Sci Farm: Space Village Life Review

Para sa mga naghahanap ng magandang simulation game na tungkol sa farming at city building, sigurado akong magugustuhan ninyo ang larong ito. Ito ay nilikha ng Eternal Nova, isang worldwide publishing game studio na itinatag ni Hadi Doayi. Layunin nilang gumawa ng larong may matataas na kalidad para sa mga manlalaro. Nais din nilang makapaghatid ng masayang karanasan sa bawat indibidwal na mahilig maglaro. Ang unang larong kanilang nilikha ay ang Sci Farm: Space Village Life. Opisyal itong inilabas noong Mayo 2019 at patuloy na nakilala ng mga manlalaro hanggang ngayon.

Ang Sci Farm: Space Village Life ay isang casual simulation game na may single-player mode. Ang larong ito ay umiikot sa kwentong nagsimula noong 2470 ng may isang malaking bulalakaw na tumama sa daigdig. Kaya naman naitatag ang organisasyong nagkaroon ng sakahan sa mga space station at doon nagsimula ang sci-farm. Ito ay tungkol sa pagtatanim at pag-aani ng mga pagkain sa isang sakahang nasa kalawakan. Ikaw rin ay nag-aalaga ng mga iba’t ibang hayop sa iyong munting palayan katulad sa totoong kaganapan sa isang bukirin. Sa pamamagitan ng iyong mga pananim at pag-aalaga ng hayop, ikaw ay kumikita ng pera mula rito.

Ngayong Hunyo 2022, naglabas ang Eternal Nova ng kanilang bagong updates sa Sci Farm: Space Village Life. Nadagdagan ng iba pang lenggwahe ang laro bilang opsyon sa mga manlalaro mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Mayroon ding bagong feature ito na sigurado akong magugustuhan mo. Handa ka na bang mamahala ng isang sakahan at mag-ani ng iyong mga itinanim at inalagaan? Kung handa ka na, basahin ang buong artikulo upang malaman ang iba pang impormasyon na makakatulong sa iyo.

Features ng Sci Farm: Space Village Life

Spaceship stations – Sa larong Sci Farm: Space Village Life, maaari kang magpatayo ng mahigit sa 30 istasyon para sa iyong sakahan. Malaya kang magdisenyo ng iyong spaceship station at city depende sa iyong nais. Diskubrehin ang kalawakan at magtatag ng maraming sakahan.

Buy and Sell – Ang Sci Farm: Space Village Life ay mayroon ding buy and sell. Maari kang magbenta ng iyong mga produkto at pwede ka ring bumili sa ibang manlalaro. Sa ganitong paraan, maaari kang kumita ng pera at makabili ng ibang item mula sa sakahan ng iba.

Chat – Sa larong ito, maaari kang makipagpalitan ng mensahe sa ibang manlalaro. Pwede mo ring tingnan ang kanilang spaceship stations at i-like ito. Bukod pa riyan, maaari ka ring magpadala ng regalo sa kanila at makilahok sa mga coop event.

Lenggwahe – Ang Sci Farm: Space Village Life ay maaari mong laruin depende sa lenggwaheng angkop sa iyo. Mahigit sa limang wika na ang pwede mong pagpilian. Ang ilan sa mga ito ay ang Dansk, English, Deutsch, Korean at iba pa.

Saan pwedeng i-download ang Sci Farm: Space Village Life?

Kung nais makuha ang larong ito, narito ang mga link ng laro, i-click lamang ang mga link sa ibaba para i-download ang laro depende sa ginagamit na device:

Download Sci Farm: Space Village Life on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.tod.scifarm

Download Sci Farm: Space Village Life on iOS https://apps.apple.com/us/app/scifarm-space-zoo-farming/id1502266347

Download Sci Farm: Space Village Life on PC https://www.gameloop.com/game/casual/com.tod.scifarm

Para ma-download ang laro, kailangan mo ng data o internet connection para makuha ito. Pagkatapos, i-click lamang ang link, pindutin ang Install button at hintaying umabot sa 100% ang pagda-download. Kapag tapos na, maaari mo nang buksan at laruin ang Sci Farm: Space Village Life.

Tips at Tricks kung nais laruin ang Sci Farm: Space Village Life

Para sa mga bago at nagnanais na laruin ang Sci Farm: Space Village Life, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo. 

Kung ikaw ay bagong manlalaro at hindi alam kung paano magsisimula, mayroong tutorial stage ang larong ito. Sundin lamang ang mga itinuturo at basahing mabuti ang sinasabi sa direksyon. Ituturo sa iyo sa tutorial mode kung tungkol saan ang laro at kung paano ito laruin. Inirerekomenda sa mga baguhan na dumaan muna sa tutorial mode para sa mas magandang karanasan sa Sci Farm: Space Village Life.

Pagdating sa paglalaro ng Sci Farm: Space Village Life, kailangan mong magtanim ng mga gulay at prutas sa iyong sakahang nasa kalawakan. Maaari ka ring mag-alaga ng mga hayop bilang bahagi ng iyong bukirin. Gaya sa isang sakahan, maaari kang magtanim ng mga carrot, onions, dragon fruits, at iba pa. Ang ilan sa mga hayop na maaari mong alagaan ay ang rabbits, zebras, camels, at marami pang iba. Bukod sa mga gulay, maaari ka ring magtanim ng prutas at magbenta ng mga karne. Subalit mabubuksan mo lang ang mga item na ito kapag nalagpasan mo na ang maraming levels.

Ang isa pa sa tips na dapat mo ring tandaan sa paglalaro ng Sci Farm: Space Village Life, gaya ng totoong sakahan, kailangan mong maging matiyaga at masipag sa pagtatanim upang marami ka ring aanihin. Kapag marami kang mga gulay at prutas na inani, maaari mo itong pagkakitaan at ibenta sa mga nagnanais na bumili sa iyo. Ang perang iyong mapagbebentahan ay pwede mong gamitin upang palakihin at palawakin ang iyong bukirin. Kung mas malaki ang espasyo ng iyong lugar, maaari kang makapagtanim ng maraming pagkain at makapag-alaga ng mga hayop.

Bukod pa riyan, maaari mo ring pagkakitaan ang iyong mga alagang hayop sa pamamagitan ng DNA extract. May ibang mga manlalarong nais bumili nito kaya naman pinapayagang makapagbenta ng ganitong item. Mayroon ding ibang mga karakter sa laro na makakatulong sa iyong paglalaro ng Sci Farm: Space Village Life katulad ni Bobby. Diskubrehin pa ang laro at buksan ang iba pang features ng Sci Farm: Space Village Life.

Pros at Cons ng Sci Farm: Space Village Life

Para sa Laro Reviews, ang Sci Farm: Space Village Life ay nakalalamang sa ibang simulation games dahil sa mahusay na konsepto ng laro. Hindi lang ito karaniwang farming at city building katulad ng ibang laro dahil nilagyan nila ng bagong ideya ang laro na naka-set sa kalawakan. Isa ito sa ikinaganda ng laro kaya maraming mga manlalaro ang nahihikayat na laruin ito. Madali lang rin ang mechanics at gameplay ng laro kaya mabilis mo itong matututuhan.

Dagdag pa rito, mahusay rin ang kabuuang disenyo at graphics ng laro. Maganda rin ang sound effects at background music na inilapat sa laro. Sigurado akong magugustuhan ito ng kahit na sino lalo na sa mga naghahanap ng magandang libangan at pantanggal ng stress. Libre mo lang ring makukuha ang larong ito sa Google Play Store at sa iyong Personal Computer o PC. Ngunit ang Sci Farm: Space Village Life ay hindi isang offline game gaya ng ibang laro. Kailangan mo ng internet o data connection para makapaglaro nito.

Sumusunod rin ang app na ito sa pamantayan ng data safety ng mga manlalaro. Bagama’t kailangan mong ikonekta ang iyong Google Play Account para makapaglaro nito, ligtas naman ang iyong mga impormasyon dahil nagbigay ang app ng mga tuntunin kung paano nila sinusunod ang data privacy at security. Maaari mo ring ipabura ang iyong user data sa laro kung nais mong tapusin na ang iyong paglalaro ng Sci Farm: Space Village Life.

Sa larong ito, maaari ka ring bumili ng mga in-app product gamit ang totoong pera. Ang mga item na ito ay nagkakahalaga ng ₱80 hanggang ₱5,800 kada item. Subalit pwede mo namang i-disable ang feature na ito at i-off sa iyong setting sa pagbili kung ayaw mong gumastos.

Konklusyon

Sa ngayon, wala pa itong ratings at reviews na naitatala sa Google Play Store. Umabot naman sa mahigit 50,000 downloads ang laro makalipas ang tatlong taon simula nang inilabas ito noong Mayo 2019. Kaya kung gusto mong masubukan ang kanilang bagong updates at malaman ang iba pang impormasyon ng laro, i-download mo na ang Sci Farm: Space Village Life sa iyong device!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...