuin ito at ibenta.

RPG Marenian Tavern Story - Laro Reviews

RPG Marenian Tavern Story – Laro Reviews

Features ng [Premium] RPG Marenian Tavern Story

Coco – Umiikot ang laro dahil sa karakter ni Coco bilang isang God of Poverty. Isa siya sa mga rason kung bakit may mission ang laro. Kung papakainin mong lagi si Coco ng pagkaing nais niyang kainin, malaki ang tiyansang bigyan ka nito ng reward. Sa ganitong paraan din, nababawasan ang kapangyarihan ni Coco.

Tavern – Dito makikita ang ilan sa mga impormasyon patungkol sa laro tulad ng iyong progress sa iyong mga benta, bilang ng pera, bilang ng customer, jewel at maging ang status ng pagpapakain mo kay Coco.

Encyclopedia – Dito nakalista ang ilang mga impormasyon tungkol sa mga gamit na iyong kakailanganin, lokasyon kung saan ka makakikita ng iyong mga ingredients maging tungkol sa mga monster na iyong makakalaban sa laro.

Map – Makikita ang kabuuang lupain na pwede mong pagkuhanan ng ilang mga ingredients na iyong kailangan sa pagluluto.

Sales – Isa sa pinakahighlight ng laro ay ang pagbebenta mo ng sarili mong produkto gaya ng niluluto mong mga pagkain. Dito rin makikita kung alin ang mabenta depende sa panahon at paborito ng mga mamimili.

Battle – Kasama sa larong ito ang pagkakaroon ng labanan kung saan nangangailangan ng spell o skills upang manalo. Kalimitang sandali lamang nangyayari ang bawat labanan. 

Enemy – Mayroong sampu o higit pang klase ng iyong mga kalaban dito kapalit ang mga ingredients kapag nanalo ka.

Shop – Dito mo mabibili ang ilan sa mga item na maaari mong gamitin upang makausad sa laro gaya ng recipe, jewels, equipments sa pagluluto at iba pa.

Recipe – Kumpletong listahan ng mga maaari mong lutuin at ibenta. Maaari itong mabili sa shop o kolektahin mula sa mga taong makakasalamuha mo sa laro.

Premium offer – Kung nais mong laruin ang Marenian Tavern Story sa premium nitong version, mayroon ka na agad matatanggap na 100 jewels. Ang mga jewel na ito ay magagamit mo upang makabili ng mga item na kakailanganin mo sa laro. Bukod dito, magagawa mo ring ulitin ang mga labanan sakaling matalo ka rito.

RPG Marenian Tavern Story - Laro Reviews

RPG Marenian Tavern Story – Laro Reviews

Saan maaaring i-download ang [Premium] RPG Marenian Tavern Story?

I-click lamang ang mga link sa ibaba depende sa device na gamit:

  • Download [Premium] RPG Marenian Tavern Story on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=kemco.rideonjapan.mareniabarpremium
  • Download [Premium] RPG Marenian Tavern Story on iOS https://apps.apple.com/us/app/rpg-marenian-tavern-story/id1358225455

Tips at Tricks sa Paglalaro ng [Premium] RPG Marenian Tavern Story

Narito ang ilan sa mga tips mula sa Laro Reviews na maaaring makatulong sa iyo upang makausad sa larong ito.

Isang mainam na isipin palagi ang mga dapat lutuin na putahe at idepende ito lagi sa panahon. Kung malamig, maaaring maiinit na pagkain o may mga sabaw ang nais bilhin ng mga kostumer kaya iyon ang dapat mong lutuin. Obserbahan ding lagi ang sale ng bawat putaheng binebenta. Maaari mong gawing basehan ang sale chart para rito. Itira ang mga putaheng mabenta at alisin ang mga hindi gaanong tinatangkilik. Ibalik lamang ang nawala kung sakaling hindi na mabenta ang iyong mga itinira. Mainam na laging subukan na magkaroon o mag-imbento ng mga bagong putahe upang may laging bagong natitikman ang mga kostumer.

Pagdating sa pangangalap ng mga kailangang ingredients sa pagluluto, mayroong available na option para sa larong ito kung saan maaari mo nang i-skip ang mahabang proseso ng paghahanap ng ingredients sa iba’t ibang lugar. Maaari mo itong gamitin nang isang beses sa isang araw lamang. Ganun pa man, isang magandang estratehiya na gamitin lamang ito kung kinakailangan o kung nasa kritikal na kondisyon ang iyong nilalaro at kailangan mo agad ng mabilis na proseso para agapan ito. Mayroong mga ingredients na kalimitang mahahanap mo lamang sa labas ng iyong bayan at iyon ang masasabing highlight ng larong ito dahil mararanasan mo ang kakaibang pakikipagsapalaran gaya ng labanan. Tandaan na sa bawat napapanalong laban, mayroon itong kapalit na reward gaya ng jewel. Mahalaga ang jewel sa larong ito dahil maaari mong gamitin ito upang makausad sa laro.

Related Posts:

Human: Fall Flat Review

60 Seconds! Reatomized Review

RPG Marenian Tavern Story - Laro Reviews

RPG Marenian Tavern Story – Laro Reviews

Pros at Cons ng [Premium] RPG Marenian Tavern Story

Ang [Premium] Marenian Tavern Story ay mayroong mala-anime na graphics pagdating sa itsura ng mga tauhan dito. Una mo itong mapapansin at walang dudang mamamangha ka rito habang pinapanood ang mahabang kwento na nasa simula nito bago ang aktwal na laro. Agaw-pansin din maging ang mga detalyeng nilagay sa bawat lugar, sa buong siyudad at sa bawat loob ng bahay partikular na sa mansion. Ngunit kahit ganun, kung papansinin ang facial expressions ng bawat karakter, may mga pagkakataong hindi ito tumutugma sa bawat dialogue na makikita rito. Halimbawa nito ay ang pananatili ng sad face kahit na pagalit na ang tono ng dialogue na narito.

Maganda rin ang storyline na mayroon ang larong ito na talaga namang detalyadong kinuwento sa simula pa lamang ng laro. Marahil ay upang maintindihan agad ng mga manlalaro kung ano ang kanilang nilalaro. Mahaba iyon at aaminin kong may mga parte doon na mas mainam na hindi na lamang sinama pa o pinaikli na lamang dahil may pagka-dull ang mga iyon. May mga parte rin naman na mahalaga ngunit hindi na nag-atubili pang isama gaya na lamang ng pagsabi ni Patty ng rason kung bakit ito nasa lugar nina Erika at Dante.

Tumpak din naman maging ang ilan sa mga nilapat na tunog sa larong ito. Tama lang ang nilagay nilang tunog pagdating sa bawat labanan, sa mga eksenang may mabibigat na mood, sa mga rebelasyon at kahit yung mga simpleng senaryo lang. Iilan lamang ang masasabi mong hindi tugma at hindi mo iyon agad mapapansin dahil para bang mapapaindak ka pa rin dahil masarap pa ring pakinggan ang mga ito.

Pahapyaw din ang bawat tutorial dito kaya hindi ka maguguluhan kung lalaruin mo na ito partikular na sa mga challenge. Pagdating naman sa mga labanan, may ilang parte na kung titingnan mo ay madali lamang ngunit habang tumatagal ay pahirap din ng pahirap na dahilan kung bakit nakakaaliw ito.

Konklusyon

Kung papansinin ang focus ng laro, umiiikot lamang talaga ito sa pagkain; mula sa pangangalap ng ingredients, sa pagluluto nito hanggang sa pagbebenta. Kaya naman, isa ang larong ito sa inirerekomenda ng Laro Reviews na laruin ng mga taong may hilig sa pagluluto. Ngunit hindi nito ibig sabihin na hindi ito para sa lahat dahil nagluluto ka man o hindi, maaaliw kang laruin ito. Kaya ano pang hinihintay mo? Subukan na ang [Premium] Marenian Tavern Story at magluto ng iba’t ibang putahe na nais mo. 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...