Ang Random Dice: Defense ay isang defense game kung saan ikaw ay makikipaglaban sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang kombinasyon ng DICE. Bilang isang maharlikang summoner, responsibilidad mong bumuo at pamunuan ang isang legion ng DICE para bantayan ang kastilyo laban sa mga halimaw na gustong makapasok sa iyong kaharian. Atakihin sila gamit ang iyong mga malalakas na combo attack at bigyan ng kapangyarihan ang iyong hukbo na talunin ang pinakahuling halimaw at ang mga kampon nito. Mangolekta ng Dice Ores para mapahusay ang iyong pwersa, makipagtulungan sa ibang manlalaro para mangolekta ng mga Card na kakailanganin upang mabuksan ang Card Chest, at siyasatin ang mundo ng Random Dice: Defense!
Contents
Ano ang layunin ng laro?
Sa larong ito, iisa lang ang layunin ng mga manlalaro: huwag hayaang pasukin ng mga kalaban ang iyong kaharian. Ang iyong pangunahing tungkulin dito ay ang magpatawag ng DICE at bumuo ng isang makapangyarihang hukbo upang labanan ang lahat ng mga kalaban sa arena. Ang mga kalaban ay pilit na aabutin ang iyong kaharian upang lusubin at kunin ang trono mula sa iyo. Hindi mo dapat hayaang mangyari ito, sa halip ay dapat mong gawin ang lahat ng iyong makakaya upang isabak ang makapangyarihang DICE, bumuo ng matapang na hukbo, at pahusayin ang kanilang kapangyarihan upang madaig ang mga mga kalaban na halimaw. Limitado lang ang buhay mo, kaya huwag mo itong sayangin. Good luck sa iyong paglalakbay, at nawa’y magtagumpay ang iyong DICE!
Paano ito laruin?
Ang gameplay mechanics ay madali lamang. Mayroon itong quick tutorial na magpapaliwanag lamang ng mga bagay na kailangan mong matutunan at ang iba pang feature nito ay maaaring ikaw na lamang ang tumuklas. Kaya, patuloy na basahin ang artikulong ito na ginawa ng Laro Reviews kung gusto mong malaman kung ano ang maaari mong madiskubre rito. Tulad ng naunang nasabi, ito ay isang defense game kung saan maaari mong gamitin ang iba’t ibang mga kumbinasyon ng DICE upang protektahan ang kastilyo. Ipatawag mo sila at pagsamahin sila para maging makapangyarihan.
I-tap mo lang ang icon ng dice sa ibaba para magpatawag ng DICE sa digmaan at kusa itong aatake sa mga kalaban. Maaari mong gamitin ang mga SP upang ipatawag ang DICE at maaari kang makakuha ng mga karagdagang SP sa pamamagitan ng pagtalo sa mga kalaban. Kung ang dalawang dice ng parehong uri at mga bilang ng tuldok ay pinagsama, sila ay magiging “Random” na DICE na dadagdag ng isang tuldok na bilang. Kung ang isang halimaw o kalaban ay nakalagpas sa finish line, mababawasan ka ng isang puso na nagsisilbing buhay mo sa laro. Matatalo ka sa laro kung wala ng pusong natitira. Kaya simulan na ang pagpapahusay at pag-upgrade sa kanila gamit ang mga SP na nakuha mo.
Ang laro ay may dalawang mode, maaari kang maglaro ng PVP o Co-op mode. Sa PVP, makikipagkumpitensya ka sa isang random na manlalaro. Mayroon ka lamang tatlong puso at kung naubos mo ang lahat ng ito, matatalo ka sa labanan. Ang isa pang mode ay ang Co-op, dito imbes na makipaglaban ka sa ibang player, ikaw ay makikipagtulungan para labanan ang mga halimaw at boss. Magkakaroon ng walang katapusang wave ng mga kalaban at ang iyong layunin ay hadlangan ang mga kalaban na maabot ang finish line. Makakatanggap ka rito ng Card na magagamit mo para buksan ang Card Chest. Maaari mo ring gamitin ang mga Dice Ore na iyong nakolekta upang palakasin ang iyong DICE.
Paano i-download ang laro?
Ang mga kinakailangan para matagumpay na ma-download ang Random Dice: Defense sa Android devices ay dapat Android 5.0 o mas mataas pang bersyon ang gamit. Para sa iOS users naman, makukuha ito gamit ang iPhone 6s o mas mataas na iOS sa 10.0. Ang makukuhang space ng app para sa Android ay 192 MB at 659.5 MB naman para sa iOS.
Maaari ring i-click ang mga link sa ibaba upang makapag-download:
Download Random Dice: Defense on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.percent.royaldice
Download Random Dice: Defense on iOS https://apps.apple.com/us/app/random-dice-defense/id1462877149
Download Random Dice: Defense on PC https://www.bluestacks.com/apps/strategy/random-dice-on-pc.html
Hakbang sa paggawa ng account sa larong Random Dice: Defense
- Hanapin ang anumang App Store na makikita sa inyong mga device.
- Hanapin ang bersyon ng larong Random Dice: Defense pagkatapos ay i-download at i-install ito.
- Buksan ang app at i-connect ito sa iyong Google Play account.
- Ang data ng laro ay maiingatan o masi-save kung ili-link mo ito sa isang account.
- Maaari mo na ngayong umpisahan ang paglalaro ng Random Dice: Defense!
Tips at tricks sa paglalaro ng Random Dice: Defense
Alam naman natin na ang laro ay sadyang simple lamang laruin ngunit ito ay nananatiling mapanghamon para sa mga manlalaro. Kaya nandito ang Laro Reviews para gabayan at bigyan ka ng ilang diskarte sa paglalaro nito. Una mong dapat isipin ay kung anong kulay ng DICE ang dapat mong i-upgrade. Sa ibaba ng iyong screen ay makikita mo ang iba’t ibang kulay ng Card. Kapag ito’y iyong pinindot ay magle-level up ang DICE. Kailangan mong i-level up ang kulay ng DICE na madalas lumabas. Ang bawat pag-level up ay nagkakahalaga ng SP na kakailanganin mo rin sa paglalagay ng DICE sa labanan kaya dapat isipin mong mabuti anong kulay ang mas dapat i-upgrade para di masayang ang paggamit ng SP.
Related Posts:
Tandaan na ang pag-merge ng mga DICE ay nagreresulta sa isang RANDOM DICE na ang ibig sabihin ay magbabago ang kulay nito at hindi mo ito mahuhulaan. Kaya sa buong laro ay masusubok ang iyong isip, kaya ang kailangan mo lang gawin ay patuloy lang mag-merge para makapag-summon ka pa ng DICE. Maaari mo rin gamitin ang Dice Ores para ma-upgrade ang DICE. May Daily Quests at Card Chests kung saan maaari kang makakakuha ng mga kakaibang items at rewards na maaari mong gamitin sa pag-upgrade. Dalasan mo rin ang paglalaro sa Co-op mode para manalo ng Card na maaari mo gamitin para mabuksan ang Card Chest.
Pros at cons sa paglalaro ng Random Dice: Defense
Siguradong mapapamangha ka sa hatid nitong entertainment at saya sa mga manlalaro. Mayroon itong mga nakakabilib na features na tiyak mong kakaadikan dahil sa simpleng gameplay mechanics nito pero mapanghamon sa maraming paraan. Tulad na lamang kapag nagme-merge ka ng DICE ay hindi mo mahuhulaan kung anong kulay ang lalabas at pagdating sa pag-a-upgrade ay kailangan din pag-isipan mabuti. Ang isip mo ay siguradong mahahamon sa paglalaro nito. Mayroon itong dalawang mode, ito ay PVP at Co-op. Maaari mong yayain ang iyong mga kaibigan makipaglaro sayo dahil mayroon itong opsyon kung saan maaari kang makipaglaro sa random na manlalaro o i-customize ito. Maaari ka rin mag-send ng mga cute na emoticon sa iyong kalaban. Mayroon din itong iba’t ibang effects ng atake ng DICE na maaari mong makuha habang umuusad ka sa laro.
Pagdating naman sa visual graphics ng laro, ito ay simple lamang at malinaw ang pagkakagawa. Hindi malabo o magulo ang pagkakalagay ng mga feature ng laro at madali mo itong maiintindihan. Ang labanan ay hindi ganoon ka-intense, ang mga DICE ang magsisilbing tagapagtanggol ng iyong kaharian. Ang sound effects naman nito ay maganda naman na nailapat sa laro. Bagay na bagay ito sa tema ng laro at hindi gaanong maingay at nakakairita pakinggan. Simpleng tunog lamang ng mga atake ng DICE na tumatama sa kalaban ang karaniwan mong maririnig at ang background sound nito na simple lang din.
Ito ay magandang libangan para sa mga bata at maging sa matatanda. Available ito sa mga App Store at maaaring i-download ng mga Android, iOS, at PC users. Ang tangi lang na nakakaapekto sa performance nito ay ang madalas na pag-loading lalo na kapag kukuha ka na ng rewards. Madalas itong mag-loading kahit na malakas naman ang koneksyon ng internet. Kailangan ay magawan ng mga developer ito ng solusyon upang makapaghatid pa ng magandang gameplay experience sa mga manlalaro.
Konklusyon
Ang Laro Reviews ay napabilib sa mga kamangha-mangha nitong feature na tiyak na maghahatid ng saya sa mga manlalaro. Siguradong ito ay iyong kaaadikan dahil sa simpleng mekaniks nito. Magrelax habang nilalaro ang Random Dice: Defense at hinding-hindi ka nito bibiguin na pasiglahin ang iyong araw.
- 0 Comment
- Casual Game Apps, Reviews
- April 25, 2022